YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 22, 2017

GRO na tulak ng shabu, arestado sa buy-bust sa Boracay

Posted September 22, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for buy-bustNahulihan ng dalawang sachet ng pinag-hihinalaang shabu ang isang babae sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa isla ng Boracay.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong suspek na si Maribeth Bandiez alyas “Barbie” 21-anyos, residente ng Caloocan City at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Bantud, Manoc-Manoc, Boracay.

Base sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), nagbenta umano ng droga ng suspek ang nagpanggap na pulis sa naturang lugar kapalit ng 1,500 pesos buy-bust money na naging dahilan ng kanyang pagkahuli.

Kasalukuyang nakakulong ang babae sa BTAC detention cell.

Tourism Week Celebration ng Aklan, nagsimula na

Posted September 22, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

No automatic alt text available.Handa na ang isang linggong aktibidad para sa Tourism Week Celebration 2017 sa probinsya ng Aklan.

Kasabay ng selebrasyon ay ang “Tinda Turismo” na itatampok ang ibat-ibang Aklanon na produkto kabilang na ang mga delicacies sa activity center ng  CityMall-Kalibo.

Ilan din sa mga naka-linyadang aktibidad ay ang  gaganaping Tourism Congress sa Aklan Training Center at Talento para sa Turismo “Dungog Awards Night”.

Ngayoin araw, September 22 ay Familiarization Tour kung saan ilalakbay ang mga senior citizens, persons with disabilities sa Basura Garden, Jumarap Farmers Hand Garden, Museo sa Akean, Papierus, and Talabahan Village.

Sa huling araw September 23, magpapakitang gilas naman sa larangan ng pagluto para sa Sabor Akean Cooking Challenge sa Mrs. Benedict’s Place sa Old Buswang, Kalibo.

Samantala ang Week Long Celebration ay magtatapos naman sa kanilang inihandang kasiyahan na Color Wave Music Festival sa Kalibo Pastrana Park.

Itong  aktibidad ay inorganisa ng Aklan Tourism Officers Association (AkTOA) at Aklan Provincial Tourism Office (APTO) kasama ang labing pitong munisipalidad sa probinsya.

Thursday, September 21, 2017

Mga nasunugan, tumanggap ng tulong

Posted September 21, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo at Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Tumanggap ng paunang tulong mula Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang ilan sa mga nabiktima ng sunog sa D’talipapa Boracay kahapon.

Nabatid na bago ipinabigay ang relief goods ay kailangan munang magfill-up ng mga nasunugan ng disaster form para sa pag-validate.

Sa panayam ng himpilang ito sa isang residente na isa rin sa mga naka tanggap ng mga nasabing goods, sinabi nitong nagpapasalamat siya dahil ito ang unang beses na nakatanggap sila ng tulong mula ng maganap ang sunog.

Kung may nasiyahan, ang ilang biktima naman ay naglabas ng saloobin kung saan partikular  na tinukoy ng mga ito ang suplay na ipinamahagi sa kanila na hindi umano sapat sa isang pamilya.

Isa ring ginang ang nagpaabot ng pagkadismaya matapos na wala umanong nagbigay man lamang ng kahit tubig sa kanila ng mga oras na sila ay lumikas sa Front Beach ng isla.

Ang ilan sa mga residenteng nawalan ng bahay ng dahil sa sunog ay pansamantala munang tumutuloy sa evacuation center sa Brgy. Balabag.

Samantala, patuloy naman sa ngayon ang koordinasyon ng LGU-Malay sa mga apektadong biktima para malaman ang karagdagang pangangailangan ng mga ito.

Wednesday, September 20, 2017

Ilan sa mga negosyanteng nasunugan, back to business ulit

Posted September 20, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Pansamantalang pinahintulutan ngayon ng management ng D’ Talipapa na muling maglatag ng kani-kanilang paninda ang mga negosyanteng nasunugan.

Ayon sa isa sa mga nagbebenta sa lugar, kahapon pinulong sila ni Shy Alzate na dating presidente ng asosasyon ng mga negosyante ng D’Taliapap para malaman ang hakbang na gagawin pagkatapos ng nangyaring sunog.

Ayon sa natanggap nilang balita mula sa management ay i-rebuild umano ang palengke na meron ng dalawang palapag.

Habang inaantay ang pagpapagawa sa nasunog na palengke, pinahintulutan muna ang mga ito na magbenta para kahit papaano umano ay may pera silang panggastos.

Ilan sa mga nagbebenta doon ay mula sa wet market na naglatag ng panindang isda at seafoods sa main entrance ng palengke.

Image may contain: one or more people and foodSa kabilang banda, sa inisyal na imbestigasyon ni Fire Arson Investigator FO2 John Henrey Eldesa ng BFP-Boracay, nasa sampung milyon umano ang naitalang danyos sa mga natupok na mga stalls kabilang na ang mga boarding houses.

Aniya, sa kanyang pag-imbestiga at sa mga nakakita ng una, nasa Stall 56 at 57 umano nagsimula ang sunog kung saan sa ngayon ay kanila pa itong ini-imbestigahan at kung ano ang sanhi ng sunog.

Nabatid, pitong oras bago naapula ang sunog na nagsimula alas kwatro ng madaling araw hanggang alas-dose ng tanghali.

Samantala, inaasikaso na ng DSWD ang mga nasunugang residente kung saan makakatanggap ang mga ito ng P 10, 000 ang totally damage at sa partially damage naman ay P 5, 000 na financial assistance.

Update: Comelec naglabas ng bagong schedule

Posted September 20, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image result for comelec logo
Sakaling matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay inilabas na ng Commision on Elections ang bagong schedule nito para sa mga nais na tumakbo.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, hanggang hindi pa aprobado ang postponement ng naturang eleksyon ay susundin nila ang bagong labas na iskedyul ng komisyon.

Nabatid na inaprubahan na kahapon ng Commision en Banc ang pagbabago sa kalendaryong  ito kung saan ang Election period ay mag-uumpisa sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 30 ng taong kasalukuyan.

Sa mga tatakbo naman, ang filing ng Certificate of Candidacy o COC ay sa  ika-5 ng Oktubre na magtatapos sa Oktubre 11 at susundan ng Campaign Period mula Oktubre 12 hanggang sa Oktubre 22.

Kalakip din sa pagbabagong ito ay ang epektibong pagpapatupad  partikular ng Gun Ban na uumpisahan sa  October 1, 2017 gayunpaman, bilang naunang iskedyul ang pag-file naman ng application for exemption sa Gun Ban ay uumpisahan pa rin sa Setyembre 21, 2017.

Samantala, anuman ang maging pinal na desisyon ukol dito ay preparado naman ang Comelec- Malay.

Update: Pag-Iimplementa ng Curfew sa isla ng Boracay nasa proseso na

Posted September 20, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image result for CURFEWNasa ilalim na ng pagpo- proseso ang pag-implementa ng curfew sa isla ng Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay PSI Jose Mark Anthony Gesulga, Acting Chief ng BTAC, hinihintay nalang umano nila ang tugon ng kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa pinal na iskedyul ng kanilang pag-iikot.

Dagdag pa ni Gesulga nais umano nila itong isagawa mula araw ng Biyernes hanggang Linggo kasama ang lead agency na DSWD, WCPD  ng BTAC at ang ilang LGU enforcers.

Kaugnay nito ang nasa edad dise-otso pababa ay maaaring hulihin kung maaktuhang paga-gala mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw.

Samantala, ani Gesulga, nakapag-bigay na umano sila ng sulat sa pamunuan ng MSWDO para sa naturang implementasyon.

Magugunitang ilang petty crimes na rin ang kinasangkutan ng mga menor de edad sa isla kung kaya’t hihigpitan na ng mga ahensyang ito ang pag-momonitor sa naturang isyu.

Tuesday, September 19, 2017

Paghahanda para sa Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival, puspusan na-KASAFI

Posted September 19, 2017
Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Image result for Kalibo Santo Niño Ati-Atihan
Puspusan na ang paghahanda ng Kalibo Santo Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. o (KASAFI) para sa nalalapit na selebrasyon ng tinaguriang "Mother of All Philippine Festivals” .

Ayon kay KASAFI Chairman Albert Meñez, abala na umano ang kanilang tanggapan para sa preparasyon sa nalalapit na Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2018, sa buwan ng Enero.

Ilan umano sa mga aktibidad na gagawin sa nasabing selebrasyon ay ang pagtatanghal ng ilang banda at event parties na pangungunahan ng iba’t- ibang mga dj’s.

Nais din ipabatid ni Meñez na ang search for 'Mutya it Kalibo Ati-atihan 2018' at Mr. Ati-Atihan Festival King na isa rin sa mga highlights ng selebrasyon ay bukas na para sa mga gustong sumali.

Ang Mutya it Kalibo Ati-atihan 2018' ay gaganapin sa ika-12 ng Enero, kung saan ang Mr. Ati-Atihan Festival King naman ay gaganapin sa ika-16 sa buwan ng Enero.

Samantala, nalalapit na rin ang Opening Salvo na gagawin sa ika 20 ng Oktubre ng taong kasalukuyan, hudyat na nagsimula na ang taunang pagdiriwang.

Ang week long celebration ay ipinag-diriwang tuwing ikatlong linggo ng Enero kada taon.

Pedicab Driver, tumalon sa barko-patay

Posted September 19, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for lunodPatay ang isang lalaki matapos malunod ng tumalon ito sa dagat mula sa sinasakyang barko na galing Mindoro.

Ang biktima ay kinilalang si Manuel Diaz, 32-anyos residente ng Panitan, Capiz at nagta-trabaho bilang Pedicab Driver sa Maynila.

Ayon kay PO2nd Sonny Ricardo ng Philippine Coast Guard Caticlan, sakay ang biktima ng Maria Urzula ng Montenegro Lines ng bigla umanong tumalon ito habang papalapit ang sinasakyang barko sa Caticlan Port.

Mabilis na rumisponde ang empleyado ng barko at iniahon si Diaz at binigyan ng paunang lunas o CPR.

Para mabigyan ng atensyong medikal, dinala pa ang biktima sa ospital sa bayan ng Malay subalit idineklara rin itong Dead on Arrival.

Sa pahayag ng pamilya ng biktima sa PCG-Caticlan, wala umano silang nakikitang dahilan para gawin iyon ng kanilang kaanak.

Sa ngayon, nakatakdang pumunta ang pamilya sa ospital ng Malay para kunin ang labi ng Diaz.

Sales Agent, binaril-patay sa Boracay

Posted September 19, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Binaril-patay ang isang Sales Agent habang ito ay nanood ng peryahan sa Sitio Bolabog, Balabag, Boracay.

Kinilala ang biktima na si Daniel Lagayada, 34-anyos, native ng Roxas City at temporaryong nakatira sa Staff House ng kanyang pinagta-trabahuhan sa ManocManoc Boracay.

Sa blotter report ng Boracay PNP, nakatanggap umano sila ng tawag na may shooting incident na nangyari sa lugar kung saan agad nila itong pinuntahan.

Dito tumambad sa mga pulis ang katawan  ni Lagayada na may tama ng bala ng baril at wala ng buhay.

Sa inisyal na imbestigasyon naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) Boracay, nakatayo umano ang biktima sa peryahan ng binaril ng hindi nakilalang suspek kung saan lumalabas na siyam na butas ang tinamo nitong sugat sa kaliwang parti ng kanyang katawan.

Pinaniniwalaan rin na umano’y shotgun ang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Idineklarang dead on arrival ang biktima sa ospital habang ang bangkay nito ay dinala na sa Prado Funeral sa bayan ng Malay.

Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulis sa pagkakakilanlan at dahilan ng suspek sa pagpatay sa biktima.

Monday, September 18, 2017

Dropbox para sa Oplan Tokhang, inilagay sa mga kabarangayan

Posted September 18, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image result for Dropbox“The best security starts in the community”.

Ito ang naging pahayag ni PSI Jose Mark Anthony Gesulga, Acting Chief  BTAC, sa panayam ng himpilang ito sa Boracay Good News.

Sa muling pagbabalik ng operasyon ng mga pulis kontra droga kasabay din nito ang paglalagay ng mga Drop Boxes sa mga barangay sa isla ng Boracay.

Ayon kay Gesulga, kailangang magsumite ng mga listahan ng pangalan ang Barangay Anti Drug Abuse Council o BADAC ng mga drug pusher, user o kahit na ang newly identified person ng naturang barangay o area kung saan sasailalim ito sa kanilang validation.

Layunin ng Drop Boxes na ito na magkaroon ng lakas ng loob ang mga taong may alam at nais na ipaabot ang kanilang nalalaman sa mga miyembro ng kapulisan.

Samantala, hinihikayat naman ni Gesulga na magbigay- alam agad ang publiko sa kanilang ahensya sa oras na may mapag-alamang sangkot sa iligal na droga.

Curfew sa Boracay, hihigpitan na – Gesulga

Posted September 18, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Mas hihigpitan na umano ngayon ng mga kinatawan ng kapulisan ang pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad.

Sa naging pahayag ni PSI Jose Mark Anthony Gesulga, Acting Chief  BTAC, magsisimula ang curfew mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw.

Ayon kay Gesulga, hindi maaaring gamitin ang mga kabataan na ito kung para sa hanapbuhay at anumang aktibidad lalo na sa gabi dahil karamihan sa sangkot ngayon sa mga petty crimes ay minors.

Kaugnay nito, ang lalabag sa first offense ay sasailalim sa seminar ng kalahating araw sa MSWDO kasama ang magulang ng mahuhuli, papatawan naman ng P 500 at isang araw na seminar kapag inulit ito sa pangalawang pagkakataon at sa third offense ay multang P 1, 000 kasabay ng pagkakulong ng mga magulang.

Samantala, ayon naman kay Gesulga may mga lead diagram na umano ang Malay Auxilliary Police (MAP) at maging ang Beach Guards para sa pag-monitor ng mga kabataang pagala-gala sa isla ng hatinggabi.

Sunog sa Boracay, patuloy na ini-imbestigahan

Posted September 18, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: one or more people, crowd, sky, tree, table and outdoorNagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng Boracay Island Special Fire Protection Unit (BISPU) sa naganap na sunog kaninang madaling araw sa Balabag Boracay.

Sa report ng BFP-Boracay, nakatanggap sila ng tawag alas-kwatro kwarenta y singko ng madaling araw na merong sunog kung saan ng kanila itong ni-respondihan ay malaki na ang sunog sa loob ng wet market area ng D Talipapa.

Kasama ng mga bombero ang iba pang responders team ay nagtulungang maapula ang sunog na umabot ng mahigit kumulang pitong oras pagkatapos idineklara ng BFP na fire out bandang alas-dose ng tanghali.

Nabatid, halos 90% ng mga stalls sa loob ng D’Talipapa ang totally burned habang nasa tatlong stalls lang ang hindi natupok ng apoy.

Image may contain: outdoorSamantala, pahirapan din ang pag-apula ng apoy kung saan inabot din nito ang likurang bahagi at nadamay rin ang ilang kabahayan at boarding houses doon.

Ang ibang mga biktima ay hindi na naisalba pa ang kanilang mga paninda habang ang iba naman ay nanlumo sa sinapit ng kanilang pwesto.

Ayon naman sa MDRRMO-Malay, ang mga fire victim mula sa mga nadamay na bahay ay pansamantalang pinatuloy sa Evacuation Center sa Balabag kung saan pitong pamilya ang nananatili doon.

Sa rekord ng MDRRMO, may nasa 496 ang apektadong indibidwal kung saan 216 sa mga ito ay mula sa mga nagta-trabaho at nagmamay-ari ng sa stall sa D Talipapa.

Wala namang namatay sa naganap na sunog ngunit dalawa sa mga responders ang nasugatan.
Nagpasalamat naman ang BFP-Boracay sa mga tumulong lalo na sa BFRAV Fire Brigade, BIWC at Boracay TUBI sa pagsuplay ng tubig at mga volunteer groups tulad ng Kabalikat, PARDDS, Kabayan at MDRRMO Responders.