YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 07, 2020

Pangulong Duterte nakatakdang pumunta sa isla, Certificate of Land Ownership Award ipapamahagi sa mga tumandok

Posted March 5, 2020
Inna Carol Zambrona, NEWS DEPARTMENT

Nakatakdang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa isla ng Boracay sa susunod na linggo, Marso 12.
Ito ang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romula-Puyat sa isang media briefing kahapon.

Ani Puyat, ito ang unang beses na babalik ang pangulo matapos isara ang Boracay noong 2018.

Sa panayam naman kay Natividad Bernardino, General Manager ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group BIARMG, sinabi nito na bukas ay magpupulong sila para pag-usapan ang pagdating ng pangulo.

Ani Bernardino, isa sa mga agenda ni Duterte ay ang pagbibigay ng second batch ng mga tatanggap ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA sa wetland number 6 sa Sitio Tulubhan Manocmanoc.
Nasa tatlumpo hanggang tatlumpot-isa umano ang bibigyan ng titulo na mga tumandok ayon kay Bernardino.

Kung matatandaan, hindi muna pinaalis ang mga tumandok na Boracaynon sa naturang lugar hangga’t hindi naibibigay ang lupang para sa kanila maliban sa mga nangungupahan doon.

Nabatid na bago nito ay naibigay na ang unang batch ng CLOA sa 44 na mga katutubong Ati sa isla noong Nobyembre 2018.

Ang Boracay ang unang tourist destination na bibisitahin ng Pangulo kung saan layunin nitong mapuntahan lahat ng tourist spot sa bansa para i-promote.

Inaasahan din sa pagbisita ng pangulo ay aalamin din nito ang updates sa mga infrastructure projects ng DPWH at TIEZA lalo na ang drainage system.

Mga kukuha ng "Student Permit" sasailalim muna sa labing limang oras na Seminar

Posted March 3, 2020
Inna Carol Zambrona, NEWS DEPARTMENT

Sasailalim na sa mandatory 15-hours na seminar at driving course ang mga nais kumuha ng “student permit” sa Land Transportaion Office (LTO) simula buwan ng Abril.

Ito ang kinumpirma mismo ni Engr. Marlon Velez, Acting Chief ng LTO-Aklan.

Aniya, ang implementasyon ay kasunod ng Memorandum Circular 2019-2176 na inisyu noong December 2019.

Ang driving course ay hahatiin sa tatlong sesyon tulad ng Introduction to traffic laws, Land Transportation-Related Special Laws, at general driving.

Isasagawa ang seminar at driving course sa mga accredited driving course centers na iaanunsyo ng LTO Region-6.

Ang bagong patakaran na ito ng LTO ay upang maiwasan ang mga pasaway at hindi sumusunod sa batas trapiko.

Wednesday, March 04, 2020

Suspek sa pananaksak sa Boracay, sumuko sa Tibiao Antique

Posted March 4, 2020
Inna Carol Zambrona, NEWS DEPARTMENT

No photo description available.Sumuko sa Tibiao PNP sa Antique ang suspek na sumaksak-patay sa isang lalaki sa resto bar kahapon ng madaling araw sa Sitio Bolabog, Balabag, Boracay Island.

Kinilala ang suspek na si Jestler Silvano y Palacios, 24 anyos ng Brgy. Malabor, Tibiao, Antique.

Sa blotter entry ng Malay PNP, habang isinasagawa ng kapulisan  ang hot pursuit operation ay nakatanggap ang mga ito ng tawag alas-singko ng hapon ng Marso 3 na boluntaryong sumuko na ang suspek.

Si Silvano ay tumakas matapos masaksak ang biktimang si Jude Valen Castillo y Malijan, 24 anyos ng New Washington, Aklan habang nag-iinuman sa isang bar kasama ang kaibigan na si Mark Gerald Telic.
Sa record ng Malay PNP, nakatanggap sila ng tawag mula sa Ciriaco Hospital na may isinugod doon na biktima ng pagsaksak.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na habang nag-iinuman itong biktima kasama ang kaibigan at habang nasa kabilang mesa ang grupo ng suspek ay bigla umanong nagka-initan ang biktima at ang kasama ng suspek na si Henry Roberto.

Dahil sa naka-inom at armado ng kitchen knife si Silvano ay sinaksak nito  ang biktima na agad isinugod sa ospital na kalauna’y idineklara na binawian ng buhay ng doktor na sumuri.

Samantala, sa isinagawang follow-up investigation ng kapulisan, matapos umanong dalhin ni Telic ang biktima sa ospital ay hinanap nito ang mga suspek na sumaksak sa area at ng ma-tyempuahan nito malapit sa Ernest Place sa Bolabog ay hinampas nito ng kahoy ang mga suspek.
Kaugnay nito ay inaresto rin ng kapulisan si Mark Gerald Telic.

Sinundo naman ng Malay PNP ang suspek sa pananaksak na si Silvano sa Tibiao PNP para harapin ang kanyang kaso.

Monday, March 02, 2020

Ordinansa sa bayan ng Malay sundin upang walang problema—Acting Mayor Bautista

Posted March 2, 2020

Inna Carol Zambrona, NEWS DEPARTMENT

“Kung ano ang Ordinansa yun ang dapat sundin”

Image may contain: ocean, sky, outdoor and water
CTTO MTRO
Ito ang sinabi ni Acting Mayor Frolibar Bautista, may kaugnayan sa ilang mga pulis sa Malay PNP na hindi umano sumusunod sa batas trapiko.

Nabatid, nag-ugat ang usapin ng mismong  ng Malay Auxiliary Police o MAP ang humuli sa pulis na naka uniporme na hindi umano nakapag-renew ng permit to transport na dadalo sana sa joint flag ceremony sa Balabag.

Sa naging panayam kay Bautista, inabisuhan umano nito si PLTCOL Jonathan Pablito, Chief of Police ng Malay PNP na imbestigahan ang reklamong natanggap niya kaugnay sa ilang pulis na hindi sumusunod sa ordinansa ng transportasyon sa Malay.

Sinabi ni Bautista, maliban sa walang permit to transport ay may sumbong umano sa kanya na pinapasada pa ng mga habal-habal drivers ang motor ng ilang pulis.

Aniya, inorganisa na ang “bawal ang pasaway” sa isla kaya dapat sumunod ang lahat sa regulasyon upang walang maging problema.

Kahit miyembro ng MAP at mga nagtatrabaho sa gobyerno, kung hindi sumusunod sa mga ordinansang ipinatutupad ay dapat hulihin.

Sa hiwalay na panayam, ipinasiguro ni Malay Chief PLTCOL Jonathan Pablito na suportado niya ang “Bawal ang Pasaway” na programa ng alkalde at katunayan ay  pina-imbestigahan niya ang naturang akusasyon.

Samantala, ikinalungkot nito ang alegasyon na may naghahabal-habal na pulis.

Hiling nito na sana ay masunod ang tamang enforcement na MTRO (Municipal Transportation and Regulatory Office) at LTO Deputized Officer ang kasama tuwing may operasyon.

Magka-ganunpaman, ayon kay Acting Mayor Fromy Bautista ay maaaring magbigay ito ng siyam (9) na special permit to transport sa mga pulis para may magamit ang mga ito tuwing may responde at operasyon.