YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 11, 2014

Listahan ng mga sasali sa Boracay Ati-Atihan 2014 bukas, inilabas na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay


Inilabas na ng Municipal Tourism Office (MTO), Balabag Council at Boracay Holy Parish ang mga kalahok sa Boracay Ati-Atihan 2014 bukas.

Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

Para sa Individual Category:

Ilaya’s Dragon
Earth Warrior
Fairy Butterfly
Red Lady Eagle
Ita Queen
Black Butterfly
Monster Reggae at Year of the Horse

Commercial Category:

Bolabog Group
Red Coconut Beach Hotel
Pina-ungon Hills (Ibabaw)
Maura’s Clan (Sacapaño-Salsona)
Boradise
Laking Angol
Zone-7 Francisco & Mr. Cristina Sacapaño Family
D’Talipapa Boracay
Martin Village Tulobhan
Daniel Gelito’s Clan/Kathelyne Contructor
Tribu Ilaya
Golden Sun
Maboven Association
Tribo Pina-ungon (Ida-eom)
B.E.S Group
Palawan Pawnshop
Kanyugan Group
Julius Ambulong & Dacks Trading

Balik-Ati Groups:

Duma-an Tribes
Din-iwid Group
Martin Village Tribe-Tulobhan
Tribu Pina-ungon (Ida-eom)
Tribu Hagdan
Tribu Mabuhaynon.

Tribal Group:

Boracay National High School
Lamberto S. Tirol (Boracay National High School Yapak Extension).

Samantala, nabatid naman sa mensahe ng Team Ministry Moderator ng Boracay Holy Rosary Parish, Fr. Arnold Crisostomo.

Na ang pagbabago sa nasabing selebrasyon ay bunga rin umano ng sitwasyon ngayon sa isla, kung saan na-ipapakita umano ang kultura ng mga Pilipino sa mga turista at isa na rito ang pagiging deboto kay Sr. Sto Niño.

Sa ngayon ay makikita namang abala na ang mga kalsada at front beach sa isla dahil sa mga nag-iingayang mga tambol at tugtog bilang bahagi ng Ati-Atihan Celebration.

191 nag-positibo sa tigdas sa probinsya ng Aklan; 437 suspected measles cases

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasa 191 sa ngayon ang nag-positibo sa sakit na tigdas sa probinsya ng Aklan habang nasa 437 naman ang mga suspected measles cases.

Ito ay batay sa datus na ibinigay ni Administrative Aid III, Jay-L Pelayo ng Aklan-Provincial Health Office (PHO).

Aniya, kasalukuyan nang nagkakaroon ng mga programa ang local na pamahalaan para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga Aklanon.

Isa na umano ay ang maramihang pagbabakuna lalo na sa mga kabataan na syang madalas tamaan ng nasabing sakit.

Sa kabilang dako, ayon naman kay Aklan Expanded Program on Immunization (EPI) Coordinator, Bella Villaruel.

Abala din sila ngayon sa pagkakaroon ng kampanya kasama ang Department of Health (DOH) sa mga pambuliko at pribadong paaralan sa high school at elementary para sa pagkakaroon ng massive vaccination.

Nabatid rin sa isang pahayag ni Health Sec. Enrique Ona na tatagal pa umano hanggang sa summer outbreak ang tigdas sa bansa.

Dahil dito, pinupulong umano ang lahat ng mga Local Government Units (LGU) para agad na masimulan ang maramihang pagbabakuna.

Samantala, dahil naman sa maramihan ngayong mga festival sa iba’t-ibang panig ng bansa, nanawagan umano ang ahensya na kung maaari ay huwag nang sumama ang may mga tigdas dahil mabilis itong makahawa.

Ang pagkakaroon ng tigdas ay maaaring magdulot ng singaw sa balat, pamamantal, ubo, sipon, iritasyon o pangangati ng mga mata, at lagnat.

Maaari naman itong maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna, pag-inom ng maraming tubig at sapat na pahinga.

Ang tigdas ay sakit na kadalasang sanhi ng virus na tinatawag na “Morbillivirus paramyxovirus”.

Ati-Atihan Festival sa Kalibo Aklan, nagsimula na kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagsimula na kahapon ang selebrasyon ng taunang Ati-Atihan Festival  sa Kalibo Aklan na itituring ding “mother of all festivals” sa bansa.

Sa pagsapit ng opening salbo, ginanap naman ang “Search ng Mutya at Lakan ng Kalibo Ati-Atihan 2014” kung saan tampok ang mga nag-gagandahan at nag-gwagwapuhang mga kalahok mula sa ibat-ibang bayan sa probinsya.

Nabatid rin na mahigit sa limang mga sikat na artista at iba pang mga TV Personality sa bansa ang inabangan para sa nasabing patimpalak.

Bilang pagbubukas naman ng kapistahan, ang Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation Inc. (KASAFI) ay handang-handa na rin para dito.

Sa kabilang dako, ramdam na rin ang lakas ng ingay ng mga tambol at kasiyahan ng mga taong sumasali sa street dancing sa kahabaan ng Kalibo Pastrana Park.

Samantala, sa darating na Huwebes ay gaganapin ang pinaka-aabangang “Higante Parade” na lalahukan naman ng labing anim na mga bayan sa probinsya ng Aklan.

Kabilang dito ang pagpapakita ng kanilang mga ipinag-mamalaking produkto at talento sa presentasyon.

Kaugnay nito, mas lalo naman ngayong pinaigting ang ginagawang seguridad sa bayan ng Kalibo para sa sampung araw na selebrasyon ng Ati-Atihan Festival na magtatapos sa January 19, 2014.

Friday, January 10, 2014

Boracay PNP, ibinida ang kanilang accomplishment report para sa taong 2013

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ibinida ngayon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang kanilang accomplishment report para sa taong 2013.

Ilan lamang sa mga ibinida ng Boracay PNP ang umano’y matagumpay na kampanya nito laban sa mga illegal na droga.

Base sa ipinadalang press release ng BTAC.

Umabot sa 26 ang naaresto na may mga kasong non-bailable ang naisampa sa korte suprema, mula sa kabuuang 22 operasyon na kanilang naisagawa.

Samantala, isa din umano sa mga pinakamalaking accomplishment ng Boracay PNP ay ang pagkaka-recover ng 16 na pirasong transparent plastic bags na may humigit kumulang 8” x 10” ang haba at naglalaman ng shabu, isang extended magazine ng Cal .45 pistol, at 18 live ammunitions of Cal .45.

Nagawa rin umano ng mga itong sugpuin ang iba’t-ibang klaseng krimen tulad ng illegal gambling kung saan naaresto ang 21 na mga wanted persons.

Sa kampanya laban sa pagnanakaw, 21 mga kaso umano ang inihain sa mas mataas na hukuman na may 43 suspects na naaresto mula sa 43 na mga operasyong isinasagawa.

Ipinagmalaki rin ng Boracay PNP ang TOP 20 passers nito sa NAPOLCOM Promotional Examination, kung saan 17 din ay na-promote sa mas mataas na ranggo ng Police Officer 3 at Police Officer 2, at ang pagtanggap ng award sa Police Regional Office 6 Headquarters in Camp Delgado, Iloilo City.

Samantala, patuloy parin umano sa ngayong nakatutok ang Boracay PNP sa mga kaso patungkol sa land dispute, commercial sex workers, lady boys o gay prostitutes, menor de edad, illegal drugs, at iba pang mga pasaway sa isla.

DOT Boracay, handang harapin ang panibagong hamon sa kanilang ahensya ngayong 2014

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Handang harapin ng Department of Tourism o DOT ang panibagong hamon sa kanilang ahensya ngayong 2014.

Ayon kay DOT Boracay officer In-Charge Tim Ticar.

Pagtutuunan nila ng pansin ngayong ang promotion sa marketing sa ibat-ibang bansa para mas lalong tangkilikin ng mga turista ang isla ng Boracay.

Nais naman ni Ticar, na maging maayos at gumanda pa ang Boracay at maipasok muli sa mga lugar na pinakamaganda sa mundo.

Sa kabilang banda, wala pa ngayong target ang DOT Boracay kung ilang turista ang inaasahan nilang dadayo sa isla dahil magmumula pa umano ito sa kanilang Regional Office.

Nabatid na noong nakaraang taon ay 1.5 million tourist ang naging target nila para sa isla, ngunit umabot lamang ito sa mahigit isang milyon at tatlong daang libo.

Iginiit naman ni Ticar na kahit hindi nila naabot ang kanilang target ay positibo parin sila na lalo pang dadayuhin ang Boracay ngayong taon.

Naniniwala din ito na may mga turistang pumunta sa Boracay noong nakaraang taon ang hindi nailista sa tourist list sa Arrival ng Caticlan Jetty Port.

Isa rin sa kanilang tinitingnan rason kung bakit biglang bumaba ang tourist arrival ay dahil sa nagdaang bagyo na nagkaroon ng maraming cancelations of bookings.

Samantala, balak ngayon ng Department of Tourism na mas lalong paigtingin ang pagbabantay ng mga turistang pumapasok sa Boracay para mailista sa tourist list.

Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño, may paalala sa mga magrerenew ng business permit ngayong taon

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Inaasahan nang sa tuwing nagpapalit ang taon, ay panahon din ng renewal ng mga business permit sa isla ng Boracay.

Partikular na sa renewal ng Business permit, Mayor’s permit at Permit to transport, kung saan, nagsisimula ito sa buwan ng Enero ng taon.

Ayon kay Kap Lilibeth Sacapaño ng Brgy. Balabag, nitong Enero a dos, taong kasalukuyan sila nagsimulang tumanggap ng mga magre-renew.

Bagama’t hindi niya aniya alam kung kailan matatapos, dahil tuloy-tuloy naman ang pag-proseso ng mga business permit.

Nagbigay ito ng paalala sa lahat ng mga mag-re-renew.

Ayon kay Kap Sacapaño, para hindi matagalan sa pagpila, mas maigi aniyang ihanda na agad ang mga dokumentong kakailanganin sa pagrerenew.

Huwag na aniyang hintayin pa ang “last minute” bago mag-renew.

Samantala, kaugnay nito, inihayag naman ni Sacapaño na sa Brgy. Balabag ay wala naman umanong pagtaas sa mga babayaran ngayong taon.

Thursday, January 09, 2014

Mga turistang sakay ng MS Europa II, ikinatuwa ang pagbisita sa isla ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

MS Europa 2--1.jpgIkinatuwa ng mahigit kumulang dalawang libong turista na sakay ng MS Europa II ang pagbisita sa isla ng Boracay.

Katunayan, ilan sa mga matatandaang Italian Nationals na sakay ng barko ang nag-kwento na “first time” at excited umano na makita ang isla kung saan sinasabing isa mga magagandang “beach destination” sa mundo.

Sinalubong naman ang mga ito sa Cagban Port ng mga tunog ng tambol ng Libo-o Ati-Atihan Tribe mula sa Nabas, Aklan.

Sa halip na multicab, ay mas pinili naman ng ilang mga turista na sumakay ng tricycle para libutin ang mga lugar sa isla.

Samantala, masaya ring sinabi ni Aklan Gov. Joeben Miraflores  sa kanyang mensahe habang nagbibigay ng plaque of appreciation sa kapitan ng barko, na ito umano ay nagsisilbi ng hudgat na magiging cruise ship destination ang isla ng Boracay.

Maliban naman sa mga kasapi ng Department of Tourism (DOT), Jetty Port Administration, at Local Government Unit ng Malay, kasama rin sa mga masayang sumalubong ang District Congressman ng Aklan na si Teodorico Haresco Jr.

Dumaong ang nasabing barko bandang alas-otso ng umaga kanina at nakatakdang bumalik ng alas saes ngayong hapon kung saan didretso naman ito ng Hongkong.

Ang MS Europa II ay ang ikalawang Cruise Ship sa sampung nakatakdang mga barko na dadaong sa isla para sa taong 2014.

Boracay Bridge Project ng LGU Malay, bibigyan pansin ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bibigyan pansin ngayon ng SB Malay ang naging kahilingan ni Malay Mayor John P. Yap kaugnay sa Boracay bridge project.

Ito’y upang magkaroon ng kapangyarihan ang alkalde na pumasok sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Daewoo Engineering and Construction Co. Ltd.

Ang nasabing MOA ay tungkol sa construction ng Boracay Bridge Project na eo-operate sa ilalim ng Build-Operate-Transfer o BOT project package.

Sa naging session sa Malay nitong Martes sinabi ni SB Member Floribar Bautista na iimbitahin nila ang management ng Daewoo Engineering and Construction Co. sa susunod na session.

Mahalaga umano na malaman nila ang plano at kapasidad ng Daewo sa Boracay bridge project maging ang kanilang company background.

Kaugnay nito ini-refer o ipinasa naman ni Malay Vice Mayor Wilbec Gelito ang planong pagkakaroon ng tulay sa Boracay sa Committee on Laws at Committee on Public Works and Hi-ways.

Biro pa ng ilang konsehales, ok umanong magkaroon ng tulay papuntang isla ng Boracay para maiwasan na ang mga nangyayaring problema sa Jetty Port.

Samantala, nabatid na ang Daewoo ay isang Worldwide Construction Company na may hawak ng ibat-ibang proyekto sa ibat-ibang bansa.

Aklan Vice governor, pinangunahan ang pag-welcome ng MS Costa Victoria na dumayo sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Pinangunahan ni Aklan Vice governor Gabrielle Calizo Quimpo ang pag-welcome sa cruise ship na MS Costa Victoria na dumayo sa Boracay kahapon.

Ito ang kauna-unahang cruise ship na bumisita sa isla ngayong taon para e-tour ang mga turistang sakay nito mula pa sa ibat-ibang bansa.

Sa naging pahayag ni Quimpo, nagpapasalamat siya sa mainit na pagtanggap ng kapitan ng barko sa mga Aklanon na umakyat nito para sa isinagawang maikling programa at pag-iikot sa loob ng MS Costa Victoria.

Kasama rin sa mga panauhing pandangal si Malay Vice Mayor Welbec Gelito na personal ding nagbigay ng kaniyang mensahe at pasasalamat.

Masaya rin ang naging karanasan ng mga turistang sakay nito sa pag-iikot at pag-shopping sa isla ng Boracay.

Nabatid na mahigit sa dalawang libong mga pasahero ang sakay ng cruise ship kabilang na ang crew at staff.

Sa kabilang banda, isa pang cruise ship ang dadaong mamayang alas-otso ng umaga na may pangalang MS Europa 2 sakay ang maraming turista.

Samantala inaasahan namang muling babalik ang MS Costa Victoria sa Boracay sa susunod na linggo para naman sa isa pang tour.

Kampanti naman ang Aklan Government Unit na magiging isang cruise ship destination ang isla ng Boracay ngayong taon.

Wednesday, January 08, 2014

Budget sa mga Street Lights para sa Boracay, nanatili paring nakabinbin sa ngayon

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nanatili parin umanong nakabinbin sa ngayon ang budget para sa mga Street Lights sa isla ng Boracay.

Ayon kasi kay Sangguniang Panlalawigan (SP) Secretary Odon Bandiola.

May ilang mga lugar sa Region 6 ang iniimbestigahan rin dahil sa modus ukol sa pekeng Special Allotment Release Order (SARO) kung saan iniimbestigahan din ngayon ng NBI.

Una naring sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilang mga payahagan na  patuloy parin sa ngayon ang imbestigasyon ng NBI sa mga sinasabing pekeng SARO.

Ayon sa isang ulat, base sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, natuklasan ng DBM ang paglabas ng mga pekeng SARO matapos magtungo sa regional office ng Department of Agriculture (DA) ang isang staff ng isang kongresista sa Region 2.

Bukod sa Region 2, may mga nagtatanong na rin umano patungkol sa SARO mula sa CALABARZON, Western Visayas at Davao Region.

Sa ngayon, ito ang tinitingnan sa ilang mga dahilan kung bakit nanatili paring nakalutang ang pagkakaroon ng budget para sa mga street lights sa isla ng Boracay.

Suspek sa pagbaril sa isang MAP member sa Boracay, sumuko na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sumuko na ang suspek sa pagbaril sa isang MAP member sa Boracay kaninang umaga.

Bagama’t tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga taga Boracay PNP.

Kinumpirma naman ng mga ito na sumuko kaninang alas 12:45 ng tanghali ang suspek na si Jerwin Tobilla Y Tiaga, security guard na nakabaril sa biktimang si Lucas Gelito Y Santos III ng Brgy. Manoc-Manoc Boracay.

Matatandaan na bandang alas syete kaninang umaga naganap ang insidente sa Laguna de Boracay Resort kung saan ideneklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa seryosong tama nito sa dibdib.

Samantala, nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng mga ororidad sa kaso.

MAP member patay, matapos mabaril ng Security Guard ng isang resort sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patay ang isang myembro ng Municipal Axially Police (MAP) matapos mabaril ng Security Guard ng isang resort sa Boracay.

Ayon sa imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nakilala ang biktima kay Lucas Gelito Y Santos III, 37, residente ng Brgy. Manoc-manoc Boracay, Malay, Aklan at isang MAP member.

Samantala, nakilala naman ang suspek kay Jerwin Tobilla Y Tiaga, 40, security guard ng Laguna de Boracay Resort.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nangyari ang insidente bandang alas 7:45 kaninang umaga kung saan nabaril ng duty security na suspek ang biktima sa loob ng nasabing resort gamit ang isang shotgun.

Matapos ang pangyayari ay agad umanong tumakas ang suspek, samantala dinala naman ang biktima sa ospital subalit sa kasamaang palad ay ideneklara na ito ng doctor na “dead on arrival” bandang alas 8:45 ng nasabi ring araw dahil sa seryosong tama sa dibdib nito.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang nasabing armas at kasalukuyang nasa BTAC ngayon para sa kaukulang disposisyon.

Lumabas rin sa report ng mga kapulisan na ang suspetsado ay mayroong naka-pending na kaso sa ilalim ng Criminal Case No. 1293-M for attempted Homicide sa 5th MCTC Malay-Buruanga Aklan.

Hindi naman malinaw sa ngayon ang motibo sa krimen kung saan patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng Boracay PNP para sa  nasabing kaso.

Demolisyon ng Seawall sa Boracay, tanggap na ng mga lumabag

Ni  Alan C. Palma, Sr., YES FM Boracay

Sa pangatlong araw ng demolisyon ng mga seawall sa beachline ng Boracay na nagsimula nitong Lunes, Enero a-sais taong 2014, tanggap na ng mga nakitaan ng violation ang pagtibag na isinasagawa ng Boracay Redevelopment Task Force.

Sunod-sunod ang operasyon ng Task force sa pangunguna ni BICOO Glenn Sacapano.

Nag self-demolish naman si BFI President Jony Salme na may-ari ng Jony’s Beach Resort, at kasalukuyan namang binabakbak ang seawall ng Diamong Water Sports at susundan ng isang restaurant at club na pag mamay-ari naman ni Vice-Mayor Wilbec Gelito.

Nakaantabay naman si PCCI-Boracay Ariel Abriam na may-ari naman ng Ariel’s Beach House na napasama din sa mga ire-redevelop.

Wala namang pagtutol o pagpigil mula sa mga may-ari ng apektadong establisyemento.

Samantala, ayon kay Sacapano, gumanda pa lalo ang beach line ng Boracay dahil na rin sa ipinakitang kooperasyon ng mga nabanggit na resort and establishment owners.

AKELCO Boracay, iginiit na hindi nagtaas ng singil sa kuryente matapos ang bagyong Yolanda

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Iginiit ngayon ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na hindi sila nagtaas ng singil ng kuryente matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Ito’y matapos magreklamo sa kanilang tanggapan ang ilang kunsumidor dahil sa umano’y pagtaas ng kanilang bill nitong nakaraang buwan, sa kabila ng pagkawala ng suplay ng kuryente dahil sa nasabing bagyo.

Ayon kay Engineer Jeffrey Inson ng AKELCO Substation Boracay.

Binabase lang nila ang paniningil ng bill ng kuryente sa kontador ng bawat tirahan at establisyemento sa isla ng Boracay.

Paliwanag pa ni Inson hindi naman buong buwan nawalan ng kuryente ang Boracay at ang pinagmulan ng suplay nito ay ang NGCP-PPC sa bayan ng Nabas na may kataasan ang singil.

Aniya ito ang dahilan kung bakit nagmahal ang bill ng kuryente ng mga kunsumidor kahit na rotational lamang ang kuryente nitong nakaraang buwan ng Nobyembre at Disyembre.

Sa kabilang banda nilinaw ni Inson na libre lang magpapalit ng nasirang kuntador noong bagyong Yolanda.

Kinakailanganan lamang umano itong dalhin sa kanilang opisina para mapalitan ng bago.

Samantala, isang daang porsyento naring naibalik sa normal ang kuryente sa probinsya ng Aklan matapos ang kanilang ginawang pagsasaayos at general clearing nitong nakaraang taon.

“No Sticker, No Entry Policy” sa Cagban Jetty Port, issue parin para sa ilang motorista

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Issue parin ngayon para sa ilang mga motorista ang “no sticker, no entry policy sa Cagban Jetty Port na ipinatupad ng Jetty Port Administration.

Ito’y matapos na maging ang mga opisyales ng LGU Malay ay hindi nakaligtas sa ipinatupad na batas ng nasabing tanggapan.

Nabatid na hinarang ng mga guwardya ang sasakyan ng ilang opisyal matapos na mapag-alaman na wala itong sticker na inii-issue ng Jetty Port.

Ayon naman kay Special Operation 3 Jean Pontero ng Cagban Jetty Port, handa silang magpaliwanag sa LGU Malay tungkol dito.

Iginiit pa nito na patuloy naman silang nag-iisue ng sticker para sa mga motoristang kukuha nito na kalimitang pumapasok sa Cagaban Jetty Port.

Inamin din nito na mga nasa 15% parin ngayon ang mga turistang hindi nakakaalam kaugnay sa ipinapatupad nilang “No Sticker, No Entry Policy”.

Samantala, inaasahan namang ipapatawag ng SB Malay ang pamunuan ng Jetty Port para mapag-usapan sa sesyon ang nasabing polisiya.

Tuesday, January 07, 2014

Pagbaon ng BRTF sa tinibag na seawall sa station 1 beach front, ‘ok’ kay BFI President Jony Salme

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


‘Ok’ kay BFI President Jony Salme ang pagbaon ng BRTF o Bo racay Redevelopment Task Force sa mga tinibag na sea wall sa station 1.

Katunayan, sinabi ni Salme na kampante ito na sinusunod ng nasabing Task Force ang lalim ng hukay kung saan ibabaon ang mga tinibag na seawall, base sa kanilang napagkasunduan.

Napag-aralan na rin umano kasi ng BRTF na dapat, hindi abutin ng tubig ang hukay upang hindi tumambad ang mga tinibag, kagaya umano sa kanilang ginawa sa North side ng isla.

Bagama’t kasalukuyan silang nagsi-self demolish ng kanilang sea wall.

Sinabi pa ni Salme na ipinaubaya na lamang nila sa BRTF ang lahat, upang hindi na sila pa ang humakot, kungdi ibabaon na lamang.

Samantala, nangako din ito na kanyang titingnan bukas ang operasyon ng BRTF, upang makapagsuhestiyun na dagdagan ang lalim na hinukay ng backhoe.

Nabatid na kasalukuyang nasa bayan ng Kalibo si Salme, habang kusang pinagigiba ang kanilang seawall.

Sinimulan kahapon ng demolition team ng BRTF ang paggiba at pagbaon sa seawall ng mga Elizalde sa Boracay.

Provincial Government ng Aklan, umaasa paring papayagan ng Korte Suprema ang Reclamation Project sa Caticlan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umaasa parin umano ang probinsya ng Aklan na papayagan ng Korte Suprema ang Reclamation Project sa Caticlan Malay Aklan.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan (SP) Secretary Odon S. Bandiola.

Bagamat wala pa umanong balita hinggil sa desisyon ng Supreme Court tungkol dito, nabatid na magkakaroon ulit ng petisyon ang probinsya para payagan ng isagawa ang Caticlan Reclamation Project.

Dagdag pa rito inaasikaso narin umano ang ilang mga problema sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para makumpleto ang mga kinakailangang dokumento na isusumite sa korte suprema.

Matatandaang nagpalabas ang kataas-taasang hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) upang ipahinto ang P1-billion project ng probinsya na i-reclaim ang tens of hectares ng Boracay Island at Caticlan, dahil sa ilang isyung pangkapaligiran.

Pagdating ng 3 cruise ship ngayong Enero sa Boracay, puspusang pinaghahandaan ng DOT

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Matinding pinaghahandaan ng Department of Tourism (DOT) Boracay ang pagdating ng tatlong cruise ship sa Boracay ngayong buwan ng Enero.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Artemio “Tim” Ticar.

Nakalatag na ang mga kakailanganin at gagawing seguridad para sa pagdating ng tatlong barko sa isla ngayong buwan.


Una nga riyan ay ang pagdating ng MS Costa Victoria bukas at ang MS Europa 2 na darating sa araw ng Huwebes.

Nabatid naman na babalik muli ang MS Costa Victoria sa susunod na linggo para muling magdala ng maraming turista sa isla ng Boracay.

Aniya, kung ano ang mga ginawang paghahanda ng mga kinauukulan sa pagdating ng mga cruise ship noong nakaraang taon ay ganoon parin umano ang kanilang gagawin maliban lamang sa pagdagdag ng mga tutugtog ng rondalya sa may Cagban Jetty Port bago bumalik ang mga pasahero sa kanilang barko.

Dagdag pa ni Ticar, kung magkakaroon ng pagkakataon na mag long staying ang ilang cruise ship sa Boracay ay maaaring magkaroon din ng tour sa mainland ang mga sakay nito.

Buong suporta naman ang ipinapakitang tulong ng gobyerno ng Aklan sa patuloy na pagbisita ng mga cruise ship sa isla ng Boracay.

Samantala, kinumpirma naman ng DOT na mahigit sa sampung mga cruise ship ang dadayo sa isla ng Boracay ngayong taong 2014.

Monday, January 06, 2014

Cagban Jetty Port, muling binigyang linaw ang mga nagrereklamo hinggil sa pagpapatupad ng “No Sticker, No Entry Policy”

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Muli ngayong binigyang linaw ng pamunuan ng Cagban Jetty Port ang mga nagrereklamo hinggil sa pagpapatupad ng “No Sticker, No entry Policy” sa nasabing port.

Ito ay matapos na bahagyang nagkagulo kaninang umaga sa pagitan ng mga opisyales ng port at ng mga vehicle operators dahil sa hindi pagpapasok sa mga ito.

Ayon kay Special Operation 3 Jean Pontero ng Cagban Jetty Port, sinusunod lang nila ang pagpapatupad ng accreditation sa port para sa mga vehicle operators pero kaagad naman umano na naayos ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga ito kanina.

Matatandaang ngayong araw na Enero saes ang deadline kung saan hindi na papayagang makapasok ang mga sasakyan na hindi nakapag-renew ng kanilang mga stickers para sa Cagban Jetty Port.

Dagdag pa ni Pontero, bagamat nasa anim-napung porsyento na ang nakapag-renew sa mga private vehicles, marami parin sa mga ito ang hindi alam na mayroong accredidation sa nasabing port para makapasok.

Samantala, nagpapatuloy naman sa ngayon ang pag-proseso ng accredidation para sa mga vehicle operators.

Payo nito na mas maagang pumunta umano sa Cagban Jetty Port, dalhin ang unit ng sasakyan kung saan available din ang mga forms na aaplyan ng mga operator, at kapag nakapasa na umano ito sa accredidation ay saka ito bibigyan ng sticker para makapasok sa Cagban Jetty Port.

Motor Banca at Speed Boat sa Caticlan, nagbanggaan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinagsusumite ngayon ng maritime report ang isang motor banca  at speed boat matapos na magbanggaan sa Caticlan, Malay, Aklan.

Ayon kay PO1 Condrito Alvarez ng Philippine Coast Guard (PCG) Caticlan Substation.

Nangyari ang insidente kaninang alas saes ng umaga sa tinatayang 300 meters ang layo sa pagitan ng Caticlan at Cagban Jetty Port.

Ayon sa imbestigasyon ng PCG-Caticlan, papunta umano ang motor banca sa Cagban Jetty Port habang papunta naman ng Caticlan Jetty Port ang nasabing speed boat ng hindi umano napansin nito ang parating na motor banca.

Ayon pa sa report, mabilis ang takbo ng speed boat dahilan nang hindi agad nito napansin ang nakasalubong na sasakyan.

Samantala, aminado naman umano ang driver ng speed boat na may pagkukulang ito sa pagmamaneho.

Wala namang nasugatan o anumang pinsala na naidulot sa nasabing banggaan, kung saan kasalukuyan naman ngayong nasa welcome center ang dalawang sasakyan para sa kaukulang disposisyon.