YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 21, 2014

Ibat-ibang mga restaurant sa Kalibo, lumahok sa 19th Kalibo Food and Music Festival

Posted June 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Lumahok ang ibat-ibang restaurant sa bayan ng Kalibo para sa 19th Kalibo Food and Music Festival na ginanap nitong Miyerkules hanggang sa Lunes (June 23, 2014).

Ang selebrasyon ay nagtatampok sa mga local cuisine at musika bilang pagkilala sa kanilang mahal na patron Saint, John the Baptist o San Juan de Bautista.

Ito ay inorganisa ng municipal government sa pakikipagtulangan sa Kalibo Ati-Atihan Tourism Council.

Nabatid na nagsimula pa ang nasabing event noong 1995 bilang “Kalibo Food Festival sa Kalye” na ginaganap sa S. Martelino Street malapit sa Kalibo Pastrana Park.

Tampok din dito ang masarap na kainan at inuman mula sa mga kalahok na restaurants at bars habang meron namang banda at disk Jockey na mag e-entertain sa mga manunuod.

Samantala, ito naman ay ginaganap sa Kalibo Magsaysay Park kung saan nagsisimula ito alas-singko ng hapon hanggang sa magdamag.

Ang weeklong celebration ay isa rin sa pagpapakita ng pagkakataon sa tradisyonal sa pagluluto at musika sa mga turista at sa mga bisita na dumadayo sa bayan ng Kalibo.

Pagtaas ng presyo ng bawang, ramdam na rin sa isla ng Boracay

Posted June 21, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Ramdam na rin ngayon ang pagtaas ng presyo ng bawang sa isla ng Boracay.

Kaya naman tipid-tipid muna sa paggamit ng bawang ang mga paluto o ang mga restaurants na tumatanggap ng cocking service.

Katunayan, ayon sa isang kusinero ng cocking service sa D’Talipapa Boracay, mahigit isang kilo na lang ang bina budget nilang bawang kumpara noong mura pa ang kilo nito na umaabot sa mahigit dalawang kilo.

Talaga umano kasing kailangan nila ng bawang para sa kanilang mga nilulutong butter garlic rice, butter garlic shrimps, butter garlic crabs at iba pang lutong ginigisa, na sadyang patok sa mga turista.

Samantala, kinumpirma din ng ilang whole seller/retailer sa isla na apektado din ang pagbibenta nila ng bawang sa mga suki nilang cocking service restaurants.

Wala din umano kasi silang magagawa kungdi ang ibenta ito ng 15 pesos ang isang buong piraso ng bawang, habang 280 pesos naman ang 1 kilo.

Kaya’t pareho nilang payo sa mga mamimili, hinay-hinay lang sa paggamit ng bawang lalo pa’t mataas parin ang presyo nito.

Kinumpirma naman ng Department of Agriculture na kaya nagmahal ang presyo ng bawang dahil sa kakaunting suplay nito mula sa mga local farmers ng bansa.

APPO, nakahanda na sa nalalapit na kapistahan ni San Juan Bautista sa Aklan

Posted June 21, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakahanda na umano ang Aklan Police Provincial Office (APPO) para sa nalalapit na selebrasyon ng kapistahan ni San Juan Bautista sa probinsya.

Ayon sa APPO, nakatakda silang magpakalat ng mga pulis sa mga baybayin ng probinsya at makikipag-ugnayan rin umano sa mga kasapi ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ito’y upang maiwasan ang insidente hindi lamang tungkol sa pagkalunod kundi pati na rin ng iba’t-ibang klaseng krimen tulad ng nakawan lalo na sa isla ng Boracay na karaniwang dinadayo ng mga bisita.

Samantala, ang kapistahan ni San Juan Bautista ay ipinagdiriwang naman tuwing ika-24 ng Hunyo.

Ito’y bilang paggunita sa santong nagbinyag kay Hesus na sinisimbulo ang "paglilinis" at paghahanda sa pagdating ni Hesus sa pamamagitan ng pagbinyang gamit ang tubig.

Nabatid na si Juan Bautista ang nag-iisang santo kung saan ang kaniyang kapanganakan ang ginugunita.

Hindi rehistradong island hopping activity sa Boracay, inreklamo ng ilang turista

Posted June 21, 2014
Ni Jay-ar  M. Arante, YES FM Boracay
www.Google.com

Inireklamo ng isang grupong turista sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang hindi rehistradong island hopping activity sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos silang mabiktima ng isang commissioner kung saan niyaya silang mag-island hopping sa halagang P3,000.00 para sa labindalawang katao kabilang na ang registrations, life vest at sampung snorkeling gadgets.

www.boracay-activities.ph
Nabatid na pumayag naman umano ang mga ito kung saan bago sinimulan ang nasabing aktibidad ay binigyan sila ng limang snorkeling gadgets.

Ngunit itong nagrereklamong sina Marilyn Santiago, 58-anyos ng Sta. Rosa Nueva Ecija at si Mary Jane Pantaleon ng Cabanatuan City Nueva Ecija kabilang ang ilan pa nilang kasama ay nagtataka kung bakit limang snorkeling gadgets lang ang ibinagay sa kanila.

Habang nagpapatuloy naman ang island hopping ay biglang nagkaroon ng problema ang engine ng bangka kung saan ang boat captain ay nagpasyang dumaong nalang pabalik.

Dito na rin umano sila nainis at hiningi ang refund ng hindi natapos na activity dahil sa isat kalahating oras lamang ang kanilang na consumed.

Nadiskobrehan din ng mga ito na hindi pala properly registered sa Boracay Island Hopping Association (BIHA) ang island hopping na kanilang pinagkatiwalaan.

Sa kabilang banda inamin naman nitong si Don-Don Reyes, 34-anyos ng Batan, Aklan na siya’y hindi rehistradong commissioner kung saan binalik naman nito ang refund na hinihiling ng mga complainant.

Samantala, minabuti naman ng mga ito na idulog sa Lokal na Pamahalaan ng Malay at sa Department of Tourism (DOT) ang nasabing problema.

Resolusyon ng PALMT-Boracay kaugnay sa Licensed Massage therapist, pinag-aaralan pa ng LGU Malay

Posted June 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinag-aaralan pa ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang resolusyon na nag-aaproba sa application para sa accreditation ng Licensed Massage Therapist Inc. (PALMT-Boracay.)

Ito’y matapos na nag pababa ang Department of Health (DOH) ng Memorandum Order 312 Series of 2011 na kailangang kumuha ang lahat ng mga masahista ng lisensya.

Sa nakaraang SB Session ng Malay nitong Martes tinalakay rito ang nasabing usapin kung saan kinakailangan umanong ma-regulate ang mga masahista sa isla.

Nabatid na ito ay ay isang mandatory ng DOH, kung saan hindi na maaaring makapag masahi ang isang therapist kung wala itong lisensya.

Sa ngayon kinakailangan pa itong pag-aralan ng LGU Malay kung saan handa naman umano silang suportahan ang nasabing resolusyon para na rin sa kapakanan ng mga masahista sa Boracay.

Napag-alaman na mahigit dalawang Massage Therapist na ngayon sa isla ang nakapasa sa isinagawang written examination ng DOH.

Isumbong ang mga E-Trike drivers na nag-o-over charge ng pamasahe - Pagsuguiron

Posted June 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isumbong ang mga E-Trike drivers na nag-o-over charge ng pamasahe.

Ito ngayon ang payo ni E-Trike Program In Charge Dante Pagsugiron hinggil sa reklamo ng mga pasahero sa isla ng Boracay laban sa ilang mapagsamantalang E-Trike Drivers.

Base kasi sa impormasyon, may mga E-Trike drivers na naniningil sa mga turista ng 200 piso o higit pa na mas mahal naman kaysa sa 100 pisong chartered trip ng mga tradisyonal na tricycle.

Kaugnay nito, sinabi ni Pagsuguiron na nagpapasalamat sya sa mga ipinapaabot na impormasyon sa kanya na kanila umanong agad aaksyunan.

Anya, maliban sa gagawing “Noise Pollution at Smoke Free” ang isla ng Boracay, layunin din umano ng E-Trike na burahin ang mga hindi magandang ugali ng driver na nag-o-over charge ng pamasahe kahit na may nakatakdang “Tariff Rate.”

Samantala, sinabi pa ni Pagsuguiron na bago umanong magsumbong, kunin ang pangalan ng driver at body number para madaling ma-trace kung sino man ito.

Nilinaw din ni Pagsugiron na ang sinusunod na pamasahe sa E-Trike ay katulad ng sa “Tariff Rate” ng motorize na tricycle na bumabyahe sa isla.

Samantala, dagdag pa ni Pagsuguiron na kung sino mang E-trike driver ang mahuhuling lumalabag sa mga alituntuning ipinapatupad ng kanilang opisina ay mabibigyan ng karampatang penalidad.