YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, April 06, 2013

MHO-Malay, nagpa-alala sa mga henna tattoo enthusiasts ngayong summer

Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM Boracay

Summer na naman at katulad pa rin ng dati ay dagsa ang mga turista dito sa isla ng Boracay mapa lokal o foreign man.

Kabilang sa mga aktibidad na ini-enjoy ng mga bisita dito ay ang pagpapalagay ng henna tattoo.

At ito ay isa sa mga hanapbuhay ng mga taga-front beach sa isla ng Boracay.

Ngunit dahil sa insidenteng nangyari kamakailan lang sa isang 5-taong gulang na bata sa Estados Unidos na napaulat na nagkaroon ng allergic reaction sa balat, sanhi ng henna ay nagpa-alala ngayon ang MHO-Malay sa mga mahihilig sa henna tattoo na dapat ay i-check nila ang mga henna tattoo artist kung sila ba ay may mga health card.

Dapat din umanong tingnan kung ang tinta ba na ginagamit nila ay may mga kemikal na makaka apekto sa balat at kung ito ba ay aprubado ng mga awtoridad.

Ayon sa pagsusuri, ang henna ay delikado sa mga taong mayroong glucose-6-phosphate dehydrogenase deficiency o G6PD deficiency na karaniwan sa mga kalalakihan kaysa mga kababaihan.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng reaksiyon o pahayag ang ilang lokal na henna tattoo artist dito sa isla.

Koleksiyon ng LGU Malay sobra-sobra pa sa inaasahan nitong taong 2012

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Sobra-sobra pa sa inaasahang target collection ang aktwal na nakolekta ng bayan ng Malay nitong nagdaang buong taon ng 2012.

Sa financial report na ipinalabas ng LGU Malay, mahigit P32.2-milyon pa ang nadagdag sa kabuoang koleksiyon kumpara sa target na dapat makolekta.

Sapagkat ang inaasahang lamang sana ay makapagkolekta ng P251.3-M batay sa pagtaya.

Subalit sumubra pa ito ng sa aktuwal dahil nakapagkolekta ng P283.6-M.

Kung saan ang Tax Revenue ang pinakamalaking sa lahat ng koleksiyon sa aktuwal na umabot ng P67.4M, sinundan ng koleksiyon mula sa permit & licenses na umabot ng P27.3M.

Habang ang koleksiyon naman sa garbage fee ay umabot ng P13.2M mas mababa nga lang sa inaasahan gayong target sana na koleksiyon ay P15M.

Pero bumawi naman sa Environmental Fee dahil sa paglubo ng turista na nalampasan din target na isang milyong tourist arrival nitong 2012.

Kaya mula sa target na P36M ay umabot pa ito ng P52.6 sa aktwal.

Taong 2012 sa Malay, nag-iwan ng “healthy financial condition” status

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Kahit may balak na mangutang ang LGU Malay pambayad sa balanse sa kontraktor na gumawa ng municipal land fill, mariing inihayag ngayong batay sa 2012 financial report ng lokal na pamahalaan ng Malay na “very good” ang financial health condition ng bayang ito.

Sa ulat ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre sa kapwa nito konsehal nitong Martes, ika-2 ng Abril sa kanilang regular session, ibinalita nito na napakalusog ng estado ng Malay pagdating sa usaping pinansyal ayon din sa ulat na ipinalabas ng municipal accountant ng bayang ito.

Katunayan umano sa pagtapos ng taong 2012, ang Malay ay may natira pang pera na umaabot sa P196-milion.

Maliban dito, tumaas din ng 24.7% ang kabouang asset ng Malay, kung saan noong 2011 ay nasa P329-million lamang, pero napalago ito bago pa man natapos ang taong 2012, kaya ay umabot na ito 408.4-million ngayon.

DILG Aklan, naka-antabay sa aktibidad ng mga pulitika ngayong panahon ng kampaniya

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Gayong abala na rin ang mga kandidato sa pangangampaniya ngayon, inihayag ng Department of Interior Local Government o DILG Aklan na naka-antabay pa rin sila sa mga opisyal ng bayan kung ginagawa pa rin nila ang kanilang trabaho, at hindi puro pangangampaniya lamang ang ginagawa.

Ayon kay DILG Aklan Director John Ace Azarcon, malalaman naman umano kung ginagampanan pa ng mga opisyal na ito ang kanilang obligasyon sa bayan batay sa “output” ng mga ng programa nila at makikita ito depende sa kanilang trabaho.

Maliban umano sa DILG, naririyan din ang Comelec na siyang may malaking papel kapag sumapit ang halalan na naka-monitor sa mga kandidato na hindi maubos ang oras nila sa kakalibot lang sa kanilang mga nasasakupan.

Pinasiguro din ni Azarcon na minomointor din nila ang aktibidad ng mga LGU sa bawat bayan upang masigurong naipapatupad at nasusunod ang mga pulisiya ng DILG lalo na pagdating sa local governance.

Friday, April 05, 2013

Taasan ang Terminal Fee share ng Malay, hiling ni SB Gelito sa probinsiya


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Bago pa man maging Bise Alkalde ng Malay dahil sa nalalapit na ang eleksiyon, ihinahabol na ngayon ni Sangguniang Bayan Member Wilbec Gelito ang panukala na naglalayon itaas na sa 20% ang share ng LGU Malay mula sa Terminal Fee na kinukolekta ng pamahalaang probinsiyal sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Aniya, dapat na ring taasan ang ibinibigay na share sa Malay ng probinsiya, sapagkat noon pa man ay tumutulong din ang bayan sa pagpapa-unlad na ginagawa sa Jetty Port.

Maliban dito, sinabi na rin umano ng gobernador ng Aklan na ang nakolektang terminal fee ay ibabalik din sa Boracay sa paraan ng proyekto.

Dahil dito sa susunod na sesyon ng SB ay isasama na rin umano ito sa mga agenda na tatalakayin ng konseho bago paman ang halalan.

Si Gelito ay kasalukuyang konsehal ng bayan ay magpapapili sa posisyon bilang bise alkalde ng Malay, pero walang katunggali.

“Suspension order” kay Malay Mayor John Yap, itinanggi ng DILG Aklan


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Walang “suspension order” ang Department of Interior and Local Government (DILG) Aklan laban kay Malay Mayor John Yap.

Ito ang paglilinaw at inihayag ni DILG Aklan Director John Ace Azarcon sa panayam dito ng YES FM News Center kahapon.

Kaugnay ito sa mga tanong ng publiko sa Boracay hinggil sa kumakalat na balita na di umano ay nasuspende ang alkalde ng bayan ng Malay at Boracay.

Aniya sa pagkaka-alam nito, wala namang reklamong natanggap ang kanilang opisina laban sa Alkalde, upang magbigay sila ng suspension order laban sa Punong Ehekutibo.

Ganoon pa man, hindi umano nito masiguro kung may mga reklamo nga laban kay Yap sa ibang ahensiya ng pamahalaan, pero kung sa DILG umano ay wala silang natatanggap.

Dahil kung ipinasu-suspende umano ng ano mang Korte o Ombudsman ang isang opisyal ng bayan, imposible umanong hindi mabibigyan ng kopya ng kautusan ang DILG kung meron man, pero sa ngayon ay wala umano.

Kung maaalala, kamakailan lamang ay naging laman din ng ulat ang alkalde sa umano ay madalas na pagbakasyon nito na agad namang nilinaw ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa na karapatan ito ng alkalde at hindi naman napapabayan ang kaniyang obligasyon sa bayan at ang iba umano dito ay opisyal na lakad naman.

Pangungutang ng P25-milyon ng LGU Malay, posibleng hindi ituloy


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

“Bakit kailangan pang mangutang ng mahigit dalawamput limang milyong piso kung may pera naman ang Bayan ng Malay?”

Ito ang mariing inihayag ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre, Chairman ng Committee on Budget sa SB Regular Session nitong Martes, ika-2 ng Abril.

Kasabay ng pag-apruba ng konseho sa panukalang ordinansa na nagbibigay ng otorisasyon kay Malay Mayor John Yap upang makipag-transaksiyon sa isang banking institution ng sa ganoon ay maka-utang ang LGU ng pambayad sa kontraktor na gumawa ng Municipal Land Fill ng bayan.

Subalit, bagamat inaprubahan na ng SB ang ordinansang ito.

Inihayag ni Agguire na kung may pera lang naman ang LGU Malay, bakit kailangan pang gamitin ang otorisasyon na ito ng alkalde para umutang.

Sa halip ay bayaran nalamang umano mula sa pundo ng bayan gayong may mga hindi pa nagagamit na pondo sa ngayon o savings.

Sapagkat kung umutang pa umano ang LGU baka mas pahirapan pa sila dahil kailangan pang bayaran ang tubo o interes sa bangko.

Dahil dito, kakausapin umano nila ang Municipal Accountant kung pwedeng huwag na lang mangutang kung mayroong namang mapagkukunan mula sa mga pondo ng Malay.

Kung maaalala, ang LGU Malay ay may kulang o balanse pa sa kontraktor ng Municipal Land Fill kaya ito ang rason sa balak na pangungtang ng lokal na pamahalaan pambayad.

Thursday, April 04, 2013

Pagpako ng mga campaign materials sa mga puno, bawal! --- CENRO Boracay


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Bawal ang pagpapako ng mga poster at iba pang campaign material ng mga kandidato sa mga puno.

Ito ang nilinaw ni Boracay Forester Delilah Maugery ng CENRO Office sa panayam dito kahapon.

Aniya, kapag nakita nilang ipinapako sa puno ang mga poster na ito ay binabaklas nila ito, gaya ng mga ginawa na rin nila noong nagdaang halalan.

Pero sa ngayon aniya, wala pa naman silang nakikitang mga poster sa Boracay na ipinapako sa puno.

Kaugnay nito, wala naman umano silang natatangap na pormal na reklamo kaugnay dito, maliban sa mga text message na ipinaparating sa kanila, gaya ng sumbong sa kanila na di umano ay gawa ng kaalyado ng isang nagpapapili sa pagka-kongresista sa Aklan.

Ngunit sa oras umano na may mapansin na silang tila dumadami na ang lumalabag, sa utos umano sa kanila ng DENR ay agad silang gagalaw para sa pagbaklas sa mga campaign poster na ito ng mga kandidato.

Paglilinaw nito, ang tinututukan nila ay ang punong kinakabitan na nasa mga kalsada o lansangan, nasa deklaradong lugar ng pamahalaan na wet land at forest land. 

Malay PNP Station, kulang sa pulis!


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

“Kahit kakaunti lamang sila at kulang talaga sa tao ay mina-maximize na lamang umano nila ang kanilang mga resources.”

Ito ang sitwasyon ng police station sa mainland Malay, dahil sa 19 na police personnel at isang opisyal lamang mayroon sa ngayon ang PNP station doon.

Ibig sabihin, may 20 pulis lamang ang bayan na kinabibilangan ng Boracay, taliwas naman ito sa sitwasyon ng himpilan sa islang ito na mayroong mahigit 100 pulis.

Ayon sa bagong hepe ng Malay na si S/Insp. Reynate Jomocan, bagamat mahirap para sa kanila na kulang talaga sila sa tao, may sapat na koordinasyon naman umano sila sa mga Barangay Tanod sa iba’t-ibang barangay sa Malay at naririyan naman ang mga Municipal Auxiliary Police (MAP) na katuwang nila.

Ganoon pa man, sinubukan na rin umano nitong humihingi ng kahit limang karagdagang pulis sa Provincial Director.

Subalit dahil sa mas kailangan ng pwersa ang pulis sa Boracay lalo na nitong Mahal na Araw at ngayong summer season na rin, ay hindi umano napagbigyan ang kaniyang hiling.

Pero paglilinaw ni Jomocan, kulang man sila sa tao ay nagagawa naman nila ang kanilang tungkulin ng maaayos lalo na ngayon nalalapit na ang eleksiyon.

Samantala, gaya ng sinabi ni Malay Acting Comelec Officer Feliciano Barrios na sa ngayon  ay wala pa naman itong nakikitang magiging problema sa bayang ito may kaugnayan sa nalalapit na halalan, inihayag ng nasabing hepe na wala namang banta sa seguridad ng buong bayan at katunayan ay peaceful naman umano ang Malay. 

Extension office ng NBI sa Boracay, pinaplano na


Ni Kate Panaligan, YES FM/Easy Rock Boracay

Ikinatuwa ng Sangguniang Bayan (SB) ng Malay ang plano na paglalagay ng National Bureau of Investigation (NBI) extension office sa Boracay.

Ito ay matapos na ihayag kahapon ni SB member Jupiter Gallenero sa kanyang privilege speech, na nagplalananong maglalagay ng extension office dito sa Boracay ang NBI.

Ayon kay Gallenero, nakausap niya si NBI Regional Director Region 6 Manuel Almendares, ukol sa plano nitong magpatayo ng extension office sa isla.

Layunin nito upang hindi na mahirapan ang mga tao sa Boracay  at buong Aklan at ilang kalapit na probinsiya sa pagkuha ng NBI Clearance kaysa  pumunta pa sa Iloilo.

Kaugnay nito, humiling ng tulong ang NBI sa LGU Malay na maglagay din sila ng tao na siyang magpoproseso ng NBI Clearance.  

Kahit na magpapadala din umano ng NBI Personnel sa extension office na ito.

Positibo naman tinanggap ng mga konsehal ang planong ito ng National Bureau of Investigation.

Malay, wala pang “election related problem” sa ngayon --- Acting Comelec Officer


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Comelec Malay OIC Feliciano Barrios
Simpleng pag-offer ng libreng sakay sa araw ng election ay maiku-konsiderang vote buying na.

Ito ang inihayag acting Comelec Officer ng Malay na si Feliciano Barrios sa panayam ng himpilang ito.

Aniya, ang ganito ka simpleng alok ng mga kandidato sa mga botante ay isa sa mga paraan o ikinukonsiderang panunuhol sa mga buboto, at hindi lamang umano puro sa pagtanggap o pagbigay ng pera.

Kung saan ito umano ang kalimitang nagyayari na siyang ipinagbabawal naman ng kumisyon.

Kasunod nito, nilinaw ni Barrios na sa ngayon ay wala naman siyang nakikitang posibleng maging problema para sa paparating na halalan sa Mayo sa bayan ng Malay at Boracay.

Sa kasalukuyan ay wala pa rin umano silang natatanggap na reklamo o nakitang lumabag sa mga alituntunin sa pangangampaniya na na-set ng Comelec para sa mga lokal na kandidato dito.

Samantala, gayong bago pa lang ito sa kaniyang posisyon sa Malay na nagsimula nitong ika-20 ng Marso ng taong ito, aminado si Barrios na hindi pa ito nakapaglibot ngayon sa mga Barangay dito kabilang na sa Boracay upang i-monitor ang mga election paraphernalia at campaign poster ng mga pulitiko.

Wednesday, April 03, 2013

SB Malay pinaghahanda ang posibleng power shortage sa 2014


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Ipapatawag ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Akelco  sa Abril 12 ng taong ito.

Ito ay kasunod ng pag-aalala nila dahil sa napabalitang posibleng maging kritikal ang Boracay kung power shortage ang pag-uusapan.

Sapagkat may posibilidad na kukulangin umano ng suplay ng kuryente ang Visayas batay sa pahayag ng Department of Energy.

Kaya bilang paghahanda ng SB Malay, nais nilang malaman mula sa distributor ng kuryente na Aklan Electric Cooperative kung ano katotoo ang usaping ito.

Gayong malaki umano ang epekto nito para sa mga stakeholders, residente at investors sa Boracay pati na sa buong bayan ng Malay.

Bunsod nito, pati ang mga stakeholder, asosasyon at organisasyon  sa isla ay isasama nila sa iimbitahang dumalo din.

Layunin ng SB sa pagpapatawag sa pamunuan ng Akleco ay upang malaman din kung may paghahanda na silang ginagawa kaugnay dito kahit na sa taong 2014 pa ito inaasahang mangyari.

SB Member Dante Pagsugiron, naghahabol ng “legacy” sa pagtatapos ng termino?


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Bagamat pabiro, mistulang naghahabol na nga talaga ng “legacy” si Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron sa pagtatapos ng kaniyang termino.

Bagay na binanggit nito sa regular session ng SB kahapon ng umaga, kahit na pabiro, na umano ay minamadali na nito ang ilang panukalang siya ang may akda gayong matatapos na ang kaniyang ika-3 termino.

Ito ay upang may maiwan umano siyang legasiya sa kaniyang pag-upo bilang konsehal sa Malay.

Una nang sinabi ni Pagsugiron na nais nitong maihabol ang implementasyon ng electric tricycle o e-trike sa Boracay bago pa man siya mag-retiro ngayong Hunyo.

Binangit din nito kahapon sa sesyon na nais niyang ma-aprubahan na sana ang Environmental Code ng Malay at Boracay kaya minamadali na nito ang deliberasyon at pagsasa-ayos sa mga kulang para lubusan na itong maipasa.

Bagamat naging tampulan ng tukso ng kapwa konsehal si Pagsugiron kahapon ng umaga, pinanindigan nito ang kaniyang pahayag na nais niyang mag-iwan ng legacy o pamana sa bayan, at patunay dito ay ang mga resolusyon, ordinansa at proyekto na isinulong nito.

Maging ang mga development na siya ang nagpresenta gaya ng posibilidad na pagkakaroon ng underground tunnel sa Boracay ay nais na rin nitong ma-update, pati ang estado ng proyektong Artificial Reef ng Sangkalikasan Cooperative sa Boracay.

Sa kasalukuyan kasi, sa mga konsehal ng Malay si Pagsugiron lamang ang “graduate” na dahil tapos na ang kaniyang termino, habang ang lahat ng kasama nitong konsehal ay muling magpapapili sa May 13, 2013 elections. 

Mabagal na implementasyon ng mga proyekto, pinuna ng SB Malay


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

“Pera ng bayan ‘yan, dapat ibalik sa tao. At bakit hinayaan lang ang proyekto na hindi naipatupad na may pera naman?”

Ito ang naging reaksyon ni Malay Vice Mayor at presiding officer Ceceron Cawaling kaugnay sa naiulat ni SB Member Dante Pagsuguiron sa lingguhang SB session na ginaganap kahapon

Sa ulat ng konsehal, nadiskubre na marami pa palang continuing projects ang Malay na hanggang sa ngayon ay hindi pa naipapatupad, gayong na-pondohan na ito mula pa noong 2011, pati na noong 2012 at hanggang ngayong 2013.

Kung saan ang listahan ng mga proyekto ay nakuha umano ni Pagsuguiron sa Municipal Planning Department (MPCD).

Bagay na nagtataka ito kung anong nangyari at kung sino ang may pagkukulang.

Gayong kung naipatupad naman umano ito, malamang ay napakinabangan na ito ng publiko.

Dahil dito, nagpasya ang presiding officer na ipatawag na ang mga department heads gaya ng engineering department, accounting, MPCD, at treasurer.

Ito ay upang malinawan ang konseho at mabatid ang kanialang paliwanag kaugnay dito.

Nilinaw naman ni Pagsuguiron na hanggang sa ngayon ay naririyan naman ang pondo, kaya nagtataka sila na hindi ito nagalaw at pinatulog lamang ang mga proyekto gayong sayang naman ito.

Karamihan sa mga proyektong ito ay pagpapa-konkreto ng mga daanan sa iba’t-ibang bayan ng Malay at pagsasaayos ng mga istraktura ng bayan.

Bilang ng mga turista sa Boracay, tumaas ng 9% ngayong Semana Santa


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Nakapagtala ng 9% pagtaas sa bilang ng tourist arrival sa Boracay ngayon buwan ng Marso.

Ito ay kung ikukumpara noong nagdaang taon, kung saan isa sa posibleng managing rason dito ay dahil na rin sa napa-aga ang pagdiriwang sa Semana Santa o Mahal na Araw na kalimitan ay ipinadiriwang sa buwan ng Abril.

Ayon kay Grazel Taunan ng Malay Tourism Office sa Caticlan, nitong nagdaang buong buwan ng Marso, nakapagtala ng 128, 627 tourist arrival ang Boracay.

Mas mataas ng 9% kung ikukumpara noong nagdaang taon sa katulad na panahon nakapagtala lamang ng 118, 177.

Samantala, kung bibilangin naman ang mga turistang pumasok sa isla nitong Holy Week, simula ika-25 ng Marso o Lunes Santo hanggang araw ng pagkabuhay nitong  Linggo (Marso 31) ay nakapagtala ng halos 40, 000 turistang dayuhan at lokal na pumasok sa Boracay.

Kung saan sa rekord ng Malay Municipal Tourism, umabot ng 39, 512 turista ang naitala sa loob lamang ng 7 araw. 

Mga nagkakalkal ng basura sa Front Beach, target ng Solid Waste Management sa Boracay

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Mga nagkakalkal ng basura sa front beach ng Boracay.

Ito ang isa sa pagtutuunan ngayon ng pansin ng lokal na pamahalaan ng Malay sa Boracay.

Hindi lamang mga poster sa hindi common poster area ang target ngayon ng Solid Waste Management, kundi ang mga kabataang ito na dinadala din minsan ng kanilang mga magulang nila sa paghahanap buhay.

Ayon kay Island Administrator at Boracay Solid Waste Manager Glenn Sacapaño, mula pa noong Lunes ay sinumulan na nila ang pagbabantay sa mga ito dahil nagiging problema na rin nila ito sa kasalukuyan.

Aniya, hindi nila kinokontra ang hanap buhay ng mga namamasurang ito at naghahanap ng mga plastic bottles, katunayan ay nakakatulong pa sana umano ang mga ito.

Pero ang ayaw lamang umano ng LGU ay kinakalat pa talaga ang laman ng basurahan, hinahalukay at iniiwan lamang, na siyang isa sa problema nila sa ngayon.

Kaya simula umano noong Lunes ng gabi mahigpit nila itong babantayan ngang sa gayon ay hindi rin mahirapan ang mga kolektor ng basura at maging maayos din ang Boracay lalo na sa mata ng mga turista.

LGU Malay, nakahandang magbaklas ng mga iligal na poster ng kandidato sa Boracay


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Inako na ng Solid Waste Management sa Boracay ang pagtanggal sa mga campaign paraphernalia ng mga kandidato na nakasabit at nakadikit sa hindi common poster area.

Sa panayam kay Boracay Solid Waste Management Manager at Island Administrator Glenn Sacapaño, sinabi nitong bahagi ng kanilang trabaho sa paglilinis sa isla lalo na sa usaping basura ang pagtanggal sa mga tarpaulin at iba pang campaign material sa mga lugar na ipinagbabawal na lagyan.

Aniya, nakahanda sila at hindi nila ito palalampasin kaya kanilang babaklasin ang mga poster na ito sa oras na makita nilang nakakalat sa kung saan lang.

Kung maaalala, mahigpit na ipinagbabawal ng COMELEC ang magdikit ng poster sa mga puno, pader at iba pang pampublikong istraktura at mga sasakyan.

Maliban na lamang sa public plaza na siyang kalimitang common poster area na inilaan ng kumisyon.

Samantala, gaya ng inaaasahan, isang linggo bago ang pormal na campaign period para sa May 2013 elections sa mga lokal na kandidato ay nagkaroon ng bagong Comelec Officer ang bayan ng Malay.

Pansamantala nitong ika-20 ng Marso ay pinalitan ni Feliciano Barrios bilang Comelec Officer ng Malay si Elma Cahilig na nasa bayan na ng Ibajay sa ngayon.

Si Barrios ay nagmula naman sa bayan ng Batan.

Semana Santa sa Boracay naging “generally peaceful and successful”


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Generally peaceful at naging successful ang selebrasyon ng Semana Santa sa Boracay kung kaayusan at kapayapaan ang pag-uusapan.

Ganito inilarawn ni S/Insp. Joeffer Cabural, hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), ang pagdiriwang ng Mahal na Araw sa islang ito sa kabila ng pagdagsa ng libu-libong turista para dito magdiwang.

Ayon kay Cabural, bagamat may ilang mga naitalang nawalan ng mga gamit at ang iba naman ay nabiktima ng magnanakaw, makokonsidera aniya itong mga “petty crimes”.

Nagpapasalamat naman ito na walang naitalang mga major na insidente.

Dahil na rin sa agresibong approach ng kapulisan lamang mabantayan ang seguridad ng publiko lalo na ng mga turista, ay napanatali ang kaayusan, subalit umabot umano sa 16 ang nasakote nila at detine sa kulungan ng BTAC.

Ilang umano sa mga ito ay nahulihan ng mga patalim at ang iba naman ay nahuling nagnanakaw.

May mga naitalang reklamo rin umano kaugnay sa mga senaryo ng kalasingan nitong Mahal na Araw.

Samantala, mismong nitong nagdaang Biyernes Santo naman, ay ginulatang din ng Buy Bust Operation ng Provincial Intelligence Branch Operatives (PIBO) ang Barangay Manoc-manoc na nagresulta sa pagka-aresto sa mga suspek na kinilalang sina Joan Chua at Arien Barrions ng Tanza, Iloilo at nakuha mula sa mga ito ang 5 sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Kaugnay nito, bagamat tapos na ang Holy Week, inaasahan pa rin ayon sa hepe ang dagsa ng mga lokal at dayuhang turista sa isla lalo pa at nagsisimula palang ang summer season.

Kaya, sa ngayon ay patuloy umano nilang ipinapatupad ang mahigpit na siguridad sa Boracay at umaaasa sila na gaya ng selibrasyon nitong Semana Santa, ay magiging mapayapa at magiging maaayos din ang sitwasyon ng islang ito ngayon summer season.