Isang proyekto ang kasalukuyang pinaghahandaan ng Boracay
Land Transportation Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC para sa mga tricycle at
multicab drivers sa Boracay.
Ayon kay Ryan Tubi, Chairman BLTMPC, magsasagawa ng dalawang
araw na Front liner Enhancement Seminar ang Land Transportation office at
Department of Labor para sa mga driver dito sa isla, na magsisimula ngayong araw,
Nobyembre a bente-tres hanggang a bente-kwatro ng taong kasalukuyan.
Pag-uusapan umano sa naturang seminar ang mga ordinansa ng
transportation, performances ng mga drivers sa kanilang trabaho kabilang na ang
kung paano nila i-handle ang maraming pasahero, at kung ano ang kanilang
gagawin at paano susundin ang ordinansang kanilang inilatag.
Isa rin sa mga layunin ng nasabing seminar ay mabigyan ng certificate
at award ang isang driver upang makapag-renew ng permit sa susunod na taon.
Nauna rito, nagkaroon muna ng registration ang lahat ng mga
drivers sa isla kung saan kinuhanan sila ng profiling at binigyan ng kopya ang
LGU at BLTMPC, nang sa ganoon kung sakaling nagkaroon sila ng paglabag ay lalagyan
ito ng tatak, isang patunay na sila ay lumabag.
At kung sakaling umabot sa limang violations ang isang
driver ay hindi na ito papayagang magrenew ng permit.
Habang bibigyan naman ng certificate at award na
makapag-renew ng permit ang isang driver na walang anumang report ng kahit na
anong paglabag sa kaniyang trabaho.
Ayon pa kay Tubi, naglaan ng budget ang pamunuan ng BLTMPC
at lokal na pamahalaan para sa nabanggit na proyekto.
At kung sakali aniyang kulang ang dalawang araw na ito ay
handa silang mag-extend ng isa pang araw para mas lalo pang maging handa at
mabigyan ng karagdagang impormasyon ang mga drivers may kinalaman sa kanilang
trabaho.
Napag-alamang ang nasabing proyekto ay sa pangunguna ng
Malay Tourism Office, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Malay.