YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 24, 2015

Mga nagbibinta ng ilegal na droga sa Boracay, patuloy na sinusugpo ng BTAC

Posted January 24, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ngayon ang pagsupo ng Boracay PNP Station sa mga nagbibinta ng droga sa isla sa ilalim ng pamumuno ni Police Senior Inspector Fidel Gentallan.

Ito ang sinabi ni Police Community Relation Officer PO3 Cristopher Mendoza, kung saan ganito din umano ang kanilang layunin noong nasa pamumuno pa ang kanilang tanggapan ni dating Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo.

Nabatid na nitong buwan ng Enero ay nagkaroon ng matagumpay na magkasunod na operasyon ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pagkahuli ng mga nagbibinta ng droga sa isla.

Kaugnay nito nagbigay naman ng paalala si Mendoza sa mga mamamayan sa isla na nagbibinta ng illegal drugs na kung maaari ay iwasan na ito at maghanap ng ibang magandang trabaho o aktibidad ng sa ganon ay hindi umano masira ang kanilang buhay at ang kanilang pamilya.

Samantala, maliban sa droga matagumpay ding nakakahuli ang nasabing tanggapan ng mga wanted person na nagtatago sa Boracay at ang pagkasugpo ng mga illegal firearms.

500 thousand pesos na budget para KIA beautification program, nakahanda na

Posted January 24, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakahanda na ang 500 thousand pesos na budget para sa Kalibo International Airport (KIA) beautification program.

Kaugnay nito, sa ginanap na 3rd SP Regular Session nitong Miyerkules, inaprobahan ng mataas na konseho sa probinsya ang pagpasok ni Gov. Joeben Miraflores sa Memoradum of Agreement kasama ang Department of Tourism (DOT) Region VI.

Nabatid na ang nasabing pondo ay para sa pagpapaganda ng Kalibo International Airport papuntang Caticlan at ruta ng Malay bilang bahagi ng preparasyon sa APEC Summit sa darating na Mayo ngayong taon na gaganapin sa isla ng Boracay.

Samantala, napag-alaman na abala na rin ngayon ang iba pang mga ahensya ng gobyerno sa probinsya  na mas mapaganda pa ang kanilang serbisyo lalo’t nalalapit na ang nasabing aktibidad.

Maliban dito, sinasanay na rin ang mga opisyal na may malaking bahagi o kooperasyon sa gaganaping pagpupulong.

BFP Boracay, nababahala sa mga fire dancing show sa Boracay

Posted January 24, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bagamat ilang taon ng mayroong fire dancing show sa isla ng Boracay tila nababahala parin ngayon ang Bureau of Fire Protection Unit (BFPU).

Ito ang ipinaabot ni BFP Boracay Chief Fire Inspector Stephen Jardeleza matapos itong dumalo sa SB Session ng Malay nitong Martes.

Sinabi nito sa konseho ang kanyang pagkabahala sa nasabing aktibidad na kung saan mayroon umanong nagsasagawa ng fire dancing show sa isla na natatakpan ng parachute ang kanilang area.

Aniya, maaari umano itong mapagmulan ng sunog dahil sa sarado ang lugar na kung saan ay kadalasang hinahagis ng mga fire dancers ang kanilang hawak-hawak na fire Poi.

Samantala isa lamang ito sa ipinaabot ni Jardeleza sa opisyales ng Malay kung saan ilang proyekto rin ang ibinida nito sa mga konsehales.

Sa kabilang banda nais nitong magkaroon ng extension office ang kanilang BFP Station sa mainland Malay para ng sa ganon ay matutukan din nito ang fire code compliance at makatulong sa oras ng emergency sa nasabing lugar.

Quality E-Trike, hiling ng BLTMPC

Posted January 23, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nilinaw ngayon ng Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) na pabor sila s E-Trike implementation sa isla ng Boracay.

Subalit umaapela parin umano ang mga ito na sana ay mabigyan sila ng magandang klase at may kalidad na uri ng nasabing sasakyan.

Ayon kay BLTMPC Operation Manager Enrique Gelito, pabor sila sa nasabing programa subalit humihiling ang mga ito sa LGU Malay na solusyonan ang problema sa operasyon dulot ng ilang depekto sa mga piyesa.

Samantala, magugunita naman na nagsagawa ng pulong si Vice Mayor Wilbec Gelito kasama si Malay Admistrator Godefredo Sadiasa at ilang SB Member nitong nakaraang buwan ng Disyembre sa Balabag Action Center upang marinig ang hinaing ng mga nagrereklamong tricycle operators.

Samantala, Gerweiss at TOJO naman ang kasalukuyang nagsusuplay ng E-Trike sa isla ng Boracay.

Lalaking Turkish national, ninakawan ng mahigit 40 mil pesos sa Boracay

Posted January 24, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dumulog sa himpilan ng Boracay PNP ang isang lalaking Turkish national matapos na umano’y ninakawan ng mahigit 40 mil pesos sa isla.

Sumbong ng turistang si Yasar Coskun, 32 anyos ng Goreme Turkey, iniwan nito pansamantala ang kanyang bag alas kwatro kaninang madaling araw sa misa ng isang resort sa Balabag Boracay at tinulungan ang isang babae na naghahanap din ng kanyang nawawalang gamit.

Subalit, hindi akalain ng turista nang makita na lamang di umano nito na nasa ilalim na ng mesa ang kanyang bag.

Nang suriin ay saka nalaman na nawawala na ang laman nitong pera na nagkakahalaga ng 1, 200 Euro o nasa mahigit 40 mil pesos, Sonny Xperia Z3 cellphone at ilan pang small bill ng US Dollars.

Samantala, nagpapatuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng mga pulis sa kaso.

Lalaking may kasong RA 9262 sa Nabas, Aklan inaresto ng mga pulis sa Boracay

Posted January 24, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Arestado ang isang lalaki matapos na maaresto ng mga pulis sa kasong RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.

Ito ay inaresto sa pinagsamang pwersa ng CIDG Aklan sa pangunguna ni SPO3 Alberto Sombilon ng Nabas Police Station at ng Boracay PNP sa pangunguna naman ni PSI Fidel Gentallan sa bisa ng warrant of arrest.

Kinilala naman ang akusadong si Romel Manuel, 25-anyos walang trabaho at residente ng Toledo, Nabas, Aklan.

Ang akusado ay binabaan ng kaso ng Judicial Region, Regional Trial Court, Branch 1, Mambusao Capiz na nilabas noong Desyembre 18, 2014 ni Hon. Judge Daniel Antonio Gerardo S. Amular na at may piyansang P50,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Nabatid na ang nasasing akusado ay naaresto ng mga pulis kaninang alas-3 ng hapon sa Sitio. Tambisaan Brgy. Manocmanoc Boracay.

Friday, January 23, 2015

BFI sinuportahan ang hakbang ni SB Member Gallenero kaugnay ng 15 meters both side easement sa kalsada ng Boracay

Posted January 23, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sinuportahan ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) ang naging hakbang ni Malay SB Member Jupiter Gallenero kaugnay ng 15 meters both side easement sa kalsada ng Boracay.

Ayon kay BFI President Jony Salme, nakikiisa ang grupo ng mga stakeholders sa isla tungkol dito.

Anya, masasabing hindi praktikal para sa isla ang naging desisyon ng Korte Suprema na magpatupad ng 15 meters both side easement rule sa kalsada.

Ito’y dahil sa napakaliit na lamang di umanong space ang matitira para sa mga establisyemento.

Sinabi din nito na nag-apela din sila noon sa mababang korte sa bayan ng Kalibo na huwag ipatupad ang nasabing hakbang subalit natalo ang kanilang oposisyon.

Gayunpaman, nagpapasalamat di umano ito sa hakbang ngayon SB Member Gallenero na magpapasa pa lamang ng resolusyon na kung maaari ay makakuha sila ng kopya tungkol sa easement rules mula sa Korte Suprema.

Samantala, magugunita na ipinahayag ni Gallenero sa  2nd SB Regular Session na tila hindi ito naging pabor sa sa desisyon ng korte kung saan ay balak nitong sumailalim sa legalidad para sa pag-apela ng nasabing easement.

Nais din umano nitong humingi ng tulong kay Aklan Representative Teodorico Haresco para magpasa ng house bill dito.