YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 25, 2016

Boracay kinilala bilang isa sa World's Clearest Waters ng CondeNast Traveler Magazine

Posted June 25, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isa sa mga hinahanggan ng mga turista sa isla ng Boracay ang malinis at mala-kristal nitong tubig dahilan para kilalanin ito ngayon bilang isa sa World's Clearest Waters ng CondeNast Traveler Magazine.

Ang isla ng Boracay ay nasa ika-9 na pwesto sa may pinakamalinaw na tubig sa buong mundo kung saan nanguna naman dito ang Bonito, Brazil; pangalawa ang Lampedusa, Sicily, Italy sumunod ang Lake Pukake, South, Island New Zealand; ika-4 ang The Great Barrier Reef Queensland, Australia; Pang-5 ang Maldives; Ika-6 ang Navagio Bay Zakynthos, Greece; Ika-pito ang Exuma, Bahamas; Pang-walo ang Maraine, Lake, Canada at sumunod ang Boracay.

Sa kabilang banda nanatili naman sa listahan ng naturang Traveler Magazine bilang World's best island ang Palawan sa Pilipinas.

Samantala, sa kabila nito itinuturing parin ng marami ang isla ng Boracay bilang isang Crown jewel ng Philippine islands.

Ang Condé Nast Traveler ay isang luxury at lifestyle travel magazine kung saan nagsasagawa ito ng survey mula sa kanilang mga readers at sa mga turistang nagbabakasyon sa ibat-ibang lugar sa mundo kabilang ang Boracay at ito ang pipili dependi sa kanilang kategorya.

Lalaki patay matapos malunod sa selebrasyon ng San Juan sa Batan

Posted June 25, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for nalunod
Nauwi sa trahedya ang masaya sanang selebrasyon ng mag-babarkada sa Pista ni San Juan Bautista sa bayan ng Batan kahapon matapos na malunod ang isa nilang kasama.

Ang biktimang si Christopher Reyes, 41 anyos, ng Cabugao, Batan, ay natagpuan nalang ng mga kasama nito na palutang-lutang sa tubig at wala ng buhay.

Sa blotter report ng Batan PNP, kasama umano ng biktima ang kanyang mga barkada na nakikipag-inuman sa ilog sa lugar dahil sa selebrasyon ng kapistahan ni San Juan Bautista kahapon.

Nabatid na bago umano mangyari ang insidente ay tumalon sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima para sana maligo ngunit makalipas umano ang ilang minuto ay hindi parin ito nakaahon mula sa tubig.

Dito na umano humingi ng tulong ang mga kasama nito para hanapin ang biktima ngunit makaraan ang dalawang oras ay nakita nalang ang katawan nito bandang ala-5 ng hapon na wala ng buhay.

Samantala, napag-alaman sa imbestigasyon ng Batan PNP na sa pagtalon umano ng biktima sa ilog ay sumabit ito sa ilalim ng isang balsa.

Boracay National Highschool, may itinalagang bagong principal

Posted June 27, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay
Kasabay ng pagbubukas ng klase noong nakaraang linggo ay ang pag-upo naman ng bagong Principal ng Balabag National High school (BNHS).

Ito ay sa katauhan ni Eliseo Casidsid, Principal II na pumalit kay Victor Supetran na siyang dating head ng nasabing paaralan na umupo lamang ng mahigit isang taong panunungkulan dito.

Nabatid na si Casidsid ay nanggaling sa Malay National High school at naging Principal I siya  dito simula noong 2012 hanggang nitong 2016 habang naging epektibo naman ang kanyang  panunungkulan simula noong Hunyo 15 taong kasalukuyan sa BNHS.

Bagama’t ilang araw palang itong naka-upo bilang principal ay napuna agad nito na binabaha ang kanilang paaralan kahit na kakaunti lamang ang pag-ulan dahilan para mabahala siya para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Samantala, prayoridad umano ngayon ni Casidsid na mapunan ang mga problema ng kanilang paaralan lalong-lalo na ang kakulangan sa mga pasilidad sa kanilang mga silid aralan.

DTI maglulunsad ng Negosyo Center sa Ibajay at Altavas

Posted June 25, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay   

Image result for DTI NEGOSYO CENTERNakatakdang maglunsad ng 2nd at 3rd Negosyo Center ang Department of Trade (DTI) Aklan sa bayan ng Ibajay at Altavas ngayong Hunyo 27 at 28, 2016 kasabay ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ng DTI at ng mga nasabing LGU.  

Maliban dito ang “NegoCart” na isang special component ng Negosyo Center ay ilulunsad din kasabay ng seremonya kung saan ito ay isang special display setting/ infrastructure na ipapakita ang ibat-ibang prodkuto ng bawat bayan.  

Nabatid na ang establisyemento ng bagong Negosyo Center ay sa pamamagitan ng koordinasyon at pakikipag-sosyo ng DTI Aklan sa Local Government Units ng Ibajay at Altavas, at ng Provincial Micro, Small at Medium Enterprise Development (PSMED) Council.     

Samantala, panauhing pandangal naman sa launching sina DTI Officer-in-Charge Regional Director Rebecca Rascon, Congressman Teodorico Haresco Jr., Provincial Governor Florencio Miraflores, Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo, at ang mga municipal mayor ng nasabing bayan kasama ang mga miyembro ng PSMED council.

Terminal building sa Tabon Port, posibleng hindi pa umano magamit ngayong Habagat

Posted June 24, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay      

Image result for tabon portSa layunin na maging ligtas ang mga turista at lahat ng pasahero sa Tabon Port ay maaari umanong hindi pa puweding gamitin ang Terminal building sa lugar ngayong Habagat.

Ito ang pahayag ni outgoing SB Member Rowen Aguirre matapos silang magsagawa ng meeting at sa rekomendasyon sa kanya ni Malay Engr. Elizer Casidsid.

Ayon kay Aguirre, hindi pa umano kasi kumpleto ang mga pasilidad doon kagaya na lamang ng bubong na yari sa nipa at may malaki pang butas na nakatiwang-wang.

Nabatid na ang terminal building na ito ay itinayo noong nakaraang taon ngunit hindi pa ito natatapos sa ngayon kung saan balak sana itong gamitin ngayong Habagat bilang temporaryong terminal area ng mga turista at mga pasahero.

Samantala, titiyakin naman umano ng LGU na agad itong maiayos upang magamit na dahil sa ang Tabon Port ang siyang alternatibong rota sa tuwing panahon ng Habagat sa isla ng Boracay.

Friday, June 24, 2016

Natirang Order of Business ng SP Aklan, ini-refer na sa susunod na konseho

Posted June 23, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for order of businessIni-refer na susunod na konseho ang mga natirang Order of Business ng Sangguniang Panlalawigan ng probinsya ng Aklan.

Itoy dahil sa wala na umanong panahon para sa mga ito na  pag-usapan ang mga nakabinbing usapan sa sesyon anim na araw bago magpalit ang konseho ayon sa opisina ng SP.

Sa pagbubukas ng susunod na session ito ay tatalakayin na ng mga bagong set ng konsehal sa buwan ng Hulyo.

Nabatid na ang mga incoming Provincial Officials sa Sangguniang Panlalawigan sa Eastern side ay si Ampod Neron, Soviet Russia Dela Cruz, Lilian Quimpo-Tirol, Harry Sucgang at Atty. Emmanuel Nolly.

Sa Western side naman uupong SP member sina Ramon “Andoy” Gelito, Engr. Miguel Miraflores, Jay Tejada, Esel Flores at Nelson Santamaria kasama dito ang bagong Bise Gobernador na si Atty. Boy Quimpo na siyang magiging kinatawan bilang chairman ng Session.

9-Storey Hotel sa Yapak suportado ng SB Resolution - BRTF

Posted June 23, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Suportado umano ng SB Resolution 127 Series of 2011 ang pag-pahintulot ng 9-storey project sa Yapak.

Ito ngayon ang naging pahayag ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) pagkatapos na binanggit ni SB Member Fromy Bautista sa nakaraang SB Session ng Malay na may isang malaking kumpanya sa Boracay ang umanoy’y lumabag sa ordinansa ng height limit.

Ayon kay BRTF Secretariat Head Mabel Bacani, kumpleto umano sila sa dokumento na umano ay pirmado ni Engr. Elizer Casidsid na siyang nag-aproba sa height limit ng naturang building base sa planong isinumite maliban sa SB Resolution ng Sangguinang Bayan.

Iginiit din ni Bacani na nagsagawa umano sila ng inspeksyon sa lugar kung saan pinadalhan pa umano nila ng Notice of Violation patungkol sa Height Limit ng Hotel na may petsa September 9, 2015 na pirmado Engr. Azor Gelito.

May dokumento din itong ipinakita na sumulat sa kanila ang Project Manager ng kumpanya na hindi umano sila lumabag sa ano mang violation ng Municipal Ordinance No. 328 Series of 2013 at  bukas sila sa ano mang pag-uusap at imbestigasyon.

Ani Bacani, bukas sila kung may imbestigasyon na gagawin ang Sangguniang Bayan para maliwanag sa publiko ang nangyari hinggil sa nasabing kontrobersya.

Dagdag pa nito na hawak nila ang lahat ng dokumento at handa nila itong i-presenta sa binabalak nilang press conference na mangyayari sa mga susunod na linggo.

Waste-To-Energy program sa Boracay isinusulong sa SB Malay

Posted June 23, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay   

Image result for waste to energy
Mababawasan na umano ang pag-transport ng mga basura o dumi sa landfill sa mainland Malay mula sa isla ng Boracay.


Ito’y sa sandaling maaprobahan ang kahilingan ng El Elyon Orion Renewable Solutions Corporation na magsagawa, mag-operate ng kanilang ninanais na Waste-To-Energy (WTE) program sa nasabing bayan.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes, tinalakay sa committee report ang naturang usapin kung saan ayon kay SB member Manuel Delos Reyes advantage umano ito sa LGU dahil sa  magbibigay din ito ng karagdagang electric power sa nasabing bayan na may minimum na 60 mega watts sa bawat operasyon.

Nabatid na ang El-Elyon ay mula sa bansang Vietnam na nagnanais na pasukin ang operasyon sa bayan ng Malay sa pamamagitan ng kanilang mga makina na magtutunaw sa Waste-to-Energy.
 Matatandaang noong taong 2014 pa ito napag-usapan sa Session na isinailalim naman sa masusing pag-aaral at feasibility study ng konseho hanggang sa committee hearing.

Samantala, ang proposed resolusyong ito ay dedesisyonan na sa 2nd at final reading sa susunod na SB Session ng Malay.

49- anyos na ginang, nakuryente; patay

Posted June 24, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for nakuryentePatay ang isang ginang na 49-anyos matapos itong makuryente sa Sitio Lugutan, Brgy. Manoc-manoc, Boracay.

Sa blotter report ng Boracay PNP, naka-tanggap umano sila ng tawag mula sa isang ospital na merong dinala roong patay na babae na agad naman nilang nirespondihan.

Nakilala naman ng mga pulis ang namatay na si Tessie Prion, residente ng San Jose Romblon at temporaryong nakatira sa nasabing lugar.

Salaysay ng asawa ng biktima sa mga pulis, dumaan umano ang kanyang asawa sa likod ng kanilang bahay kung saan madulas umano ang daan dala ng pag-ulan kung saan dito aksidente nitong nahawakan ang live wire ng kanilang kapitbahay dahilan para ito ay makuryente.

Nabatid na nagpatulong pa ang biktima sa kanyang asawa na dalhin sa ospital ngunit ng makarating ito sa pagamutan ay nag-aagaw buhay na ito at makalipas ang ilang minutong paglapat ng medikasyon ng doktor ay agad din itong binawian ng buhay.

Sa ngayon pansamantalang nakahimlay ang katawan ng biktima sa Prado Funeral Home sa bayan ng Malay.