YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 10, 2016

Swimsuit competition ng mga kandidata ng “Mutya it Ati-Atihan 2017”, matutunghayan sa Boracay

Posted December 10, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Matutunghayan ang 16 na mga nag-ga-gandahang mga kandidata ng “Mutya it Kalibo Ati- Atihan 2017” sa kanilang swimsuit competition na gaganapin sa Hennan Group of Resorts sa Boracay Wave Bar Station 2 ngayong alas- otso ng gabi.

Ayon kay Kalibo Ati-Atihan Sto. Niño Foundation, Inc. (KASAFI) Chairman Albert Meñes, maliban sa kompetisyong ito irarampa din ng mga kandidata ang mga obra ng mga top designers magmula sa Iloilo at Aklan.

Dagdag pa ni Meñes, ang final competition umano ay magaganap sa January 6, 2017 sa ABL Sports Complex sa Kalibo kung saan dadaluhan din ng mga artista galing sa isang malaking network.

Ang Ati-Atihan ay isinasagawa tuwing ikatlong linggo sa buwan ng Enero sa Kalibo, na tinatawag na “Mother of All Philippine Festival”.

Pinay Boracay, isinusulong ang organic farming

Posted December 10, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


Organic Farming.

Ito ngayon ang isinusulong ng Pinay Boracay sa kanilang mga miyembro dito sa isla ng Boracay.

Kanina sa programa ng Boracay Good News sa himpilang ito, ipina-abot ni Desiree Segovia, Secretariat/ Founder ng Boracay Women Producers Cooperative sa pamamagitan umano ng kanilang organisasyon ay -abot nila sa pubiko na nais sana nilang maipatupad na maging organic ang mga tao pagdating sa kanilang mga kinakain.

Aniya, sa 90 nilang miyembro bibigyan nila ito ng mga buto o binhi na kanilang itatanim at paparamihin.

Layunin umano nilang i-promote itong proyekto, para ma-educate at mapanatiling organic ang mga miyembro ng kanilang kooperatiba at maipalaam din sa tao ang importansya sa pagtanim at pagkain ng organic.

Nabatid na sila rin umano ay tumutulong sa mga miyembro ng 4P’s o Pantawid Pamilya Pilipino Program upang magkaroon sila ng ideya tungkol dito.

Kaugnay nito, nakatakda din nila umanong ituloy ang paggawa ng shampoo na gawa sa bulaklak na Gumamela.

Korean national, nabiktima ng snatcher sa Boracay

Posted December 10, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for snatching
Nagpasaklolo ang isang Korean national matapos mahablot ang kanyang sling bag habang naglalakad.


Kinilala ang biktima na si Lee Jin Sil, 21- anyos na pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Station 2, Boracay.

Ayon sa salaysay ng biktima, naglalakad di-umano siya kung saan nagulat na lamang ito ng biglang hablutin ng dalawang di kilalang lalaki ang bag nito.

Natangay ng suspek ang kanyang mga importanteng gamit kasama ang pera nitong nagkakahalaga ng 155 US Dollar, apat na libong piso, at 50, 000 Korean won.

Sinubukang habulin ng tour guide ni Sil ang mga suspek ngunit hindi na niya ito naabutan.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulisya sa nasabing pangyayari.

Lalaking nakikipag- inuman, nasaksak sa Boracay

Posted December 10, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for stabbingIsang reklamo ang idinulog sa Boracay PNP, matapos na mauwi ang inuman sa saksakan sa Sitio Diniwid, Brgy. Balabag, Boracay kahapon ng hapon.

Base sa report ng Boracay PNP, nakilala ang biktima na si Gilbert Dela Cruz, 33- anyos, tubong Roxas, Capiz habang ang suspek ay nakilala kay Jovan Aduana Lacson alyas “ Papa” tubong Negros Occidental.

Nabatid na nagkikipag- inuman umano ang biktima kasama pa ang ibang katrabaho nito ng dumating ang suspek kung saan inalok ng tagay ni Dela Cruz si alyas “ Papa” subalit tinanggihan niya ito.

Dagdag pa sa salaysay ng mga kainuman nila, tinitigan daw ng suspek si Dela Cruz at sa di malamang dahilan bigla na lamang hinila ni Lacson ng balikat nito at ini-angat kasabay ng pagsaksak dito gamit ang dalang kutsilyo.

Matapos ang krimen, agad umanong tumakbo ang suspek palayo bitbit ang ginamit nitong panaksak.

Dahil dito, agad isinugod sa Alert Medical Center ang biktima kung saan nagtamo ito ng saksak sa kanyang dibdib at kaliwang braso.

Subalit kalaunan ay ini-refer din sa isang ospital sa Kalibo.


Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang manhunt operation ng Boracay PNP para sa pag-aresto sa suspek.

Dutch national, nabiktima ng “riding in tandem” sa Boracay

Posted December 10, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for snatchingNanlulumong dumulog sa Boracay PNP ang isang Dutch national matapos tangayin ng riding in tandem ang bitbit nitong bag sa Sitio Bulabog, Brgy. Balabag, Boracay.

Ayon sa salaysay ng biktima na nakilalang si Liesbeth Hassing Jantina, 38- anyos na temporaryong nanunuluyan sa isang hotel sa naturang lugar.

Naglalakad umano ito pauwi sa kanyang tinutuluyan at dahil sa mabaha ang daanan malapit sa tinutuluyan dito minabuti niyang dumaan siya sa mga sandbag na nagsilbing daanan dito.

Dito umano nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na hablutin ang bag niya.

Agad namang humingi ng saklolo ang biktima sa isang pampasaherong traysikel ngunit hindi na nila ito naabutan.

Base sa pagkakalarawan ng biktima, nakasuot ang suspek ng itim na t-shirt at itim na short wala rin umano itong helmet at agad na humarurot sakay ang isang motorsiklo na minamaneho rin ng isa pang lalaki.

Mabilis umano ang pagpapatakbo ng nasabing motorsiklo papunta sa direksyon ng 24/7 kung saan dala-dala ang gamit ng biktima na naglalaman ng iPhone 5s, credit cards, camera at perang nagkakahalaga ng anim na libong piso at susi ng hotel na tinutuluyan nito.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang follow – up operation ng Boracay PNP hinggil sa nasabing kaso.



Mga residente sa Bakhao, Norte sa Kalibo, nag-apela ng pagtutol sa dredging operation sa Aklan river

Posted December 10, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay
Nag-apela ngayon ng pagtutol ang mga residente sa Bakhao, Norte sa Kalibo kaugnay sa dredging operation ng STL Panay Resources Co. Ltd.

Nabatid na nagsagawa ng survey ang grupo ng mga taga- STL para maumpisahan na ang naturang proyekto.

Ayon naman kay Punong Barangay Maribeth Cual ng nasabing barangay, nag- aalburoto na di- umano ang mga nakatira sa lugar na ito dahil sa mga nakikita nilang operasyon dito.

Naniniwala din si Kapitan Cual na may malaking epekto sa mga residente ang nasabing dredging operation.

Sa ngayon, bantay sarado ng mga residente ang nasabing lugar para hindi maumpisahan ang nabanggit na proyekto.

Samantala, ayon naman kay dating Banga Mayor Antong Maming, makaka- benepisyo umano ang lahat ng mga Brgy. na nasa paligid ng Aklan river, isa na nga umano dito ay ang maiwasan ang posibleng pagbaha sa lugar.

Sinabi pa nito na hindi lang umano naintindihan ng mga residente ang proyekto kung kaya’t malaki ang kanilang pagtutol sa operasyon dito.


Friday, December 09, 2016

Boracay, magkakaroon ng Power Interruption

Posted December 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for power interruptionMagkakaroon ng power interruption ang isla ng Boracay.

Sa power advisory ng Aklan Electric Cooperative, Incorporated o AKELCO, magkakaroon ng brown out sa magkaka-ibang lugar sa Boracay na magsisimula sa petsa-11 at 14 ng Disyembre.

Nabatid na magsisismula ang power interruption ng alas-8 ng  umaga hanggang alas-5 ng hapon kung saan ang apektadong lugar dito ay sa Angol Line Pt. Coco Loco, Villa Carmela, Tree House, Angol Plaza, Angol Beach Area habang sa ala-una naman hanggang alas-singko ng hapon ay sa Sitio Cagban.

Samantala, sa Disyembre 14 alas-8 ng umaga hanggang alas- singko ng hapon ay walang suplay ng kuryente ang porsyon ng station 2 kasama dito ang Boracay PNP, La Carmela, Pinjalo, Canyon De Boracay, St. Vincent.

Nabatid na ang mga nakatakdang power interruption ay dahil sa mga gagawing line clearing, relocation of poles at reductoring of primary lines ng AKELCO.

Kaugnay nito, ipinapa-abot naman ng AKELCO sa mga residenteng maapektuhan ng brownout na maghanda at i-charge agad ang mga baterya ng kanilang mga kagamitan.

SB-Malay, may paalala sa mga Suppliers ng E-trike sa Boracay kaugnay sa kanilang serbisyo

Posted December 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona,YES FM Boracay

Pina-alalahanan ngayon sa Sangguniang Bayan ng Malay ang mga suppliers ng Electric Tricycles o E-trike sa isla ng Boracay. Ito’y may kaugnayan sa kanilang serbisyong ibinibigay sa mga nag-o-operate nito.

Nabatid na ito ang naging laman ng Privilege Speech ni SB Dante Pagsuguiron sa ginanap na 20th Regular Session ng Malay nitong Martes, kung saan isang sulat ang ipina-abot sa kanya ng mga driver- operators ng E-trike hinggil sa kanilang mga hinaing kaugnay sa kanilang paggamit nito.

Sa nasabing session, maliban sa Gerweiss Motors, naging bisita ang Be-Mac, Tojo, at Prozza Hirose, upang pag-usapan ang naturang problema, at dito nga ay inisa-isa naman silang tinanong kung ano ang kanilang ginagawang aksyon kaugnay sa naturang reklamo.

Samu’t-saring reaksyon naman ang ibinahagi ng mga komite sa sesyon kung saan sinabi ni Vice Mayor Abram Sualog sa mga suppliers na huwag umano silang magtaas ng magtaas ng kanilang presyo dahil nahihirapan umano ang mga operators na magbayad ng kanilang kinuhang E-trike, lalo pa’t nadadagdagan pa ang kanilang gastos dito dahil narin sa isang problema sa kanilang mga baterya.

Kaugnay nito, kung sino umano ang hindi sumunod sa kanilang patakaran na within 6 months dapat maayos na ang kanilang pag-operate dito sa isla ay hindi na umano ito ire-rekomenda ng SB Malay.

Nabatid kasi na nakapaloob sa Resolution No. 074, ang ordinansa na ang lahat ng mga magpapalit ng kanilang franchise ay ni-re-required ng kumuha ng Electric Tricycle (E-trike) pampalit sa kanilang pinapasadang tricycle sa isla.

Mga Aklanon, inimbitahang makilahok sa kasiyahan sa kapaskuhan para sa kabataan

Posted December 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Ini-imbitahan ngayon ni Governor Florencio Miraflores at Bise Gobernador Reynaldo Quimpo ang lahat ng mga Aklanon na makilahok sa gaganaping week-long activity para sa “Kasiyahan sa Kabataan para sa Kabataan” sa Goding Ramos Park, Provincial Capitol Grounds.

Ito umanong aktibidad ay nakatakdang magsimula sa Disyembre katorse sa ala-sais ng gabi na sisimulan ng Student’s Night kung saan ang mga batang Aklanon singers at dancers ay bibigyan ng pagkakataon na makilahok sa national at international na kumpetisyon para sa performing arts, at kasabay nito ay magkakaroon din ng motor-car show  sa naturang lugar.

Nabatid na itong limang araw na event ng Musika Kabataan na itatampok ay lalahukan ng mga kabataan na may banda at mga solo performers kasama na ang sikat na youtube sensation na si Emmanuel “Ipo” Belarmino.

Kaugnay nito, ina-anyayahan naman ang mga kabataan sa probinsya na makilahok sa naturang aktibidad.

Thursday, December 08, 2016

Habal – habal driver sa isla ng Boracay, sugatan matapos masaksak ang sarili

Posted December 9, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for stabbing
Dinala na sa isang ospital sa Kalibo ang isang habal- habal driver matapos na hindi sinasadyang masaksak ang sarili.


Nakatanggap ng tawag ang Boracay PNP kahapon ng umaga, ng mag-report ang isang staff ng Metropolitan Doctors Medical Clinics na may isang saksakan umanong nangyari sa E-mall, Brgy. Manoc- Manoc, Boracay kung saan ang biktima ay dinala sa kanilang klinika.

Kinilala ang biktima na si Jun Jun Bawisan Diquit, 32- anyos, temporaryong nanunuluyan sa Sitio Tulubhan, Manoc- manoc.

Nabatid na bago ang insidente, nauna nang nagkaroon ng diskusyon  sa pagitan ng biktima at ng kapwa nito habal-habal driver sa nasabing lugar kung saan tinangka umano ni Diquit na saksakin ang suspek na kinilalang si Leonard Igat Cabesilla, 23- anyos na residente ng Sitio Tulubhan, Brgy. Manoc- manoc, ngunit hindi niya ito tinamaan.

At sa muling pagkikita ng dalawa sa E-mall, nagkaroon ulit ang mga ito ng konprontasyon na nauwi na sa gulo kung saan may dala ang suspek na screwdriver habang ang biktima naman ay may dalang kutsilyo.

Batay sa Police report, tinangka umanong saksakin ng biktima ang suspek subalit napansin ito ni Cabesilla kung kaya’t tinapik nito ang kutsilyo pabalik sa kanya at sa kasawiang palad, ang planong pagsaksak sa suspek ay naisaksak niya mismo sa kanyang sarili.

Dahil dito nagtamo si Diquit ng tama sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.

Agad namang itong isinugod sa klinika ngunit ini-refer din sa ospital sa bayan ng Kalibo.

Dahil sa pangyayari, ikinostudiya ng mga pulis si Cabesilla, para sa imbestigasyon sa nasabing  pangyayari.

Problema sa mga pasaway na trike-drivers, pinag-usapan sa SB Malay

Posted December 8, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Pinuna nitong Martes sa Sangguniang Bayan ng Malay ni SB Nenette Aguirre-Graf ang usapin tungkol sa mga traysikel drayber na hindi umano nagpapasakay ng pasahero sa isla ng Boracay.

Aniya, dapat tuldukan na itong reklamo dahil ilang taon na umano ang nakalipas ay hindi parin na papatawan ang mga nagkakasala dito.

Nabatid na meron umanong natanggap na reklamo magmula sa Civil Service Commission patungkol naman sa reklamo na overpricing ng mga tricycle driver.

Ayon naman kay SB Floribar Bautista, na dapat umano ang opisina ng transportation office ay sa isla ng Boracay at hindi dapat sa Mainland ng Malay.

Nabatid na itong usapin ay matagal ng reklamo ng mga residente kung saan sinasabi ng mga ito na namimili umano ang mga tricycle driver ng pasahero na kanilang isasakay.

Kung matatandaan meron na umanong ordinanasa ang Municipal Auxiliary Police (MAP) na huhulihin ang tricycle driver na hindi nagpapasakay ng pasahero kung saan dapat umanong kunin ang body number o plate number ng sasakyan ng pasahero na hindi pinasakay at isumbong sa mga kinauukulan.

Kaugnay nito nakatakdang ipatawag sa susunod na sesyon ang opisina ng BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative, Municipal Auxiliary Police (MAP) at Transportation Office.

SB planong maglabas ng Seasports Activity Moratorium

Posted December 8, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

“Moratorium” 

Ito ngayon ang isang paraan na nakikita ni Sangguniang Bayan ng Malay Committee on Laws, Rules and Ordinances Jupiter Gallenero para matulungan ang mga negosyante ng water sports activity sa isla ng Boracay.

Sa naging Privilege Speech kahapon  21st Regular Session ng Malay ni Gallenero , ipinunto ng konsehal ang iba’t-ibang presyo na ino-offer ng mga Commissioner sa mga turista dahilan kung bakit nagkaka-problema ang mga water sports activity.

Ayon kay Gallenero, nais niyang ipaabot sa mga may-ari ng mga sea sports activity na sila ay gumagawa ng paraan para maresolba ang naturang problema.

Aniya, nais niyang maglagay ng table kung saan ito ang magsisilbing ticketing booth na ilalagay sa Station 1 at Station 3 na siyang pupuntahan ng mga turista para sa kanilang kukuning sea sports activity.

Nabatid na meron umanong walong miyembro ng asosasyon ang sea sports activity sa isla kung saan meron pa umanong gustong mag-apply at mag-operate dito subalit sinabi ni Gallenero na huwag muna itong payagan para maayos ang problema dito.

Image result for moratoriumDahil dito, nakatakda umano silang maghain ng moratorium sa lahat ng papasok na bagong aplikante para dito.

Saad naman ni SB Frolibar Bautista, ang nakikita umano  paraan para dito ay ang paglalagay ng opisina hindi lamang para sa checking kundi para din ma-monitor ang mga watersports activities. Dahil kahit may moratorium umano kailangan pa rin ng opisina.

Samantala, ayon naman kay Vice Mayor Abram Sualog, ang nasabing isyu ay nakatakda ng pag-usapan kung saan sinabi nito na maganda umano ang naisip ni Gallenero na magkaroon ng moratorium at pag-amyenda nito.


Nabatid na meron nang resulosyon ang SB-Malay subalit kinakailangan pang magpasa ng listahan ng mga kagamitan ng kanilang mga units sa operasyon upang kanila itong maisyuhan ng moratorium.