(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Bagamat, hindi dumating si Philippine National Red Cross (PNRC) Chairman Richard Gordon sa okasyon kahapon, ika-labintatlo ng Marso, sa paglulunsad ng 99th PNRC Boracay-Malay Chapter ay naging matagumpay pa rin ang nasabing okasyon.
Ito ay dinaluhan ni PNRC Secretary General Ms.Gwendolyn Pang, PNRC Governor Ramon Locsin, Mayor John Yap, mga opisyal ng nasabing organisasyon, mga volunteers, at mga personalidad mula sa iba’t-ibang sector.
Kasama sa okasyon kahapon ay ang pagbabasbas ng bagong ambulansya ng Red Cross para sa Boracay na pinangunahan ni Fr. Adlay Placer.
Tatlong oras matapos ang pagbasbas sa ambulansya ay binasbasan din ang bagong gusali na magsisilbing tanggapan ng Red Cross 99th Boracay-Malay Chapter sa Sitio Ambulong, Brgy. Manoc-Manoc.
Maliban dito, isinama na rin sa okasyon ang paglatag ng mga beach tower para sa mga rescuers na inilagay sa baybayin ng Boracay.
Kasabay din ng nasabing okasyon ang pormal na pag-tanggap nila ang donasyong dalawang jet ski at hand-held radio na gagamitin ng mga volunteer sa operasyon na ikinalugod naman ng mga dumalo, lalo na ng mga opisyal ng nasabing organisasyon.