YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 31, 2014

Pagdami ng mga commercial billboards sa Jetty Port, ikinadismaya ng SB Malay

Posted May 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinadismaya ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pagdami ng ibat-ibang commercial billboards sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes, nagbigay ng kaniyang reaksyon si Vice Mayor Wilbec Gelito sa tila umanong pagsulputan ng mga billboards sa nasabing pantalan.

Aniya, imbes na 7 wonder ng Malay ang ilagay dito ay mga commercials billboards ang karamihan sa makikita katulad umano ng mga telecommunications companies.

Nabatid na makikipag-ugnayan din si Gelito sa provincial government ng Aklan para ipaabot ang kaniyang hinaing tungkol dito.

Sa ngayon hindi pa umano makakapagbigay ng reaksyon ang Jetty Port Administration sa sinabi ni Gelito ngunit mayroon na rin umano silang naunang report na katulad nito galing sa Boracay Foundation Inc.,.

Samantala, umaasa naman ang buong konseho ng Malay na mauuwi sa magandang pag-uusap ang kanilang ipapaabot sa provincial government ng Aklan.

Approval ng bagong Schedule of Base Market Values sa Aklan, pinarerepaso na ni Gov. Miraflores

Posted May 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinarerepaso na ni Aklan Gov. Florencio “Joeben” Miraflores ang approval sa bagong schedule ng Base Market Values o bayarin sa buwis sa 17 bayan sa probinsya.

Sa 17th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan nitong Mayo 28, pinag-usapan ang hiling ng gobernador na e-review ang bagong schedule ng General Revision sa bayarin ng buwis na isumite ng Provincial Assessor’s Office.

Samantala, nabatid na itataas sa 200 hanggang 300 porsiyento ang bayarin sa buwis sa probinsya dahil pansamantalang isinantabi ng pamahalaang probinsyal sa loob ng siyam na taon ang General Revision ng Base Market Values, sanhi ng mga nagdaang kalamidad sa Aklan.

Bagay na sa isinagawang mga public hearing, marami sa mga taxpayers lalo na sa isla ng Boracay at bayan ng Malay ang umapela at tumutol.

Anila hindi ito maituturing na batayan upang itaas sa 200 hanggang 300 porsiyento ang bayarin sa buwis.

Una namang ipinaliwanag ni Provincial Assessor Kokoy Soguilon na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code o base sa Republic Act No. 7160, na dapat magkaroon ng General Tax Revision of Real Properties ang local na pamahalaan kada tatlong taon.

Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa mga real properties base sa isinasaad ng bagong Base Market Values ay mapupunta sa Special Education Fund (SEF) construction and repair of public buildings at marami pang iba.

Kaugnay nito nangako naman ang SP na kanilang pag-aaralang mabuti at ikokonsidera ang hinaing ng mga nasabing tax payers.

Ibajay PNP, nagpapatuloy parin ang imbestigasyon hinggil sa pinatay na Asst. Manager ng Rural Bank of Ibajay

Posted May 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpapatuloy parin ang imbestigasyon ng Ibajay PNP Station hinggil sa pinatay na Asst. Manager ng Rural Bank of Ibajay Aklan.

Ayon kay P03 Roberto Gonzales, kasalukuyan paring nagpupulong ang mga iba’t-ibang operatiba na nag-iimbestiga sa nasabing kaso.

Anya, nasa crime laboratory pa ang mga nakuhang ebidensya sa krimen at sinusuring mabuti para sa madaling pagkakaresolba ng nasabing kaso.

Samantala, matatandaan sa mga naunang imbestigasyon batay sa lumabas na resulta sa isinagawang post-mortem and autopsy examinations ng Provincial Scene of the Crime Operatives (SOCO), na nag-negatibo ang bangkay ng 68 anyos na biktimang si Gabriel Manican sa gunpowder.

Si Manican ay nabaril nitong Abril 25, kung saan nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib nang maganap rin ang sunog sa mismong bangko.

Bakasyunista sa Boracay, hindi sinipot ng field coordinator matapos makapagbayad ng 7 libong piso

Posted May 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa Boracay PNP Station ang isang bakasyunista sa Boracay matapos na hindi siputin ng nakatransaksyong field coordinator.

Ayon sa salaysay ng biktima na si Jaybee Sakaguchi, 30 anyos ng Malolos Bulacan, inalok ito ng Water Sports Activity ng field coordinator na si Jun.

Habang inaantay pa umano nito ang iba pa nyang mga kasamahan sa nasabing aktibidad ay binayaran na agad nito ng full payment na pitong libong piso ang coordinator.

Subalit, nitong huwebes nang nakatakdang mag-island hopping na sana ang bakasyunista kasama ang mga kaibigan ay hindi na ito sinipot.

Dahilan upang ipa-record nya sa Boracay PNP Station ang nasabing pangyayari.

Samantala, kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga pulis ngayon ang naturang insidente.

Security guard sangkot sa kaguluhan sa isang Bar sa Boracay

Posted May 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasangkot sa kaguluhan ang isang security guard sa isang Bar sa Station 1 Boracay kahapon ng madaling araw.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nagreklamo sa kanilang tanggapan si John-John Padilla Diego, 18-anyos at tubong Calimabahan, Makato, Aklan.

Inirereklamo umano nito ang security guard na si Mark Anthony Imono, 30-anyos at residente  ng Tul-ang, Ibajay, Aklan at duty sa nasabing Bar.

Sa ginawang imbestigasyon ng kapulisan nangyari ang insidente bandang alas-3:15 ng madaling araw kahapon.

Kung saan inaalegar nitong biktima na sinuntok siya ng hindi nakilaang lalaki kasama itong security guard dahilan para magtamo siya ng sugat at pananakit sa katawan.

Sa di kalaunan binawi din ng biktima ang kaniyang reklamo kontra dito sa security guard at napagkasunduang e-settle na lamang ang nasabing kaso sa Brgy. Justice System.

Eksaminasyon sa mga butong nakita sa Boracay, lumabas na

Posted May 31, 2014 
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Lumabas na ang resulta sa ginawang pagsusuri sa natagpuang bungo at kalansay ng tao sa Boracay dalawang linggo na ang nakakalipas.

Ito’y matapos ang ginawang medico-legal examination ng Police Regional Office 6 crime laboratory.

Ayon kay Chief Insp. Joe Martin Fuentes na-examine nila ang dalawang sets ng mga buto kung saan ang isa nito ay sa tao at ang isang naman umano ay hindi galing sa tao.

Aniya, ang mga labi ay maaaring pinag-mamayrian ng isang lalaking nasa edad na 12-17 anyos, at may taas na 4’8 kung saan sinasabing namatay ng halos tatlumpong taon na ang nakakalipas.

Sinabi pa ng medico-legal officer na hindi pa nila matukoy ang ethnic origin ng natagpuang kalansay at kung ano ang dahilan ng pagkamatay nito.

Dagdag pa ni Fuentes na ang nasabing resulta ay isusumite sa police provincial Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Sa kabilang banda sinabi naman ni SOCO head Supt. Georby Manuel na ini-imbistigahan pa nila ang lugar kung saan nakita ang mga buto at kung ito ba ay burial ground o crime site.

Nabatid na ang kalansay ay natagpuan ng dalawang construction worker sa isang contractions site sa Sitio Cagban, Manoc-Mano dalawang linggo na ang nakakalipas. 

Re-Position letter ng BFI tungkol sa Base Market Values, wala paring tugon mula sa SP Aklan

Posted May 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Wala paring tugon ang Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan at Provincial Assessor’s Office sa ipinadalang sulat ng BFI kaugnay sa re-position letter ng Base Market Value.

Ito ang kinumpirma ni BFI Executive Director Pia Miraflores.

Anya, mahigit isang buwan na umano ang nakakalipas matapos nilang maipadala ang nasabing sulat sa mga kinauukulan upang mabigyan ulit ito ng linaw.

Gayunpaman, ipinahayag ni Miraflores na umano ang BFI kung isang daang porsyento lang ang itaaas ng buwis at hindi tatlong daang porsyento dahil masyado na umano itong malaki.

Nabatid na umabot sa 200 hanggang 300 porsiyento ang buwis na babayaran ng mga real property owners sa Boracay at Malay, dahil pansamantalang isinantabi ng pamahalaang probinsyal sa loob ng siyam na taon ang General Revision ng Base Market Values, sanhi ng mga nagdaang kalamidad sa Aklan.

Samantala, umaasa naman ang Boracay Foundation Incorporated (BFI) na agad na masasagot ang kaniling hinaing.

Friday, May 30, 2014

Mahigit 39, 000 na botante sa Aklan, nanganganib na hindi makakaboto sa 2016

Posted May 30, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kung sa panahon ngayon gaganapin ang eleksyon, nasa mahigit 39, 208 na mga Aklanon ang hindi makakaboto batay sa listahan ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito ang nailabas na impormasyon ng COMELEC sa pagtitipon-tipon ng mga information officers mula sa iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno nitong linggo sa Aklan Police Provincial Office (APPO) Conference Hall.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II Elma Cahilig na syang tumalakay sa resolusyon ng COMELEC.

Ang nasabing numero ng Aklanon na tinitingnang hindi makakaboto ay ang mga nagparehistrong hindi naka-boto ng dalawang beses noong mga nagdaang halalan.

Samantala, tuloy naman ang isinasagawang hakbang ng ahensya tungkol dito kung saan nagkakaroon ng “continuing registration” mula Mayo a-sais hanggang Oktubre 31, 2015.

Ito’y para na rin maayos at muling ma-activate ang pangalan ng mga nasabing botante na sya naman umanong tungkulin ng COMELEC na magsagawa ng 18 buwan na pagrerehistro bago ang eleksyon.

Sa kabilang banda, ang information officers forum ay bahagi ng mga aktibidad sa Aklan nitong Mayo 27 matapos maihalal ang mga opisyales para sa 2014-2016 na termino.

Kabilang din sa mga ahensya na nagpaabot ng programa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakasentro naman sa Climate Change, Social Security System (SSS), at Philippine Statistics Authority (PSA) na dating National Statisctics Office (NSO). 

Ibat-ibang aktibidad sa Boracay, dapat umanong planuhang mabuti ayon kay SB Bautista

Posted May 30, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dapat umanong pag-planuhang mabuti ang ginagawang mga aktibidad sa isla ng Boracay ayon kay Malay SB Member Floribar Bautista.

Ito’y matapos ang sunod-sunod na mga ginawang aktibidad sa isla nitong summer season kung saan nais niya umanong ma-sustain ito para hindi mawala.

Sinabi rin nito sa kaniyang privilege speech sa SB Session ng Malay nitong Martes na dapat magkaroon ng proper plan at polisiya ang mga kinauukulan tungkol dito.

Samantala, iginiit din nito na merong umanong mga aktibidad sa isla na pang-worldwide kagaya na lamang ng ginawang record attempt ng Boracay sa Massage Chain kung saan ang ilan umano sa mga ito ay nagmasahe na sa tubig na may lumot.

Aniya, ang mga ito ay ilan lamang sa hindi napag-usapang mabuti dahilan para magresulta ng problema gayon din ang pag-ani ng ibat-ibang reaskyon mula sa nitezens.

Dagdag pa ni Bautista nagulat rin siya sa pagkakaroon ng tinatawag na LaBoracay dahil sa hindi ito dumaan sa kanila na ginanap noong May 1, Labor Day kung saan dinagsa ang isla ng libo-libong turista dahil sa mga aktibidad.

Sa kabilang banda ang privilege speech ni Bautista ay sinang-ayunan naman ni Vice mayor Welbic Gelito at ng local body na inaasahang tatalakayin sa mga susunod na session.

Pagbili ng isang unit ng Fire Truck ng bayan Malay, aprobado na

Posted May 30, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Aprobado na umano ang pagbili ng isang unit ng Fire Truck ng bayan ng Malay matapos ang pag-aaral tungkol dito.

Ayon kay Secretary to the Sangguniang Bayan Concordia Alcantara, aprobado na ito sa second reading ngunit muli pa umano itong tatalakayin sa 3rd and final reading sa Session sa Martes para sa pag-proseso.

Aniya, mayroong budgetary requirements dito ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) dahil sa kanilang ginawang pag-canvass na nagkakahalaga ng P3.8 milyon pesos.

Sa ngayon umano meron palang itong pondong P3.2 milyon pesos mula sa 5 percent na trust fund ng MDRRMC sa nakaraang calamity fund noog 2013.

Sinabi pa ni Alcantara na kailangan pang kumuha ng karagdagan pondo mula sa ibang fund para maabot ang target na P3.8 milyon pesos.

Matatandaang hiniling ni Malay mayor John P. Yap sa Committee on Budget and Appropriation na mag-laan ng pondo na P 3, 229. 424.20 para sa pagbili ng naturang fire truck.

Napag-alaman na hanggang ngayon ay wala paring sariling Fire truck ang Malay kung kaya’t nais ng alkade na maisakatuparan ang kaniyang hiling para sa kapakanan ng kaniyang nasasakupan.