Umpisa ngayong Enero ng 2013, lahat ng empleyado sa Boracay,
partikular ang mga frontliners ay idadaan na sa x-ray examination.
Ito ang nilinaw ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa,
para sa pagkakaroon umano ng Health Card at kailangan ng mga empleyado para
makapag-renew ng business permit ang kani-kanilang pinagtatrabahuhang establishimiyento.
Kung saan simula ngayong 2013 ay ipapatupad na ang pag-require
sa mga empleyado sa isla na sumailalim sa x-ray examination.
Bagamat dagdag pabigat umano ito para sa mga empleyado, ang
mga ito pa rin aniya ang makikinabang para sa kanilang kalusugan.
Aniya, ngayong taon pa lang nila ito ipapatupad, gayong sa
ginawang nilang pagrebyu sa Sanitation Ordinance, nakita nila na nakasaad ito
sa listahan ng mga requirement para sa pag-renew ng mga business permit bawat
taon.
Layunin umano nito ay masigurong maaayos ang kalusugan ng
mga empleyado at walang nakakahawang sakit ang mga ito lalo na ang mga food
handler, gayong ang Boracay ay isang tourist destination.
Una rito, nitong nagdaang Martes ika-18 ng Disyembre,
inihayag sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay ni SB Esel Flores na mandatory
sa mga frontliners lalo na sa mga food handlers ang nasabing examination. #ecm122012