YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, July 06, 2012

SP Mayor, pinagpapasa-pasahan ng staff ni Vice Governor Calizo-Quimpo?


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nangangapa parin sa dilim hanggang sa ngayon si Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Rodson Mayor, dahil sa natatanong ito kung bakit nangyari ang hindi magandang eksena sa kanila ni Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo sa loob ng session Hall noong ika-27 ng Hunyo habang ginaganap ang 21st Regular Session.

Sa privilege speech nito noong Hulyo 4, amindo ito na hindi pa rin matanggal sa isip nito kung bakit humantong sa ganoon, gayong para sa kaniya ay wala naman kontrobersiya sa topiko nila.

Pero aminado ito na ang procedure at ang pag-tatanong ng Presiding Officer na si Quimpo ang hindi nito nagustuhan.

Para sa kaniya, tila ba kapag may request ang gobernador ng probinsiya na dinadaan sa SP para isabatas ay kinukontra agad ni Quimpo.

Isinalaysay din nito, na umano ay sinadya pa ni Quimpo na hindi ito isama bilang delegasyon ng Aklan sa Laoag City para isa sa maging sakasi sa paglagda sa Sisterhood Agreement ng Aklan sa Ilocos Sur.

Gayong ang lahat ay inimbitahan at hindi pa nangyayari ang argumento sa gitna nila ay alam na umano ng Presiding Officer na sasama siya.

Katunayan, ilang beses pa umano nitong tinanong sa staff ng Bise Gobernador kung ano na ang estado ng lakad nila, subalit pinagpapasa-pasahan ito at wala ding naisagot na malinaw hanggang sa nakaalis na kapwa SP nito malipas ang ilang araw.

Kaya siya umano ay boluntaryong pumunta sa Laog gamit ang sarili niya pera para sa pamasahe at hotel accommodation, samantalang ang kasamahan nito at mga staff ni Quimpo ay nakarating doon at nakabalik ng Aklan na ang gumastos umano ay probinsiya.

Kaugnay nito, hinamon ni Mayor ang kaniyang mga kasamahan sa SP na dapat gawin ang dapat at wag hayaan dominahin ng iba.

Samantala, nang matapos ang ma-emosyunal na privilege speech nito, makaraang magdeklara ng recess, ay bumalik naman si Calizo-Quimpo at umupo bilang presiding officer.

Gayong nang magsisimula na si Mayor ng kaniyang talumpati at nagpa-alam ito at nagpahalili muna para maka-iwas sa anumang komento. 

Life Guard sa Boracay, “8-to-5” lang!


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Kung dati ay volunteer lamang ang mga Life Guard sa Boracay, ngayon ay empleyado na ang mga ito ng munisipyo ng lokal na pamahalaan ng Malay at katulad ng ibang empleyado ay tumatanggap na rin ng sahod.

Nabatid mula kay Miguel “Mike” Labatiao, Life Guard Supervisor ng islang ito, na 18 life guard ngayon ang naka poste sa mga life guard station at tower na idineploy ng LGU.

Kung saan, ang duty umano ng mga ito ay simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Pero sa kasalukuyan, aniya, wala pa silang planong i-extend o hati-hatiin ang oras ng duty ng mga ito dahil dapat ay walong oras lamang ang trabaho at ito ang skedyul nila sa Daily Time Record (DTR).

Ngunit ang mga life guards na ito ay kulang pa rin ayon kay Labatiao para tauhan ang limang life guard tower at dalawang station, gayong may pagkakataong naka-leave din ang iba.

Samantala, dahil sa may mga naliligo pa ng hapon pag-off duty na ang life guard, at may mga insidente ng pagkalunod na naitatala simula alas-5 ng hapon hanggang gabi, ayon sa supervisor, may panukala na rin umano sila ngayong dagdagan ang bilang na ito para mapunuan ang pangangailangan ng publiko pagdating sa kaligtasan ng naliligo sa baybayin ng Boracay.

Subalit hindi pa umano nito masasabi sa ngayon kung a-aprubahan ito dahil depende pa ito sa kapasidad ng lokal na pamahalaan ng Malay kung kakayanin ng budget ang magdagdag para sa pasahod ng Life Guard.

Samantala, dahil sa nasabi na rin nitong kulang ang bilang ng life guard sa Boracay, kahit anong pagbabantay umano ang ginagwa nila kapag nakatalikod naman sila matapos palalahanan ang mga naliligong ito ay hindi rin umano mapipigil sa paliligo lalo pa ngayong madalas sumama ang panahon.

Dagdag pa nito, hindi talaga maiiwasan ang aksidente ng pagkalunod sa baybayin ng Boracay, pero nasasagip naman nila ito. 

Bise Gobernador ng Aklan, isang diktador! --- SP Mayor


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Diktador na Presiding Officer!

Ito ang naging laman ng privilege speech ni Sangguniang Panlalawigan member Rodson Mayor noong umaga ng noong Hulyo 4 sa ginawang 22nd Regular Session kung saan binatikos nito ang ginawang paghahamak di umano sa kaniya ni Vice Governor Gabriele Calizo-Quimpo.

Para kay Mayor, wala siyang nakitang mali sa ginawa niya pag-kwestiyon sa procedure na nais ni Quimpo sa urgent request ng Gobernador.

Aniya, ang pagkakasabi nito ay dahil sa nakita nitong wala na sa lugar ang pagtatanong na ginagawa ng Presiding Officer gayong ang dapat ay hindi ito makisali sa balitaktakan dahil ang pag-preside lang ang obligasyon ni Quimpo.

Kaya para sa kaniya, ang naging senaryong nangyari ay hindi nagmula o nag-umpisa sa kaniya kundi sa Bise Gobernador, dahil tila nais nitong kontrolin ang takbo ang usapan at pagdating sa kaniya at tila nagbibingi-bingihan pa ito.

Ipinunto din ni Mayor  na hindi niya nagustuhan ang pagpapalayas na ginawa sa kaniya sa session hall ni Quimpo.

Layunin umano ni Mayor ng pagsisiwalat niya sa paraan ng privilege speech ay upang maipabatid sa publiko ang totoong nangyari na nagpasakit sa kaniyang loob.

Vice Governor Calizo-Quimpo, umiwas sa privilege speech ni SP Mayor


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
Nagpahanap muna ng pansamantalang kapalit bilang presiding officer si Vice Governor Gabriele Calizo-Quimpo mula sa hanay ng miyembro ng Sangguninag Panlalawigan kasunod ng kahilingan ni SP Member Rodson Mayor na mag-privilege speech ito sa ginanap 22nd Regular Session nitong umaga.

Bagamat nang mag-umpisa ng session noong Hulyo 4 taong kasalukuyan ay kalmado ang lahat, ngunit nang sumapit na sa privilege speech, ay umiwas na lamang si Calizo-Quimpo bago pa man magsimula si Mayor.

Matatandaang nitong nagdaan Hunyo 27 sa ginanap na 21st Regular Session ay lumikha ng ingay sa loob ng session hall ang mainit na argumento hanggang sa humantong sa di umano ay pagpapalabas kay Mayor at pagpapahuli dito sa mga guardiya na ipinag-utos ng Bise Gobernador.

Maliban dito, nasundan pa ang kaganapang iyon ng di umano’y pagpapatawag ng press conference ni Mayor at hindi pa ito inimbitahan bilang isa sa delagasyon ng Aklan sa isang pagtitipon sa Laog City.

Bago simulan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kanilang regular session nitong umaga, nagpatawag muna ng pulong si Quimpo upang linawin ang ilang bagay bago sila sumalang sa 22nd Regular Session.

Dahil dito, naantala ng isang oras ang pagsimula ng sisyon na karaniwang nagsisimula sana alas nuebe y medya ng umaga. 

Tuesday, July 03, 2012

"Boracay Island Council", hindi dapat ika-bahala ng LGU

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Walang dapat ikabahala ang mga stakeholder at lokal na pamahalaan ng Malay at probinsiya kapag natuloy ang Boracay Island Council (BIC).

Ito ang nilinaw ni Aklan Representative Florencio “Joeben” Miraflores kaugnay sa panukalang ipinasa nito na House Bill 4796 na magbibigay ng titulo sa mga lot owners sa Boracay.

Aniya, ang Senado ay gumawa din ng Senate Bill na hango din sa House Bill niya ng isumite ito sa kumitiba.

Lang ang kinaibahan ng panukala ng Senado, ay may Section doon na nadagdag batay sa kahilingan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na maglagay dapat ng Boracay Island Council sa isla.

Ang BIC na ito ay sa ilalim at pamumuno ng tanggapan ng Pangulo ng bansa.

Pero ayon sa kongrisista, walang dapat ikabahala dito sapagkat walang “take over” na mangyayari pagdating sa pamamahala sa Boracay, dahil ang magiging miyembro ay ang mga opisyal din ng probinsiya, bayan at Barangay gayon din may magmumula sa pribadong sector.

Ngunit ang kapangyarihan lang aniya ng BIC na ito ay siyang taga gawa ng rekomendasyon para sa Senado at tanggapan ng Pangulo, kaya ang mga miyembro ay walang “Police Power” na magpatupad kundi ang departamento tulad ng Department of Environment and Natural Resources/DENR at Department of Tourism (DOT) ang magpapatupad.

Subalit kahit papano sa paggawa ng desisyon, malaki pa rin umano ang kontribusyon ng Lokal na pamahalaan dahil sila ang nakaka-alam sa sitwasyon.

Ang bagay na ito ay inilatag ni Miraflores sa harap ng mga stakeholder nitong Sabado, upang nakatulong sa pagdidisisyon niya, kung Senate o House Bill ba ang pipiliin na i-adopt niya para sa Boracay batay sa reaksiyon ng mga tao dito sa isla.

Pag-apaw ng sewer sa Boracay, sa drainage itinuturo


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado ang Boracay Island Water Company (BIWC) na hindi maiiwasang umapaw talaga ang sewerage ngayon maulan.

Ito ay dahil na rin sa kawalan ng drainage sa Boracay at hindi pa rin maitatanggi na may mga illegal na nagkokonekta  gayon din nagpa-pump sa sewer, ayon kay BIWC Chief Operation Officer Ben Mañusca.

Aniya, sa pagkakataong ganito ang kooperasyon ng bawat establishemento ang kailangan na kung maaari kapag may balak mag-pump ang isang establishemento, ipag-bigay alam ito sa BIWC upang maalalayan ang mga ito at matantsa din ang dami na tubig na mailalabas nila ng sa ganon ay hindi umapaaw ang mga manhole.

Kaya hanggang sa ngayon ay nihinikayat pa rin ni Mañusca ang mga establishementong ito na sumunod sa ordinansa na magkonekta sa sewer at wag maglabas ng tubig mula sa mga palikuran sa drainage upang hindi maaapektuhan ang buong kumunidad ng di kanais-nais na amoy.

Aminado din ito na mahirap para sa kanila ang makontrol ang pag-apaw ng manhole, hiling nito sa publiko ay kooperasyon.

Nagdagdag na rin umano sila ng tao nila sa field upang umaksiyon sa katulad na problema, at bukas naman sila sa mga malasakit o concern na ipapaabot sa kanilang telepono.

Itinuro pa rin ng COO sa kawalan ng drainage ang problemang ito sa sewer at gayon din ang illegal na koneksiyon.

Samantala, nangako naman ang BIWC na tutugunan ang problema ng umaapaw na sewer na nararanasan sa Pinaungon Ibaba nitong umaga.

Estado ng house bill na magbibigay ng titulo sa mga lot owners sa Boracay, inilatag ni Rep. Miraflores


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Proteksyon at para sa kapakanan ng mga lot owners sa Boracay ang pangunahing layunin kung bakit ipinbasa ang House Bill 4793 ni Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores kaya ikinunsulta nito sa mga stake holder sa Boracay ang mga maaaging mangyari kapag naaprubahan ito.

Una, nilinaw nito na umabot na sa senado ang house bill na kanyang ipinasa na naglalayong mabigyan na ng titulo ang mga lot owners sa Boracay makaraang ideklara ng dating Pangulong Gloria Arroyo na public domain ang Boracay.

Pero, anya, nagkaroon na ng panibagong bersiyon ang Senado maliban sa ipinasa niyang panukala.

Bagama’t ang nilalaman umano ng kanyang panukala at ng bersiyon ng Senado ay pareho lang, may ilang bersiyon anya doon na binago.

Kung saan tinutukoy na kung ang bersiyon ng senado ang ia-adopt nila, may isang section doon na kailangang magkaroon ng Boracay Island Council sa pagkakataong ito na sa ilalim ng pamumuno ng tanggapan ng Pangulo sa pangunguna din ng kalihim ng mga departamento at ang mga miyembro nito ay bubuuin pa rin ng gobernador, alkalde at tatlong punong barangay sa Boracay.

Maliban dito, sa house bill umanong ito na isinulong niya, hindi na 15 metro sa bawat panig mula sa gitna ang set back kung maiging 5 metro na lang kaya hindi mapupunta sa kung saan ang mga lupa nila.

Dagdag pa nito, mabibigyan na din umano ng seguridad ang mga may-ari ng lupa na hindi na ito makukuha sa kanila, katulad sa nangyayaring squatting o pag-upa at pag-angkin na sa kinalaunan.

Bunsod nito, nanghingi na si Miraflores ng opinion ng mga stakeholders kaugnay sa nasabing isyu upang ito na rin ang maipaabot sa senado at makatulong sa kanyang pagdedesisyon kung kaninong bersiyon ang ia-adopt nila.

Ang nasabing pag-konsulta ay ginawa ng kongresista sa pulong ng Boracay Foundation Inc. (BFI) nitong Sabado.

Turista sa Boracay, kalaboso dahil sa umano’y panunuhol ng pulis

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Tinangka mang iligtas ang sarili, sa presento parin ang bagsak ng bente dos anyos na turista sa Boracay, matapos umanong manuhol ng pulis nitong nagdaang Sabado.

Nabatid sa report ng Boracay PNP na tinangka umanong manuhol ng New Zealand national na si Sean Tyler kapalit ng kalayaan nito.

Naaresto kasi ang suspek sa Station 1 Balabag, makaraang suntukin nito ang pulis na si PO1 Hector Bolante Jr. na umawat sa pag-aaway nila ng kanyang asawa.

Napag-alamang ilang minuto na umanong minamanmanan ni Bolante ang pagtatalo ng naturang mag-asawa, nang sinampal ng babae ang suspek.

Sa galit umano ng lalaki ay sinipa nito ang kanyang misis, habang hawak nito ang kanilang anak, kaya’t inawat ito ni Bolante.

Sa halip na makinig ay lumapit ang suspek sa pulis at sinuntok ito sa bunganga, dahilan din upang sumaklolo ang ilang naroong sekyu.

Nang tuluyan namang maaresto ang suspek, ay tinangka umano nitong suhulan ng sampong libong piso ang pulis, matapos mabigong tumakas.

Samantala, sa presento ng Boracay PNP, ay pinag-uuntog umano ng nasabing lasing na turista ang kanyang ulo sa pader ng kulungan.

Sa kabila ng mga problema, 1M turista sa Boracay, maaabot ngayong 2012


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng mga problemang kinakaharap ng Boracay gaya ng pagbaha dahil sa kawalan ng Drainage System, itinuturing pa rin na good news ni Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Dionesio “Jony” Salme ang pagtaas bawat buwan ng Tourist Arrival ngayong taon.

Dahil dito, kampante at nakikinita ni Salme na ngayon taon ng 2012 malalampasan na ang isang milyong tourist arrival, bagay na ipinapapasalamat nito.

Sa kaniyang talumpati nitong Sabado sa Quarterly meeting ng BFI, inihayag ng pangulo ng BFI na simula nitong  ay Enero mataas at nalampasan pa ang bilang ng tourist arrival ngayong taon ng 2012 kung ikukumpara noong taong 2011.

Kung saan naitala nitong Enero na tumaas ng 59% ang tourist arrivals, 41% noong Pebrero, 61% noong Marso at naging mataas din naman sa mga sumunod pang buwan ayon dito.

Ganon pa man, sinabi nitong huwag maging kampante sa ganitong record.

Kaya kailangan pa rin umano talaga ang kontribusyon ng lahat para ma-sustain ang Boracay at mapreserba ang mayroon at maibalik naman ang mga nawala na siyang makakahatak pataas sa industriya ng turismo ng isla.

Maliban dito, itinuturing din na good news ni Salme ang pagdalo ni Atty. Marites Alvares ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa okasyon na iyon.

Ayon dito, kahit papaano ay masasagot na rin aniya ang mga katanungan sa minsan nang ipinangako ni TIEZA General Manager Mark Lapid na unang bahagi ng taong ito ay sisimulan na ang unang pahina ng proyektong drainage.

Matatandaang maliban sa pagbaha, walang sistemang drainage, nakawan at umaapaw na manhole ng sewer sa Boracay, sa kasalukuyan ay umaapaw din ang daloy ng turistang pumapasok dito.
o:p> 
Samantala, umapela din ang nasabing Chairman kay Miraflores na kung pwede ay bigyan din ng pondo para maaayos ang ilang inprastraktura dito sa Boracay mula sa kaniyang Pork Barrel, at gayong ang kongresista naman ang Chairman ng Committee on Tourism. 

BFI, nagsusumamo sa TIEZA at kay Aklan Rep. Miraflores


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Itinuturing na pinakaseryosong problema ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa isla ang suliranin sa drainage system, mas seryoso pa sa usaping reklamasyon.

Ito ang laman ng  talumpati ni BFI Board Chairman Henry Chusuey sa isinagawang ikalawang bahagi ng General Membership Meeting ng Foundation ngayong taon na ginanap nitong Sabado ika-30 ng Hunyo.

Matapos nitong ilatag ang seryosong pagkontra ng BFI sa reklamasyon sa Caticlan dahil sa epektong dala sa kapaligiran, na bandang huli ay napagtanto na pagbigyan ang 2.6 hektar na pagtatambak at mga aksiyong ginawa nila kaugnay sa proyekto, ay inilantad nito ang suliranin ng mga stakeholders sa Boracay may kinalaman sa matagal at hanggang sa ngayon ay wala paring sulosyong pagbaha sapagkat maltratado ang drainage sa isla.

Sa harap ni Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores at Atty. Marites Alvares representante ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority/TIEZA na dumalo din sa nasabing okasyon, ibinuking ni Chusuey na dahil sa kawalan ng drainage dito, ang ginagawa ng ilang resort ay pina-pump ang tubig ulan papuntang beach, kaya nababahala ito na ang dumi ay nahahalo din sa tubig ulan gayon din ang mga latak katulad ng itim na buhangin.

Bunsod nito, nag-aalala umano sila na baka sa susunod na mga araw ay masira na ang mapuputing buhangin ng Boracay.

Dahil dito ay nagsumamo ito sa TIEZA na madaliin na ang pagpapagawa sa drainage na ito.

Samantala, umapela din ang nasabing Chairman kay Miraflores na kung pwede ay bigyan din ng pondo para maaayos ang ilang inprastraktura dito sa Boracay mula sa kaniyang Pork Barrel, at gayong ang kongresista naman ang Chairman ng Committee on Tourism. 

Libreng Kasalang Bayan ni Mayor John Yap, dinumog; 160 pares, ikinasal


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang mga salitang “I do” at “till death do us part” na hindi nabigkas at narinig sa loob ng maraming taong pagsasama ay naisakatuparan.

Ang mga salita ring ito ang binitiwan ng may isang daa’t animnapung ngayo’y opisyal nang mag-asawa.

Noong Sabado, Hunyo 30, inilunsad ang isang Kasalang Bayan bilang proyekto ni Mayor John Yap at asawa nitong si Abigail.

Matapos ang misang inalay ni Rev. Fr. Anthony Jismundo ng St. Joseph the Worker parish sa Malay para sa nabanggit na okasyon ay ikinasal naman ng naturang alkalde ang 162 na pares na pawang residente ng Malay at Boracay.

Napag-alamang karamihan sa mga ikinasal ay mahigit limang taon nang nagsasama bilang mag-sawa, subali’t nabiyayaan na ng mga anak ay hindi parin nakapagpakasal.

At dahil libre, dinagsa naman ito ng mga mag-live in partner, at nagpakasal sa mismong covered court ng Poblacion, Malay.

May mga babaeng nagsuot ng trahe, habang nanatiling simpleng puting damit pangkasal naman ang iba.

Ang iba nama’y minalas na hindi natuloy ang kasal, dahil sa natuklasang may sabit pala ang kanilang magiging mister.

Matapos ang simpleng seremonya, ay may inihanda pang konting salu-salo ang alkalde, at namigay ng alkalde ng cake sa mga bagong kasal.

Ang nasabing Kasalang Bayan ay isinakatuparan ng mag-asawang mayor John Yap at Abigail, kasama ang Malay Registrars Office.

Pangamba ng SB Malay sa balak na paniningil ng environmental fee ng Kalibo, napawi na


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Wala nang dapat pang ikabahala ang Sangguniang Bayan ng Malay na baka gawing halimbawa ng SB Kalibo ang odinansa ng bayan ito na maninggil ng Environmental Fee sa Boracay.

Ito ay dahil pormal nang binawi ng may proposisyong miyembro ng Konseho Kalibo ang kaniyang balak na magpasa ng ordinansa upang maningil ng P30.00 environmental fee sa bawat turistang baba sa paliparan ng Kalibo.

Mismong ang sponsor ng panukalang si SB Member Ariel Fernandez ang bumawi sa proposisyong ito ng batikusin ng publiko mula iba’t-ibang sector ang kaniyang balak.

Matatandaang ang konseho ng Malay ay nagpahayag ng kanilang pagdasimaya sa planong ito ng SB Kalibo dahil ang mangyayari kapag natuloy ito, ay tadtad ng bayarin ang turista bago makarating ng isla.

Naghanda na rin ang SB Malay na baka gawing halimbawa ang kanilang ordinansa katulad nito.

Kaya upang maipaliwanag nila ito ng ng maaayos ay pinaghandaan na nila ang bagay na ito na may rason naman umano sila para maningil ng environmental fee at maidepensa din nila.

Ito ay dahil nagtatagal ang mga turistang ito sa Boracay, hindi katulad sa Kalibo na dinadaan lang.

Sunday, July 01, 2012

SB Malay, may malaking commitment sa Asian Development Bank kaugnay sa e-trike


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nag-commit na ang Sangguniang Bayan ng Malay sa Department of Energy at Asian Development Bank o ADB na tanggapin ang limang daang Electric Tricycle o E-Trike na programa ng pamahalaan.

Ito ay kasunod nang ginawang pagtatanong ni Sohail Hasnile, representanteng ipinadala ng ADB sa ginawang public consultation nitong Huwebes.

Ang pagtatanong ng ADB na ito ay kasunod ng proposisyong sa buwang ito ng Agosto ay gagawin na ang bidding, kaya dapat ngayon pa lang ay mabigyan na ng otorisasyon ng Konseho ang Alkalde para lumagda sa isang kasunduan sa DOE at ADB.

Bunsod nito, nilinaw agad ng Konseho mula sa DOE at ADB ang nilalaman ng mga kondisyones, kung saan nilinaw din na ang limang daang unit na ito ay maaaring ipagkatiwala na walang anumang downpayment.

Limang taong babayaran at may libre nang registration sa LTO, libreng tatlong taong insurance at gayon din ang libreng pagsasanay sa driver at operator.

Samantala, sa kasalukuyan, huminge pa ng sapat na panahon ang SB para pag-isipan kung ilang unit ang kanilang kukunin sa ngayon lalo pa nga’t hindi naman agad pwedeng pagsabayin ang limang daang unit na ito.

Dagsang dumi sa baybayin ng Boracay, pag-uusapan ng BBMP


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Boracay Beach Management Program (BBMP) Vice Chairman at Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Dionesio “Jony” Salme na ginagawa parin hanggang sa ngayong ang paglalagay ng mga hose o tubo upang ma-pump ang mga naipong tubig ulan mula sa mga resort papuntang beach.

Ito ay kahit ipinagbabawal sana ito sa Boracay, kaya lang, ginagawa pa rin ito upang maiwasan ang baha sa mga establishmento sa Boracay bilang remedyo sa kasalukuyang suliranin.

Ang itinuturo pa ring sanhi ng problemang ito ay ang kawalan ng drainage system sa Boracay, bagay na ilalatag umano nila sa BBMP Meeting.

Samantala, ang hinggil naman sa sand erosion ay hindi pa umano nila napapag-usapan gayong kapag habagat season ay nararanasan din naman ito.

Dagdag pa nito, ang kaugnay naman sa mga nadadagsang dumi sa baybayin ng Boracay katulad na mga halamang dagat, kahoy at mga dahong natangay ng tubig ay ilalatag din umano nila sa pulong, upang mabigyan ng solusyon.

Kung maalala, ang lokal na pamahalaan ng Malay ay naglagay na ng beach cleaners.

Subalit sa sitwasyon ng isla ngayon ang mga dumi na katulad nito ay nakikita parin sa tabing dagat, na hindi naman kagandahan para sa mga turistang lalo na sa mga nagsa-sun bathing. 

TIEZA, kukulitin ng BFI!


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Muling kakatukin ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kaugnay sa estado ng drainage system sa Boracay.

Ito ay kahit pa ang lokal na pamahalaan ng Malay, probinsiya at ilang pribadong indibidwal at nangungulit na sa TIEZA upang mabigyang solusyon ang suliranin sa bahang nararanasan sa isla.

Bunsod nito, inimbitahan ng BFI ang TIEZA na dumalo sa kanilang lingguhang pulong ngayong araw, upang himayin kung ano na ang estado ng proyekto ayon sa Pangulo ng BFI na si Dionesio “Jony” Salme.

Ayon kay Salme, hanggang sa ngayon ay nasa bidding process palang ang proyekto, gayong matagal na itong over due.

Aniya, ilang pangako na ang binitiwan ng TIEZA na ayusin na ito sa lalong madaling panahon, subalit wala pa ring nangyayari.

Naniniwala din ang huli na ang kawalan ng Drainage sa Boracay ang isa sa rason kung bakit nagkakaroon na sand erosion maliban pa sa climate change sa Boracay.