YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 01, 2014

Byahe ng mga bangka sa Boracay, bumalik na sa normal

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bumalik na sa normal ang byahe ng mga bangka sa Boracay ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Tinanggal na rin kasi ng PAGASA ang signal number 2 sa mga lugar na unang naapektuhan ng bagyong Basyang.

Bagama't kabilang parin sa signal number one ang probinsya ng Aklan.

Kinumpirma naman ng mga ito bandang alas dose kaninang tanghali na maaari nang bumiyahe ulit ang mga nasabing sasakyang pandagat.

Sa ngayon nasa 55 kilometro bawat oras na lamang ang lakas ng bagyo at natukoy ang sentro nito bago magtanghali sa layong 339 kilometro sa hilagang silangan ng Puerto Princesa City.

Nabatid na humina na ang bagyo habang unti-unting papalayo sa Visayas papunta sa West Philippine Sea.

LGU Malay at Jetty Port Administration, patuloy ang pag-agapay sa mga stranded na pasahero

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ang pag-agapay ng LGU Malay at Jetty Port Administration sa mga na-stranded na pasahero sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Ito'y sa kabila parin ng epekto ng bagyong Basyang na kung saan isinailalim sa signal number 2 ang lalawigan ng Aklan.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port.

Patuloy ang kanilang pagbibigay ng pagkain sa mga pasahero na karamihan ay kahapon pa na-stranded sa nasabing pantalan.

Sa ngayon umano ay hindi na rin nadadagdagan ang mga pasaherong na-stranded sa kabila ng kanilang panawagan sa mga transports group sa bayan ng Kalibo na ihinto muna ang pagdadala ng pasahero na pupuntang Boracay.

Dagdag pa ni  Pontero marami ring mga bus ang stranded na sakay sana ng Roro Vessel papuntang Mindoro at Batanggas.

Samantala sa Cagban Jetty Port ay may mga pasahero ring na-stranded na kahapon pa naka-check out sa kanilang mga hotel na tinutuluyan sa isla ng Boracay.

Sa ngayon hindi pa rin nakakabalik sa normal ang biyahe ng mga bangka sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Kauna-unahang SOPA ni Aklan Governor Miraflores, inaabangan na ng probinsya ng Aklan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaabangan na ng buong probinsya ng Aklan ang kauna-unahang State of the Province Address o SOPA ni Governor Florencio Miraflores.

Sa ikalimang regular session ng Sangguniang Panlalawigan sa Pebrero a-singko dito ide-deliver ng governor ang kaniyang SOPA.

Sa session, inaasahan naman na i-prepresinta ng governador ang kaniyang ipinanukalang mga programa, mga polisiya at mga proyekto para sa mga mamamayan.

Ihahayag din dito ni Miraflores ang kaniyang mga nagawa sa kaniyang administrasyon noong nakaraang taong 2013.

Ang Session at SOPA ay magsisimula alas-nueve emedya ng umaga sa Pebrero a-singko sa Sangguniang Panlalawigan Session hall sa Aklan Provincial Capitol.

Si Miraflores ay na halal nitong nakaraang National election matapos ang kaniyang naging termino bilang Congressman ng probinsya ng Aklan.

Daang-daang pasahero stranded sa Caticlan at Cagban Jetty Port dahil sa bagyong basyang

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Stranded parin ang daan-daang pasahero sa Caticlan at Cagban Jetty Port kagabi dahil sa bagyong Basyang na tumama sa probinsya ng Aklan.

Bandang alas-5 kahapon ng hapon ng kinansila ng Philippine Coastguard o PCG at ng Jetty Port Administration ang biyahe ng mga bangka pabalik at papuntang isla ng Boracay.

Nanawagan naman si DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, sa mga resort at hotel management na kung maaari ay huwang nilang hayaang makaalis ang kanilang mga guest dahil sa nasabing bagyo.

Mismong si Ticar ay na-stranded sa Caticlan Jetty Port kagabi kasama ang maraming guest na tatawid sana papuntang Boracay.

Nilinaw naman ng PCG na hanggat hindi nawawala ang signal ng bagyo sa probinsya ay hindi nila hahayaang may mag-biyahe na mga bangka sa karagatan.

Sa ngayohn nakataas parin ang public storm warning signal number 2 sa Northern Palawan, Calamian Group of Islands, Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Oriental, Negros Occidental at Cebu.

Umiiral naman ang signal number 1 sa mga lalawigan ng nalalabing bahagi ng Palawan, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Masbate, Bohol, Leyte, Camotes Island, Biliran Province, Siquijor, Misamis Occidental at Zamboanga del Norte.

Kasunod nito, nagbabala ang Pagasa sa mga residente na nakatira sa mabababang lugar at malapit na bundok na nasa public storm signal warning na mag-ingat sa posibleng landslide at flashfloods.

Publiko sa Boracay, pinag-iingat ng BFP sa paggamit ng electric rice cooker at heater para iwas sunog

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinag-iingat ngayon ng BFP ang publiko sa Boracay sa paggamit ng electric rice cooker at heater.

Ito’y may kaugnay sa halos magkasunod na sunog sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Enero, kung saan napabayaang electric appliances ang isa sa itinuturong dahilan.

Ayon kay FO3 Franklin Arobang ng BFP o Bureau of Fire Protection Boracay, maaaring pagmulan ng sunog ang mga nasabing kasangkapan kapag napabayaan.

Inihalimbawa ni arobang ang heater na maaaring pagmulan ng sunog, kung saan posible umano itong bumaga kapag naubusan ng tubig.

Samantala, maaari din umanong pagmulan ng sunog ang rice cooker kapag napabayaang nakasaksak. 

Kaugnay nito, muling iginiit ng Bureau of Fire na tanggalin sa pagkakasaksak ang anumang electrical appliances kapag hindi na ginagamit upang makaiwas sa sunog.

Nabatid na karamihan sa mga nagtatrabaho dito sa isla ang gumagamit ng electric rice cooker at heater.

Friday, January 31, 2014

Dalawang Russian National sa Boracay, nabiktima ng snatcher, suspek, minor de edad?

Ni Bert Dalida Yes FM Boracay

Kung umiyak ang mga estudyanteng Korean Nationals matapos pagnakawan ng isang illegal na tour guide sa Boracay nitong Lunes.

Umiyak din ang isang Russian National sa isla matapos umanong mabiktima ng snatcher.

Dakung alas 3:30 umano ng madaling araw kanina habang naglalakad ito at ang kanyang kasama sa beach front malapit sa Ambassador Resort nang bigla na lamang may umagaw sa kanyang bag.

Nakilala sa report ng Boracay PNP ang biktimang inagawan ng bag na si Irina Lysenko at ang kasama nitong si Myltseva Ekaterina.

Ikinuwento ni Irina sa mga taga Boracay PNP na tinangay ng umano’y maliit na lalaki ang kanyang bag na naglalaman ng IPhone 5S, ID at 300 US Dollars.

Kasama din sa tinangay ng suspek ang Samsung Galaxy S3 ni Myltseva na nakalagay sa bag ni Irina.

Samantala, aminado ang mga biktima na madilim ang pinangyarihan ng insidente, kung kaya’t hinala ng mga ito na isang minor de edad ang snatcher.

Pawang babae ang mga nasabing biktima.

PCG, inabisuhan ang mga residente na bibiyahe sa Boracay hinggil sa bagyong Basyang

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inabisuhan ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) Boracay ang mga bibiyahe sa isla ng Boracay hinggil sa bagyong Basyang.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Asst. Commander Roque Borja.

Ito’y matapos mapabilang ang probinsya ng Aklan sa mga isinailalim sa Storm Signal No. 1.

Base kasi sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Association (PAGASA) nakataas na ang signal number 1 sa Visayas, kabilang na ang:

Masbate, Cuyo Island, Northern Samar, Biliran Is., Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Misamis Oriental, Misamis Occidental, rest of Agusan del Norte, rest of Surigao del Sur, Agusan del Sur, Northern part of Bukidnon at Zamboanga del Norte.

Aniya, anumang oras ay maaari umanong magkansela ng byahe sa mga sasakyang pandagat ang PCG sakaling isailalim man ito sa signal no. 2.

Samantala, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 kilometro sa silangan hilangang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Umuusad ang bagyo sa bilis na 30 kilometro sa direksyon na pakanluran.

Inaasahan naman na mamayang gabi o bukas ng madaling araw ay tatama na sa kalupaan ang sentro ng bagyo.

Sa ngayon, pinapayuhan ng PCG ang mga residente na dapat manatiling nakatutok sa telebisyon at radyo para sa mga update at sitwasyon ng bagyo.

Mga turista enjoy sa magarbong pagsalubong ng Chinese New Year sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nag-enjoy sa magarbong pagsalubong ng Chinese New Year ang mga turista sa isla ng Boracay.

Kung saan ibat-ibang gimik at pakulo ang ginawa ng ilang mga resort owners sa isla lalo na sa area ng front beach para sa mas-masayang pagsalubong ng bagong taon.

Pagsapit ng alas-dose ng hating-gabi ay sabay-sabay na sinindihan ng ibat-ibang establisyemento ang kanilang mga magarbong fireworks display at mga paputok sa dagat sakay ng mga bangka malapit sa front beach.

Halos umabot ng dalawangpung minutong walang tigil na paputok ng fireworks ang bumuhay sa madilim na kalangitan.

Kasabay nito tuwang-tuwa ang mga turistang nanunuod at nakisaya sa Chinese New Year lalo na ang mga Tsinoy maging ang mga Korean tourist at local tourist.

Samantala, wala namang naitalang malaking insidente ang Boracay PNP na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Nabatid na ang isla ng Boracay ay taun-taong nagdiriwang ng Chinese New Year bilang pagpapakita ng suporta sa mga turistang Tsinoy at bilang pandagdag atraksyon sa isla.

Chinese New Year sa Boracay, sinabayan ng sunog

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Batian ng Kung Hei Fat Choi o Happy New Year sa beach front ng Boracay.

Magkahalong takot at lungkot naman ang sa mga residente ng Sitio Ambolong Manoc-manoc dahil sa sunog.

Ito ang magkaibang eksina kaninang madaling araw na kaagad nag-trending sa mga netizens sa isla.

Sinabayan kasi ng sunog ang pagdiriwang ng Chinese New Year dito sa Boracay.

Ayon sa report, tatlong kabahayan sa mainroad ng Sitio Ambolong ang nasunog, kung saan isa ang totally damage.

Samantala, kung gaano kabilis ang paglaki ng apoy dahil sa malakas na hangin.

Ganon din kabilis ang pagpuksa ng apoy ng mga rumespondeng bombero ng Bureau of Fire Boracay at iba pang miyembro ng BAG o Boracay Action Group.

Patuloy namang inaalam ng mga taga Bureau of Fire Boracay ang pinagmulan ng apoy, at ang halaga ng pinsalang idinulot ng nasabing sunog.

Gawa sa mixed materials ang mga nasunog na bahay.

Mga kabataang namamalimos ng pagkain sa mga restaurant, ginagawan na ng paraan ng DOT

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Gumagawa na ng paraan ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang matugunan ang problema kaugnay sa mga batang namamalimos ng pagkain sa mga restaurant sa isla.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge ArtermioTim” Ticar, kasalukuyan na nilang ng pinag-uusapan kasama ng mga taga Lokal na pamahalaan ng Malay, Department of Social Worker and Development (DSWD), at maging ng mga taga human rights ang naturang suliranin.

Eye-sore na kasi talagang maituturing ang mga kabataang nasa edad trese hanggang katorse anyos ang pagala-gala sa mga restaurant sa isla at namamalimos ng pagkain sa mga turistang kumakain dito.

Maging ang mga tira-tirang pagkain ng mga turista ay kanila ding hinihingi.

Bagay na nagtatanong tuloy ang ating mga kababayan kung ano ang ginagawang hakbang ng mga kinauukulan tungkol dito.

Samantala, bagama’t hindi naman umano nagpapabaya ang DOT tungkol dito.

Aminado naman si Ticar na maging ang DSWD ay hirap din na ma-control ang mga batang namamalimos ng pagkain.

Kapag nahuli umano ang mga ito ay agad ding pinapakawalan dahil sa menor de edad ang mga ito.

Kaugnay nito, pinapayuhan ni Ticar ang mga may-ari o namamahala sa mga restaurant na kung may makita silang mga kabataang namamalimos ay paalisin na lamang nila, o di kaya’y huwag papasukin sa kanilang restaurant.

Thursday, January 30, 2014

Mga K9 Dogs sa Caticlan Jetty Port, wala pang planong dagdagan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Wala pa umanong planong dagdagan ang mga K9 dogs sa Caticlan Jetty Port.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Caticlan Detachment Chief Petty Officer Pedro Taganos.

Pag-uusapan pa lamang kung kailangan ang karagdagang mga K9 Dogs sa nasabing port bilang bahagi ng public safety measures ng Philippine Coast Guard.

Ang mga K9 Dogs o tinatawag ding police dog, ay ang mga asong sinanay upang maging katuwang ng mga pulis at iba pang law enforcers sa kanilang trabaho kaugnay sa seguridad halimbawa sa mga airport o mga pier.

Ginagamit din ang mga ito upang ma-detect o matiktikan ang ipinagbabawal na droga.

Matatandaan na nitong mga nagdaang araw ay halos sunod-sunod ang matagumpay na operasyon ng mga kapulisan laban sa illegal na droga sa isla.

Nabatid na sa ngayon ay may dalawang K9 Dogs ang PCG.

Ikalawang ocular inspection sa Boracay kaugnay sa APEC 2015, sa susunod na linggo na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sa susunod na linggo na gaganapin ang ikalawang ocular inspection sa Boracay bilang paghahanda sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) 2015.

Kaugnay nito, nagpatawag ng isang pagpupulong si Malay Mayor John Yap sa lahat ng mga LGU Department Heads, Organization Groups, at Establishment Managers para mapag-usapan ang mga preparasyon sa nasabing ocular visit.

Sa Pebrero 3 kasi darating ang ocular team sa isla na pangungunahan ni Deputy General for Conference Management and Services Ambassador Ma. Angelina E. Sta. Catalina.

Ilan sa mga nakatakdang pag-usapan sa nasabing pagpupulong ang hosting capabilities ng Boracay at ang seguridad ng mga partisipante ng APEC.

Nabatid na isinama ng Office of the President para sa Philippine APEC Hosting ang bayan ng Malay kung kaya’t puspusan na rin itong pinaghahandaan ngayon ng lokal na pamahalaan dito.

Mga gumagawa ng Sand Castle sa Boracay, nakatakdang ipatawag ng MAP

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dahil sa hindi parin mapigilan ang paggawa ng Sand Castle sa Boracay, nakatakda ng ipatawag ng Municipal Auxiliary Police (MAP) ang mga batang gumagawa nito.

Ayon sa MAP, maaaring pati ang mga magulang ng mga batang gumagawa ng nasabing gawain ay posibleng ipatawag ng kanilang opisina.

Batay sa Municipal Ordinance No. 264, series of 2007 ng LGU Malay mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa ng sand castle sa isla ng Boracay.

Nakasaad rin sa ordinansang ito na maaaring pahintulutan ang paggawa ng sand castle kung ito’y para sa promotional o special event ngunit kinakailangan parin na makakuha sila ng kaukulang Mayor’s permit at may nakalaan ding bayad para dito.

Nabanggit din sa nasabing ordinansa na maaaring magbayad ng 2,000.00 ang mga violators na gagawa ng sand castle.

Iginiit naman ng MAP na isa ito sa kanilang pag-tutuunan ng pansin ngayon para masugpo na ang mga gumagawa nito.

Mga turista sa Boracay, inaabangan na ang pagsalubong ng Chinese New Year mamayang hating gabi

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaabangan na ng mga turista ang pagsalubong ng Chinese new Year sa isla ng Boracay mamayang hating gabi.

Karamihan sa mga ito ay mga Taiwanese at Chinese Tourist na mas piniling dito sa Boracay salubungin ang Chinese New Year.

Pati ang ibang turista mula sa ibat-ibang bansa ay dumagsa na rin sa Boracay para saksihan ang pagsalubong sa selebrasyon.

Kaugnay nito, ibat-ibang gimik naman ang gagawing pagsalubong ng mga establisyemento sa isla kabilang na ang mga hotel, resorts at maging ang mga restaurant sa front beach area.

Makikita na rin sa mga pamilihan sa Boracay ang ibat-ibang bagay na pampasuwerte kagaya ng mga palamuti sa bahay.

Hindi rin ng papahuli ang mga bilog na prutas na isa sa mga simbolo ng Chinese New Year gayon din ang mga malalagkit na pagkain katulad ng sikat na Tikoy.

Matatandaang sinabi ni DOT Officer In-charge Tim Ticar, na inulan sila ng sulat mula sa mga Foreign Tour guides payagan sila na makapunta sa Boracay para magdala ng mga turista na sasalubong ng Chinese New Year sa isla.

Nabatid na ipinagbabawal ang mga foreign tour guides sa Boracay na walang permit mula sa LGU Malay.

Samantala, isa sa mga inaabangan sa Boracay ngayong Chinese New Year ay ang pabungahan ng mga fireworks display sa pagsalubong ng bagong taon.

Wednesday, January 29, 2014

MTOur naglaan ng lugar para sa marketing and selling ng Sea and Water Sports Activities sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naglaan ngayon ng lugar ang Malay Tourism Office (MTOur) para sa marketing and selling ng Sea and Water Sports Activities.

Ayon kay LGU Malay Chief Tourism Operations Officer Felix delos Santos Jr.

Ito’y para hindi na rin umano mahirapan ang mga turista sa isla sakaling nais nilang magkaroon ng mga Sea and Water Sports Activities.

Nabatid na ang mga lugar na inilaan para sa marketing at selling para sa Sea and Water Sports Activities ay sa Station 1 at Station 3 ng isla, kung saan doon karaniwang ginagawa ang mga Sea and Water Sports.

Samantala, layunin naman ng MTOur na maging organisado at magkaroon ng standard na pamamalakad ng mga nasabing aktibidad sa Boracay, lalo pa’t marami nang mga malalakihang aktibidad ang ginaganap rito.

Lolo kalaboso, matapos mahulihan ng patalim sa isang videoke bar sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kalaboso ang isang 68 anyos na lolo matapos mahulihan ng patalim sa isang videoke bar sa isla ng Boracay kagabi.

Nakilala ang suspek kay Alvaro Bajar ng So. Cagban, Brgy. Manoc-manoc Boracay.

Ayon sa report ng Boracay Tourist Assistance Center, nasa impluwensiya ng alak ang matanda nang pumasok sa nasabing videoke bar kung saan nakita umanong nakasukbit ang 12 pulgadang patalim sa kanyang gilid.

Sinasabing nag-panic ang ilang mga staffs at costumer sa nasabing lugar at agad na tumawag ng mga pulis.

Samantala, nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 o batas na nagbabawal sa pagdala ng anumang matalim na bagay sa labas ng bahay katulad ng kutsilyo.

Babae, nahulihan ng shabu sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang babae ang nahulihan ng shabu sa isla ng Boracay.

Sa isinagawang buy bust operation ng Provincial Anti Illegal Drug Special Operations Task Group (PAIDSOTG), Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), at sa kooperasyon ng PDEA nitong Linggo ng gabi So. Cagban, Brgy. Manoc-Manoc Boracay.

Arestado ang suspek na nakilala kay Lucy Mae Suarez Labarete alyas “Mae”, 25, ng Negros Occidental.

Nakuha sa suspek ang limang sachet ng shabu, isang libong pisong marked money, cellphone na umano’y naglalaman ng mga text messages para sa transaksyon at ilang mga drug paraphernalia.

Nahaharap naman ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 ang nasabing suspek.