YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, December 30, 2014

Aklan PHO todo kampanya sa “Oplan paputok” ngayong bagong taon

Posted December 30, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Todo ngayon ang ginagawang kampanya ng Aklan Provincial Health Office (PHO) sa “Oplan paputok” ngayong bagong taon.

Ayon sa Aklan Provincial Health Office, ang paggamit ng anumang uri ng paputok ay may dalang panganib lalo na sa mga kabataan.

Sinabi pa ng PHO na imbes gumamit ng mga delikadong paputok ay gumamit na lamang ng mga pampaingay katulad ng torotot at takip ng kaldero sa pagsapit ng bagong taon.

Kaugnay nito naka-alerto na rin ngayon ang Aklan PHO sa mga kakailanganing pasilidad at gamot sakaling magkaroon ng pasyente na biktima ng paputok.

Nais naman ng Provincial Health Office na maging zero causality ang probinsya sa mga mabibiktima ng mga paputok ngayong holiday season.

Samantala, katuwang ng PHO sa nasabing kampanya ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection Unit (BFP) at Department of Trade and Industry.

AKELCO, ipinasiguro na hindi magkakaroon ng brown-out sa bagong taon; pinayuhan din ang mga nagpapaputok

Posted December 29, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ipinasiguro ngayon ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na hindi magkakaroon ng brown out sa probinsya sa pagsalubong sa taong 2015.

Ayon kay AKELCO Assistant General Manager for Engineering Engr. Joel Martinez, araw-araw ay nagkakaroon sila ng pagsusuri o monitoring sa linya ng mga kuryente sa probinsya lalo na kapag paparating ang bagong taon.

Anya, ilan kasi sa mga gumagamit ng paputok ay nagsisindi malapit sa mga poste ng kuryente o di kaya naman ay sumasabit sa kable tulad ng paputok na kwitis.

Bagay na umaapela ito sa publiko ang ibayong pag-iingat at huwag magpaputok malapit sa mga kable ng kuryente upang maiwasan ang disgrasya na magiging sanhi ng sunog.

Pinsalang idinulot ng traffic accident sa Nabas, Aklan nitong bispera ng kapaskuhan, aaregluhan ngayong araw

Posted December 29, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Aaregluhin ngayong araw ang pinsalang idinulot ng traffic accident sa Nabas, Aklan nitong bispera ng kapaskuhan.

Ayon kay SPO4 Crispin Calzado ng Nabas PNP Station, inaasikaso na nila ang settlement sa pagitan ng pamilya ng biktima at ng truck driver na nakabangga sa minamaneho nitong trisekel.

Magugunitang nangyari ang insidente sa Libertad, Nabas nitong December 24 na na dugtungan pa ng isang aksidente sa Rizal, Nabas.

Ayon kay Calzado, papuntang Caticlan ang truck na minamaneho ni Darwin Aniban, 37 anyos ng Patnongon, Antique nang mabangga nito ang side car ng minamanehong trisekel ni James Palomata, 43 anyos ng Unidos, Nabas.

Resulta, tumilapon ang driver sa kalsada habang patuloy na tumatakbo ang triskel bago huminto.

Samantala, tumakas papuntang Rizal Nabas ang driver sa sobrang takot nguni’t aksidente naman nitong nabangga ang poste ng AKELCO.

Sa lakas ng pagkakabangga, bumalandra naman ang poste sa gitna ng kalsada dahilan upang hindi makadaan ang mga sasakyan.

Magugunitang inabot ng halos isang oras bago natanggal ang poste at nakabalik sa normal ang daloy ng trapiko sa lugar.

Kinumpirma naman ni Calzado na nagpapagaling sa isang pagamutan sa Kalibo ang biktima habang nasa kostodiya parin ng Nabas PNP ang suspek matapos sumuko araw na ng December 25.

Boracay, pasok sa World's Favorite Destinations para sa New Year Celebration ng Agoda.com

Posted December 29, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pasok sa World's Favorite Destinations para sa New Year Celebration ng Agoda.com ang isla ng Boracay.

Base sa survey ng Agoda.com na isa sa nangungunang hotel-booking website sa Asya, ang Boracay ay nasa ika-13 puwesto na nakakuha ng 2.49 percent na boto mula sa isinagawang Travel Smart online study.

Nangunguna naman dito ang Bangkok na may 13.6 percent at sinundan ng Hong Kong; Bali, Indonesia; Tokyo, Japan; at Singapore.

Nabatid na isinagawa ang survey nitong nakaraang buwan ng Nobyembre kung saan tinanong ng Agoda.com ang mahigit sa 7,000 travelers na pumili mula sa 24 destinations sa mundo kung saan nila nais e-celebrate ang kanilang New Year.

Samantala, napag-alaman na ilan sa mga nagustuhan ng mga turista sa Boracay ay ang ibat-ibang pagkain at ang night party sa beach area kasama na ang magarbong fireworks display ng mga hotel at resort sa Boracay para sa bagong taon.

Presyo ng bilihin, kaligtasan, tinututukan ng DTI Aklan ngayong papalapit ang bagong taon

Posted December 28, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Para sa masaya at masaganang pagsalubong sa taong 2015.

Pinaigting ngayon ng pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan ang kanilang pagmo-monitor sa presyo ng mga bilihin sa probinsya.

Ayon kay DTI-Aklan Diosdado Cadena Jr., isa sa kanilang mga hakbang ang pagsasagawa ng Firecracker testing o pagsusuri sa mga paputok, gayundin ang pagsusuri sa mga presyo nito.

Anya, sinusuri ng ahensya kung maayos ang pagkakagawa sa mga paputok bago sindihan.

Ayon kay Cadena, dapat tama din ang timbang ng pulbura at sasapat sa walong segundo ang itatagal ng metsa bago sumabog.

Bibigyan din umano nila ng product standard o PS License ang mga manufacturer kapag nasiguro itong pumasa sa kanilang pagsusuri.

Babala ng ahensya, kukumpiskahin ang mga produktong ibebenta na walang PS Mark.

Saturday, December 27, 2014

Isa sa pinakamalaking Airbus mula Japan lumapag KAI kaninang hapon

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang chartered flights mula sa Japan ang lumapag sa Kalibo International Airport (KIA) kaninang hapon sakay ang 198 Japanese packs.

Ayon kay DOT Boracay Sub-Office Tourism Assistant Kristoffer Leo Velete, ito umano ang isa sa pinakamalaking airbus na lumapag sa nasabing paliparan.

Nabatid na dumiritso ang mga ito sa isla ng Boracay kung saan kinabibilangan ito ng ilang pamilya at mga Very Important Person (VIP) mula sa bansang Japan.

Kaugnay nito nanguna naman ang mga taga Department of Tourism (DOT) Boracay sa mainit na tumanggap sa mga nasabing bisita na sakay ng Airbus.

Sa kabilang banda ang patuloy na paglapag ng mga mga charted flights sa Kalibo International Airport ay dahil sa patuloy ding pag-market ng DOT ng Boracay sa ibat-ibang bansa.

Samantala, sinabi pa ni Velete na ngayong Lunes ay may inaasahan din silang 198 packs sakay ng Philippine Airlines (PAL) na lalapag sa KIA mula sa Boston.

Ilang hotel at resort sa Boracay 100% fully booked na dahil sa dami ng turista

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

100% na ngayong fully booked ang karamihan sa mga hotel at resort sa isla ng Boracay dahil sa sobrang dami ng mga turista dulot ng mahaba-habang bakasyon.

Ayon kay DOT Boracay Sub-Office Tourism Assistant Kristoffer Leo Velete, karamihan sa mga hotel sa Boracay ay nasa 70-100% na umanong okupado ng mga turista na kung saan majority dito ay mga Pinoy.

Nabatid na nangunguna din umano ang bilang ng mga Russian at Korean Tourist sa Boracay maging ang mga Taiwanese.

Sinabi pa Velete na makikita ang dami ng mga turista sa Boracay lalo na sa oras ng gabi dahil sa sobrang siksikan ng mga taong naglalakad sa beach front kung saan maging ang mga bar, restaurant ay puno rin ng mga tao kasama na ang white beach area.

Sa kabilang banda inaasahang dudoble pa ang bilang mga turista ngayong besperas ng bagong taon hanggang sa Enero 4 bilang huling araw ng bakasyon.

Dahil dito ang mga walk in guess ay pahirapan na rin ngayon sa paghahanap ng kanilang matutuluyang hotel dahil sa karamihan sa mga ito ay puno na sa ngayon.

Ilang sinalanta ng bagyong Yolanda sa Aklan, wish sa pasko na dumating na ang tulong mula sa gobyerno

Posted December 27, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang taon na ang nakalipas nang manalasa ang bagyong Yolanda sa Aklan.

Subalit ilan sa mga sinalanta ng bagyo ang hindi pa umano tuluyang nakakabangon at hanggang sa ngayon ay inaantay pa rin ang tulong ng gobyerno.

Kaya naman, sa isang panayam sa ilan sa mga naapektuhan ng nasabing bagyo, wish umano ng mga ito nitong nkaraang pasko na dumating na ang tulong ng gobyerno.

Nabatid na may ilan pa rin kasing mga probinsya sa bansa ang hindi pa naaabutan ng tulong ng pamahalaang nasyonal kabilang na ang Aklan dahil sa ilang mga problemang kinakaharap ng pamahalaan.

Sa kabila nito, magugunita na kabilang naman sa mga multi-year plan ng administrasyong Aquino ang iba’t ibang proyekto tulad ng paglilipatan ng mga nawalan ng tahanan, imprastraktura, kabuhayan at serbisyong panlipunan sa lugar na tinamaan ng nasabing kalamidad.

Samantala, patuloy pa rin na umaasa ang ilang mga residente sa Aklan na mabigyan ng mga short-term at medium-term rehabilitation project sa kanilang mga lugar.