YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 14, 2013

Livelihood Project ng Sk Malay, hindi pa masisimulan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Hindi pa umano masisimulan ang proyektong nais ipatupad ng Sangguniang kabataan ng Malay na livelihood project.

Ayon kay Malay SK Federation President Cristina Daguno, ito sana ang kanilang panghuling proyektong gagawin bago magtapos ang kanilang termino ngayong taon.

Pero ngayon ay pinag-aaralan pa umano ang ito bago tuluyang ipagawa.

Aniya, magandang proyekto sana ito kung matutuloy dahil may malaking tulong ito sa mga kabataan lalo na sa ilang mga “out-of-school youth”.

Nabatid na ang proyektong ito ay ipapatayo sa barangay ng Dumlog o Kabulihan bilang isang magandang lugar na pweding pagtayuan ng ganitong klasing proyekto gaya ng pag-aalaga ng mga manok at iba pa.

Samantala, sinabi naman ni Daguno na kung hindi matutuloy ang gagawing Sk eleksyon ngayong darating na Oktobre ay sinisigurado naman umano nila na mas lalo pa nilang pag-iibayuhin ang kanilang serbisyo lalo na sa mga kabataang Malaynon.

Oyster Ferry na biyaheng Caticlan via Cagban port, Nakabalik na

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Nakabalik na ang Oyster Ferry na biyahing Caticlan via Cagban port kamakailan lang.

Ito’y matapos silang ireklamo ng ilang mga nakasaksing dispatchers ng bangka na nagtatapon umano sila ng kanilang sea waste sa dagat malapit sa Boracay.

Kung saan kinuhaan pa nila ito ng litratong bilang patunay na totoo ang kanilang nasaksihan at ipinakita sa SB Malay.

Nabatid naman na sinabi noon ni Caticlan Philippine Coast Guard PO1st Rokie Borja, na nagtungo umano ang Oyster ferry sa Navotas City para magsagawa ng pagda-“dry dock” matapos ang kontrobersya.

Aniya, ginagawa naman umano ito ng nasabing Ferry taon-taon para maayos at palitan ang mga sira sa barko.

Pinadlhan naman noon ni Caticlan Administrator Nieven Maquirang ng sulat ang pamunuan ng Marina kaugnay nito.

Sa ngayon maayos ng nakakapag biyahe ang Oyster Ferry matapos maayos ang problema ng kanilang barko.

La Carmela Boracay , ininspeksyon ng sanitation office dahil sa nangyaring food poisoning kagabi

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Inspeksyon ng Sanitation office ang La Carmela de Boracay dahil sa nangyaring food poisoning kagabi.

Ayon sa Sanitation office dapat kaninang umaga pa sila magsasagawa ng inspeksyon sa nasabing resort pero hindi sila pinayagan na makapasok ng pamunuan nito.

Ayon naman sa La Carmela Boracay nagsasagawa pa umano sila ng imbestigasyon kaya’t hindi nila hinayaang may makapasok na ibang tao sa kanilang resort.

Dagdag pa ng mga taga sanitation, halos sumobra sa tatlumpong mga estudyante at mga guro ang nakaranas ng pananakit ng tiyan, panghihina ng katawan at pagtatae na agad namang isinugod sa malapit na pagamutan.

Kabilang sa mga nabiktima dito ay mga guro na kasamahan ng mga estudyante kagabe na naghahaponan bandang alas siyete kagabe.

Naging abala naman umano ang La Carmela sa kanilang mga bisitang nabiktima ng food poisoning kayat natagalan ang kanilang pag-iinspeksyon dito.

Ang mga nasabing biktima ay mula pa sa Assumption University sa San Fernando Pampanga para sa isang Field Trip dito sa Boracay.

Sa ngayon wala paring pahayag ang pamunuan ng La Carmela Resort tungkol sa nasabing insidente.

DOT Boracay ipinagmamalaki ang pangunguna sa Arta Excellence Award

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ipinagmalaki ng Department of Tourism Boracay ang pangunguna sa Arta Excellent Award.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, nanguna umano sila sa ratings na 93.64 at sinundan naman ng NSO Kalibo sa ratings na 92.3.

Ilan naman umano sa mga tumanggap kahapon ng nasabing parangal ay ang LTO Capiz, DBP Bacolod at GSIS Bacolod at iba pa na nakakuha naman ng rate na 90.

Aniya, personal na ibinigay sa kanila ang parangal ni Francisco Duque Chairman ng civil Service Commission.

Present din umano ang lahat ng Regional Director ng National Government Agencies kaya naging proud aniya ang mga Director ng awardees.

Dagdag pa ni Ticar, wala siyang kaalam-alam na minomonitor ang kanilang trabaho at inaalam ang kanilang serbisyo sa mga turista.

Iyon aniya ang naging basehan para makuha nila ang nasabing parangal.

Tuwang-tuwa naman si Ticar, sa pagkapanalo nila at nangako naman ito na pagbubutihan pa nila ang kanilang trabaho.

Ang Arta Excellent Award ay pagkilala sa mga ahensya na may tamang pagserbisyo sa kanilang kliyente at ipinapakita ang kanilang tamang kaugalian.

Friday, September 13, 2013

Power Interruption sa Boracay, ipinaliwanag ng Akelco

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Ipinaliwanag ngayon ng Aklan Electric Cooperative o AKELCO ang manaka-nakang power interruption na nararanasan sa isla ng Boracay.

Ayon kay AKELCO Boracay Area Engr. Wayne Bocala, mayroon silang on-going at naka-program na paglilipat ng mga poste at pag-aayos ng mga linya ng kuryente sa isla, kung saan isa-isa nila itong ginagawa sa ngayon.

Pero hangga’t maaari aniya ay binabawasan din nila ang power interruption.

Katunayan,may nakatakda sanang power interruption kahapon, ngunit ipinagpaliban ito sa susunod na linggo ito dahil hindi umano kakayanin ng isang araw lang ang gagawin nila.

May mga pangyayari din umano na nagkakaroon ng biglang pagkawala ng kuryente.

Ngunit hindi umano ito nanggagaling sa Akelco kundi sa National Grid Corporation of the Philippines.

Kaugnay nito, siniguro naman ni Bocala na kanila umanong ginagawa ang kanilang trabaho at bukas ang kanilang opisina anumang oras na may katanungan ang publiko may kinalaman sa mga power interruption sa isla.

Manila Water Foundation nagbigay ng tatlongdaang-libong piso para sa Barangay Nabaoy

Ni Alan Palma, YES FM Boracay


Sobrang pasasalamat ang naging tugon ni Punong Barangay Pablo Claud ng Barangay Nabaoy dito sa bayan ng Malay ng muli silang nakatanggap ng donasyon mula sa Manila Water Foundation.

Sa ginanap na turnover ceremony ng patubig sa barangay project ng BIWC o Boracay Island Water Company , ipinagkalooban ang barangay Nabaoy ng tatlung-daang libong piso.

Ang pera na ito ay maaring gamitin ng mga taga doon para ibili ng metro ng tubig kung saan sila na mismo ang mamamahala at kung anong proseso ang kanilang gagawin para mapakinabangan ng kanilang barangay.

Noong Nobyembre ng nakaraang taon,naging benipesyaryo din ang Samahan ng Maliliit na Magniniyog at Nangangalaga ng Kagubatan ng Nabaoy Multi-purpose cooperative o SAMAKANA ng halagang dalawang-daang libong piso.

Personal na iniabot ni Carla May Kim ,Executive Director ng Manila Water Foundation at ni Ben Manosca ng BIWC ang donasyon kasama ang ilang lokal na opisyal ng bayan ng Malay at probinsya ng Aklan.

Ang barangay Nabaoy ay ang tanging pinagkukunan ng suplay ng tubig ng bayan Malay at isla ng Boracay.

Thursday, September 12, 2013

District Malay, abala sa paghahanda para sa Unit Meet na gaganapin bukas

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Abala ang District Malay sa gaganaping Unit Meet bukas kung saan sila ang magiging host ngayong taon.

Ayon kay Malay District Supervisor Jessie S. Flores, ang tema ngayon ay Palarong Pampaaralan, Malusog na Pangangatawan sa Tuwid na Daan.

Ibinigay umano nila ang lahat ng kanilang makakaya para sa nasabing event upang ipakita sa mga partisipante, at opisyal ng ibat-ibang paaralan ang kanilang kahandaan.

Aniya, ang LGU Malay ay nagbigay din ng buong suporta para Unit IV Schools Sports Meet na maging memorable, makabuluhan at entertaining ang magaganap na palaro bukas.

Magiging panauhing pandangal naman sa okasyon si Dr. Jesse M. Gomez Schools Division Superintendent Division of Aklan at ilan pang matataas na opisyal ng DepEd.

Nagpaabot naman ng pagbati si Aklan Governor Florencio Miraflores sa lahat ng mga kalahok at sa bumubuo ng nasabing palaro.

Samantala, kabilang sa mga bayan na kasali para sa Unit Meet 2013 ay ang mga bayan ng Tangalan, Nabas, Buruanga at Malay.

Tiwala naman ang District Malay na makakamit nila ang tagumpay ngayong taon dahil sa pagiging masigasig sa paghahanda ng mga batang kalahok para sa naturang Unit Meet 2013.

Suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Ibajay, Aklan, guwardiyado ng mga pulis sa ospital

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Guwardiyado sa isang pagamutan sa bayan ng Kalibo, ang suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Ibajay, Aklan.

Ayon kay SPO2 George Flores ng Ibajay PNP station, pina-follow up pa nila ang nasabing kaso na nangyari nitong Miyerkules ng hapon.

Nabatid na dead on the spot ang biktimang si Antonio Panagsagan ng Rigador, Ibajay, matapos makaaway ang suspek na si Enrique Sandoval ng Polo, Ibajay at empleyado umano ng DENR o Department of Environment and Natural Resources.

Sa inisyal na imbistigasyon ng Ibajay PNP, galing sa inuman ang suspek at may dalang kutsilyo, nang puntahan nito ang biktima sa kanyang bahay.

Isang pagtatalo umano ang namagitan sa dalawa na nauwi naman sa pananaksak ng suspek sa biktima.

Sinasabing may patalim din ang biktima kung kaya’t nasugatan nito ang suspek.

Samantala, nagawa namang pumara ng sasakyan ang suspek at ipina-admit ang sarili sa ospital matapos ang insidente.

Kasalukuyang binabantayan ng mga pulis ang suspek sa ospital sa bayan ng Kalibo.

DOT Boracay, tatanggap ng National Arta Excellent Award bukas sa Iloilo

Ni Jay-ar M. Arante, Yes Fm Boracay

Tatanggap ng Arta Excellent Award ang Department of Tourism Boracay bukas sa probinsya ng Iloilo.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, isa sila sa mabibigyan ng National awardees ng Civil Service Commission. 

Mismong si Chairman Francisco Duque umano ng Civil Service Commission ang magbibigay sa kanila ng nasabing parangal.

Aniya, kabilang sa makakatanggap ng parangal na ito na mula sa Aklan ay ang National statistic Office (NSO) sa bayan ng Kalibo.

Dagdag pa ni Ticar, hindi nila alam na may-nagmamatayag na pala sa kanilang ginagawa na mga tauhan ng CSC kung paano sila magtrabaho.

At kung paano sila magserbisyo sa mga turista gayon din sa pangangalaga ng tursimo ng Boracay.

Ito umano ang naging batayan kung paano nila nakamit ang nasabing parangal dahil sa kanilang ipinapakitang paninirbisyong totoo.

Samantala, Ikinatuwa naman ni Ticar ang panibagong nakuhang karangalan na ito na kanilang maipagmamalaki.

Kung saan ipinaabot naman nito ang kaniyang pasasalamat kay DOT Regional Director Helen Catalbas, dahil sa walang sawa umanong pagsuporta sa kanila gayon din sa kaniyang mga staff at sa mga mahal sa buhay.

Barangay Nabaoy, hinandugan ng patubig ng BIWC

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay


Hinandugan ng patubig ng Boracay Island Water Company (BIWC) ang Barangay Nabaoy sa bayan ng Malay.

Ito ang kauna-unahang proyekto ng BIWC na inaprobahan ng Multipartite Monitoring Team noong Hunyo 2012.

Ginanap ang nasabing Turnover Ceremony & Sustainability Report Launch sa Nabaoy Elementary School grounds kaninang alas-diyes ng umaga.

Kasabay nito, minarkahan ang pagpatupad ng kauna-unahang Sustainability Report na may temang “Sustaining Tourism” na naaayon sa Global Initiative Reporting (GRI) G3.1 Level C standards ng reporting.

Kasama sa mga dumalo sa nasabing aktibidad ang mga taga DENR, TIEZA at Manila Water Foundation.

Dumating din sina Hon. Teodorico Haresco Jr.,Mayor John Yap, at si Sangguniang Panlalawigan Esel Flores na siyang  tumayong representative ni Governor Joeben Miraflores.

Samantala, ikinatuwa naman ng mga taga Barangay Nabaoy ang biyayang natanggap mula sa BIWC.

Text2teach Launching sa isla ng Boracay mabusising pinaghahandaan ng DepEd

Ni: Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Mabusising pinaghahandaan ng Division of Aklan at ng District ng Malay ang nalalapit na launching ng text2teach project ng Ayala foundation sa darating na Oktubre.

Ayon kay Public District Supervisor Jesie S. Flores, dadaluhan ito ng mga VIP’S ng Ayala Foundation at ng ilang matataas na opisyal ng DepEd (Department of Education).

Aniya, isa itong malaking okasyon sa Distrito ng Malay dahil sa pagbabahagi sa kanila ng nasabing foundation ng proyektong may malaking papel sa mga batang mag-aaral.

Dagdag pa ni Flores, higit na kailangang mabigyan dito ng pagsasanay ang mga gurong magtuturo ng text2teach sa grade five at grade six.

Ilan sa gagamitin sa nasabing proyekto ay ang equipments mobile phone na gagamitin ng guro, isang prepaid SIM card, at isang 29-inch colored television.

Masaya naman si Flores dahil lahat ng mga paaralan sa elementarya ng Malay ay kabilang sa nasabing proyekto.


Samantala, ang Text2Teach ay isang programa na nagdadala ng educational content sa mga pampublikong paaralan sa elementarya sa pamamagitan ng mga video na nai-download sa pamamagitan ng Short Messaging System (SMS).

E-trike, Inaasahang sa katapusan pa ng Setyembre lalarga sa Boracay

Ni: Jay-ar Arante, YES FM Boracay


Inaasahang sa katapusan pa ng buwan ng Setyembre ngayong taon lalarga ang Electric Tricycle o
(e-trike) sa isla ng Boracay.

Ayon kay Gerweiss Motors Corporation President and CEO Sean Gerard Villoria.

Naantala ang kanilang delivery nitong buwan ng Agosto pero nasa Manila na umano ngayon ang mga ito at handa nang ipadala sa isla.

Mayroon umanong tatlumpung Electric Tricycle (E-Trike) ang inaasahan nilang maide-deliver sa isla ng Boracay kada katapusan ng buwan ngayong taon.

Sa kabilang banda, sinabi naman kahapon ni Malay SB Member Leal Gelito, na wala pa silang natatanggap na pormal na abiso mula sa Gerweiss kung kailan na ito sisimulang maipasada sa Boracay.

Dagdag pa ni Gelito, may ibang mga electric tricycle ngayon ang bumibiyahe sa Boracay na pinamamahalaan naman ng BLTMPC o Boracay Land Transport Multi Purpose Cooperative.

Ilan naman sa mga mamamayan sa isla ang patuloy na umaasa na mapapalitan na ang mga tricycle na bumibiyahe sa ngayon dahil na rin sa matinding polusyon dulot nito.

Wednesday, September 11, 2013

Illegal drugs sa Boracay, tinututukan na ng Aklan PNP

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinututukan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang illegal drugs sa isla ng Boracay.

Ayon kay Aklan Provincial Police Office Public Information Officer P03 Nida Gregas, hindi umano mamawala ang ganitong aktibidad sa isla, pero sinisikapan nila itong masugpo dahil sa ang Boracay ay isang pang-turismong lugar.

Sa ngayon umano ay ginagawan na ito ng hakbang ng Philippine National Police at ng Tourist Police ng Boracay para tuluyan nang matigil ang nasabing aktibidad.

Aniya maging ang gobyerno ng Aklan ay nakatuon narin ang pansin para dito.

Dagdag pa ni Gregas, ang dalawampung bisiklitang ibinigay sa mga kapulisan sa Boracay Tourist Assistance Center ay para makatulong umano na mapasok ang mga liblib na lugar na hindi maabot ng patrol car.

Plano din umano ngayon ng PNP na magdagdag ng mga kapulisan para sa BTAC.

Matatandaang nitong lunes lamang ay may nahuli na naman sa isang buy bust operation ang Boracay PNP at Provincial Intelligence Branch Operatives sa Baranggay Balabag.

Nakuha sa mga suspek ang suspected shabu at marijuana kasama ang isang 9mm na baril.

SB Malay, muling pag-aaralan ang proposal ng BLEST Summit Mechanical Industry

Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling pag-aaralan ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Proposal ng BLEST Summit Mechanical Industry sa pagresolba ng problema tungkol sa waste plastic sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay SB Member Danilo Delos Reyes, gusto nilang makita ang actual na pagresolba nito at kung bakit sa Boracay mismo ito unang gustong ipatupad ng BLEST.

Matatandaang noong nakaraang taon pa ito inilatag ng grupo ni Dante Diamante ng BLEST Summit Mechanical Industry para masolusyunan ang problema sa mga plastic na basura sa isla.

Ang nasabing teknolohiya ay nagkakalahalaga ng isang daan at apat naput dalawang milyon kada isang set ng machine na gagamitin para dito.

Dagdag naman ni Delos Reyes, bagamat masyadong mahal ang nasabing presyo nito ay hindi pa nila matitiyak kung kailan ito maipapatupad.

Ayon naman kay SB Member Rowen Aguirre, kailangan itong ipresinta sa Solid Waste Management para mabigyan din ng pansin.

Kaugnay nito, maraming naging interisadong mamayan sa Malay at sa ibang lugar sa bansa na umaasang masolusyunan na ang problema sa plastic ng basura sa isla ng Boracay.

Diocesan Social Action Commission sa Kalibo,Aklan, suportado ang Edsa Tayo bukas

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Suportado ng Diocesan Social Action Commission sa Kalibo, Aklan ang gagawing “Edsa Tayo” bukas.

Ito ang kinumpirma ni Diocesan Social Action Commission Director Reverend Father Ulleysses Dalida kaugnay sa ilalargang mass gathering o pagtitipon sa Edsa, bilang panawagang ibasura ang makontrobersiyal na pork barrel.

Bagama’t suportado ang aktibidad.

Nilinaw naman ng nasabing director na hindi sila nag-organisa ng anumang rally sa bayan ng Kalibo bukas.

Sa halip, ipapakita nila ang suporta sa pamamagitan ng pagdarasal.

Sinabi naman ni Catholic Bishops Conference of Philippines president Jose Palma sa report na expression of solidarity ang gagawin nilang pagsuporta sa Edsa Tayo.

Tuesday, September 10, 2013

Dalawang lalaki sa Boracay, timbog sa buy-bust operation kagabi

Ni Bert Dalida,YES FM Boracay

Hindi na nakatakas pa ang dalawang lalaki sa Boracay matapos matimbog ng mga operatiba sa isang buy-bust operation sa Baranggay Balabag.

Sa pinagsanib na pwersa ng Boracay PNP at Provincial Intelligence Branch Operatives.

Nadakip ang mga suspek na sina Carmilino Solano y Maratas, trenta’y kuwatro anyos, ng Rodila Camotes, Cebu City, at Jeffrey Wongli y Atuel, trenta’y tres anyos ng Sampalok, Manila.

Dakung alas diyes kagabi nang maganap ang bentahan ng illegal na droga sa pagitan ng suspek at nagpanggap na buyer na nagresulta sa kanilang pagkadarakip.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng isang libong piso, maliban pa sa pitong sachet, marked money at isang Daewoo 9mm na baril at mga bala mula kay Solano.

Samantala, narekober din mula kay Wongli ang isang sachet ng hinihinalang shabu.

Nang samahan naman ng mga operatiba ang mga suspek sa pagkuha ng kanilang gamit sa tinutuluyang apartment.

Narekober din ang ilang drug paraphernalia, isang plastic sachet ng pinaniniwalaang dahon ng marijuana at dalawampu’t lima pang bala ng 9mm.

Nahaharap naman sa kasong illegal possession of fire arms and ammunitions at pagbibenta ng ipinagbabawal na droga ang mga suspek.

Dating hepe ng Boracay PNP na si Police Chief Inspector Christopher Prangan, Posibleng kasuhan ng D’mall

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Posibleng kasuhan ng D’mall ang dating hepe ng Boracay PNP na si Police Chief Inspector Christopher Prangan.

Nakatakdang tumungo sa himpilan ng Boracay PNP ang abogado ng D’mall upang kumuha ng kopya ng police report tungkol sa reklamong inilatag ng security guard doon.

Samantala, nabatid na unang nagreklamo si Prangan nitong nagdaang Sabado ng gabi sa mga nasabing security guard.

Ipinag-uutos umano kasi ni Prangan sa security guard na si Jun Bacarro na alisin ang basura sa kanilang daraanan papasok sa Grand Boracay Resort.

Ayon sa report, nagalit si Prangan nang hindi inaksyunan ng sekyu ang kanyang gusto, hanggang sa nagpakilala umano ito bilang dating hepe ng Boracay PNP.

Samantala, ayon naman sa salaysay ng sekyu, nasa impluwensiya ng alak si Prangan nang mangyari ang insidente, kung saan pinagmumura nito ang sekyu at ang isa pang kasama nito, at binalaang hindi ipapa-renew ang kanilang lisensya.

Maliban sa inihaing salaysay, ipinakita din ng mga sekyu ang kopya ng security surveillance camera, kung saan nakunang sinipa ni Prangan ang mga basura doon.

Mga nagbebenta ng iligal na droga, Binalaan ng Boracay PNP

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Binalaan ngayon ng Boracay PNP ang mga nagbebenta ng iligal na droga sa isla.

Ayon kay Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan.

Nararapat lamang na tigilan na ng mga nagtitinda ng iligal na droga ang kanilang ginagawa sa Boracay.

Ito’y may kaugnayan sa pagkakatiklo ng dalawang lalaki kagabi sa isang buy-bust operation sa barangay Balabag.

Natimbog ng mga operatiba ng Boracay PNP ang mga suspek, kung saan narekober ang ilang plastic sachet ng iligal na droga at isang kalibre ng baril.

Humingi naman ng patuloy na kooperasyon ang Boracay PNP sa publiko upang masawata ang pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa isla.

Monday, September 09, 2013

Dating hepe ng Boracay PNP na si Police Chief Inspector Christopher Prangan, Inireklamo ng pang-iiskandalo

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Inireklamo ng iskandalo ang dating hepe ng Boracay PNP na si Police Chief Inspector Christopher Prangan.

Dalawang security guard at isang maintenance ng D’mall of Boracay ang pormal na naglatag ng kanilang reklamo sa Boracay PNP nitong hapon, kaugnay sa nasabing insidente.

Alas nuwebe kuwarenta ng gabi nitong nagdaang Sabado nang lumapit umano sa sekyung si Jun Bacarro ang suspek at nagreklamo tungkol sa basura sa D’mall.

Nagpakilala umano ito bilang hepe ng Boracay PNP habang inaangat ang kanyang damit at ipinakita ang kanyang baril.

Kaagad namang ipinagbigay alam ng sekyu sa taga maintenance ng D’mall ang reklamo ni Prangan upang ma-aksyunan.

Subali’t nagalit umano si Prangan nang dumating ang isa pang kasamang sekyu ni Bacarro na si Jessie Flores.

Kinumpronta at pinagmumura umano nito si Flores at sinabihang “hindi ipapa-renew ang kanilang mga lisensya, sabay biglang hinablot ang ID holder ni Bacarro.

Nakunan naman ng security camera doon ang insidente na isa sa mga isinumite ng mga complainant.

Samantala, nabatid na unang nagreklamo si Prangan nang gabi ding iyon laban naman sa mga nasabing security guard, matapos umanong tanggihan ang kanyang ipinag-uutos na alisin ang basura sa kanilang daraanan.

Sinasabing nasa impluwensiya ng nakakalangong inuman si Prangan nang mangyari ang insidente. 

Kabayanihan ng life guard volunteers sa isla, Kinilala ng Boracay Action Group

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Kinilala ng BAG o Boracay Action Group ang kabayanihan ng volunteers sa isla.

Sa ginanap na Joint Flag Raising Ceremony kanina sa Balabag Plaza.

Ini-abot ni mismong Life Guard Supervisor Mike Labatiao ang Lifeguard Good Samaritan award sa mga life guard volunteers.

Ito’y may kaugnayan sa pagkakaligtas nila sa mga turistang nabiktima ng pagkalunod sa Boracay nitong nagdaang buwan.

Isa-isang tinawag para bigyan ng sertipiko ang mga life guard volunteers na sina Albert Moronio, Teody Colindres, Halim Dica, Ednil Espares, Gregorio Maming, Mark Ortega, at Godofredo Sacapaño.

Maliban sa mga life guard volunteers, kinilala din ang kabayanihan ng mga MAP o Municipal Auxiliary Police at mga miyembro ng Philippine Coastguard.

Samantala, kasama rin sa pagbibigay ng award doon sina Island Administrator Glenn Sacapaño, at BAG Adviser Leonard Tirol.

BFI pinasigurong handa para sa kapaskuhan ang isla ng Boracay

Ni: Mackie Pajarillo, YES FM Boracay


Tiniyak ngayon ng BFI o Boracay Foundation Incorporated na nakahanda ang Boracay sa pagtanggap ng mga turista.

Ito ang sinabi ni BFI President Jony Salme kaugnay sa nalalapit na panahon ng kapaskuhan.

“Ber” months na kasi ngayon at inaasahan ang pagdagsa ng mga bakasyunista sa isla ng Boracay, pagsapit ng panahong ito.

Ayon kay Salme, laging nakahanda at nagpupulong ang mga taga BAG o Boracay action Group para sa mga turista tuwing kapaskuhan at anumang holiday, katulad ng mga nagdaang taon.

Samantala, kasama ang mga stakeholders sa isla, umaasa parin umano si Salme na magiging ‘safe and ready’ ang Boracay para sa mga turista.

Sunday, September 08, 2013

Suspek sa umano’y kaso ng human trafficking sa Boracay, Timbog sa entrapment operation

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Kalaboso ang inabot ng isang babae matapos matimbog kagabi sa entrapment operation dahil sa kaso ng human trafficking.

Kaagad na ipinagkatiwala ng mga taga Regional Intillegence Division ng Police Regional Office 6 ang babaeng suspek sa Boracay PNP.

Ayon sa report, pinangakuan umano ng isang babae ang isang menor de edad at ang diyes y siete anyos na kasama nito na magtatrabaho bilang waitress sa Boracay.

Subali’t minarapat ng mga itong magsumbong sa mga otoridad nang makutubang hindi pagwe-waitress ang kanilang kahahantungan.

Dahil dito, naghanap umano sila ng paraan upang makahingi ng tulong sa mga otoridad na kaagad namang nagsagawa ng entrapment operation.


Sa ngayo’y nasa kustodiya na ng Boracay PNP ang suspek para sa karampatang disposisyon.

BFI, Suportado ang Boracay Beach Management Program

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Suportado ng BFI o Boracay Foundation Incorporated ang Boracay Beach Management Program.

Ayon kay BFI President Jony Salme, maganda ang ibinunga ng nasabing programa, dahil sa ipinakitang response o tugon ng iba’t-ibang sektor sa sa isla.

Katunayan, kakaunti na lamang umano ang basura sa dalampasigan, dahil sa dami ng mga sumasali sa mga beach clean-up tuwing Sabado.

Maliban dito, may isang malaking resort din ang nagpaplanong pangunahan ang isang beach clean-up sa mga susunod na araw.

Target umano ng resort na ito na makakalap ng dalawang libo’t labing tatlong kalahok para sa taong 2013, at dalawang libo’t labing-apat para sa taong 2014.

Kung kaya’t inaasahan umano ni Salme na magiging malaki ang nasabing aktibidad.


Mga taga Boracay PNP, Nakilahok sa beach clean up!

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Mga walis at plastik na lalagyan ng basura.

Ito ang hawak-hawak ng mga taga BTAC o Boracay Tourist Assistance Center nang suyurin ng mga ito ang dalampasigan ng Station 1 Boracay.

Nakilahok kasi sila sa beach clean-up ng BFI o Boracay Foundation Incorporated.

Ayon kay PO3 Christopher Mendoza ng Police Community Relations Section ng Boracay PNP, Kakaunti na lang ang basurang nakuha nila nitong Sabado ika-7 ng Setyembre, dahil nauna nang nag clean-up ang mga taga Barangay Balabag.

Bahagi umano ng kanilang pagiging Pulis-Makakalikasan ang pagtulong nila sa mga taga BFI at bilang paghahanda  sa nalalapit na international coastal clean-up.

Sinabi pa ni Mendoza na nakahanda silang makilahok sa mga aktibidad ng kahit anong organisasyon basta para sa komunidad.


Samantala nakilahok din sa nasabing clean-up ang ilang miyembro ng Bureau of Fire, BIWC at iba pang volunteers sa isla.

Mga taga MABOVEN, Nakikisilong na lang sa ilang resort sa Boracay

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Nakikisilong na lang sa ilang resort sa Boracay ang mga taga MABOVEN o Malay-Boracay Vendors association.

Ito’y matapos ipatupad ng Boracay Redevelopment Task Force ang pagtanggal sa mga istraktura sa vegetation area ng isla nitong nagdaang linggo.

Kasama rin kasi sa mga ipinatanggal doon ng task force ang mga tent at beach bed na ginagamit ng mga taga MABOVEN.

Si ‘Aling Daisy’, walong taon na umanong nagtatrabaho bilang masahista sa Boracay.

Ikinuwento nito na tatlong araw na silang walang kinita, matapos mawalan ng puwesto sa nakasanayan nilang lugar.

Nakakapanghinayang din umano na naapektuhan maging ang kanilang mga returning guest. 

Mabuti na lang at pinayagan sila ng ilang resort sa beach front na makalipat at muling makapaghanap-buhay.

Problema nga lang ayon pa kay ‘Aling Daisy’, na hindi na nakabalik pa ang iba nilang mga kasama.

Bagama’t aminado si ‘Aling Daisy’na naninibago ito sa kanilang sitwasyon sa ngayon.

Sinabi nito na ‘ok’ din sa kanila ang naging hakbang ng Boracay Redevelopment Task Force sa isla.