YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 12, 2015

Kagamitan ng mga police bibigyang proyoridad umano ng bagong DILG Secretary

Posted September 12, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for dilg MEL SARMIENTO\Bibigyan umanong proyoridad ng bagong upong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Rep. Mel Senen Sarmiento ang kagamitan ng mga pulis sa bansa.

Ito ang kanyang sinabi sa pagbisita nito sa Boracay Tourist Assistance Center nitong Huwebes bago siya pormal na umupo bilang DILG secretary kahapon kapalit ni Mar Roxas.

Ayon kay Sarmiento siya umano ang taong makamasa kung saan isa sa kanyang mga prayoridad bilang bagong kalihim ng nasabing ahensya ay ang pagkakaroon ng programa para sa mga pulis.

Sinabi din nito na proyoridad niya ang kagamitan ng mga pulis katulad ng baril na siyang pangunahing sandata ng PNP sa pagtanggol laban sa mga kalaban.

Sa kabilang banda sa pakikipag-usap naman ni Boracay PNP Officer In-Charge PSInsp. Fidel Gentallan kay Sarmiento sinabi niya rito ang kakulangan ng pulis sa isla na isa sa kanilang nais punan.

Samantala, nangako naman si Sarmiento na tutugunan nito ang lahat ng mga programang naiwan ni Roxas lalo na ang mga proyektong nakalaan sa mga mahihirap na mamamayan.

Bagong DILG Secretary na si Sarmiento, nag-surprise visit sa Boracay PNP

Posted September 12, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagkaroon ng surprise visit ang bagong Department of Interior and Local Government (DILG) secretary na si Mel Senen Mariano sa Boracay Tourist Assistance Center nitong Huwebes.

Ito ay bago siya pormal na ipakilala ni Pangulong Aquino kahapon bilang bagong DILG secretary kapalit nang nag-resign na si Mar Roxas.

Dito pormal niyang naka-usap si Boracay PNP Officer In-Charge PSInsp. Fidel Gentallan para malaman ang mga issues at concerns sa Boracay dahil sa isa ito sa pangunahing tourist spots sa bansa.

Ayon naman kay Gentallan, inalam din umano ni Mariano na kinakaharap ng Boracay PNP pagdating sa peace and order.

Nabatid na ang ginawang surprise visit ni Mariano ay kasabay ng ginanap na Philippine Councilors League sa Boracay nitong Huwebes kung saan isa siya sa mga naging panauhing pandangal.

Friday, September 11, 2015

Service vehicle ng LGU Malay nahulog sa palayan; driver bahagyang nasugatan

Posted September 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagtamo ng ibat-ibang galos sa katawan ang tatlong pasahero kasama ang driver na sakay ng nahulog na service vehicle sa palayan sa Brgy. Argao bayan ng Malay.

Nangyari ang insidente kaninang umaga kung saan hindi na-kontrol ng driver ang pagliko nito sa pakurbadang daan at dahil na rin sa madulas na kalsada dulot ng walang tigil na ulan.

Dahil dito dumiritso ang naturang sasakyan sa palayan kung saan tumagilid ito dahilan para mayupi at mabasag ang salamin sa harapang bahagi nito.

Masuwerte namang hindi napuruhan ang mga sakay ng sasakyan na pagmamay-ari ng LGU Malay kung saan agad din silang isinugod sa hospital ng mga residente sa lugar.

Nabatid na ang nasabing sasakyan ay ginagamit bilang kargahan ng tubig para sa construction at ibat-ibang suplay ng LGU Malay.

PCL nakatulong sa pagtaas ng turismo sa Boracay ayon kay Roxas

Posted September 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinatayang nasa isang libo at isang daang mga councilors mula sa ibat-ibang panig ng bansa ang dumalo sa Philippine Councilors League (PCL) sa Boracay na nagsimula nitong Miyerkules.


Sa pagbubukas ng national convention ng PCL sa Crown Regency Boracay and Convention Center ito ay pinangunahan mismo ni Outgoing Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Mar Roxas.

Ayon kay Roxas ang PCL umano ay nakatulong sa pag-angat ng turismo sa kilalang isla sa buong mundo na Boracay.

Maliban umano kasi sa mga dumalong Sangguniang Bayan Officials ay binitbit din ng mga ito ang kani-kanilang mga pamilya para magbakasyon sa sikat na isla.

Nabatid na ang Councilors League sa Boracay ay bahagi ng PCL Third Quarterly National Executive Officer and National Board Meeting at third part ng kanilang 2015 Continuing Local Legislative Education Program na magtatapos naman ngayong araw.

Dating Energy Secretary Jericho Petilla, ipinaliwanag ang kalimitang brown-out sa Boracay

Posted September 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isa sa naging panauhing pandangal sa ginanap na Philippine Councilors League sa Boracay si dating Energy Secretary Carlos Jericho Petilla.

Sa panayam sinabi ni Petilla na ang kalimitang brown out sa Boracay ay hindi umano kasalanan ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) kundi dahil umano sa mga maninipis na kable ng kuryente na laging nasisira at sobrang dami na umano ang gumagamit sa isla.

Isa pa umano sa dahilan nito ay dahil sa mataas na demand ng kuryente sa Boracay kung saan  marami ang gumagamit ng aircon at mahilig sa mga appliances.

Sa kabilang banda pinuri naman nito ang AKELCO sa aktibong panghuhuli ng mga flying connections sa Aklan na siyang kalimitang sanhi ng sunog o brownout.

Samantala, nangako naman si Petilla na kahit wala na siya sa DOE ay handa parin siyang tumulong dahil nakatatak na umano sa kanya ang pagtulong sa publiko.

Thursday, September 10, 2015

Bagong magiging DILG Secretary humarap sa daan-daang Councilors sa Boracay

Posted September 10, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Humarap sa daan-daang Konsehales sa Boracay ang magiging bagong Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary na si Mel Senen Sarmiento.

Ito ay matapos siyang imbitahan sa ginanap na Philippine Councilors League sa Crown Regency and Convention Center sa Boracay kaninang umaga.

Dito ipinaabot ni Sarmiento na handa na umano siyang tanggapin ang bagong hamon sa ngalan ng serbisyo publiko para ipagpatuloy ang paglilingkod para sa good governance at Daang Matuwid. 

Nabatid na itinakda ang turn-over ceremony sa pagitan ni Roxas at Sarmiento sa darating na araw ng Biyernes.

Napag-alaman na bago maging DILG si Sarmiento ay siya ang Congressman ng Western Samar na magiging kapalit Interior Sec. Mar Roxas na tatakbong Pangulo sa susunod na taon matapos na ianunsyo ito ni Pangulong Benigno Aquino nitong Martes.

Samantala, ang 3rd Quarter ng Philippine Councilors League sa Boracay ay nagsimula kahapon at magtatapos naman bukas ng Biyernes.

SILG Secretary Mar Roxas, pinangunahan ang Philippines Councilors League sa Boracay

Posted September 10, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinangunahan ni SILG Mar Roxas ang opening ng Philippine Councilors League sa Crown Regency Hotel sa Boracay kahapon na magtatapos naman bukas Biyernes.


Ito ay dinaluhan ng mga councilor’s mula sa ibat-ibang lugar sa buong Pilipinas para sa 3rd Quarterly National Executive Officers-National Board (NEO-NB) Meeting 6th series of continuing of local legislative program (CLLEP).

Isa sa mga topikong pinag-usapan ay tungkol sa kani-kanilang mga legislation at ordinansa kung saan isa din ito sa tinatawag na get together ng mga councilors nationwide.

Kaugnay nito maliban kay Roxas dumalo rin dito si MMDA Chairman Francis Tolentino kung saan inaasahan din ang pagdalo ngayong araw ni Senator Grace Poe.

Samantala, mahigpit naman ang ipinapatupad na seguridad ng Aklan Provincial Police Office sa pamumuno ni Police provincial director Senior Superintendent Iver Apellido at ni Regional Director Chief Supt. Bernardo Diaz sa pagsidatingan ng mga government officials.

NPA Leader na si “Ka Concha” Bocala inilipat na sa Iloilo District jail mula BJMP

Posted September 10, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for NPA KA CONCHA
Photo credit Aklan forum
Inilipat na nitong Lunes sa Iloilo District Jail si Maria Conception “Ka Concha” Araneta Bocala ang Secretary-General ng Communist Party of the Philippines (CPP) Panay Regional Party Committee.

Ito’y matapos siyang mabilanggo sa loob ng isang buwan sa Aklan BJMP sa Brgy. Nalook, Aklan simula noong nakaraang buwan ng Agosto 6.

Ayon kay Senior Jail Inspector Jairus Anthony Dogelio, pinagbigyan umano ng korte ng Aklan ang kanyang mosyon na mailipat ng kulungan si Bocala sa Iloilo District Jail sa Barangay Nanga, Potatan, Iloilo para sa mas ligtas na pasilidad.

Si Bocala ay itinuturing na high profile at high valued inmate ng BJMP matapos maaresto ng mga pulis sa inuupahan nitong bahay sa Calumpang, Molo, Ilolo City noong Agosto 1.

Nabatid na nahaharap si Bocala sa kasong pagpatay noong Setyembre 17, 1975 sa Brgy. Panipiason sa bayan ng Madalag, Aklan kung saan maliban dito may iba pa itong kinakaharap na kaso.

Wednesday, September 09, 2015

Mga inirereklamong private helipad sa Boracay nakipagharap na sa SB Malay

Posted September 9, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for helicopterNakipagharap na sa Sangguniang Bayan ng Malay ang dalawang inirereklamong private helipad sa Boracay na pagmamay-ari ng Asian Aerospace at LionAir Inc.  

Sa ginanap na 32nd Regular Session dumalo sa naturang session si Captain Mohn Ray Raquino operations Manager ng LionAir Inc. at Ronilo Garcia Vice President ng Asian Aerospace.

Nabatid na ipinatawag ang dalawang kumpanya dahil sa petition letter ng mga residente at mga resort sa Boracay kung saan inirereklamo ng mga ito ang nililihang ingay ng helicopter lalo na tuwing umaga na paikot-ikot lamang sa loob ng isla.

Dahil dito napag-usapan sa Session ang naturang problema kung saan napagkasunduan na kailangang magsimula ang kanilang operasyon ng alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon, may 100 metro ang layo mula sa beach at bawal ang paikot-ikot sa loob ng isla maliban kung sila ay magti-take off o magla-landing.

Napag-alaman na ang dalawang helipad ay nag-ooperate sa Boracay bilang Air Ambulance at helipad tours kung saan inaarkila ito ng mga turista para makita ang areal view ng isla.

Foreign junket gaming tables planong mag-operate sa Boracay

Posted September 9, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for foreign junket gaming tablesMuling tinalakay sa Sangguniang Bayan ng Malay ang request ng United Brilliant International Gaming, Inc. na mag-operate ng foreign junket gaming tables sa isang resort sa Boracay.

Sa 32nd Regular Session ng Malay kahapon napag-usapan sa 2nd reading ang nasabing request sa pamumuno ni SB Member Rowen Aguirre na siyang chairman ng committee on laws.

Ayon kay Aguirre nagsawaga na umano sila ng committee hearing tungkol dito matapos ang request ng nasabing kumpanya sa SB Malay.

Samantala, sinabi umano sa hearing ng United Brilliant na ang maaari lamang umanong maglaro sa gaming tables ay mga foreign nationals kung saan mahigpit din nila itong ipagbabawal sa local players.  

Sinasabi din na ang junket gaming tables ay hindi katulad ng Casino kung saan wala itong mga slot machines at puro lamang sila card.

Nabatid na ang request ng United Brilliant International Gaming, Inc. ay muling tatalakayin sa 2nd at final reading sa susunod na Session kung saan dito malalaman kung ito ba ay maaaprobahan o hindi.

Ilang residente sa Boracay humihingi ng tulong sa Commission on Human Rights

Posted September 9, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Humihingi ngayon ng tulong ang mga residente ng Sitio. Pina-ungon, Ibabaw Boracay matapos silang maapektuhan ng nagpapatuloy na land dispute.

Sa social media partikular sa facebook ay nagkalat ang mga larawan ng mga kabataan na may hawak-hawak na karatula na nagsasabing “No to land Dispute” at protect Boracaynon kung saan naka-atensyon naman ito sa Commission on Human Rights, Department of Social Welfare and Development at Department of Interior and Local Government (DILG).

Nabatid na nitong nakaarang araw ng magsimula ang naturang land dispute sa pagitan ng pamilya ng mga Tirol at Tapuz.

Napag-alaman na pinabukaran ng mga Tirol ang lugar na sinasabing kanila umanong mga lupain kung saan nasakop maging ang mga kabahayaan sa Pinaungon.

Sinasabi din na naglagay ng tinatayang isang daang security guard ang Tirol sa lugar kasama ang mga construction worker na may dala umanong patalim.

Samantala, nagpadala na rin ng mga pulis ang Aklan Provincial Police Office kasama ang Philippine Army at ilan pang law enforces para pahupain ang tensyon sa nagaganap na land dispute at para masiguro ang seguridad ng mga residente sa lugar.

Tuesday, September 08, 2015

LGU Malay, ipinagpasalamat ang pagkapasa sa Seal of Good Local Governance

Posted September 8, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng Local Government Unit ng Malay ang pagpasa nila sa 2015 Seal of Good Local Governance ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Dahil dito pinasalamatan at binati ni SB member Jupiter Gallenero sa ginanap na SB Session ngayon Martes ang mga kasamahan nito sa konseho lalo na sa pamumuno ni Mayor John Yap at Vice Mayor Wilbec Gelito.

Nabatid na ang bayan ng Malay kasama ang Banga, Ibajay at Provincial Government ng Aklan ay pumasa sa core assessment areas na (Good Financial Housekeeping, Social Protection at Disaster Preparedness).

Kasama rin dito ang minor essential assessment areas na (Business-friendliness at Competitiveness, Peace at Order, at Environmental Management).

Kaugnay nito ipinaliwanag naman ni Malay Local Government Operations Officer (MLGOO) II Mark Delos Reyes sa kanyang ginawang presentasyon sa Session kung paano at kung anong mga batayan ang ginawa ng DILG para makapasa ang mga nasabing bayan.

Samantala, ngayong Setyembre ay nakatakdang igawad ang parangal na nakuha ng tatlong bayan at provincial government ng Aklan na inaasahang igagawad ni DILG Secretary Mar Roxas.

Turismo ng Aklan tagumpay na ibinida sa Philippine Travel Mart

Posted September 8, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tagumpay ang naging partisipasyon ng Malay Tourism Office at Aklan Province sa pakikipagtulungan ng Boracay Foundation Inc. (BFI) sa kakatapos na Philippine Travel Mart sa SMX sa SM Mall of Asia.

Nagtagal ang nasabing Travel Mart ng apat na araw kung saan dito ipinakita ang ibat-ibang tourism site at mga produkto ng bawat probinsya na lumahok sa nasabing event.

Nabatid na ang lalawigan ng Aklan ay isa sa mga hinangaan dahil sa magandang booth nito kung saan makikita ang sikat na man maid sand castle, fiña fiber at iba pang produkto at tourism site ng probinsya.

Layunin ng Travel Mart na maipakita ang pagsuporta sa tourism industry ng bansa upang makaingganyo ng madaming turista local man o international tourist.

Samantala, nakibahagi rin sa Travel Mart ang Local Government Officials ng Malay kasama na si Vice Governor Bellie Calizo Quimpo at DOT Region 6 Director Atty. Helen Catalbas.

Monday, September 07, 2015

Chinese National na nahulog sa sailboat, nailigtas sa muntikang pagkalunod sa Boracay

Posted September 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit to Sienna Jamell Quinton Badon
Nasa maayos na ngayong kalagayan ang isang Chinese National na muntik ng malunod matapos na mahulog sa sinasakyan nitong sailboat kaninang ala-ona ng hapon sa station 1 Boracay.

Ang biktima ay tinatayang nasa edad 40 hanggang 50 anyos base sa ginawang imbestigasyon ng Boracay Action Group (BAG) na siyang rumisponde at nagdala sa biktima sa isang pribadong klinika sa isla.

Ayon naman sa sinasabing anak ng biktima may history umano ng hypertension ang kanyang ina na siyang dahilan ng pagkahulog nito sa sailboat at muntikang pagkalunod.

Agad namang nailigtas ng mga tao sa lugar ang biktima at dinala sa dalampasigan kung saan mabilis din itong nilapatan ng paunang lunas bago dalhin sa pagamutan.

Malay Youth nanguna sa pagtanim ng mahigit limang daang puno sa Nabaoy

Posted September 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for tree planting\Pinangunahan ng Malay youth ang pagtanim ng mahigit sa limang daang puno sa ginanap na tree planting activity sa Nabaoy nitong Sabado.

Ayon kay Malay Senior Environmental Management Specialist Trishalyn Lozañes at isa sa organizer ng nasabing tree planting karamihan umano sa mga sumama sa kanilang ginawang aktibidad ay mga mag-aaral ng Malay at Masboi.

Karamihan naman umano sa kanilang mga itinanim na punong kahaoy ay Narra at fruit tress katulad ng Santol.

Nabatid na layunin ng nasabing tree planting activity na maingganyo ang mga kabataan sa magagandang gawain katulad ng pangangalaga sa kalikasan.

Pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy sa Malay, inikaalarma ni Mayor Yap

Posted September 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for teenage pregnancyIkinaalarma ngayon ni Mayor John Yap ang patuloy na pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy sa bayan ng Malay partikular sa isla ng Boracay.

Dahil dito nagbigay siya ng mensahe o lecture sa mga kabataan kasabay ng ginanap na tree planting activity nitong araw ng Sabado sa Cubay Sur at Nabaoy.

Paalala ni Yap sa mga kabataan na huwag munang manganak ng maaga at e-enjoy muna nila ang pagiging teenager.
Nabatid na isinasama sa tree planting activity ng LGU Malay ang mga kabataan para mailihis sila sa nasabing problema at para ma-involved sila sa sports at environmental program.

Samantala, napag-alaman na ang bayan ng Malay ang nangunguna sa may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa probinsya ng Aklan simula nitong nakaraang taon kung saan umaabot na ito ngayon sa mahigit dalawang daan.