YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 03, 2013

Pumping station sa mga pagbaha sa Boracay, pinamamadali na ng DOT sa TIEZA

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinamamadali na ngayon ng DOT sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang pagpa-pump sa mga lugar na binabaha sa isla ng Boracay.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, nagmula pa umano sa main office ng Department of Tourism ang nasabing utos dahil sa nalalapit na naman ang peck season sa Boracay.

Aniya, kailangan na itong masulosyunan sa lalong madaling panahon dahil magdudulot na naman umano ito ng kahihiyan sa mga turista.

Nangangamba naman si Ticar dahil nadadagdagan pa ang mga lugar sa Boracay na binabaha kahit na kaunting ulan lang.

Ang patuloy din umanong pagpapatayo ng mga establisyemento ang dahilan para wala ng madaluyan ang tubig-baha papunta sa mga drainage system.

Sa ngayon patuloy naman ang pag-momonitor ng DOT Boracay para sa nasabing problema upang maiwasan ang mga reklamong natatanggap nila mula sa mga turista.

Baha sa mainroad ng station 3, sosulusyunan na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sosulusyunan na ang paulit-ulit at perwisyong baha sa mainroad ng station 3.

Ayon kay Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid. ida-divert o ililihis mula doon ang tubig-baha, papunta sa kanto ng station 3 at diretso sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc.

May kalayuan umano ang distansya ng nasabing establisemyento papunta sa Sitio Lugutan, kung kaya’t kailangan i-pump ang baha doon at ibabagsak sa drainage.

Partikular na tinukoy ni Casidsid ang bahang laging pinoproblema ng mga motorista sa mainroad, sa harap ng Le Soleil (Le-So-Ley) de Boracay.

Samantala, bagama’t aminado si Casidsid na madalas naiipon ang tubig-ulan sa nasabing lugar.
Sinabi nito na ang pagpa-pump na lang ang madaling solusyon para makuha ang baha doon.

DOT Boracay, target na maabot ang 1.5 Million tourist ngayong taon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Target na maabot ngayon ng Department of Tourism ang 1.5 milyong mga turista para sa Boracay bago magtapos ang taong 2013.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, nakapagtala na sila ng halos pitong daang libong turistang pumunta sa Boracay simula noong buwan ng Enero hanggang nitong buwan ng Hulyo.

Ikinatuwa naman ito ng Department of Tourism dahil napakalaki umano itong tulong sa turismo ng bansa.
Aniya, bukas ay kukuha sila ng record mula sa Jetty port office kung ilang mga turista ang nakapunta sa Boracay ngayong taon.

Masaya naman si Ticar, dahil kahit na patuloy ang pagbanta ng sama ng panahon at madalas na pag-ulan sa bansa ay marami parin ang nagbabakasyon sa Boracay.

Sa ngayon tiwala naman ang Department of Tourism na maabot nila ang kanilang target na 1.5 para sa taong 2013.

Nanawagan naman si Ticar na dapat ay alagaan at ituring ng maayos ang mga turistang pumupunta sa bansa hindi lang sa isla ng Boracay, dahil ito aniya ay malaking tulong sa bawat pamilyang Pilipino.

Aklan, walang naitalang kaso ng Chikungunya

Ni Sheila Casino, YES FM Boracay

Ayon kay, Provincial Disease Surveillance Officer Roger Debuque, ang mga rural health units sa Aklan ay walang naitalang kaso maging ng mga karamdamang may kahalintulad sa sintomas ng Dengue, base sa kanilang pinakahuling report.

Mula January 1 hanggang JuLy 27, 2013, umabot sa mahigit tatlong daan at walumpu ang kaso ng Dengue sa Aklan.

Mas mababa naman sa naitalang mahigit apat na raan nitong 2012 sa kaparehong petsa, kung saan isa ang napaulat na namatay.

Kaugnay naman sa napaulat na pamimigay ng bakuna kontra sa Dengue.

Sinabi ni Debuque na malaki ang posibilidad na makakatanggap nito ang probinsya ng Aklan.

Iyon nga lang, hindi pa umano nito tiyak kung kailan nito magkakaroon.

Ipapaabot din naman aniya ng Central Office ang mga nasabing vaccines sa mga rehiyon at lalawigan sa bansa, lalo pa’t ang Pilipinas ang isa sa mga unang makakatanggap nito kung merun na./ Traslated by: Bert Dalida

Friday, August 02, 2013

DepEd Malay, napili ng Ayala Foundation para sa Text2teach program

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Napili ng Ayala Foundation ang DepEd sa bayan ng Malay para sa Text2teach program.

Ayon kay Malay District Supervisor Jessie S. Flores, ang bayan ng Malay ay isa lamang sa napili sa buong probinsya ng Aklan ng nasabing foundation para lalo pang mapabuti ang pag-aaral ng mga bata sa bansa.

Ang misyon umano nito ay upang gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa kalidad ng pagtuturo at pag-aaral.

Aniya, ang makakabenipisyo din nito ay ang grade 5 at 6 sa pampublikong paaralan sa Pilipinas.

Nauna ng sinabi ni Flores, na ang Text2teach ay isang programa na nagdadala ng educational content sa mga pampublikong paaralan sa elementarya sa pamamagitan ng mga video na nai-dowload sa pamamagitan ng Short Messaging System (SMS).

Sa ngayon, pinag-iisipan din nila kung aling mga paaralan sa Malay ang sasailalim sa Text2teach program ng Ayala foundation.

Sinabi din nito na ilang mga paaralan sa isla ng Boracay ang sasailailim sa nasabing programa.

Samantala, ang signing ng Memorandum of Agreement ay gagawin sa darating na Agosto bente siyete sa Silay City Negros Occidental kung saan dadaluhan naman ito nina Flores at Mayor John Yap.

Executive Order para sa Boracay Environmental Task Force, pirmado na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pirmado na ang E.O o Executive Order para sa Boracay Environmental Task Force.

Ito ang kinumpirma kahapon ni mismong Municipal Engineer at Boracay Environmental Task Force Chairman Elizer B. Casidsid.

Ang executive order number 005 ang magiging implementing arm ng task force upang ilunsad ang on-site inspection sa mga illegal drainage connection sa isla ng Boracay.

Samantala, habang hinintay ng mga taga Task Force ang kopya ng nasabing E.O.

Sinabi ni Casidsid na dahil aprobado naman ito ni Mayor John Yap ay kanilang sinimulan ang pag-inspeksyon nitong nagdaang linggo.

Kung saan natukoy na ng task force ang mga establisemyentong may mga illegal na koneksyon, sa mga lugar ng Sitio Bolabog at Sitio Lugutan.

Nakatakda namang ipatawag ng LGU ang mga nasabing establisemyento.

Samantala, sa 5th meeting ng nasabing task force kahapon, kinumpirma din nito na “rain or shine”, ay patuloy ang operasyon ng nasabing task force.

Operasyon ng helmet diving sa Boracay, ipapa-inspeksyon ng LGU Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ipapa-inspeksyon ngayon ng LGU Malay ang operasyon ng helmet diving sa Boracay.

Ayon kay Boracay Supervisor Life Guard Miguel Labatiao.

Napagsabihan na siya tungkol dito, pero kinakailangan pa umano nilang makipag-tulungan sa Philippine Coastguard, MAP at sa PNP para makapagtakda sila ng tamang inspeksyon.

May mga nagrereklamo umano kasi sa kanilang mga turista dahil sa hindi maganda at maayos ang kanilang sinasakyang bangka para sa nasabing aktibidad.

Dagdag pa ni Labatiao, binabantayan din nila ang pabago-bagong bugso ng panahon dahil mag- iinspeksyon din sila sa karagatan kung saan isinasagawa itong mga helmet diving activities.

Sa ngayon ay may mga nag-ooperate parin naman umano ng nasabing water sports activities sa Boracay.

Samantala, hindi naman papayagan ng LGU Malay na makapag-operate ang mga ito hangga’t hindi sila nabibigyan ng permit at hindi nakakapag-comply ng kanilang mga requirements.

Text2teach program, pinaghahandaan na ng DepEd Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaghahandaan ngayon ng Department of Education District of Malay ang text2teach project para sa walong public elementary school sa bayan ng Malay.

Ayon kay Malay District Supervisor Jessie S. Flores, may Resolution na nagpapatibay na puweding  pumasok ang Municipal Mayor sa isang memorandum of agrement kasama ang DepEd Division ng Aklan at Ayala foundation na may kaugnayan sa pagpapatupad ng proyektong text2teach project sa walong elementary schools sa munisipalidad ng Malay.

Aniya, ang Text2Teach ay isang programa na nagdadala ng educational content sa mga pampublikong paaralan sa elementarya sa pamamagitan ng mga video na nai-download sa pamamagitan ng Short Messaging System (SMS).

Dagdag pa ni Flores, ang programang Text2Teach ay napatunayang epektibo sa mga mag-aaral dahil sa kanilang magandang performance lalo na sa Matematika at Science.

Samantala, ang bawat paaralan naman na may Text2Teach program ay makatanggap ng isang pakete na naglalaman ng mobile phone, isang prepaid SIM card, at isang 29-inch colored television.

Sa ngayon nag-aantay nalang ang DepEd Malay kung kailan magsisimula ang nasabing programa upang maibahagi agad sa mga mag-aaral.

Thursday, August 01, 2013

BLTMPC, Humihingi ng ayuda laban sa mga kulurum na traysikel at habal-habal drivers sa Boracay

Ni Alan C. Palma, YES FM Boracay

Humihingi ngayon ng ayuda ang Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) sa Malay Auxiliary Police o MAP na hulihin ang mga illegal na bumibyahe sa isla.

Sa dokumento ng Malay Transportion Office kung saan nakapaloob ang kopya ng sulat ng kooperatiba, partikular na tinukoy ang mga bumibiyaheng single motorbike at mga traysikel na walang prangkisa.

Nais din ng BLTMPC na hulihin ng MAP ang mga drayber na hindi miyembro at walang suot na uniporme lalo na sa gabi.

Ayon naman kay BLTMPC Manager Ryan Tubi, apektado di umano ang operasyon ng mga lehitimong drayber ng kooperatiba, rason upang dapat ang mga itong masawata.

Kaugnay nito, umaasa si Tubi na mabibigyan ng agarang aksyon ang kanilang kahilingan.

Ang request letter ng BLTMPC ay ipinasa kay Rommel Salsona ng MAP, na inireto naman sa opisina ni Cesar Oczon ng Transportation Office ng LGU-Malay.

Registration para sa SK at Brgy. Elections sa Malay, naging matagumpay

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Naging matagumpay ang registration para sa SK at Brgy. Elections ng Commission on Elections o Comelec sa bayan ng Malay.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, bagama’t mas marami ang bilang ng nagpa-rehistro ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Kanila naman umanong na-accommodate ang mga ito, maliban na lamang sa mga hindi nakahabol kahapon.

Aniya, nasa isandaang katao pa sana ang magpapa-rehistro ngunit hindi na nakahabol ang mga ito sa itinakdang deadline.

Hindi na rin umano sila nagbigay pa ng extension dahil may time table sila na sinusunod, at kailangan na rin umano nilang maayos ang Computerized voters list para sa Brgy. Elections.

Samantala, pagkatapos umano ng registration ay paghahandaan na rin nila ang tungkol sa mga dapat ipagbawal sa kasagsagan ng election period.

Operasyon ng habal-habal sa Boracay, pinatututukan na ng BLTMPC

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinatututukan na ng BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-purpose Cooperative ang operasyon ng habal-habal sa Boracay.

Ayon kay BLTMPC Chairman Ryan Tubi, apektado talaga ng mga habal-habal ang operasyon ng kanilang mga traysikel.

Ang mga habal-habal pa umano kasing ito na walang prangkisa ang namamasada sa Boracay.

Samantala, nagpadala na umano sila ng sulat nitong nagdaang linggo sa mga taga Municipal Auxiliary Police at Boracay PNP upang maregulate at hulihin ang mga tinaguriang illegal transport medium sa isla, lalo na ang mga habal-habal.

Subali’t nagtatago lang aniya ang mga ito kapag huhulihin ng mga otoridad, at muling bumibyahe kapag wala nang nagbabantay.

Maliban sa habal-habal, ipapahuli din umano nila ang mga kolurum tricycle, kolurum driver, at ang mga namamasadang tricycle drayber sa gabi na hindi nakauniporme.

Isang daang e-trike, target maipasada sa isla ng Boracay bago magtapos ang 2013

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Target ngayong maipasada ang isang daang Electric Tricycle (e-trike) sa isla ng Boracay bago pa magtapos ang taong 2013.

Ayon kay dating Malay SB Member Dante Pagsuguiron, uumpisahan ng maipasada ang mga darating na e-trike sa buwan ng Agosto sa unang linggo ng Septyembre ngayon taon.

Aniya, kada katapusan ng buwan ay pipilitin nilang magkakaroon ng delivery mula sa kompanya ng Gerweiss Motors Corporation sa Manila.

Dagdag pa ni Pagsuguiron, sasailalim pa sa ibat-ibang training ang mga operators ng e-trike para sa pagmamaneho at sa tamang pakikitungo sa mga pasaherong sasakay nito.

Nanawagan naman ito sa mga nais pa umanong makapag-avail ng nasabing sasakyan ay maari lamang na lumapit sakanya.
Nais naman nito na magkaroon ng maikling programa bilang pagpapasinaya sa mga e-trike.

Samantala, patuloy naman silang naghahanap ng mga lugar sa Boracay bilang charging at paying station ng mga e-trike.

Wednesday, July 31, 2013

Binatilyong nagmamaneho ng motorsiklo, patay ng makabanggaan ang van sa Caticlan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patay ang binatilyong nag mamaneho ng kanyang motorsiklo ng bumangga sa van sa Barangay Caticlan, Malay, Aklan nitong nakaraang araw.

Ayon kay Malay PO3 Jaime Nerviol Jr., imbestigador sa nasabing aksidente papasok na sana sa kanyang eskwelahan ang biktimang si Felix Nataniel Torres, 13-anyos habang sakay sa kanyang motorsiklo ng bigla umano itong nag-overtake sa sinusundang motorsiklo.

Nang hindi nito napansin ang kasalubong na van sa kabilang linya ng kalsada na minamaneho ni Yunimer Casimero,34-anyos at residente rin ng nasabing lugar rason na ito ay magkabanggaan.

Napag-alaman na mabilis ang pagpapatakbo ng motorcycle rider dahilan para ito ay tumilapon dahil sa impact ng banggaan.

Dagdag pa ni Nerviol, patuloy parin nilang iniimbestigahan ang nasabing aksidente at inaalaman parin nila kung sino ang may kasalanan sa dalawang kampo.

Samantala, ang biktima ay nagkaroon naman ng sugat sa kanyang ulo at sa iba pang parte ng kanyang katawan.

Sa ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng Malay PNP ang driver ng nasabing van at inaantay pa kung magpa-file ng kaukulang kaso ang mga magulang ng biktima.

Mga bangkang pang island hopping na nagtatapon ng langis sa dagat, binalaan ng BIHA

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Binalaan ngayon ng BIHA o Boracay Island Hopping Association ang mga bangkang nagtatapon ng langis sa dagat.

Ayon kay BIHA Chairman Rigoberto Gelito Jr., ipapakansela nito ang lisensya ng mga bangka partikular ang mga nagpapa-island hopping, sakaling mapatunayan na lumalabag sa tamang proseso ng pagtapon ng langis.

Paiimbistigahan umano kasi nito ang naturang aktibidad sa Bolabog Beach, na ibinunyag kahapon ng isang boatman.

Ang pahayag na ito ni Chairman Rigoberto ay kaugnay sa umano’y pagtatapon ng langis ng mga bangkang pang-island hopping sa Bolabog Beach.

Kung saan iginiit nito na dapat ay may tamang lalagyan ang nasabing langis at hindi itinatapon kung saan lang.

Samantala, maliban sa babala, hinikayat din nito ang mga miyembro ng BIHA na suportahan ang mga aktibidad na makakatulong upang mapangalagaan ang Boracay.

Dahil sa di-tamang pagtatapon ng basura, LGU Malay iimbestigahan ang isang Fast food sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dahil sa maling pagtatapon ng basura, nakatakdang mag-inspeksyon ang LGU Malay sa isang sikat na fast food chain sa isla ng Boracay.

Ayon kay, Malay SB Member Floribar Bautista, kumakalat ngayon sa social network ang larawan ng isang fast food chain sa front beach ng station 2 Balabag.

Nakakaalarma umano ang kanyang nakitang larawan ng mga nakatambak at nakakalat lang na basura sa mismong harapan ng nasabing kainan.

Aniya, dapat ay masulosyunan ang nasabing problema para hindi magaya ng ibang mga establisyemento na makakasira sa turismo ng Boracay.

Imininungkahi naman ni Bautista sa office of the Mayor na dapat ay mae-tsek ang larawang naka post sa internet para mabigyan ng pansin.

Dagdag pa nito, mula sa mga concern citizen ang mga nasabing larawan at ipinost pa sa social network.

Sa ngayon, magsasagawa na ng hakbang ang LGU Malay tungkol dito upang hindi na maulit ang hindi tamang pagtatapon ng basura ng nasabing kainan.

COMELEC Malay, dinagsa ng mga magpaparehistrong botante kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dinagsa ng mga magpaparehistro para sa darating na Brgy.at SK ang Comelec Malay kahapon.

Karamihan dito ay mga kabataan na unang pagkakataon palang para makaboto para sa Sangguniang kabataan.

Tiniis din ng mga ito ang walang tigil na pagbuhos ng ulan makapag rehistro lamang.

Naging abala naman ang mga empleyado ng Comelec sa pangunguna ni Malay COMELEC Election Officer II Elma Cahilig dahil dito.

Sa unang araw pa lamang ng registration noong nakaraang lunes ay dinagsa agad ang Comelec Malay ng mga gustong magparehistro.

Una ng sinabi ni Cahilig na naging maayos naman ang sitwasyon ng pagpaparehistro noong nakaraang linggo.

Samantala, ang registration para sa barangay at SK Elections ay magtatapos na ngayon mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

APPO Aklan, kasado na para sa Brgy.at Sk elections sa Oktobre

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kasado na ang paghahanda ng Aklan Provincial Police Office (APPO) para sa Brgy. at SK elections sa darating na Oktobre.

Ayon kay Aklan Provincial Police Office Public Information Officer P03 Nida Gregas, mas lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang siguridad katulad ng nagdaang eleksyon nitong buwan ng Mayo.

Aniya tatlong araw bago ang eleksyon ay sisimulan nilang ipapatupad ang gun ban, pag-inom ng alak, at ang anumang ipinag-uutos ng Comelec para sa eleksyon.

Dagdag pa ni Gregas, babantayan din nila ang mga PCOS Machines na idi-deliver sa ibat-ibang lugar sa Aklan.

Samantala, tiwala naman si Gregas na magagampanan nila ng maayos ang kanilang trabaho para sa darating na eleksyon.


Ikinatuwa naman nito na kahit hindi maiiwasan ang mga pasaway na lumalabag sa batas ng Comelec ay bumaba naman ang mga bilang ng mga ito kumpara noong nagdaang 2010 elections.

PPCRV Aklan, wala pang instructions para sa Barangay at SK Elections

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Wala pang instructions para sa Barangay at SK Elections ang Aklan-PPCRV o Parish Pastoral Council for Responsible Voting.

Ayon kay Aklan PPCRV Coordinator Reverend Father Ulysses Dalida, hinihintay pa nila ang mandato mula sa kanilang PPCRV Command Center sa Maynila tungkol sa kanilang magiging hakbang sa halalan sa Oktubre 28.

Aminado rin ito na ang mga nagdaang Barangay Elections ay hindi ganon ka aktibo, kumpara sa mga nagdaang National Elections.

At bagama’t wala umano silang poll watching ngayong halalan, ay naririyan parin ang PPCRV para mag-obserba.

Ang PPCRV ay isang national parish-based ngunit non-partisan lay movement ng simbahan na patuloy na nagtatrabaho para sa isang tapat at malinis na halalan.

Monday, July 29, 2013

DOT, nakipagpulong na kay Maquirang,tungkol sa problema ng Cagban Jetty port

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakipagpulong na ang Department of Tourism Boracay kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang tungkol sa reklamo ng mga pasahero sa mga sirang hagdan sa Cagban Jetty Port.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, ipinatawag niya noong Sabado si Maquirang para mapag-usapan ang pagpapa-repair ng mga nasirang hagdan doon.

Napag-usapan na rin umano nila kung ano-anong mga materyales ang kanilang gagamitin, kung saan isa sa mga iminungkahe ni Ticar ay ang stainless steel para may laban sa kalawang.

Kung bakal lang umano kasi ay madaling kalawangin, samantalang kung semento naman ay nababasag pag-nababangga ng mga bangkang dumadaong doon.

Magkaganon paman ayon pa kay Ticar, may naiisip pa si Maquirang na pweding ipalit maliban sa stainless.
Samantala, napag-alaman din umano nito na may instruction na ang Jetty Port Administrator para magkumpuni sa mga sirang hagdan sa Cagban Jetty Port at sinisimulan na itong gawin ngayon.

BTAC, magsasagawa ng simulation disaster plan, sakaling may closing activity para sa National Disaster Awareness Month

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

Kooperasyon ng komunidad para sa ligtas na isla.

Kung matatandaan, ito ang hiniling ng mga taga BAG o Boracay Action Group kaugnay sa pagdiriwang ng NDCM o National Disaster Consciousness Month.

Ngunit ngayong magtatapos na ang buwan ng Hulyo.

Isang simulation disaster plan naman ang pinaghahandaan ng Boracay PNP, sakaling may closing activity ang Boracay Action Group para sa NDCM.

Bagama’t ayon kay BTAC Chief for intelligence and operations section Police Inspector Keenan Ruiz, ay hindi pa sila nakapag coordinate kung ano ang magiging aktibidad kaugnay sa pagtatapos ng National Disaster Consciousness Month.

Sinabi nito na pwede silang magsagawa ng earthquake drill at fire drill sa pakikipagtulungan na rin ng ibang ahensya tulad ng BAG o Boracay Action Group.

Samantala nagpasalamat naman si Ruiz sa komunidad na tumulong para maging matagumpay ang public awareness na ito.

Ang National Disaster Awareness Month ay magtatapos sa darating na araw ng Miyerkules.