Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
Nakakasa na ang demolition team at nakabantay na din ang
kapulisan.
Pero hindi pa talaga masasabi sa ngayon kung matutuloy ang
demolisyon o kung may pagtitibag na mangyayari sa area na hindi sakop ng Flag-T
na ibinigay sa West Cove sa Sitio Diniwid, Brgy. Balabag.
Bagamat pagdating ng grupo na kakatawan sa iba’t-ibang
departamento ng pamahalaan nitong umaga sa resort upang ilatag ang demolition
order ay naging mainit ang pagsalubong dahil sa hindi pinapasok ang mga ito.
Kinalaunan, tila lumamig na rin ang tensiyon makaraang
makapag-usap at simulan na ng surveyos na dala ng DENR ang pagsukat sa area na
pasok sa 998 meters na nakapaloob sa Flag-T.
Nakasalalay naman ang desisyon sa DENR kung may mangyayaring
demolisyon, depende sa mapag-uusapan nila ng management ng West Cove.
Subalit bahagyang natigil ang nasabing pagsusukat nang
biglang nawala o umalis ang representante ng DENR sa katauhan ni PENRO Officer
Ivien Reyes na sa kasalukuyan ay hinihintay pa rin.
Sa kasalukuyan ay patuloy na naka-stand by ang mga kawani ng
LGU sa labas ng resort.
Ang pagsisilbi ng demolition order ay pinangunahan ng DENR
at Malay Mayor John Yap.
Kung maaalala, ang West Cove ay naging laman na din ng national
TV dahil sa umano ay kawalan ng aksyon ng DENR at LGU Malay sa pagpapasunod sa
batas, kabilang na ang pagbibigay ng penalidad sa nalabag na bahagi ng Flag-T
at pag-o-operate ng walang permiso mula sa LGU.