YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, April 17, 2012

Pangulong Aquino, nababahala na sa sitwasyon ng Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nawawala o nauubos na ang pamosong puting buhangin sa Boracay dahil sa mga development sa isla ayon sa opisyal ng Department of Environment and Natural Resources.

Ayon kay DENR Secretary Ramon Paje, ang mga resort at commercial establishement ay pumasok na sa “easement portion” o sa bandang bahagi ng naturang beach na itinakda bilang “no build zone”.

Dahil dito ay iminungkahi na rin umano nila na tanggalin ang mga establisimiyentong ito, dahil sakaling masira nito ang tinaguriang “jewel” ng isla ay wala nang matatawag pang Boracay.

Idinagdag pa ni Paje na ilan sa mga resort ay nagtayo na ng embankments para mapigilan ang tubig sa karagatan na pumasok sa kanilang lugar at may bahagi din umano ng isla na halos wala nang buhangin.

Kaugnay nito, sinabi ng environment chief na naalarma na rin si Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa nasabing isyu.

Kaugnay nito ay bumuo umano ang pangulo ng grupo na kinabibilangan ni Paje sa DENR, Tourism Secretary Ramon Jimenez, Interior Secretary Jesse Robredo, DOJ Secretary Leila de Lima at Health Secretary Enrique Ona.

Ayon kay Paje, ang nasabing komitiba ay siyang nagkakasa ng rekomendasyon sa pangulo hinggil sa solusyon sa naturang problema sa Boracay at maging sa iba pang tourist destination sa Pilipinas tulad ng Baguio City.

Atty. Allen Quimpo, nais maiba ang pagsalubong sa mga turistang dumarating sa Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

 “Costumer is always right.”

Ito ang inihayag ni Atty. Allen Quimpo, dating Kongresista at kasalukuyang tagapayo legal ng pamahalaang probinsiya.

Aniya, nais sana umano nilang isulong na kung maaari ay bigyan din ng masarap na ngiti sa pagbaba palang sa mga paliparan ang mga turista sa halip nang puro pangu-usisa na lang sa dalang mga gamit o bagahe, na nagpapahirap aniya sa bisita.

Lalo na sa mga pasahero umanong sumakay sa mga sasakyang panghimpapawid na may Direct Flights mula sa Hong Kong, Taiwan at iba pa na lumalapag sa paliparan sa Aklan.

Dahil naniniwala itong pag-alis palang umano ng mga turistang ito mula sa bansa nilang pinanggalingan ay nasuri na rin ang mga bagahe at dukomento ng mga ito.

Partikular na tinukoy ni Quimpo ay ang Bureau of Custom at Bureau of Immigration.
Gayon pa man, nilinaw nito na hindi umano ibig sabihin ay huwag nang ganpanan pa ng mga nabanggit na kawani ang kanilang trabaho.

Ito ay dahil ang nais lamang umano nilang mangyari ay maiwasang maantala ang biyahe ng mga turista at masiguro mapabilis ang serbisyo sa mga ito.

Bunsod nito, balak umano ngayon ng probinsiya na hilingin sa Department of Transportation and Communication (DOTC), mga paliparan sa Aklan at Civil Aviation Authority na hilingin ang kanilang kooperasyon sa katulad na usapin.

Ang pahayag na ito ni Quimpo ay kasunod ng nao-obserbahan aniya nito na tila nahihirapan ang mga turista sa pagbaba palang ng paliparan dahil sa puro inspection na lang. 

Atty. Quimpo, kampante na walang mangyayaring take-over sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung nababahala ang LGU Malay, mga opisyal ng barangay sa Boracay at mga stakeholder dito sa balak ng ilang gabinite ng Pangulo ng bansa na pumasok sa isla para tumulong sa pagsasaayos ng Boracay.

Taliwas naman dito ang pahayag ni Atty. Allen Quimpo, legal adviser ng probisiya at dating Kongresista ng Aklan.

Ayon kay Quimpo, walang masama sa balak na ito ng gobyerno-nasyonal, dahil ang ang local na pamahalaan at nasyonal ay dapat talaga umanong “partner” para maisakatuparanan ang mga adhikain para sa Boracay.

Naniniwala ito na katulad sa naunang nangyari, na bumuo ng Task Force Boracay ang Probinsiya at nasyonal.

Pero pamahalaan ng Malay pa rin umano ang pamumuno sa lahat dito, at katuwang lamang ang nasyonal.

Kaya sa pagkakaintindi aniya nito, hindi naman ibig sabihin ng balak na ito ng nasyonal ay may “take over” nang mangyayari, dahil LGU parin ang pagpapatakbo ng bayan o isla.

Matatandaang una nang napabalita na ang kahilim ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nag-uusap na para bumuo ng Task Force para matutukan ang Boracay.

Subalit, ayon naman kay Malay Mayor John Yap, nababahala sila na baka katulad ng dati ay magkaroon ulit ng gulo ang lahat.

Mga empleyado ng resort sa Boracay, hiniling na sanayin sa pagsugpo ng sunog


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado ang Sangguniang Bayan ng Malay na kulang parin sa pagsasanay ang mga empleyado sa mga resort sa Boracay pagdating sa pagsugpo ng sunog.

Bunsod nito, nagmosyon at nagkasundo ang halos lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na dapat magkaroon ng kahit dalawang empleyado ang bawat resort/hotel sa Boracay na sumailalim sa pagsasanay hinggil sa tamang pag-aksiyon kung may sunog.

Dahil dito, iminungkahi noong nakaraang sesyon na sana kahit dalawa sa mga regular na empleyado ng establishemento na ito ay dumaan sa training upang hindi magpanic at malaman ng mga ito ang dapat gawin para sa  kaligtasan ng nga turista.

Paliwanag pa ng mga konsehal, mas mainam na regular na empleyado na agad ang ipa-training upang siguradong magtatagal na ito sa nasabing establishemento at hindi yaong buwan buwan ay magpapasanay sila ng empleyado kung umalis ang na-training na.

Samantala, dahil sa nakita ng konseho na kailangan na ito sa isla, sa halip na pumasa pa ng resulosyon, hihilingin nalang umano nila sa Punong Ehikutibo na idaan ito sa Executive Order ng Alkalde upang ano mang oras ay pwede na itong maipatupad.

Ang katulad na suhistyon ng konseho ay nag-ugat sa obserbasyon ng SB Member Rowen Aguirre sa nangyaring pagkasunog ng generator set ng isang resort sa Station 1, kung saan napansin umano nito sa mga empleyado doon na tila hindi alam ang kanilang gagawin o uunahin. 

Ordinansa kaugnay sa operasyon ng tricycle sa Boracay, pinahihigpitan ng SB Malay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mismong ang Chairman ng Committee on Transportation na ng konseho na si SB Member Welbic Gelito ang humiling na magpasa ng resulosyon upang pagtibayin ang Municipal Ordinance 202 o mga regulasyon, pamantayan at penalidad kaugnay sa operasyon ng mga tricycle sa Boracay.

Layunin ng resulosyong isinusulong ni Gelito ang ipatupad ng mahigpit ang nilalaman ng ordinansa dahil maging ang mga taga konseho ay pansin na tila hindi na sinusunod ng mga driver sa Boracay ang ordinansa.

Bunsod nito maging ang taga pagtupad ng batas na ito sa isla ay nahihirapan na rin aniyang gamapanan ang kanilang trabaho, bagay na pati ang Punong Ehikutibo na rin umano mismo ayon sa mga konsehal ang humihingi ng resulosyong ito para sa mahigpit na implementasyon.

Subali’t ayon kay Vice Mayor at Presiding Officer ng konseho na si Ceciron Cawaling, tila hindi na umano kailangan ng resulosyon sa katulad na sitwasyon.

Ito ay dahil maaari naman umanong magbaba ng Memorandum Order para sa Island Administrador ng Boracay upang higpitan na ang implementasyon.

Lalo pa at may mga itinalaga na aniyang mga Municipal Auxiliary Police o MAP sa Boracay kaya tila wala nang rason na hindi ito magawa. 

BCCI, suportado ang LGU Malay sa moratorium laban sa mga konstraksiyon ng gusali sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Humanga si Ariel Abriam, Pangulo ng Boracay Chamber of Commerce and Industry o BCCI, sa ikinasang aksiyon ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay sa Boracay.

Ayon kay Abriam, nakita nilang maganda ang adhikain ng LGU, kaya sila sa BCCI ay sumusuporta naman sa nais mangyaring ito ng lokal na pamahalaan, basta’t ito’y para sa ikaaayos at ikaka-preserba ng isla.

Maliban na lamang umano kung may nakita silang mali sa gawaing ito at doon nalang umano magsasalita.

Dagdag pa ni Abriam, kung ano man ang napag-isipang ito ng LGU ay susuporta sila, dahil ang lokal na mga opisyal ng bayan naman ang nasa posisyon at may expertise o dalubhasa sa ganitong usapin, na hindi na kailangan pang sila sa BCCI o mga stakeholder pa ang magsabi sa LGU, lalo na at rason din na ibinoto sila ng mga tao.

Ang pahayag na ito Ariel Abriam, ay kanyang sinabi sa panayam ng himpilang ito, bilang reaksiyon sa ikinasang Moratorium laban sa mga konstraksiyon ng gusali sa isla ni Mayor John Yap, na naglalayong maitama ang kung ano ang mali sa Boracay, at maipreserba upang maka sabay sa inter national standard ng turismo.

Hindi pa naming ini-endorso ang reklamasyon. --- BFI


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay


Taliwas sa naging pahayag ni Atty. Allen Quimpo dating Kongersita at kasalukuyang Legal Adviser ng probinsiya, nilinaw ni Dionesio Salme, Pangulo ng Boracay Foundation Incorporated o BFI, na hindi pa nila na-i-endorso ang proyektong reklamasyon sa Caticlan.

Ayon kay Salme, aminado ang BFI na tila kumbinsido na rin sila sa nilalaman at mga kahilingan ng konseho nang i-endorso ng Sangguniang Bayan ng Malay ang proyekto, pero hindi umano ibig sabihin nito ay pag-i-endorso na rin nila reklamasyon.

Nakakahiya naman umano na sila na ang nagsampa ng kaso laban sa proyekto at sila din mismo ang mag-i-endorso nito.

Inihayag din ni Salme na wala pa sa plano nila ngayong ang mag-withdraw sa kaso.

Samantala, sa kabila ng inihayag na ito ng Pangulo ng BFI na hindi pa nila na-endurso ang proyekto, sinabi ni Salme na sa darating na Sabado sa Board Meeting nila ay pag-uusapan ang pinal na disisyon kung i-endorso nila o hindi. 

Reklamasyon sa Caticlan, inindorso na ng BFI. --- Atty. A. Quimpo


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Wala nang nakikita pang problema ang pamahalaang probinsiya kung reklamasyon sa Caticlan ang pag-uusapan.

Sapagka’t ayon kay Atty. Allen Quimpo, dating kongresita at kasalukuyang Legal Adviser ng probinsiya ng Aklan, nabatid na umano nila mula kay Aklan Governor Carlito Marquez kamakailan lamang, na inindorso na rin ng Board of Director ng Boracay Foundation Incorporated o BFI ang proyektong ito,  maliban sa pag-endorsong ibinigay ng SB Malay at ng Caticlan Barangay Council.

Dahil dito, balak na umanong isunod ng probinsiya sa ngayon ang pagrequest ng joint motion para i-withdraw ang kaso at ipresenta ito sa Supreme Court.

Mula doon ay nakikinita na aniya ni Quimpo na sa lalong madaling panahon ay idi-dismiss na ng korte ang kaso.

Kampante naman ang nasabing abogado na papayag ang BFI sa balak ng probinsiya na joint motion, dahil sa nai-endorso na rin nila ito.

Samantala, naniniwala si Atty. Quimpo na naihanda na rin ng abogado ng probinsiya ang dukometo o nilalalaman ng joint motion na ito na ipi-presenta nila Supreme Court. 

BCCI, may libreng sakay para sa mga naghihikahos sa buhay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Walang panghihinayang sa bahagi ng Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI) na mamigay ng round trip ticket sa Montenegro para sa mga naghihikahos sa buhay at nangangagilangan ng tulong sa pagpunta sa Metro Manila.

Sapagkat ayon kay Ariel Abriam, Pangulo ng BCCI, ang mahalaga umano ay ang tulong nila sa tao.

Layunin umano ng proyektong ito na makatulong sa mga taong na nangangailangan lalo na sa mga pagkakataon ng emerhensiya kung saan kinakailangan ng isang indibidwal na lumuwas ng Maynila pero hindi kaya ang pamasahe.

Nabatid din mula kay Abriam na sa kasalukuyan, hanggat hindi pa nauubos ang kanilang mga ticket, ang sinumang nangangagilan, Malaynon man o hindi, ay maaaring makinabang nito basta’t kwalipikado o mapatunayan na lubos nga itong nangangailan talaga ng tulong.

Ang “Lakbay Maynila” ng BCCI ay resulta umano ng board meeting ng kanilang grupo, kung saan bulontaryong nagpaabot ng tulong ang miyembro nilang namamahala ng Montenegro Shipping Lines sa Caticlan.

Samantala, kahapon ay isinagawa ng BCCI ang kanilang unang Quarterly membership meeting, kung saan may mga bagong miyembro at opisyal na naman ang nanumpa para maging bahagi ng lumalaki at tumatatag na BCCI kahapon.

Kasunod nito, ayon sa Pangulo ng BCCI, bagamat may mga proyekto at programa silang inihanda ngayong taong ng 2012 kasama na ang “Lakbay Maynila”.

Patuloy pa rin umano nitong hinihikayat ang mga miyembro nila na magkaroon pa ng karagdagang proyekto na sila din ang mag-sponsor.

LGU Malay, hindi payag na ang pamahalaang nasyonal pa ang gagawa ng aksiyon para sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mistulang naging malaking hamon sa lokal na pamahalaan ng Malay ang pagka-kaladkad ng Boracay sa national media, particular sa telebisyon, at maipakita ang negatibong bahagi ng Boracay.

Sapagkat maliban sa mga stakeholder at kay Malay Mayor John Yap, aminado si Island Administrador Glenn Sacapano na nagdulot ito ng epekto sa isla at sa mga taga Boracay dahil nasaktan ang mga ito sa balitang iyon kamakailan lamang.

Gayon pa man, ayon kay Sacapano, oras na nga upang umaksiyon na ang lokal na pamahalaan dahil aminado din sila na marami talagang problema sa isla.

Kaya maging ang Pangulo ng Boracay Foundation na si Dionesio “Jony” Salme ay nagpa-abot sa kaniyang mensahe kahapon na sana ay huwag nang hintayin pang ang nasyonal government ang gumalaw para sa Boracay lamang masaayos ang lahat sa isla, katulad sa nauna nang nangyari na hindi maganda ang pagtanggap ng tao dito.

Gayon din ang pahayag ng Alkalde at ng Island Administrator ng Boracay, kasunod ng napabalitang ang mga kalihim ng Pangulo ng bansa katulad ng Secretary ng Department   of Tourism, Department of Interior and Local Unit, at Department of Environment and Natural Resources ay may balak nang magbuo ng “Task Force Boracay” bilang suporta sa lokal na pamahalaan ng Malay, pagdating sa pamamahala sa Boracay upang masulosyunan ang problema dito.

Bagay na ayaw naman umanong mangyari ng LGU at mga stakeholders sa isla, dahil minsan na itong nangyari dati.

Ayon kay Mayor Yap, baka magkaroon pa ng konpliko ang lahat kung papasukin o pakikialaman ng nasyunal ang Boracay at tutugon sa suliranin dito, kaya kung kinaka-ilangan ayon sa alkalde, ang lokal na pamahalaan ng Malay na ang gagawa nito kaysa national government pa ang gagawa nito.

Naniniwala din ang alkalde na malaki ang maitutulong dito ng Moratorium sa mga konstraksiyon sa isla na ikinasa ng LGU.

Pagbibigay ng Building Permit para sa Boracay, itinigil na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Atensyon sa lahat ng mga may balak magtayo ng gusali sa Boracay:

Epektibo nitong ika-31 ng Marso, batay sa ibinabang Memorandum Order ni Malay Mayor John Yap, mahigpit  nang ipinatupad ang pagsuspende o hindi pagbibigay ng licensing department ng lokal na pamahalaan ng Malay ng Building Permit sa mga aplikanteng nais magtayo ng gusali sa Boracay.

Ito ang nilinaw ni Malay Municipal Planning Officer Alma Beliherdo, kung saan dito inilatag ang nilalaman ng Executive Order No. 003 series of 2012 ng alkalde para sa Moratorium ng mga gusali sa Boracay na magtatagal ng isang taon.

Layunin ng lokal na pamahalaan ng Malay, na habang epektibo pa ang Moratorium, ay dito nila ipapatupad ang rehabilitasyon sa Boracay, sa lahat ng aspeto ng isla.

Hindi lamang sa mga gusali at kapaligiran kundi sa iba pang bagay at serbisyo sa turista para makasabay din ang Boracay sa international standard.

Samantala, bagamat pangalawang pagkakataon na itong ikinasa ang Moratorium sa isla, umaasa si Beliherdo at ang alkalde na mapapanindigan at maisasakatuparan ito sa tulong ng lahat. 

Nilalaman ng “Moratorium for Building Construction” sa Boracay, inilatag na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pormal nang inilatag ng lokal na pamahalaan ng Malay ang nilalaman ng Moraturium of Building Construction na sinimulang ipatupad sa Boracay.

Sa harap ng mga awtoridad sa isla na kinabibilangan ng mga pulis, Philippine Army, Bureau of Fire, Municipal Auxiliary Police (MAP), mga Barangay Officials sa Boracay at Caticlan, mga opisyal ng bayan, stakeholders at iba’t ibang sector, ay inilatag ni Alma Beliherdo ang maaaring mangyari at rason kung bakit ito ikinasa.

Layunin ng pulong na ito nitong umaga ay maipabatid sa lahat para maintindihan ng karamihan kung bakit muling ikinasa ang moratorium na ito sa pangalawang pagkakaon.

Ayon kay Beliherdo, sa moratorium na ito sa loob ng isang taon, ay inaasahang magkaroon ng pagbabago sa isla kaugnay sa biglaang pagsulpot ng mga residential at boarding houses sa Boracay, para maging maayos ang lahat sa isla.

Ang nasabing moratorium ay ikinasa nitong nagdaang Marso 30 na magtatapos din sa ika-30 ng Marso sa susunod na taon.

Mga Lokal na mangingisda sa Boracay, umalma dahil sa malabong ordinansa


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa kawalan umano ng supporting documents sa batas o Municipal Ordinance sa isla kaugnay sa pagbabawal mangisda sa front beach, umalma ngayon ang mga local na mangingisda sa bayan at isla.

Ito ang nilalaman ng ipinaabot na sulat ni Denrick Sadiasa, Aqua Culturist ng Municipal Agriculture Office, sa Sangguniang Bayan ng Malay na tinalakay sa sesyon ng konseho kahapon.

Nakapaloob sa sulat ang hinanakit ng mga mangingisda dahil sa hinuhuli umano ang mga ito ng awtoridad kapag sila’y nangisda sa front beach gayong wala naman umanong ipinapaliwanag at ipinapakita kung anong ordinansa ang nalabag ng mga ito.

Bunsod nito, hiling ni Sadiasa na sana ay mapag-usap din sila at ang may hawak ng Committee on Agriculture at Fisheries ng konseho upang maging malinaw ang tungkol sa bagay na ito.

Maging ang tungkol sa presensiya ng proyekto ng Sangkalikasan Cooperative ay kanila ding hiniling na linawin sa kanila.

Samantala, bilang tugon ng konseho sa ipina-abot ni Sadiasa, positibo namang sinabi ni SB Member Dante Pagsugiron, Chairman ng Committee on Environmental Protection, na handa siyang makipagpulong sa mga ito, dahil aminado itong tila hindi rin malinaw kung saang lugar ang inilaan para sa mga mangingisda dito. 

Pagkain at pag-iinuman sa tabing dagat ng Boracay, nakakalusot pa rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng mahigpit na kampaniya ng lokal na pamahalaang Malay laban sa mga bagay na ipinagbabawal sa loob ng isla, hindi pa rin maitatanggi na marami pa ang hindi alam at sumusunod sa mga batas dito, lalo na ang pagkain at mag-inuman sa front beach.
Kung saan, aminado naman ang tanggapan ng Municipal Auxiliary Police o MAP na kinulang sila sa tao ngayong Holy Week, dahil sa dami ng tinututukan sa isla.

Kung kaya may ilang batas na nasa ordinansa na hindi nila napansin ayon kay Rommel Salsona, Hepe ng MAP sa Boracay.

Gayon pa man, nilinaw ni Salsona na mahigpit nilang ipinapatupad ang pagbabawal sa mga kumakain sa tabing dagat, dahil kapag nakita umano nila ang mga ito ay ini-isyuhan nila ng citation ticket.

Subalit dahil sa ang ilan sa paglabag na ito ay hindi nakikita ng MAP. Malaking tulong din umano ang naibibigay ng mga security guard ng mga establishemento sa front beach sa paraan ng pagre-report sa tanggapan ng MAP kaugnay sa nakitang paglabag sa ordinansa.

Ang pahayag na ito ni Salsona ay kasunod ng napansin at isinusumbong na may ilang mga bisita na ginagawang picnic area ang front beach at nag-iinuman pa doon nitong Holy Week. 

Target na Tourist Arrival ngayong 2012 sa Boracay, inaasahang malalampasan pa


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kampanteng-kampanti ang Malay Municipal Tourism Office (Malay-MTO) na mahihigitan pa ang isang milyong target na tourist arrival ngayong 2012.

Sapagkat ayon kay Grazel Taunan OIC ng MTO Office sa Caticlan, sa loob lamang ng walong araw nitong nagdaang Semana Santa, ay nakapagtala na agad ng mahigit 40,000 na turista ang MTO.

Kung saan nadagdagan ng mahigit tatlung libo ang bilang ng mga turista, kung ikukumpara noong Mahal na Araw ng taong 2011, na nakapagtala lamang ng apat naput isang ng libo.

Maliban dito, nitong nagdaang buwan ng Marso ng kasalukuyang taon ay umakyat din ng 60% ang bilang ng tourist arrival, dahil sa nakapagtala din agad ng mahigit 100,000 turista, kung ikukumpara sa naitalang pitompu’t tatlong libo lamang ng Marso ng taong 2011.

Dahil dito, tiwala si Taunan na malalampasan pa ang isang milyong target na bilang ng tourist arrival sa Boracay ngayong taon, na inaasahang magiging tuluy-tuloy na hanggang ngayong Summer Season. 

Pagkakaroon ng “Labor Management Desk” sa Boracay at Malay, balak ng DOLE-Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Balak na rin ang Department of Labor and Employment DOLE- Aklan na magkaroon ng Labor Management Desk sa Boracay at Malay.

Ito’y para mapabilis ang pagtugon sa suliranin ng mga empleyado at employer sa isla ng Boracay.

Ayon kay Bidiolo Salvacion, OIC DOLE Officer ng Aklan, nitong nagdaang buwan ng Marso ay nakipagpulong na ito sa lokal na pamahalaan ng Malay kaugnay sa nasabing balak.

Katunayan, nakapag-usap na rin umano sila ng ilang nagmamay-ari ng establishemento sa Boracay at ng Alkalde ng Malay upang malaman kung anong departemento ng LGU ang hahawak o makakatuwang ng DOLE, para madaling ma-resolba ang mga problemang may kinalaman sa trabaho.

Ito’y kasunod ng pag-amin din ni Salvacion, na karamihan sa mga reklamong natatanggap ng DOLE tungkol sa mga employer sa Aklan, ay nagmumula sa isla ng Boracay.

Pagiging “Party Island of Asia”, pinanindigan ng Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Napanindigan ng Boracay ang pagiging “Party Island of Asia”.

Ito sa kabila ng Biyernes Santo kung saan napanatiling tahimik ang buong isla dahil sa ordinansang ipinapatupad kaugnay sa pagdiriwang ng Mahal na Araw, bumawi naman ito pagsapit Sabado ng gabi, dahil sa kaliwa’t kanang mga party at aktibidad sa front beach na sinabayan din ng mga party gowers at turista.

Ito’y kasunod ng naging pahayag ni Island Administrator Glenn Sacapano, na marami at nakapila ang mga event organizer, lamang makakuha ng permit para sa iba’t-ibang aktibidad na gagawin sa isla.

Gayunpaman, kahit magsisi-uwian na ang ibang mga dayuhang naririto sa isla matapos na ang Mahal na Araw, nakikinita naman ng Municipal Tourism Office o MTO na dadagsa pa rin ang mga turista ngayong Summer Season.

Batay sa ulat ng MTO, Chinese ang nangunguna ngayon sa bilang ng mga turista sa Boracay, na sinundan naman ng Koreans at Taiwanese.