YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 26, 2014

Sirang access road papuntang Boracay PNP, nasa lay-out na ayon sa LGU Malay

Posted July 26, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa lay-out na umano ang Engineering Office ng LGU Malay para sa sirang access road papuntang Boracay PNP.


Ito ang sinabi ni Malay Officer In-Charge Engineer Arnold Solano matapos ang kanilang isinagawang program of work.

Aniya, hindi rin nila agad-agad nasisimulan ang pagsasaayos nito dahil sa maya’t mayang pag-buhos ng ulan.

Sa ngayon naglagay na rin sila ng karagdagang lupa na siyang itatambak para sa pagsasaayos ng kalsada bago masimulang sementuhin.

Nabatid na nauna na ring sinabi ng Department of Public Works and Highways o DPWH Aklan na gagawan nila ng paraan ang binabahang access road.

Napag-alaman din na mayroon ng pondo ang LGU Malay dito kung kaya’t sila na lang din ang magde-develop ng nasabing proyekto.

Samantala, mistulang hindi na kalsada kung ituring ng ilang mga dumadaan dito dahil sa masyado na itong lubak-lubak matapos na tinanggal ang mga bricks.

Ang nasabing kalsada ay isa sa mga pangunahing daanan ng mga turista papunta sa Police Station at beach front ng station 3 kung saan karamihan din na makikita dito ay ang naglalakihang hotel sa isla ng Boracay.

Pagpasok ng ibat-ibang kumpanya ng e-trike sa Boracay, mabusising sinasala ng LGU Malay

Posted July 26, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mabusising sinasala ng Local Government Unit ng Malay ang mga kumpanya ng e-trike na gustong pasukin ang operasyon sa Boracay.

Ito’y matapos na ilang kumpanya na ng e-tricycle (e-trike) ang lumapit sa LGU Malay para magprisinta ng kanilang kahilingan na magkaroon ng operasyon sa isla.

Sa pamamagitan ng bawat presentasyon ng mga ito sa Local Officials ng Malay kung saan iisa lang ang kanilang kagustuhan ang mga makatulong sa turismo at sa kapaligiran.

Ilang kumpanya rin ang nakitaan ng LGU Malay ng magandang serbisyo na makakatulong sa Boracay kabilang na nga ang kalidad ng sasakyan na ligtas para sa mga pasahero.

Bukas naman ang LGU Malay sa mga nag-nanais na pasukin ang kanilang operasyon sa Boracay hanggat nakikita nila dito ang kakayahan na makatulong sa isla at sa komunidad.

Sa kabilang banda, ilang e-trike na ngayon ang bumibiyahe sa Boracay kung saan paunti-unti nitong pinapalitan ang mga nag-ooperate na tricycle sa isla bilang bahagi ng proyekto ng LGU Malay.

Samantala, ikinadismaya naman ng mga local official’s ang ilang e-trike na mahina ang baterya at ang iba ay hindi na ibinabiyahe.

2 Bakasyunista, ninakawan ng magihit 20, 000 pesos sa Boracay

Posted July 26, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa Boracay PNP Station ang dalawang bakasyunista matapos na umano’y ninakawan ng nasa mahigit 20, 000 pesos.

Kwento ng dalawang bakasyunista na sina Jeffrey Icalia, 31 anyos at Geraldine Vadillo, 39 anyos ng BiƱan Laguna.

Iniwan ng mga ito ang kanilang gamit sa harapan ng isang resort sa Balabag Boracay nang maligo sa baybayin ng isla.

Subalit, nang sa pagbalik umano ng mga ito ay saka nalaman na nawawala na ang kanilang bag na naglalaman ng cellphone, necklace na nagkakahalaga ng mahigit kumulang 30, 000 pesos, bracelet na nasa 10, 000 pesos at cash na nasa mahigit kumulang 20, 000 pesos.

Samantala, ayon pa sa isa sa mga biktima na bago umano ang mga ito naligo ay may isang babae ang nagtanong sa kanya ,kung nasaan ang kanyang mga gamit at nagpaalala na baka manakaw.

Hindi naman nito inakala na ang nasabing babae pala ang may planong mang-dikwat ng kanilang mga gamit at tumangay habang sila ay naliligo.

Sa kabilang banda, nang tingnan naman sa rouge gallery ng mga pulis, nakilala ng biktima ang suspek na si Magdalena Dela Cruz, 38 anyos ng Simaya, Malay, Balay Bukidnon, kung saan paulit-ulit  ng may mga kaso ng pagnanakaw.

PNP-FEO magsasagawa ng firearms registration caravan nationwide

Posted July 25, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Magsagawa ng nationwide firearms registration caravan ang PNP Firearms and Explosive Office sa iba't-ibang lugar sa bansa.

Ayon sa ipinadalang kalatas ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), simula ngayong araw, July 24 hanggang July 27 magsisimula ang pag-proseso sa firearms registration.

Ang nasabing frontline service ay bahagi ng hakbang ng PNP upang mahikayat ang mga may hawak na iligal na armas at delinquent gun owners na iparehistro ang kanilang mga baril.

Samantala, magtutungo naman ang ilang mga tauhan ng PNP-FEO sa Camp Martin Teofilo Delgado sa Iloilo City sa darating na August 11-15 para sa biometrics at photo capturing system sa mga gun owners upang makakuha ng License To Own and Possess Firearm (LTOPF).

Ang LTOPF ang siyang pangunahing requirement para maka-avail ng final gun amnesty na i-aalok ng pambansang pulisya sa rehiyon.

Nabatid na isang mandatory requirements ang LTOPF sa pagbili, paglilipat ng pagmamay-ari ng baril, rehistrasyon, pagpapalisensiya at final general amnesty.

Ang pagsagawa ng Caravan sa Iloilo City ay para gawing kumbinyente at konsiderasyon sa mga gun owners sa Western Visayas.

Thursday, July 24, 2014

Pinesteng plantasyon ng abaca sa Aklan, ikinabahala ng FIDA

Posted July 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umabot na sa 30 porsiyento ng kabuuang plantasyon ng abaca sa Aklan ang pineste.

Kaya naman nababahala ngayon ang Fiber Industry Development Authority (FIDA).

Ayon kay Melvin Zabala, abaca disease management program technician ng FIDA-Aklan, karamihan ng peste ay na-monitor sa bayan ng Libacao.

Base sa pag-aaral, may 4,268-ektaryang taniman ng abaca sa probinsiya, kung saan pang-sampu ito sa may pinakamaraming taniman ng abaca.

Sinabi ni Zabala na posibleng nagsimula ang peste matapos salantain ng bagyong ‘Yolanda’ ang mga plantasyon noong Nobyembre.

Ilan lang sa pesteng tumama sa abaca sa Aklan ang Abaca Mosaic Disease, Bract Mosaic Disease at Bunchy Top.

Samantala, nagwisik na narin umano ng pestisidyo ang FIDA sa mga plantasyon sa Libacao.

SP Aklan, pinagtibay ang MOA nina Gov. Miraflores at DOTC na kinasasangkutan ng P175 milyon para sa pagpapalawak ng KIA

Posted July 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang Memorandum of Agreement (MOA) nina Gov. Joeben Miraflores at Department of Transportation and Communications (DOTC) para sa pagpapalawak ng Kalibo International Airport (KIA).

Ito’y matapos aprobahan nitong 23rd SP Regular Session ang Resolution No 147, na nagkukumpirma sa pagbili ng lupa sa KIA upang gamitin para sa nasabing expansion.

Partikular na gagamitin ang pondo sa pambili ng lupa, parking area at daanan ng mga eroplano, parking area sa mga behikulo at pagpapa-ayos at pagpapalapad sa terminal building.

Samantala, ang pag-upgrade umano ng KIA ay pamantayan ng pagpapabuti nito at kasama sa mga prayoridad na proyekto ng pambansang pamahalaan.

Sa ngayon, ang KIA ay tumatanggap ng mga international flights sa iba’t-ibang mga regional flights sa Asya at inaasahang hindi tatagal ay magiging “hub airport” na ngAir Asia.

Problema tungkol sa maiingay na muffler o tambutso ng motorsiklo, pinaaaksyunan

Posted July 24, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakakairita na.

Nakakaperwisyo at nakakahiya sa mga turista.

Ilan lamang ito sa mga salita kung paano ilarawan ng ilang residente ng Barangay Balabag ang mga motorsiklong may maiingay na muffler o tambutso.

Kasabay din ito ng kanilang panawagan sa mga taga MAP o Municipal Auxiliary Police na hulihin ang mga nasabing motorsiklo na namamasada simula hating-gabi hanggang madaling araw.

Maliban kasi sa tila nakikipagkarera at walang pakialam ang mga ito kung magmaneho, tila hindi naman umano ito inaaksyunan ng mga MAP.

Si ‘Jay’, isang residente ng Barangay Balabag na nakatira malapit sa main road.

Sinabi nito na dapat nang aksyunan ng mga MAP ang perwisyong dulot ng mga maiingay na motorsiklo.

Samantala, magugunita namang nagbabala ang MAP na tatanggalan nila ng malalakas na tambutso ang mga motorsiklong mahuhuli nila, itatawid sa mainland at ipapakabit muli ang orihinal na tambutso ng kanilang motor.

Base naman sa Malay Municipal Ordinance No. 144 Series of 2001, isang noise-sensitive zone ang isla ng Boracay kung kaya’t bawal din ang mga maiingay motorsiklo dito.

MAP, iginiit na araw-araw ang kanilang paghuli sa mga motorsiklong may modified muffler sa Boracay

Posted July 24, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Araw-araw ang operasyon ng MAP o Municipal Auxiliary Police sa mga motorsiklong may modified muffler sa Boracay.

Ito ang sinabi ni MAP Deputy Chief Rommel Salsona sa kabila ng umano’y kakulangan nila sa man power sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa isla.

Aminado rin kasi ito na marami na silang natatanggap na reklamo kaugnay sa mga maiingay na motorsiklo dahil sa kanilang modified muffler o tambutso.

Ayon pa kay Salsona, walang gaanong lumalabas na motorsiklong may malalakas na tambutso sa mga normal na oras kungdi sa madaling araw, kung kaya’t may plano narin umano sila tungkol dito.

Samantala, sinabi pa ni Salsona na nakaduty sa back beach at beach front ang mga miyembro ng MAP kung kaya’t iilan na lang din ang nakaduty sa mainroad.

Magkaganon paman, tiniyak din ni Salsona na tututukan nila ang problemang dulot ng maiingay na modified muffler sa Boracay na tinaguriang noise-sensitive tourist destination.

Lalaki, sinuntok dahil sa dating alitan

Posted July 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang ang lalaki ang sinuntok ng apat na beses matapos komprontahin ng isa ring lalaki tungkol sa dati nilang alitan.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nasa stall sa Talipapa Bukid ang nagrereklamo nang lapitan umano ng dati nitong nakaalitan at kinompronta.

Dahil dito, nagkaroon di umano ng mainit na argumento sa pagitan nilang dalawa at bigla na lamang itong sinuntok ng suspek sa kanyang mukha at likod.

Samantala, nang magharap sa Boracay PNP Station ay nagkasundo naman ang dalawa na sa pagitan na lamang ng mga ito aayusin ang hindi pagkakaintindihan matapos na humingi din ng tawad ang suspek sa biktima.