YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, July 07, 2017

Basura muling umalingasaw, publiko nag-rereklamo

Posted July 7, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Muling umani ng samu’t-saring reklamo ang nagpapatuloy na paghahakot ng basura mula sa Manoc-manoc MRF patawid sa landfill ng Malay.

Sa panayam ng himpilang ito sa mga guro ng Manoc- Manoc Elementary School, nag-umpisa umanong umalingasaw ang amoy ng basura nito lamang Lunes kung saan may mga estudyante nang nasuka at sumakit ang tiyan.

Dagdag pa ng isang guro, pinipilit na lamang nila na ipagpatuloy ang kanilang klase sa kadahilanang wala din silang magawa at hindi naman nila maaaring i-dismiss ang kani-kanilang mga klase.

Kaugnay nito, may mga residente rin ang nagbigay ng pahayag tungkol naman sa dumadaang truck ng basura sa Manoc- Manoc Port Area na sana umano ay naselyuhan naman ang basura na hinahakot nila ng sa ganun ay maiwasan ang pag-alingasaw at pagtagas nito sa tuwing dumadaan sa kanilang lugar.

Samantala, naglabas din ng kahalintulad na sintemyento ang mga taga-mainland Malay na sa tuwing dumadaan ang mga truck ay hindi kanais-nais na amoy ang nalalanghap nila doon.

Bilang sagot naman sa mga reklamo ng publiko, ayon kay Executive Officer IV Rowen Aguirre, ginagawa ng LGU-Malay ang lahat upang masolusyunan ang naturang usapin kung kaya’t si Mayor Cawaling ay naroon mismo sa MRF para mamonitor ito.

Ani Aguirre, may humigit kumulang na 55 trucks na nahahakot na basura araw-araw, at umaalingasaw din umano ang amoy nito dahil binubungkal ito kung saan nasa 110 metrics tons kada araw ang nakukuha doon na binubuo ng Mix Waste.

Ang walang-tigil na paghahakot ay ginagawa ngayon ng LGU-Malay pagkatapos na tinaningan ito ng DENR-6 ng hanggang July 17 na kakasuhan kung hindi mahakot ang lahat ng basura na nakatambak ngayon sa kontrobersyal na MRF.

Investment Ombudsman, nagsagawa ng “Boracay Business Forum”

Posted July 7, 2017
Ni Alan C. Palma, Sr. - YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, indoorPara mapag-usapan at mabigyan ng tugon ang mga hinaharap na suliranin ng Boracay, nagsagawa ng “Boracay Business Forum” ang Office of the Ombudsman katuwang ang PCCI-Boracay, Boracay Foundation Inc., at Lokal na Pamahalaan ng Malay.

Naibalangkas ang pulong ng humingi ng tulong ang mga stakeholders sa Investment Ombudsman hinggil sa mga problema ng Boracay na may kinalaman sa industriya ng turismo tulad ng government services at environmental issues.

Lumabas ang ganitong hinaing ng magsagawa ng assessment ang Ombudsman Regional Office VI sa Business Permit and Licensing Office ng Malay para sa Blue Certification Standards.

Ayon kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur H. Carandang, ang Investment Ombudsman na itinatag noong 2014 ay layunin na mabigyang aksyon at resulosyon ang mga daing at reklamo ng mga investors.
Sa ganitong paraan umano ay maiiwasan ang anumang klaseng kurapsyon, red tape sa gobyerno at para maprotektahan ang interes ng mga namumuhunan lalo na sa isla ng Boracay.

Ang forum ay hinati sa tatlong cluster kung saan sa unang cluster ay sabay tinalakay ang mga isyu sa kalikasan, imprastraktura, at enerhiya na nilahukan ni Mayor Cawaling at mga miyembro ng BFI at PCCI-Boracay na isyu sa AKELCO , drainage, sewerage at kalsada ang pinag-usapan.

Image may contain: 5 people, people sittingSamantala sa Cluster II, nagsilabasan ang mga problema sa pagkuha ng occupancy permit, building permit, at isyu sa mga foreign tour guides na hinarap at sinagot naman ni Malay Administrator Ed Sancho.

At ang pangatlong grupo naman ay hinarap ni Executive Assistant IV Rowen Aguirre na tinalakay ang mga suliranin sa permit to transport at mga sasakyan sa loob ng isla.

Bagamat naging mainit ang talakayan, iisa ang layunin ng mga dumalo at ito ay ang maisalba ang isla sa lahat ng mga isyung hinaharap nito.

Samantala, kasabay sa ginawang forum ay pinatawag at pinadalo rin ng Ombudsman ang mga kinatawan ng DOT, DENR, DPWH, TIEZA, DOE, DOTr, BIR, DTI, OMB, at mga department heads ng LGU Malay para pagpaliwanagin.

Wednesday, July 05, 2017

Babaeng Wanted sa kasong Estafa sa Zamboanga, arestado sa Boracay

Posted July 5, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for estafaWalang kawala ang wanted na babae na may kasong Estafa matapos itong maaresto ng mga pulis sa Balabag Boracay kagabi.

Ang suspek ay si Daisy Martinez y Bansalan, 28-anyos, native ng Martha, Dr. Sta. Catalina, Zamboanga City at nanunuluyan sa Sitio Diniwid ng  Barangay.

Si Martinez ay may dalawang warrant of arrest sa kasong Estafa na inisyu nina Hon. Carlo Martin Alacala, Presiding Judge of Municipal Trial Court in Cities, 9th Judicial Branch 3, Zamboanga, City na may petsang November 14, 2014 at Criminal case No: 51794 at may piyansang P 10, 000.

Habang ang isa pang warrant of arrest sa kahalintulad rin na kaso ay mula naman kay Hon. Catherine Fabian, Presiding Judge of Regional Trial Court, 9th Judicial Region Branch 16, Zamboanga City, na may petsang December 18, 2015.

Mayroon naman itong siyam na Criminal Case No. kung saan nagkakahalaga lahat ng 168,000 pesos ang piyansang inilaan dito.

Nakatakdang dalhin ang suspek sa Zamboanga Central Police Station para sa harapin ang kaniyang patung-patong na kaso.

Nahuli ang suspek sa pinagsamang pwersa ng Boracay PNP, Detective Management Unit o (DMU) galing Zamboanga  Central Police Station 11.

Malay, balak mag-deklara ng 15-year Casino Moratorium

Posted July 5, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for moratoriumBalak ngayon ng SB Malay na mag-deklara ng labing-limang taon na Moratorium sa pag-endorso ng casino at iba pang gaming operation sa Boracay.

Ang resolusyon ay para ihinto muna ang pagtanggap ng mga aplikante at may gustong mag-operate ng anumang klaseng legal na sugal tulad ng Junket Casino kahit pa PAGCOR at Game and Amusement Board sanctioned pa ito.

Sa ginanap na 22nd Regular Session kahapon, ani SB Jupiter Gallenero,  dapat munang magkaroon ng moratorium dahil mayroon ng nasa apat o limang nag-ooperate ng casino sa Boracay.

Suhistyon ni SB Lloyd Maming, nais niyang maaprubahan na agad itong resolusyon upang hindi na umano mag-nanais pang mag-apply ang mga negosyante at casino operators dito.

Samantala, Subject for Periodic Review ng plenaryo  ang napagkasunduan ng mga konsehales para sa nasabing resolusyon.

Motorsiklong naka-park sa Boracay, ninakaw

Posted July 4, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for motorsiklong ninakaw
Ninakaw ng hindi pa nakikilalang suspek ang motorsiklo ng isang lalaki sa ManocManoc, Boracay.

Ang nagreklamong biktima ay kinilalang si Flaire Laguindam, 32-anyos, native ng Dao, Capiz at nakatira nasabi ring Barangay.

Ayon sa report ng biktima sa Boracay PNP, iniwan niya  naka-park ang kanyang motorsiklo sa lugar subalit ng kanya na itong balikan, laking gulat nalang nito at nawawala na ang motorsiklo.

Sinubukan pa umanong hanapin ni Laguindam ngunit, bigo siyang makita ito.

Dahil dito, minarapat na i-report ng biktima sa Boracay PNP ang reklamo kung saan nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa pagkakakilanlan ng suspek na tumangay sa motorsiklo ni Laguindam.

Monday, July 03, 2017

Bilang ng IDP’s sa isla ng Boracay, tumaas

Posted July 3, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Umakyat na sa 97 na mga evacuees o Internal Displaced Person (IDP’S) mula Marawi City ang nasa pangangalaga ngayon ng muslim community sa isla ng Boracay.


Sa ibinigay na datos ni BTAC Chief Intelligence & Operation Section Dexter Brigido, nakapagtala sila ng 54 na kalalakihan at 43 na kababaihan na mga IDP’s na karamihan ay mula sa Lanao at karatig probinsya.

Pagsisiguro ni Brigido, bago makapasaok ang mga ito ay nagsagawa sila ng profiling para sa pagkakilanlan ng mga IDP’s katuwang ang mga muslim leaders sa Boracay.

Bago makapasok ng isla, dumaan ang mga ito sa checkpoint sa mga bayan sa Altavas at Nabas kung saan ay hinahanap ang mga ito ng ID para sa maayos na koordinasyon ng kanilang biyahe.

Dagdag pa nito tuwing araw ng Linggo umano ay inaasahan nila ang iba pang pagdating ng mga evacuees dahil simula alas nuebe ng gabi lamang ang byahe mula sa Cagayan De Oro papuntang Iloilo.

Sa ngayon maliban sa mga Tourist Police , may augmentation rin ng SWAT- Aklan, QRT ng Philippine Army, PNP, Maritime Group, High-way Patrol Group,Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Bureau of Fire, EOD at ang paparating pang Navy Seal na bumubuo sa Task Force – Boracay.

Ayon sa PNP, aasahan pa ang paglobo ng bilang ng mga evacuees dahil sa may mga pamilya sila sa isla na kukupkop habang patuloy ang bakbakan sa Marawi.

Boracay PNP, nagbigay paalala hinggil sa Bomb Joke

Posted July 3, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Muling nagpa-alala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na may kaukulang parusa ang pagbibiro tungkol sa bomba dahil maaari itong magdulot ng panic o pagkabahal sa publiko.


Itong hakbang ay may kaugnayan sa pasa-pasang balita nitong nakaraang linggo na meron umanong bomba sa ManocManoc, Elementary, School dahilan ng pagkansela ng mga paaralan ng kani-kanilang klase.

Sa panayam ng himpilang ito kay BTAC Chief Police Senior Inspector Jose Mark Gesulga at SPO1 Christopher Mendoza ng Boracay PNP, wala umanong katotohanan ang lumabas na balitang mayroong bomba at kung meron man ay huwag na itong ikalat bagkus ay ipagbigay alam agad sa otoridad upang ma-verify kung totoo ang impormasyon.

Ani Gesulga, mag-iingat umano sa mga binibitawang salita lalo na sa mga matataong lugar dahil magdudulot talaga ito ng hindi kanais-nais na sitwasyon.


Napag-alaman na sa ilalim ng Anti-Bomb Joke Law 1727, sinumang magsambit ng tungkol sa bomba o anumang biro na maaaring ikaalarma ng publiko ay may kaukulang parusang hindi lalampas ng limang taong pagkakabilanggo o multang hindi tataas ng P40, 000 o pareho.