YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 02, 2014

APEC Summit 2015 sa Boracay, lalahukan ng malalaking bansa sa Asya

Posted August 2, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kabilang ang malalaking bansa sa Asya para sa isasagawang Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit 2015 sa isla ng Boracay.

Ayon kay 2015 APEC Malay Task Group Focal Person at SB Member Rowen Aguirre, 21 member countries umano ang kasama sa Ministerial meeting sa May 2015 sa isla na kinabibilangan ng Rusia, China, Japan at ilan pang malalaking power house Countries.

Dahil dito kailangan aniyang ma-improve ang mga imprastraktura sa Boracay bago ang nasabing pag-pupulong.

Sinabi pa nito na malaki umanong hamon sa isla ang pagdating ng sabay-sabay ng mga kasali sa APEC para sa kanilang seguridad kung saan tinatayang aabot ito sa dalawang libo kasama ang kanilang mga pamilya at staff.

Sa kabilang banda nakiusap naman si Aguirre sa lahat ng mga taga Boracay na ipakita umano ang pinakamagaling at pinakamagandang pakikitungo para hindi maging kahiya-hiya ang isla.

Samantala, malaki umano itong karangalan sa Boracay at sa bansang Pilipinas dahil mailalagay na naman ito sa mapa o kasaysayan ng buong mundo.

Mga pasahero ng lumubog na bangka sa Hambil kaninang umaga, ligtas na

Posted August 2, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Ligtas na ng mga pasahero ng lumubog na bangka sa Hambil kaninang umaga.

Ito ang kinumpirma ni Philippine Coastguard Boracay sub-station commander PO1 Arnel Zulla matapos ang kanilang search and rescue operation sa nasabing bangka.

Nakilala ang apat na pasahero nito na sina Melanie Cawaling, 41, Emma Cawaling 12, Althea Florence Cawaling 9, at Ner Cawaling, 31 pawang mga taga Sta. Fe Romblon.

Sa inisyal na report ng coastguard nabatid na pumalaot ang bangkang Cyrus papuntang Caticlan kaninang umaga upang ideliver ang kanilang mga dalang manok at baboy.

Subali’t pinasok umano ito ng tubig kung kaya’t bahagya itong lumubog, bagay na tumawag sila ng saklolo.

Suwerte namang nadaanan umano sila ng bangka ng JALS, isang sea sports operator sa Boracay, kung kaya’t kaagad silang nailigtas hangga’t dumating ang mga naghahanap na coastguard.

Nabatid na nahirapan ang mga coastguard sa paghahanap sa kanila dahil pinadpad na pala sila sa bahagi ng Angas, Pinamihagan, San Jose Romblon dahil sa malakas na alon.

Samantala, kumilos din ang mga taga Coastguard Romblon upang maihala ang lumubog na bangka.

MDRRMO Malay, handa na sa anumang mga kalamidad - DILG

Posted August 2, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Handang-handa na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malay sa anumang kalamidad.

Ito ang sinabi ni Malay Local Government Operations Officer (MLGOO) V Mark Delos Reyes, base sa kanilang assessment sa pagdiriwang ng National Disaster Consciousness Month nitong buwan ng Hulyo.

Anya, isa na rin sa mga magpapatunay rito ang pagkampeon ng MDRRMO  Malay sa katatapos lamang na 1st Joeben Miraflores Rescue Olympics 2014 na isinagawa nitong Hulyo 25 sa bayan ng Kalibo.

Samantala, kung kagamitang pang-rescue naman ang pag-uusapan ay halos kumpleto na rin umano ito.

Muli ding ipinasiguro ni Delos Reyes ang agarang pag-responde ng MDRRMO sa panahon ng mga kalamidad sa bayan ng Malay lalo na sa isla ng Boracay.

Official letter para sa pag-host ng Boracay sa APEC 2015 pormal ng natanggap ng LGU Malay

Posted August 2, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pormal ng natanggap ng Local Government Unit ng Malay ang Official Letter mula sa National Organizing Committee (NOC) para sa pag-host ng APEC 2015.

Ito ang sinabi ni 2015 APEC Malay Task Group Focal Person at SB Member Rowen Aguirre matapos nilang matanggap ang nasabing sulat.

Dito umano nakalagay na ang isla ng Boracay ay isa sa mag ho-host ng APEC kabilang ang probinsya ng Iloilo at ilang Rehiyon sa bansa.

Samantala, nagkaroon na rin umano sila ng groupings kasama ang mga specific sectors sa isla na kabilang sa mga isinagawang meeting kaugnay sa APEC 2015 sa Boracay.

Dagdag pa ni Aguirre may isinumite din umanong plano sa kanila ang NOC kung anong mga pagsasaayos ang kailangan nilang gawin para sa Boracay na host ng Ministerial Meeting sa May 2015.

Sa kabilang banda sinabi pa nito na noong nakaraang inspeksyon ng NOC sa isla ay naghanap na rin umano sila ng mga venue na siyang gagamitin para sa nasabing Pulong.

Sa ngayon tulong-tulong naman ang Provincial Government ng Aklan at ang LGU Malay para sa iba t-ibang paghahanda sa nalalapit na APEC Summit 2015 sa isla ng Boracay.

Friday, August 01, 2014

Mabigat na daloy ng trapiko sa Boracay, isinisi sa mga drayber at pasahero

Posted August 1, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Mga drayber at pasahero.

Ito umano ang parehong dapat sisihin sa mabigat na daloy ng trapiko sa Boracay.

Katunayan, sinabi ni MAP o Municipal Auxiliary Police Deputy Chief Rodito Absalon Sr.na palagi nilang ipinapaalala partikular sa mga drayber sa isla ang tungkol sa mga designated area o lugar kung saan dapat magbaba ng pasahero o kung saan liliko.

Maliban sa mga drayber, aminado rin si Absalon na may mga pasahero ding pasaway at hindi sumusunod sa batas trapiko.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang nasabing MAP Deputy Chief sa mga drayber at pasahero na sumunod sa batas upang maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko.

Samanlata, napag-alamang isa rin sa mga nagdudulot ng mabigat na trapiko sa Boracay ang madalas na pagparada o pagpark ng mga sasakyan sa road shoulder na mahigpit namang ipinagbabawal ng ordinansa.

MSWD Malay, inaayos na rin ang problema tungkol sa batang nagtitinda sa beach front ng Boracay bilang paghahanda sa APEC

Posted August 1, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naghahanda na rin ngayon ang MSWD Malay para sa nalalapit na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na gaganapin sa Boracay.

Ayon kay Malay Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Head Magdalena Prado.

Kabilang na rito ang problema sa mga batang nagtitinda sa beach front ng isla, kung saan mapilit sa mga turista na bilhin ang kanilang mga tinitindang gamit at inaabot pa ng gabi sa beach front sa pagtitinda.

Anya, naka-plano na ang mga hakbang na gagawin para sa mga batang ito gayundin ang pagpunta sa mga kabahayan at kampanya sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak.

Sinabi din ni Prado na maaaring makasuhan ang mga magulang ng mga nasabing bata kapag malaman ng DSWD na inuutusan ang mga itong magtinda sa baybayin ng isla.

Samantala, patuloy naman ang panawagan ng nasabing ahensya sa kooperasyon ng mga baranggay officials gayundin sa mga magulang ng mga bata na bigyan sila ng impormasyon para sa ikakaayos ng problema.

Grade 9 ng BNHS, kampeon sa Mass Dance Demonstration sa kanilang Palaro 2014

Posted August 1, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kampeon sa isinagawang Mass Dance Demonstration Contest para sa Palaro 2014 ng Boracay National High School ang Grade 9 o Jr Team.

Ito’y matapos nilang mapa-impress ang mga hurado sa kanilang galing at kakaibang istelo sa pagsasayaw na isinagawa sa Balabag Plaza kaninang umaga.

Ayon naman kay BNHS Principal II Jose Niro Nillasca, hindi rin umano nagpahuli sa kanilang galing sa paggiling ang Senior Team na naging 2nd Place, Sophomore na 3rd Place at Freshmen na 4th Place.

Nabatid na ito rin ang kanilang naging opening salvo sa kanilang Palaro ngayong taon na magtatapos naman sa darating na Linggo.

Kasabay nito ibat-ibang palaro din ang inorganisa ng nasabing paaralan para sa kanilang mga mag-aaral upang maipamalas ang kanilang galing sa larangan ng sports.

Samantala, ang Palaro o Intramural Meet ay isinasagawa sa mga paaralan sa bansa partikular na sa mga Kolehiyo at High School pagdating ng buwan ng Hulyo at Agusto.

Dolphin, natagpuang patay sa karagatan ng Boracay

Posted August 1, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isang dolphin ang natagpuang patay sa karagatan ng Boracay kaninang tanghali.

Ayon sa mga taga Philippine Coastguard Boracay Detachment, natagpuan ng mga nagpa-parasailing ang nasabing dolphin sa station 3, humigit-kumulang 30 metro ang layo mula sa dalampasigan.

Isa itong babae at nasa mahigit isang metro ang haba.

Paniwala ng mga lokal na residenteng nakakita sa dolphin, maaaring nakalaban nito ang iba pang mas malaking isda sa dagat hangga’t napadpad ito sa karagatan ng Boracay.

Ayon naman sa ibang boatman, maaaring may taong humampas sa nasabing dolphin kung kaya’t nasugatan ang buntot nito at nanghina.  

Samantala, kaagad kinuha ng mga boatman ang dolphin at dinala sa station 1 beach front kung kaya’t pinagkaguluhan ito ng mga turistang dumadaan.

Inilibing naman ng mga taga Maritime Police at Bantay-Dagat sa Sitio Tabon ang dolphin.

JICA-JST CECAM, naglunsad ng GIS Training sa Boracay

Posted August 1, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isang GIS o Geographic Information Systems Data and Analysis Training ang inilunsad ng JICA-JST CECAM sa Boracay.

Unang ginanap ang nasabing training kahapon na dinaluhan ng mga taga engineering department ng LGU Malay at iba pang sektor sa isla.

Ilan lamang sa naging tampok sa nasabing training ang Boracay Data Inventory, Data Creation and Attribute Editing, at paghahanda ng mapa.

Ayon naman sa taga BRTF o Boracay Redevelopment Task Force, umaasa ang mga ito na malaki ang maitutulong ng nasabing training lalo pa’t nasa ilalim ng redevelopment ang isla.

Ilang beses na ring pumunta sa isla ng Boracay ang mga taga JICA-JST o Japan International Cooperation Agency at Japan Science and Technology Agency upang magbahagi ng iba’t-ibang kaalaman sa Boracay lalo na sa usaping pangkapaligiran.

Construction ng Kalibo-Numancia Bridge target tapusin sa March 2015

Posted August 1, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo: Kalibo-Numancia bridge 2 construction ongoing

BY BOY RYAN B. ZABAL

The construction of a new Kalibo-Numancia bridge spanning Aklan River is ongoing. 

 The P370-million new bridge is constructed parallel to the old Kalibo-Numancia bridge, which is also being rehabilitated by the Department of Public Works and Highways (DPWH). 

The bridge is vital for the socio-economic development plan for the municipalities of Kalibo and Numancia as it serves as an access route to the municipalities in the eastern and western side of Aklan. 

The Kalibo-Numancia bridge is one of the major road network projects lined-up by DPWH for the province of Aklan.

Last month, Aklan officials met with Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson to see the progress of the construction of the bridge project, which will also greatly contribute in the tourism industry and provide easier transport of people, goods and services.

The project involves the construction of two- lane thoroughfare with 15 spans measuring 30 meters each with a width of 7.32 meters and balluster type concrete railings. 

The bridge, scheduled to be completed by end of 2015, is also expected to reduce traffic congestion in the area.
Photo Credit by Boy Ryan Zabal 
Target ng Pamahalaan ng Aklan at ng Department of Public Works and High-ways (DPWH) na matapos ang construction ng Kalibo-Numancia bridge sa March 2015.

Ayon kay Aklan District Enginner Noel Fuentebella, tuloy-tuloy na umano ang ginagawang proyekto ngayon kung saan inuumpisahan na ring itayo ang mga poste ng bagong ginagawang tulay.

Samantala, isa umano itong magandang tulay kung saan may kataasan ng kunti sa kasalukuyang Kalibo-Numancia bridge.

Nabatid na aabot sa P370 million ang magagastos sa 2-Lane Bridge kung saan lalagyan din ito ng sidewalks, baluster railings at street heights.

Sa kabilang banda natulungan na rin umano ni Aklan Congressman Teodorico Harisco at ni Governor Joeben Miraflores ang 17 pamilyang apektado ng pagpapagawa ng bagong tulay kung saan binigyan na rin sila ng relocation sites.

Asahan din aniya ng mga Aklanon ang mas magandang tulay kung saan hindi na basta-bastang maabot ng tubig dahil sa elevation nito.

Resort sa Boracay, nilooban; mahigit 50, 000 pesos na pera, tinangay

Posted August 1, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasa mahigit 50, 000 pesos na pera at 200 US Dollars na bank check ang nawala sa isang resort sa Balabag Boracay.

Ito’y matapos nilooban kahapon ng umaga ang nasabing resort ng mga hindi nakilalang mga suspek.

Ayon sa report ng Boracay PNP, dumaan sa main door ang kawatan, kung saan nalamang basag ang salamin ng nasabing pintuan at sira din ang padlock nito.

Ayon naman sa salaysay ng dalawang staff ng resort isang araw bago ang insidente ay mayroon silang nakitang dalawang hindi kilalang lalaki na nakasando ng itim na umaaligid sa nasabing resort.

Samantala, napag-alaman din na walang security guard ang resort at wala rin itong CCTV Camera.

Gayunpaman, nagpapatuloy parin ang imbestigasyon ng Boracay PNP Station hinggil sa nasabing kaso.

Philippine Red Cross, naniniwalang kailangan pang dagdagan ang mga life guard sa Boracay

Posted July 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naniniwala ang Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter na kailangan pang dagdagan ang mga life guard sa isla ng Boracay.

Ayon kay Red Cross Life Guard Manager Kaine Condez, kailangan talaga itong dagdagan lalo na’t habagat season kung saan mayroon dapat magbabantay at magpapaalala sa mga maliligo sa baybayin.

Anya, sa ngayon ay mayroong 13 life guards ang sinanay ng Red Cross upang magbantay ay tumulong kung sakali mang may mga mangyayaring pagkalunod.

Samantala, nabatid naman na nitong nakaraang linggo ay isang Ethiopian national ang nalunod sa Boracay na sinundan naman ng isa pang  bakasyunista.

Paalala ng Red Cross sa mga mahilig maligo sa dagat na ibayuhing mag-ingat at bantayang maigi lalo na ang mga batang naliligo.

Turismo, pangunahin paring nagdadala sa ekonomiya ng Aklan

Posted July 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Turismo parin ang patuloy na nagdadala sa ekonomiya ng probinsya ng Aklan.

Ito’y matapos na maitala ang nasa mahigit 300 libo na tourist arrival sa Boracay para sa unang tatlong buwan ng 2014, mas mataas ng 30 porsiyento ng nakaraang taon.

Napag-alaman na ang Boracay parin ang may pinakamataas na tourist arrival sa buong rehiyon sa Pilipinas.

Ayon kay Aklan Governor Joeben Miraflores, ang paglagong ito sa turismo ng probinsya ay nagpapahiwatig ng patuloy na pag-angat ng ekonomiya sa Aklan.

Maliban anya sa itinuturing na pangunahing “beach destination” ang Boracay, isa na rin ito sa mga destinasyon para sa mga cruise ships.

Samantala, nabatid na sampung mga cruise ships ang naka-iskedyul na dadaong sa isla ng Boracay ngayong taon.

Ang Boracay ay na-e-feature narin kamakailan sa iba’t-ibang mga prestihiyosong travel magazine sa mundo, kung saan dito rin nagkakaroon ng photo shoot at taping ang iba’t-ibang mga local at international celebrities.

Thursday, July 31, 2014

Bayan ng Malay nag-kampeon sa kauna-unahang Joeben Miraflores Rescue Olympics 2014

Posted July 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo Credit by Aklan Province
Nasungkit ng bayan ng Malay ang kauna-unahang Joeben Miraflores Rescue Olympics 2014 na isinagawa nitong Hulyo 25 sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Catherine Ong ng MDRRMO nilahukan ito ng 12 Munisipalidad sa Aklan na kinabibilangan ng pitong partisipante bawat bayan.

Apat na katergorya umano ang pinaglaban dito katulad ng Best Extrication, Best in Rescue Equipment Display, Best in Uniform at Best in Fire Fighting.

Samantala, ang mga partisipante sa bayan ng Malay ay sinanay sa ibat-ibang training ng isang linggo sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ng mga trained volunteers.

Isa namang pagbati ang ipinaabot ni Malay mayor John Yap dahil sa pagkapanalo ng kaniyang grupo sa Ist Joeben Miraflores Rescue Olympics 2014.

Babaeng Chinese national, posibleng dalhin sa Iloilo matapos aksidenteng bumangga sa gutter ang minamanehong ATV

Posted July 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Posibleng dalhin sa isang pagamutan sa syudad ng Iloilo ang isang babaeng Chinese national matapos itong maaksidente sa isla ng Boracay.

Base kasi sa report ng BTAC, nagtamo ng malubhang sugat sa kanyang ulo ang biktimang si Zhuang Yue Ying, 30 anyos ng Xiamen China nang bumangga sa gutter ang minamaneho nitong ATV.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na nagsasanay magmaneho ng All- Terrain Vehicle (ATV) sa Happy Dream Land Balabag Boracay ang biktima nang makakita ito ng isang butas at tangka sanang iwasan.

Nawalan umano ng kontrol ang biktima dahil sa mabilis niyang pagpapatakbo kung kaya’t bumangga ito sa gutter at nahulog sa sementadong kalsada, kung saan unang tumama ang kanyang ulo.

Maliban dito, nagtamo din ng ilang mga galos at sugat ang biktima sa kanyang leeg.

Wala namang impormasyon kung tutulungan ng may-ari ng nasabing ATV ang biktima para sa mga gastuhin nito sa pagpapagamot.

Ordinansa na magre-require sa mga Tourist Bus sa Aklan na magkaroon ng Audio/Video equipment, sinuspende muna

Posted July 31, 2014
Ni Gloria Villas, YESFM Boracay

Sinuspende muna ang isinusulong na ordinansa sa SP Aklan na magre-require sa mga Tourist Bus sa probinsya na magkaroon ng Audio/Video equipment.

Pinasusumite pa kasi ng SP o Provincial Board ng resolusyon ang may akda nito na si Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Emmanuel Soviet Dela Cruz.

Maliban dito, bagamat “okay” sa mga Tourist Bus at Public Transportation Units ang nasabing panukala, kailangan parin umano itong pag-usapan ayon sa board.

Magugunitang isinusulong ang panukala dahil sa malaking maitutulong umano nito lalo na sa turismo ng probinsya, kung kaya’t nire-require ang mga Tourist Bus at Public Transportation Units na magkaroon ng audio/video equipment para ipakita ang kagandahan ng Aklan.

Principal’s Office ng Boracay National High School, pinasok ng kawatan

Posted July 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinasok ng kawatan ang Principal’s Office ng Boracay National High School (BNHS) kahapon ng madaling araw.

Base sa report ng Boracay PNP isang guro sa nasabing paaralan ang nag-report sa kanilang tanggapan sa nangyaring nakawan.

Sa ginawang pagrespondi ng mga kapulisan sa lugar, tumambad sa kanila ang mga nagkalat na ibat-ibang dokumento at ang nasirang steel door.

Nabatid rin na ang gurong si Jane Gajisan ay pumasok sa nasabing opisina bandang alas 7: 30 ng umaga kung saan nakita nito na ang back door ng principal’s Office ay naka bukas na.

Dito napag-alaman ni Gajisan na ang ilang gamit ay nawawala kabilang ang ID Collection ng gurong si Carine Solis na nagkakahalaga ng P1, 590 at Photocopy collection na P1, 787 ng opisina.

Samantala, lumabas sa embistigasyon ng Boracay PNP na ang nasabing magnanakaw ay dumaan sa likod ng opisina na yari sa steel na naiwang bukas.

Wednesday, July 30, 2014

TIEZA, hindi umano nakikipag-unayan sa LGU Malay kaugnay sa estado ng kanilang flood control project

Posted July 30, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Hindi umano nakikipag-unayan sa LGU Malay kaugnay sa estado ng kanilang flood control project ang TIEZA.

Bagama’t tumanggi muna itong magbigay ng pahayag, sinabi ni Municipal Engineer OIC Engr.Arnold Solano sa kanyang text message na wala silang natatanggap na komunikasyon tungkol dito mula sa TIEZA.

Sinabi din nito sa kanyang text message na dapat talagang makipag-ugnayan din sa kanila ang TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority tungkol sa kung ano na ang estado ng kanilang pumping station.

Nag-aabang na rin kasi at nababahala ang publiko na maaaring maulit na naman ang perwisyo at nakakahiyang pagbaha sa mga pangunahing kalsada sa isla lalo pa’t patuloy parin tayong nakakaranas ng pag-ulan.

Samantala, magugunitang sinabi naman ng TIEZA Contractor ng TIEZA na nakatakdang i-commissioning o ikondisyon ang mga dumating nilang drainage pump nitong mga nakaraang linggo subali’t naunsyami ito dahil sa umano’y kakulangan ng piyesa.