YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, November 08, 2013

Number of Evacuees as of 10am - Boracay Island

Here are the numbers of evacuees in the Island of Boracay as of 10:00am:                              


Thursday, November 07, 2013

DOT 6, nagpalabas ng advisory para sa mga turistang maaaring ma-stranded dahil sa bagyong Yolanda

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagpalabas ng advisory para sa mga turistang maaaring ma-stranded dahil sa bagyong Yolanda ang DOT 6.

Base sa advisory ng Department of Tourism Region 6, nakatanggap ng advisory ang DOT 6– Boracay Sub-Office, lahat ng Western Visayas Tourism Officers, mga sea crafts, vessels at passenger ships, accommodation establishments at iba pang ahensya.

Ito’y may kaugnay sa panawagan ng DOT na i-report sa kanila ang mga stranded foreign and domestic tourists na maaaring mangailangan ng tulong sanhi ng pagpapakansela ng mga sea transport.

Nanawagan din ang DOT na kanselahin ang mga island hopping activities hangga’t walang abiso mula sa Philippine Coastguard.

Samantala, nakipag-ugnayan at nakipagtulungan naman ang DOT 6– Boracay Sub-Office sa iba’t-ibang ahensya para sa mga daan-daang na-stranded na pasahero sa Cagban Port kaninang umaga. 

Mga evacuation center sa Boracay , hinahanda na para sa “super typhoon" Yolanda

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hinahanda na ngayon ang mga evacuation center sa isla ng Boracay para sa paghagupit ng “super typhoon Yolanda”.

Ito ay ang Beth salom, National High School, Mission of Love, Agapi Red cross at island International School sa baranggay Manoc-manoc.

Sa baranggay Balabag naman ay ang Fairways resort, Bloomfield Academy, Mt. Luho, Shangrila staff haus, at firing range.

Samantala ang sa baranggay Yapak naman ay ang Ecovillage, National High School, Elementary school, Grand Vista at Alta vista.

Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni SB Member Rowen Aguirre ang lahat ng mga residente na maging handa para sa nasabing bagyo.

Aniya, kailangang maabisuhan ang lahat ng mga nasa prone areas sa Boracay para sa agarang paglikas kung sakaling manalasa ang bagyong Yolanda dito sa isla.

Nanawagan din si Malay Mayor John Yap na maghanda ng mga kakailanganin para sa bagyo katulad ng pagkain, flash light at iba pang importanting bagay.

Sa ngayon naka-heightened alert na rin ang buong lokal agencies dito para sa inaasahang pagpasok ng super typhoon bukas.

Mga paaralan sa Aklan inalerto para sa paghagupit ng bagyong Yolanda sa Visayas

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inalerto ng DepEd ang mga paaralan sa Aklan dahil sa posibleng paghagupit ng bagyong Yolanda sa Western Visayas bukas.

Ayon kay Aklan Schools Division Superintendent Dr. Jesse M. Gomez, pinadlahan sila ng sulat ni congressman Teodorico Haresco para sa maaaring suspensyon ng klase mamayang hapon lalo na bukas.

Ipinagbigay alam na rin umano nito sa mga District Supervisor sa labin pitong munisipalidad sa Aklan ang kanilang dapat gawin sa kani-kanilang mga paaralan sa oras na tumama ang bagyong Yolanda.

Samantala, automatic umanong walang pasok ang kindergarten kapag may signal number 1 at sa signal number 2 naman ay ang lahat ng antas ng paaralan.

Dagdag pa ni Gomez, maaari ring mag-suspendi ng klase ang mga lokal na pamahalaan sa ibat-ibang bayan sa Aklan sa oras na may kalakasan ang ulan at pagtaas ng tubig baha.

May joint agreement umano kasi sila ng LGU at DILG mula sa palasyo na maaaring magbigay din ng suspensyon ng klase sa oras ng kalamidad sa kanilang mga lugar.

Pinayuhan din nito ang mga guro na habang maaga pa ay ipagbigay-alam agad sa mga mag-aaral na walang pasok para maiwasan ang anumang aberya gayon din ang pagpapakalat ng text brigade sa mga ito.

Samantala, pinag-iingat naman ni Gomez ang mga mamamayang nakatira malapit sa coastal areas at sa mga dalampasigan dahil sa posibleng pagtaas ng tubig.

Boracay Risk Reduction Management Council, handa na sa pagpasok ni Yolanda

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Handa  na ang lahat na kakailanganin para sa nalalapit na pagpasok ng Super Typhoon Yolanda sa Isla ng Boracay.
Sa isinagawang pulong ngayong umaga sa Command Post sa Balabag Action Center kasama si Mayor Yap, handa na ang  mga relief goods para sa mga assigned evacuation centers.

Pinulong din ang mga miyembro ng BAG o Boracay Action Group at mga Medical Team na reresponde sa posibleng maapektuhan ng malakas na bagyo.

Ayon kay Madel Dee Tayco ng MSWD o Malay Social Welfare and Development, naki pag-ugnayan na sila sa talong baranggay sa isla para sa mabilisang pag-abot ng tulong .

Nanawagan naman si Mayor John Yap sa lahat ng resort owners na i-hold muna ang mga bisita nila para hindi na magsiksikan sa pantalan kagaya ng nangyari nitong umaga sa Cagban Jetty Port.

Nai-report kasi sa command post na may mga nasaktan at nagkagulo pagkatapos na isara ang gate ng Cagban port.

Hiniling din ni Mayor Yap na i-trim o tapyasan na ang lahat ng mga puno na maaring makasagabal at makapagdulot ng sakuna.

Samantala ,naki-usap din si Vice-Mayor Wilbec Gelito na mag-stock n ang krudo ang mga resort na merong generator set dahil posibleng magka-brownout anumang oras.

Gate sa Cagban Jetty Port ipinasara na sa mga pupuntang mainland

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naglabas sa ngayon ng advisory ang Cagban Jetty Port na ipasara na ang gate papuntang mainland.

Ito ay para na rin umano sa kapakanan ng mga bibiyahe paalis ng isla bilang paghahanda sa papasok na bagyong Yolanda sa probinsya ng Aklan.

Ayon sa PAGASA, isa na ang probinsya sa ngayon sa mga ideneklarang signal no. 1 at kailangan na umanong alalayan ang publikong bibiyahe gamit ang Bangka.

Nabatid na alas otso pa lamang ay mahaba na ang pila sa nasabing jetty port at marami na ang mga gustong maka-uwi sa kani-kanilang mga lugar.

Gayunpaman, muling nagpaalala ang mga taga Philippine Coast Guard (PCG) na huwag mag-panic, sa halip ay panatilihing kalmado at paghandaan ang paparating na bagyo.

Samantala, aalamin pa ng mga taga PCG- Aklan kung ano ang magiging plano para sa mga na-stranded sa Cagban Jetty Port.

Sa ngayon ay patuloy paring naka-antabay ang mga otoridad sa mga posibleng mangyari na dulot ng paparating na bagyo.

Probinsya ng Aklan, naka-heightened alert na para sa “super typhoon” Yolanda

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naka- heightened alert na rin ngayon ang buong probinsya ng Aklan para sa posibleng pananalasa ng bagyong Yolanda sa Western Visayas.

Dahil dito ilang local agencies na ang nagpatawag ng pulong para paghandaan ang pananalasa ng nasabing bagyo.

Nagpalabas naman ang Pag-asa ng storm signal number one sa eastern panay kasama ang probinsya ng Aklan.

Kaugnay nito, inalerto na rin ng provincial governor ang lahat ng mga munisipalidad sa Aklan na maging-alerto at preparado sa pananalasa ng bagyo.

Samantala, pinangangambahan ngayon ng gobyerno ang posibleng pagtaas ng tubig baha sa Aklan River sa maaring pagbuhos ng malakas na ulan.

Mayor John Yap, nagpasalamat kay Pangulong PNoy, kaugnay sa implementasyon ng 25 + 5 meter easement sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagpasalamat si Mayor John Yap kay Pangulong PNoy, kaugnay sa implementasyon ng Boracay redevelopment.

Sa ginanap na awarding ceremony para sa mga establisemyentong sumunod sa 25+5 meter easement.

Sinabi ni Mayor Yap na nagpapasalamat ito, dahil gumawa ng hakbang ang national government upang ayusin ang Boracay at manatili itong numero sa buong mundo.

Maliban nito, pinasalamatan din ng alkalde ang lahat ng mga ahensya, stakeholders, at mga indibidwal na sumuporta at sumunod sa nasabing redevelopment.

Samantala, nasa pitumpong establisemyento naman ang nakatanggap ng COC o certificate of compliance, maliban pa sa mga indibidwal na nakatanggap ng award.  

BFP Boracay patuloy sa pagsasagawa ng Fire Drill para iwasan ang sunog

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy ngayon sa pagsasagawa ng fire drill ang Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay para maiwasan ang sunog sa isla.

Ayon kay FO1 Ked Lagon ng Boracay fire department, ang patuloy na pagsasagawa ng mga pagsasanay ay upang maging handa ang isla laban sa sunog, at mapanatiling mababa ang bilang ng fire incidents dito.

Aniya, nagsasagawa sila ng mga seminar sa fire safety measures para sa mga tenant, security officer at mga paaralan tungkol sa paglilikas, paglalapat ng first aid at iba pang dapat gawin sa panahon ng emergency.

Samantala ayon pa kay Lagon, huling nagkaroon ng fire drill ang BFP Boracay sa So. Bolabog, balabag at masusundan pa ito.

Ilang bahagi ng Tambisaan Port sa Manoc-manoc, Boracay, sinira ng malakas na alon kagabi

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sinira ng malakas na alon kagabi ang ilang bahagi ng Tambisaan Port sa barangay Manoc-manoc, Boracay.

Katunayan, nakunan din ng litrato ng ilang residente doon ang ilang bahagi ng pantalan na nahulog sa tubig kasama ang ilang poste.

Kitang-kita rin ang nasira at humiwalay na konkretong hagdanan doon.

Ayon sa ilang residente, maaaring dahil sa malakas na alon kagabi kung bakit bumigay at nasira ang nasabing pantalan.

Nakatakda namang paimbistigahan ng mga taga Philippine Coastguard ang pangyayari.

Wednesday, November 06, 2013

LGU Malay, pinaghahandaan na ang pagdating ni bagyong Yolanda

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinaghahandaan na ng LGU Malay ang pagdating bukas ng bagyong Yolanda.

Katunayan, nagpatawag ng emergency meeting ang mga taga Municipal Disaster Risk Management Council (MDRRMC) ngayong umaga, upang pag-usapan ang mga gagawing paghahanda.

Ito’y matapos hilingin kahapon ni SB Member Rowen Aguirre na padalhan ng sulat ang MDRRMC ng Malay tungkol dito.

Maliban sa emergency meeting sa mismong SB Malay session hall.

Nabatid na magtitipun-tipon din ang mga taga MDRRMC sa Balabag Action Center mamayang alas dos ng hapon upang ibahagi sa mga ahensya dito ang kanilang mga plano at napagkasunduan sa pagpupulong kanina.

Samantala, hinimok na rin ng mga konsehal ang bawat baranggay kapitan sa Malay na maging handa para sa paparating na kalamidad.

Half-Rice Serving Ordinance, isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang Half-Rice Serving Ordinance.

Layon ng nasabing ordinansa na inisponsor ni SP Member Soviet Dela Cruz ang pagre-require sa mga food service industry sa lalawigan na isama ang kalahating tasa ng kanin o half rice order sa kanilang menu.

Kasama sa food service industry na tinutukoy sa ordinansa ay ang mga restaurant, eskwelahan, opisina at hospital cafeterias, catering operations at mga fast food chains.  

Layunin din ng ordinansa na himukin ang publiko na iwasang mag-aksaya ng kanin at kumain lang ng sapat at kayang ubusin.

Base umano kasi sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute, ang bawat Pilipino ay nakakapagtapon ng average na dalawang kutsara ng kanin araw-araw.

Nabatid na ang lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng isa hanggang tatlong libong piso sa una at ikalawang paglabag, kasama na ang pag-suspendi sa lisensya at permit sa pag-ooperate.

Limang libong piso, at permanent cancellation of license or permit to operate naman sa pangatlo at mga susunod pang paglabag.

Samantala pag-uusapan pa sa plenary sa susunod na pagpupulong ang nasabing ordinansa para ikonsidera ang ilang rekomendasyon ng mga stake holders.

Beach front ng Boracay, muling naging maaliwalas

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muli na namang naging maaliwalas ang area ng front beach sa isla ng Boracay.

Itoy’y matapos baklasin ng task force Boracay ang mga illegal infrastructures at mga tent ng mga ibat-ibang istablisyementong lumabag sa 25+5 meter easement sa isla.

Maliban dito tinanggal na din ng mga establishment owners sa front beach ang kanilang mga iniligay na wind protector bilang pananggalang sa malakas na hangin na dulot ng habagat nitong mga nakaraang buwan.

Samantala, patuloy namang tinututukan ng Department of Tourism ang lalong pagpapaganda ng Boracay dahil sa muling pagbukas ng peak season at posibleng pagdami ng mga turistang dadayo dito.

Kaugnay nito, tiwala naman ang DOT na maabot nila ang kanilang target na 1.5 Million tourist sa Boracay bago matapos ang taong 2013.

Caticlan jetty port, target na maabot ang kitang P300 milyon ngayong 2013.

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Target ngayon ng Caticlan jetty port na maabot ang kitang P300 million para sa taong 2013.

Nabatid na mula kay Caticlan jetty port administrator Nieven Maquirang na nakalikom na sila ng kabuuang P255 million simula nitong Enero hanggang Oktubre taong kasalukuyan.

Napag-alaman din na maaari pa itong mabawasan ng mga operational expenses ng jetty port dahil sa gross income pa lamang nila ang P255 million na halaga.

Sa ngayon gagamitin naman ng Caticlan jetty port ang kanilang kita sa ibat-ibang proyekto sa Boracay katulad nang pagpapa-upgrade ng Cagban jetty port at ilan pang inprastraktura ng nasabing pantalan.

Samantala, tiwala naman ang opisina ng jetty port na maaabot nila ang kitang tatlong daang milyong piso bago matapos ang taong ito dahil sa pagdagsa ng turista sa isla ng Boracay.

“Oplan pasko” ng DTI, sinimulan nang ilunsad kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bagamat medyo matagal pa bago sumapit ang pasko ay sinimulan nang inilunsad kahapon ng DTI ang “Oplan pasko” sa bansa.

Ayon kay Aklan DTI Development Specialist Rene Retiro, nag-umpisa na silang mag-monitor ng mga Christmas lights at noche Buena products sa ilang pangunahing pamilihan sa Aklan.

Aniya, wala pa namang pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin para sa nalalapit na pasko sa buwan ng Desyembre.

Magkaganon paman nagpalabas ng 'suggested retail price' ang DTI para kontrolin ang presyo ng mga pagkaing pang-Noche Buena.

Pinaalalahanan din ng Department of Trade and Industry ang mga bibili ng Christmas lights na tingnang mabuti kung ito may holographic stickers o (icc) na nagpapakita na ito ay ligtas gamitin.

Nabatid na bawat taon ay inaaral na baguhin ng DTI ang nasabing sticker para ito ay hindi magaya at mahirap kopyahin ng mga manlolokong manufacturer.

Dagdag pa ni Retiro na sa unang Linggo ng buwan ng Disyembre ay asahan umanong mag-momonitor din sila sa isla ng Boracay ng mga produkto at pagkain na may kaugnayan sa pasko.

Samantala, maaari namang maharap sa anumang parusa ng DTI ang mga magtataas ng sobra-sobrang presyo ng kanilang mga itinitinda.

SB Malay, nababahala sa posibleng pagtama ng super typhoon sa Visayas

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Nababahala ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay sa posibleng pagtama ng “super typhoon” sa Western Visayas.

Sa privilege hour ng Sb Session kaninang umaga sa bayan ng Malay, sinabi ni SB Member Rowen Aguirre na kailangang paghandaan ang nasabing bagyo na maaaring maka-apekto sa probinsya ng Aklan at sa isla ng Boracay.

Kaugnay nito, pinakikiusapan din ng mga konsehal ang bawat baranggay kapitan sa Malay na maging handa para sa paparating na kalamidad sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa kanilang nasasakupan.

Hiniling din ni Aguirre na padalhan ng sulat ang Risk Reduction Management Council ng Malay ukol dito para mapaghandaan ang pagtama ng bagyo sa area of responsibility ng Aklan.
Samantala, ang “super typhoon” ay inaasahang tatama sa Luzon at Visayas sa darating na Huwebes na maaaring magdulot ng malaking epekto sa bansa.

Sa ngayon puspusan naman ang paghahanda ng mga otoridad at mamamayan sa buong probinsya ng Aklan dahil sa posibleng paghagupit ng bagyong Yolanda.

Tuesday, November 05, 2013

Mga nanalong kandidato sa 2013 Barangay Elections nakatakda nang umupo sa pwesto sa darating na November 30

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakatakda nang umupo sa pwesto ang mga nanalong kandidato sa nakaraang 2013 Barangay Elections sa darating na November 30.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II Elma Cahilig, ito ay kung nakapag-sumite na ng Sworn Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ang mga nanalong kandidato.

Aniya, ang oath taking naman ay naka-depende sa kung kailan at ano ang nakatakdang schedule ng mga kandidato hanggat may authorized person na mag-aadminister dito.

Kaugnay nito, nanawagan ang COMELEC Officer na habang maaga pa ay mag-sumite na ng kani-kanilang mga SOCE ang mga nanalong kandidato dahil sa kung hindi sila nakapag-submit ng mga ito ay hindi rin sila makaka-upo sa kanilang pwesto.

Samantala, ang pag-file ng SOCE ay nagsimula noong October 29, 2013 at magtatapos naman sa November 27, 2013.

Dagdag pa ni Cahilig, naibigay narin ang mga notice sa mga kandidato kaya maaari na rin silang kumuha ng mga forms sa tanggapan ng COMELEC Malay. 

Naunsyaming awarding ceremony ng BRTF, tuloy na mamayang hapon

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tuloy na mamayang hapon ang naunsyaming awarding ceremony ng BRTF o Boracay Redevelopment Task Force.

Ito’y may kaugnayan sa nakatakdang pagbigay ng COC o Certificate of Compliance sa mga establisemyentong lubusang sumunod sa ipinapatupad na 25+5 meter easement sa isla.

Sinuspende nitong nagdaang October 9 ang nasabing aktibidad, matapos bigyang prayoridad ng BRTF ang eskedyul ni Under Secretary Ma. Victoria Jasmin ng Department of Tourism National at ang kinatawan ni DOT Sec. Ramon Jimenez, na magsisilbing presentor ng mga sertipiko.

Samantala, gaganapin mamayang alas kuwatro ng hapon ang program ang task force sa beach front station 1 Balabag na inaasahang dadaluhan ng iba’t-ibang ahensya at stakeholders sa isla.

Mga paring Katoliko sa Aklan, iniwan muna ang kanilang parokya para sa retreat sa Iloilo

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Iniwan muna ng mga paring Katoliko sa Aklan ang kani-kanilang parokya kahapon.

Dumalo kasi ang mga ito sa kanilang annual o taunang retreat sa Iloilo.

Kaugnay nito, wala munang misa sa ilang bayan o parokya sa Aklan o sakop ng Diocese of Kalibo.

Ayon kay dating Holy Rosary Parish Boracay at ngayo’y Lezo (Aklan) Parish  Priest Reverend Father Adlai Placer, sa darating na Biyernes pa sila makakabalik sa kani-kanilang parokya, pagkatapos ng limang araw na retreat na nagsimula kahapon.

Magkaganon paman, kinumpirma nito na nasa labing apat na mga pari mula sa pitumpo’t apat na paring Katoliko ang natira sa Aklan para gampanan ang mga pangangailangan ng simbahan.

Samantala, napag-alamang si Father Nonoy Crisostomo ng Holy Rosary parish Boracay ang naiwan dito, habang ang mga kasama niyang pari sa kumbento ang dumalo sa nasabing retreat. 

Isang taunang aktibidad para sa mga pari ang nasabing retreat upang pag-ibayuhin ang kanilang ispiritwal na buhay at pagkakapatiran.

PCG Boracay pinayuhan ang mga bibiyahe hinggil sa bagyong Wilma

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinayuhan ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) Boracay ang mga bibiyahe sa isla ng Boracay hinggil sa bagyong Wilma.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla, dapat manatiling nakatutok sa telebisyon at radyo ang mga mamamayan para sa mga update at sitwasyon ng bagyo.

Aniya, hindi naman sa hinihingi, pero ano mang oras at lumakas ang bagyo ay ipapatupad nila ang kanselasyon sa mga byahe ng bangka papunta at paalis ng isla.

Base kasi sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Association (PAGASA) nakataas na ang signal number 1 sa Visayas, kabilang na ang: Southern portion ng Negros Occidental, Southern portion ng Negros Oriental, Southern Cebu, Siquijor, Bohol at Southern Leyte.

Sa Mindanao naman ay umiiral din ang signal number 1 sa: Dinagat Island, Surigao Del Norte, kasama na ang Siargao Island, Surigao Del Sur, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin Island at Zamboanga Del Norte.

Ayon sa PAGASA, huli itong namataan sa layong 180 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur, kung saan taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at umuusad sa pangkalahatang direksyon na pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.

Samantala, isa pang bagong bagyo ang binabantayan ngayon na kung papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay tatawaging bagyong Yolanda.

Mga turistang sakay ng MS Superstar Aquarius, nag-enjoy sa pamamasyal sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nag-enjoy sa pamamasyal ang mga turista at crew na sakay ng MS Superstar Aquarius sa isla ng Boracay.

Bandang alas 8:55 ng umaga insaktong nag-duck ang nasabing barko sa karagatan ng Boracay sakay ang 1, 170 na mga turista kabilang na ang 1, 094 na mga crew.

Bumaba naman ang mga turistang sakay nito alas 11:00 ng umaga at pumunta sa mga pangunahing tourist spot sa isla kasama na ang 783 mga crew.

Ikinatuwa naman ng mga ito ang pamamasyal at pamimili ng mga souvenir items sa loob ng ilang oras gayon din ang pagkain ng mga Filipino foods sa mga restaurant sa isla.

Nabatid na alas 4:00 ng hapon ay bumalik na ang mga pasahero nito sa barko at alas 8:00 ng gabi ay umalis patungong China.

Samantala, inaasahang babalik naman ang MS Superstar Aquarius sa buwan ng Abril sa susunod na taon para bisitahin ulit ang isla ng Boracay.

Monday, November 04, 2013

MS Superstar Aquarius, nakadaong na sa karagatan ng Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakadaong na ang cruise ship na MS Superstar Aquarius sa karagatan ng Boracay kaninang alas-nueve ng umaga.

Sakay nito ang halos 1, 200 turista mula Asya at Europa kabilang na ang mahigit 900 crews.

Bababa naman ang mga turistang sakay nito para mamasyal sa mga sikat na tourist spot sa Boracay tulad ng mga shopping area, at souvenir shop.

Ayon kay Caticlan jetty port Administrator Nieven Maquirang, babalik naman mamayang alas-otso ng gabi ang nasabing barko sa bansang China pagkatapos na mag-ikot ang mga sakay nito sa isla ng Boracay.

Samantala, inaasahang mahigit pa sa sampung mga cruise ship ang dadaong sa isla ng Boracay sa susunod na taon.

Mga natitirang temporary structure, sinimulan nang baklasin ng Redevelopment Task Force

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Sinimulan na ang pagbaklas ng mga temporaryong straktura sa vegetation area na hindi pa nag-comply matapos na suyurin ito ng mga taga Redevelopment Task Force kahapon.

Unang sinampolan ang malawak na tent area ng Sand Bar sa Station1 Balabag at ang katabi nitong Bamboo Lounge na sinasabing pagmamay-ari ni Mark Singson.

Ayon sa task force , ang kinontratang construction firm ang siyang nagbaklas alinsunod sa animnapung araw na palugit na kung saan nagtapo
s nitong katapusan ng Oktubre.

Ayon kay Boracay Redevelopment Task Force Chairman Glenn Sacapaño, sapat na di-umano ang 60 araw para tumalima sa itinakdang panahon at ginawa lang umano nila ang nararapat para hindi maging unfair sa mga nauna ng nag-comply.

Bagamat wala namang paghadlang na nangyari sa panig ng Sand Bar, inaasahan naman nito na maaayos ang kanilang problema dahil nasa korte na umano ang nabanggit na usapin.

Inaasahan naman na magsusunuran na rin ang hindi pa nagbaklas ng kanilang mga temporaryong istraktura sa Boracay pagkatapos ng isinagawang operasyon sa 25+5 easement ng Redevelopment Task Force.

Pagdiriwang ng Undas sa Boracay ngayong taon, walang ipinagkaiba ayon sa Holy Rosary Parish

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

“Wala namang pinagkaiba ang undas ngayon kumpara sa mga nakaraang taon”

Ito ang naging pahayag ni Boracay Holy Rosary Parish team mediator Rev.Fr Arnaldo Crisostomo kaugnay sa kakatapos lamang na paggunita sa araw ng mga patay.

Napansin umano kasi nito na mas dagsa ang mga bisita kung ikukumpara noong nakaraang taon, ngunit mas kakaunti naman ang mga nagsipagdalaw sa sementeryo na mga lokal na residente dito sa isla.

Ayon pa kay Crisostomo, wala naman siyang narinig na anumang kaguluhan sa pagdiriwang ng undas ngayong taon, at kung meron man umano ay hindi ganoon kalala ang sitwasyon.

Masaya siya dahil pagdating sa peace and order situation ay napanatili ang mga ito ngayong taon dito sa isla.

Samantala nabanggit din ni Father Crisostomo na sana ang pagdiriwang na ito kasama ang mga minamahal nating pumanaw ay ang pagdiriwang ng pagkakaisa bilang isang sambayanang Pilipino.

Nang sa ganoon kung anuman ang mga pangarap nilang magaganda sa ating mga buhay ay matupad.

At sana ay magtulungan ang bawat isa para sa ikagaganda ng isla ng Boracay.

Redevelopment Task Force gagawad ng Certificate of Compliance

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Tuloy na ang nakatakdang pag-gawad ng COC or Certificate of Compliance na inorganisa ng Redevolpment Task Force sa darating na Nobyembre a-singko taong kasalukuyan.

Dito ay gagawaran ng task force ang mga establisyementong nag-comply sa 60-day period para mag self-correct ng kanilang mga paglabag sa 25+5 easement.

Nitong nakaraang buwan lamang, umabot na umano sa 80% ang tumugon sa hiling ng task force at inaasahan naman na tataas ito sa pagsapit ng awarding dahil sa isinagawang operasyon kahapon.

Ilan sa mga binaklas kahapon ay ang Sand Bar sa station 1 Balabag na may malawak na tent area.

Inaasahan naman na magtutuloy-tuloy ang operasyon ng task force pagkatapos ng  gagawing pag-award ng Certificate of Compliance dahil sa meron na itong kinontrata para sa pagbabaklas at pag-giba ng mga lumabag sa easement.

Ang awarding of Certificate of Compliance ay inaasahang dadaluhan ng representante mula sa opisina ni Tourism Secretary Jimenez at ng mga bumubuo sa Redevelopment Task Force at Technical Working Group ng palasyo.