YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, April 26, 2011

Caticlan Jetty Port, kinukulang na sa upuan at espasyo dahil sa dami ng pasahero


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Aminado ngayon si Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na masikip at kulang talaga pati na ang mga upuan sa Jetty Port kapag ganitong panahon na sabay-sabay ang mga pasahero na pumupunta sa Boracay at maging ang mga pasaherong pabalik sa Kamaynilaan at iba pang lugar sakay ng RoRo na dumadaan sa Caticlan Jetty Port.

Ayon dito, kailangan na talagang palakihin ang Jetty Port upang makayang pagsilbihan lahat ng mga pasahero kahit dumami man ito.

Aniya, mangyayari ito kapag natapos na ang bagong gusali na ilalagay sa lugar na kasalukuyang pinagsasagawaan ng reklamasyon.

Sapagkat, ililipat na, ayon dito, ang passenger terminal ng papuntang Boracay sa bago gusali , at ang kasalukuyang Jetty Port nman ngayon ay ilalaan para sa mga pasahero ng RoRo.

Mga maninigarilyo sa pampublikong sasakyan, huhulihin na


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Pati ang paninigirilyo sa loob ng pampublikong sasakyan ay hihigpitan na rin sa ngayon ayon kay Ryan Tubi ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC).

Aniya, napasama na rin sa napag-usapan ng kooperatiba at pamunuan ng Municipal Auxiliary Police (MAP) na ipapatuapd na rin nila ngayon ang paghuli sa mga pasahero at driver na naninigirilyo habang pumapasada o nasa loob ng sasakyan batay na rin sa nakasaad sa ordinansa.

Kaugnay nito, ihinayag ni Tubi na nasabihan na rin nila ang mga driver ng kooperatiba patungkol dito at batid na rin nila na kailangan nila itong sawayin, sapagkat kapag hindi nila iyon ginawa ay silang mga drivers ang mabibigyan ng penalidad kapag mahuli.

Pamunuan ng BLTMPC, naglabas ng memo


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Nagbigay na ng abiso ang pamunuang ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) sa mga driver na nasasakop dito na kukupkupin o i-adopt na ng kooperatiba ang ordinansa na ipinapatupad ukol sa mga illegal na pumaparada sa main road na nakakasagabal sa mga dumadaan.

Ayon kay Ryan Tubi ng BLTMPC, naipabatid na nila sa mga driver ang tungkol dito sa isang pagpupulong kaya umaasa din ito na alam na rin ng mga driver na ipinagbabawal ang pumarada sa foot walk dahil ito ay nilaan para sa mga naglalakad.

Gayun din, batid na rin ng mga ito ang tungkol sa mga lugar na may nakatayong karatula katulad sa unloading at loading area maging ang mga no parking area.

Naglabas na rin umano ito ng memorandum para lahat ng mga bumabayahe na nasa BLTMPC ay malaman ang hinggil dito.

Dagdag nito, dahil sa nagka-usap na rin sila ng pamunuan ng Municipal Auxiliary Police (MAP) na mahigpit na nilang ipapatupad ang ordinansa ng sa isla, may karapatan na rin umano ang MAP na hulihin ang lumalabag at kung ang kooperatiba naman aniya ang makahuli sa kanilang paglabag, aasahan na mabibigyan din sila ng kaukulang penalidad. 

Lumalabag sa Anti-Smoking Ordinance, nagbabayad naman ng tapat --- MAP


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Umabot sa walong katao ang nahuli lalo na nitong Mahal na Araw na lumalabag sa Anti Smoking Ordinance dito sa Boracay at pawang lokal at foreign na turista ang kadalasang lumalabag dito. Ito ang ihinayag ni Rommel Salsona, hepe ng Municipal Auxiliary Police (MAP).

Ayon pa sa opisyal ng MAP, itinuturing na may pinaka-maaraming nahuli na lumabag sa ipinapatupad na ordinansa sa baybayin ng isla noong mga araw ng Huwebes Santo at Sabado de Gloria ng gabi nitong nagdaang Semana Santa.

Gayun pa man, natuwa si Salsona sapagkat tumatalima at nagbabayad naman ng tapat ang mga nahuhuli nila sa paraan ng mga ipinakalat nilang colleting officer para doon bayaran ang mga penalidad ng citation tickets.

Dagdag pa nito, minsan din aniya ay ipinagkakatiwala na lang nila ito sa mga front office ng resorts kung saan nanunuluyan ang mga lumalabag sa ordinansa upang dito na magbayad ng kanilang penalidad.

Ayon pa kay Salsona, ang operasyon nila sa pagpanghuli sa mga lumalabag sa anti smoking ordinance ay tuloy-tuloy na kung saan tuwing araw ay nagpapakalat ng MAP na dalawangpu’t- lima ng MAP officer sa baybayin at sa gabi ay labinglima para magbantay.

Samantala, inihayag naman nito na sa susunod na mga araw na ay mahigpit na nilang ipapatupad ang paghuli sa mga illegal na pumaparada sa main road ng Boracay maging pampubliko man o pribadong sasakyan.

Monday, April 25, 2011

Pump Boat ng Maricom, naghihintay pa ng lagda ng gobernador


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

May pump boat ang Maricom, kaya lang sira na ito sapagkat tinatayang umaabot na sa dalawang taong ginagamit ito mula ng ibigay ng probensya ang naturang sasakyang pandagat.

At sa kasalukuyan, aantayin pa umano ang lagda ni Aklan Governor Carlito Marquez kapag dumating ito mula sa Estados Unidos, para maaprubahan na ang kahilingan ng Maricom na humihingi ng patrol boat para sa operasyon ng nasabing awtoridad ayon kay Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang.

Inihayag nito na ang Maricom ay nagpaabot na ng kanilang request sa tanggapan ng Provincial Government.

Kaunay nito, umaasa naman si Mauirqng na agad na maaksyonan ito ng gobernador, upang mabili na at magamit ng Maricom.

Magugunitang nitong nagdaang Mahal na Araw ay inihayag ni Insp. Sammy Lorenzo ng Maricom na pasan parin nila hanggang ngayon ang kakulangan sa gamit para sa kanilang operasyon.

Pagpapatigil sa Operasyon ng Fast Craft, nasa korte na


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Ang korte ay may awtoridad na magpapigil ng operasyon ng isang kompanya.

Ito ang nilinaw ni Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang ng kapanayamin ng YES FM News Center kaugnay sa di umanong napabalitang pagkatalo ng Montenegro Shipping  partikular ang fast craft sa kaso laban sa lokal na pamahalaan ng Malay kamakailan lamang.

Aminado si Maquirang na mayroon talagang kasong kinaharap ang Montenegro pero sa ngayon ay wala pa aniya silang natatanggap na dokumento mula sa korte para ipatigil ang operasyon ng fast craft.

Pero inihayag nito na kung ano man ang ipag-uutos ng korte ay siya namang ipapatupad nila dito.

Samantala, sa kasalukuyan ay tuloy parin ang operasyon ng nasabing sasakyang pandagat sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Fr. Placer, natuwa at nagpasamat sa matagumpay na selebrasyon ng Mahal na Araw


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Labis na pasasalamat ang ipinaabot ni Fr. Magloire Adlay Placer, Kura Paroko ng Holy Rosary Parish Church, sa mga tumulong at sa pamahalaanng lokal upang maging matagumpay ang pagdiriwang ng Mahal na Araw sa isla ng Boracay.

Ito ang ilan lamang sa naisatinig ng pari sa kanyang homily sa Easter Sunday kahapon ika dalawangput apat ng Abril, dahil sa mga suporta ng mga tao sa kabila ng mga kasiyahan at kung ano pang aktibidad pero nagkaroon parin ng oras ang mga ito para sa puong may kapal.

Maliban dito, nagpaabot din ng paalala si Fr. Placer sa mga bakasyunista na pag-ingatan ang kanilang mga gamit upang hindi mabiktima ng mga oportunistang umaaligid dito sa isla maging sa loob man ng simbahan.

Sinabi pa ng pari na isinama nila sa senakulo nitong Biyernes Santo ang kasalukuyang mga isyu na kinaharap ng isla katulad ng katayuan ng simbahan sa isyu ng Casino at sa Reproductive Health (RH) Bill na nakatawag umano ng pansin sa publiko at sa ilang mamamahayag.

Samantala, sa gitna ng homily nito tila natawa na lang din ang pari at hindi  naiwasang ihayag ang mapansin nitong  ibang paraan sa pagdirawang daw  ng pagkabuhay ni Jesus ng ilang resort sa isla na mayroong event katulad ng mga pagpapaputok ng makukulay na fireworks, inuman, sayawan at iba pa.

Gayon pa man mistulang naiintindihan din nito ang naturang sitwasyon at nilinaw na wala siyang sinasabing may masama sa ginagawa ng mga ito sa isla ng Boracay.