YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 03, 2014

Mga law enforcers sa Boracay, namangha sa dami ng mga bakasyunista kagabi

Posted May 3, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay


Namangha sa dami ng mga local tourist kagabi ang mga law enforcers sa Boracay.

Halos mga bakasyunista kasi ang makikita sa kahabaan ng station 1 hanggang station 2 beach front.

Pinatindi rin ng kanilang tila walang kapagurang pagparoo’t parito ang daloy ng trapiko sa mainroad na nararamdaman parin hanggang ngayon.

Samantala, nagmistula namang ‘dance floor’ kagabi para sa mga turistang mahilig sumayaw ang malapad na dalampasigan dahil sa mababang tubig o low tide.

Kaugnay nito, sinabi ng mga taga Boracay PNP at MAP o Municipal Auxiliary Police na halos walang tulugan ang kanilang pagbabantay sa seguridad at pagpapatupad sa mga ordinansa sa isla katulad ng bawal na paninigarilyo, pagkain at pag-inom ng alak sa beach.

Base naman sa datos ng Caticlan Jetty Port, pumalo sa 10, 431 ang tourist arrival sa isla nitong May 1 o Labor Day dahil na rin sa long weekend na pawang mga local tourist.

RHU, nilinaw na walang kaso ng MERS-CoV sa Boracay

Posted May 3, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinawi ng RHU o Rural Health Unit ng Malay ang pangamba ng publiko laban sa bagong virus na Middle East Respiratory Syndrome (MERS-CoV).

Dahil dito agad namang nilinaw ng RHU na walang may kaso ng MERS-CoV sa Boracay sa kabila ng kumakalat na balitang baka mayroong may ganitong sakit sa isla dahil sa ibat-ibang taong pumapasok dito na mula sa ibat-ibang bansa.

Ayon kay Malay Health Education Promotion Officer Arbie Aspira, patuloy na naka-monitor ang kagawaran sa MERS kung saan nakalatag pa rin umano ang precautionary measures sa mga paliparan para tiyakin ang mahigpit na screening sa mga pasaherong galing sa ibang bansa.

Sa ngayon umano ay patuloy ang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) ukol sa bagong virus na kahalintulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).


Pinayuhan naman nito ang mamamayan na dapat huwag mag-panic dahil sa hindi umano totoo ang mga kumakalat na balita na baka may nakapasok ng may sakit na MERS-CoV sa probinsya at Boracay.

Dagdag pa ni Aspira dapat umanong maging malinis sa katawan at alamin ang mga mabisang proteksyon para hindi sila mahawa sa sakit na ito.

Isa rin aniya sa magandang paraan ay ang pagpapakunsulta sa doktor sa tuwing may masasamang nararamdaman sa sarili.

Napag-alaman na ang MERS-CoV ay maihahalintulad sa SARS dahil sa parehas na sintomas gaya ng lagnat, pag-ubo, pagkakaroon ng pneumonia at rashes.

“Color coding” ng mga tricycle unit sa Boracay pansamantalang tinanggal

Posted May 3, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pansamantalang tinanggal ang color coding ng mga tricycle unit sa isla ng Boracay dahil sa kakulangan ng masasakyan ng mga pasahero.
Ito’y matapos ang naging hiling ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) sa LGU Malay kahapon.

Isa sa mga naging dahilan kung bakit ni-rumble ang mga tricycke ay dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga turista sa Boracay.

Ilang mga empleyado rin sa isla ang nagpaabot ng kanilang pagkadismaya dahil sa natatagalan silang makasakay ng tricycle papunta sa kanilang pinapasukang trabaho.

Sa kabilang banda humingi naman ng dispensa ang LGU Malay sa mga turista at pasaherong na-stranded sa Cagban Port kahapon dahil sa kakulangan ng masasakyan.

Nabatid na ilang mga turista ang nadismaya tungkol sa nangyaring ito na ikinalungkot naman ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño.

Samantala, inaasahan naman ngayong week end ang pagdagsa ng maraming turista sa Boracay kasabay ng ng ibat-ibang event na isinasagawa sa isla.

Sa ngayon todo alerto parin ang mga otoridad sa ipanapatupad na seguridad sa Boracay lalo na sa batas trapiko at maging sa pagbabantay sa may masasang loob na nanamantala sa pagdagsa ng tao sa isla.

AKELCO, muling ipinaliwanag sa publiko ang power interruption sa Boracay

Posted May 3, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Muling ipinaliwanag ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ang manaka-nakang power interruption na nararanasan sa isla ng Boracay.

Ayon kay AKELCO Boracay Area Engr. Wayne Bucala, mayroon silang on-going at naka-program na paglilipat ng mga poste at pag-aayos ng mga linya ng kuryente sa isla, kung saan isa-isa nila itong ginagawa sa ngayon.

Kaugnay nito, hinimok rin ng AKELCO amg mga member consumers na magtipid sa paggamit ng kuryente.

Ito’y kasunod din ng kanilang apela sa mga malls, bangko, at iba pang malalaking establisemyento na limitahan ang paggamit ng aircon, refrigerator at iba pang appliances na kumukunsumo ng kuryente upang maiwasan ang pag-trip off ng Global Business Power Corporation (GBPC) Power Plant.

Ipinatupad kasi ng nasabing kooperatiba ang manual load dropping sa isinusuplay na kuryente mula sa Nabas (Aklan) ng GBPC.

Ayon sa AKELCO, limitado lang ang isinusuplay na kuryente ng GBPC simula pa nang maibalik ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Boracay.

Nilinaw din dito, na hindi sila ang nag-iiskedyul ng power shut down kungdi ang GBPC.

Kaugnay nito, humihingi rin ng paumanhin sa publiko ang AKELCO at sinisikap na magawan ng paraan ang manaka-nakang power interruption sa isla.

Mga atletang Aklanon, handa na para sa Palarong Pambansa bukas

Posted May 3, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Handa na ang nasa 20 atletang Aklanon na magdadala sa Western Visayas Region sa 2014 Palarong Pambansa na gaganapin sa Mayo 4-10 sa Sta. Cruz, Laguna.

Ayon kay DepEd Aklan Education Program Supervisor I Mary Ann Lopez, 11 mga estudyante sa elementary ang pambato sa swimming, tennis, basketball, athletics, taekwondo at chess events.

Habang siyam naman ang pambato sa sekondarya sa arnis, boxing, athletics at chess events.

Samantala, nabatid naman sa pahayag ng Laguna Governor ER Ejercito na isang taon nilang pinaghandaan ang anya'y Olympics ng Pilipinas.

Nasa lalawigan naman ang 11,200 atleta at 1,200 technical officials mula sa 80 probinsya sa 17 rehiyon.

Nakaayos na rin umano rito ang lahat sa quarters o tutuluyan ng mga ito, maging ang Sports Complex sa Sta. Cruz at iba pang paggaganapan ng mga laro.

Magtatalaga rin ng mga pulis at barangay tanod sa lugar upang matiyak ang seguridad ng libo-libong atleta.

Aklan Governor Miraflores, ikinatuwa ang improvement ng Kalibo International Airport

Posted May 3, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ni Aklan Governor Florencio Miraflores ang improvement ng Kalibo International Airport (KIA).

Ayon kay Miraflores siniguro umano ng national governmentsa pamamagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC), ang full development ng KIA.

Aniya, nangako umano si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya na bibilisan nila ang improvement ng KIA para maging premier gateway ng bansa.

Nabatid na nais ring baguhin at i-upgrade ang mga pasilidad sa nasabing paliparan dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga turista at ang demand ng air traffic cargo.

Pinapayagan din umano nila ang Kalibo Airport na mag-accommodate ng maraming direct at chartered regional flights para makipag-kumpitisyon sa ibang airports sa Southwest Asia.

Sa ngayong patuloy parin ang ginagawang pagpapalawak ng runway ng nasabing paliparan para mapaghandaan ang mga susunod na International flights.

Napag-alaman rin na ang Kalibo International Airports ay nagki-cater ng pinakamaraming number ng International flights sa Western Visayas dahil sa ang Aklan ay isang primetime destination sa pamamamgitan ng isla ng Boracay.

LGU Malay, humingi ng dispensa sa mga na-stranded na mga turista at pasahero sa Cagban Port kahapon

Posted May 3, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Humingi ngayon ng dispensa ang LGU Malay sa mga turista at pasaherong nastranded kahapon sa Cagban Port.

Sinabi ni BICOO o Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño na hindi na sana maulit ang nangyari kahapon para maenjoy ng mga turista ang kanilang pagpunta sa Boracay.

Nakakapikon nga naman umano kasi na tila gumastos para pumunta ng Boracay ang isang turista, para lang mangunsumi sa transportasyon.

Samantala, nangako din ang administrador na kanilang iimbistigahan ang nangyari kahapon sa Cagban Port na ikinadismaya ng mga turista at pasahero.

Brgy. Sambiray, muling nasungkit ang pagiging kampeon sa 11th Fiesta de Obreros Competition

Posted May 3, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Muling nasungkit sa pangalawang pagkakataon ng Brgy. Sambiray ang pagiging kampeon sa ginanap na ground presentation sa 11th Fiesta de Obreros kahapon.

Agaw atraksyon ang makukulay at malalaking props ng nabanggit na grupo ng Sambiray kung kaya’t nakuha rin ng mga ito ang ilang minor awards katulad ng Best in Costume at Best in Best in Production Design, habang ang Brgy. Cubay Sur ay nanalo bilang best in chorography.

Nasikwat naman ng Baranggay Caticlan ang pagiging Champion sa street dancing competition, 1nd runner-up ang Sambiray at 2nd runner-up ang Cubay Sur.

Habang sa ginanap na ground presentation kahapon ng hapon napunta ang 2nd runner-up sa Baranggay Caticlan, 1nd runner-up ang Brgy. Cubay Sur at ang muling kampeon na Brgy. Sambiray.

Mainit naman ang labanan mula sa 17 mga kalahok dahil sa pabunggahan ng costume at props na ginamit maging ang kanilang pagsasayaw.

Naging atraksyon ang Fiesta de Obreros Street Dancing Competition at ground presentation kahapon kasabay ng pagselebra ng Araw ng Manggagawa o Labor Day sa pagbigay pugay sa patron na si St. Joseph the Worker.

Ito’y pinasinayaan at dinaluhan ng ilang government officials sa Aklan at ng lahat ng empleyado at opisyales sa bayan ng Malay.

Samantala, hinamon naman ni Aklan DepEd Program Supervisor Michael Rapiz si Malay mayor John P. Yap na isali sa susunod na Aliwan Festival ang Fiesta De Obreros.

Friday, May 02, 2014

Ilang umiihing boatmen sa Boracay at Caticlan, pinuna ng mga nakakitang pasahero

Posted May 2, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Atensyon sa mga boatmen na mahilig umihi sa dagat.

Muling ipinabatid ng Philippine Coast Guard (PCG) na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-ihi sa dagat.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla, ito’y bahagi parin ng ipinapatupad ng pamahalaan na “environmental protection program” na iwasan ang polusyon sa isang lugar.

Subalit, paglilinaw din ni Sulla na ang pag-ihi sa dagat ng mga boatmen ay ma-iikonsedera ring depende sa sitwasyon.

Ibig sabihin, kung masakit na umano ang tyan sa kakapigil ay maaari naman silang umihi subalit huwag namang magpakita sa taong nandodoon sa lugar.

Nabatid kasi sa ilang mga pasahero, na nakakahiya at nakikita ng ilang mga bakasyunista at dayuhang turista ang ilan sa mga boatmen na umiihi sa dagat.

Samantala, saad pa ni Sulla na kasama ang lokal na pamahalaan ay kailangan rin na pag-usapan ang ganitong isyu at kung ano ang mga posibleng solusyon rito.

Katulad na lang umano kasi ng mga motor banca na ginagamit sa transportasyon sa Boracay at Caticlan na walang Comfort Room (CR) ay hindi maiiwasan na mapa-ihi ang ilan sa mga boatmen o pasahero man lalo na kapag nagbabyahe na sa dagat.

3 souvenir shops sa Boracay, nabiktima ng pekeng pera; Isa sa mga suspek, huli

Posted May 2, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Huli ang isa sa mga suspek sa umano’y paggamit ng mga pekeng pera kung saan tatlong mga souvenir shops sa Boracay ang nabiktima.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang isa sa mga suspek na si Nassief Rominnimbang, 26 anyos ng Taguig City.

Ayon sa imbestigasyon, unang nagpa-record sa kapulisan kahapon ng mga alas tres ng hapon ang isa sa mga biktima matapos na bumili sa kanya ang isang lalaki ng T-shirt gamit ang isang libong piso.

Subalit huli na nang malaman ng souvenir vendor na peke pala ang pera nito.

Sa kabilang banda, sunod namang nag-report sa Boracay PNP bandang alas kwatro ng hapon ang isa pang souvenir vendor na binilhan din umano ng sarong at nagbayad ang hindi kilalang lalaki ng pekeng isang libong piso.

Sa huli, na-tyempuhan ang lalaking si Nassief nang bumili ito ng necklace gamit rin ang pekeng isang libong piso na agad namang naaresto.

Samantala, nabatid na may mga kasamahan pa ang suspek na patuloy paring tinutugis sa ngayon ng kapulisan.

Kasaluyan namang nasa kustodiya ng Boracay PNP Station ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury of bank Notes.

LGU Malay, nanindigang hindi tatanggalin ang color coding sa mga tricycle sa Boracay

Posted May 2, 2014 as of 12:00nn
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi tatanggalin ang color coding sa mga tricycle ng Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC).

Ito ang paninindigan ng LGU Malay kaugnay sa nangyaring pagka-stranded ng mga turista kahapon ng hapon sa Cagban Jetty Port.

Ayon kay Boracay Chief Operations Officer Glenn Sacapaño, dapat i-monitor ng BLTMPC ang tourist arrival kagaya ng ginagawa ng Caticlan Boracay Transport Multi-purpose Cooperative (CBTMPC) kung saan binabantayan nila ang dami ng mga turista o pasaherong dumarating sa pantalan.

Ayon pa kay Sacapaño, dapat ding tutukan ng BLTMPC ang problema nila sa kanilang mga traysikel at multicab na ginawa na umano nilang ‘For Rent’.

Samantala, sinabi pa ni Sacapaño na hindi dapat na ibinabalik ng BLTMPC ang problema sa LGU Malay, dahil sila sa kooperatiba ang pinagkatiwalaan ng publiko.

Nabatid na kasabay ng Labor Day kahapon kung saan dumagsa ang mga deboto ni St.Joseph the Worker dahil sa Fiesta de Obreros sa bayan ng Malay, ang pagka stranded naman ng mahigit dalawang daang turista sa Cagban Port kahapon  na isinisi naman ng publiko sa umano’y kakulangan ng mga traysikel.

(Update) Nahulog na sasakyan kahapon sa Libertad Nabas, Aklan, nakuha na sa bangin

Posted May 2, 2014 as of 7:00am
Ni Bert Dalida, Yes FM Boracay

Nakuha na mula sa bangin ang nahulog na sasakyan kahapon sa Libertad Nabas, Aklan.

Ayon kay Nabas PNP spokesman SPO4 Crispin Calzado, isang crane ng EEI Corporation ang kumuha sa Mitsubishi Fuso na minamaneho ni Peter Paul Palma 46 anyos ng Lapaz, Iloilo, drayber na nasawi sa nangyaring insidente kahapon ng umaga.

Ayon pa kay SPO4 Calzado, hindi na mapakinabangan ang sasakyan dahil sa pinsala nito matapos mahulog.

Samantala, maaalalang patay on the spot si Palma at si Arnel Epilepcia 25 anyos ng Buenavista, Guimaras, habang sugatan din ang dalawa pa nilang kasama na sina Rey-an Terible, at Elmar Prudente na pawang residente rin ng Lapaz, Iloilo dahil sa nasabing insidente.

Nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho si Palma matapos magkaproblema ang preno ng kanilang sasakyan, kung kaya’t bumangga ito sa poste ng Globe Telecom doon, bumaligtad at nahulog sa tinatayang 10-15 talampakang bangin.

Nabatid na galing sa bayan ng Kalibo ang mga biktima na may kargang mga assorted grocery papuntang Caticlan.

Technician sa Boracay, timbog sa buy bust operation kagabi

Posted May 2, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Timbog sa ikinasang buy bust operation kagabi sa So. Tambisaan Manoc-manoc Boracay ang isang technician.

Sa isinagawang operasyon ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations task Group (PAIDSOTG) ng Aklan Police Provincial Office (APPO) at boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nasabat mula sa suspek na si alyas “Toto” ng Bacolod City ang tatlong sachet ng shabu, gayundin din ang isa pang sachet ng shabu mula sa poseur-buyer, isang libong pisong marked money at isang cellphone na naglalaman ng mga illegal drug transactions.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Boracay PNP Station ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o An Act Instituting The Comprehensive Dangerous Drugs Act Of 2002.

Thursday, May 01, 2014

Aksidente sa Libertad Nabas, Aklan kaninang umaga, nag-iwan ng dalawang patay at dalawang sugatan

Posted May 1, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dalawa agad ang patay at dalawa ang sugatan sa aksidente sa Libertad, Nabas, kaninang umaga.

Kinilala ng Nabas PNP station ang mga nasawi na sina Peter Paul Palma, 46 anyos ng Lapaz, Iloilo City, Arnel Epilepcia 25 anyos ng Buenavista, Guimaras at ang nasugatang sina Rey-an Terible 29 anyos, at Elmar Prudente 20 anyos ng Lapaz, Iloilo City.

Ayon kay Nabas PNP spokesman SPO4 Crispin Calzado, nagkaproblema umano sa preno ang minamanehong sasakyan ni Peter Palma, kung kaya’t nawalan ito ng kontrol sa kanyang pagmamaneho.

Umeslayd din umano ang sasakyan at bumangga sa poste ng Globe Telecom doon, bumaligtad at nahulog sa bangin.

Samantala, kaagad namang dinala sa pinakamalapit na pagamutan sina Rey-an Terible, at Elmar Prudente.

Nabatid na galing sa bayan ng Kalibo papuntang Caticlan ang mga biktima nang mangyari ang insidente. 

Mahigit dalawang daang turista sa Cagban Port, na-stranded kaninang hapon

Posted May 1, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

May mga nagpapahid ng pawis at may pumapaypay sa sarili dahil sa init.

May mga halatang pagod, nababagot at naiinis habang binabantayan ang mga bagahe.

Nanatiling kampante ang iba sa kanilang pila, habang pinili naman ng iba na lumabas sa port at maghanap sa mainroad ng masasakyan.

Ito ang iba’t-ibang eksena at reaksyon kanina mula sa mahigit dalawang daang turista na dumating sa Cagban Port bandang alas 2: 00 nitong hapon.

Na-stranded kasi ang mga ito sa kakahintay ng masasakyan.

Ikinagulat din maging ng mga taga Cagban Police Station ang dami ng mga pasaherong nakatambay doon na pawang mga turista.

Ayon sa ilang mga drayber, porter, at maging sa mga taga Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC).

Kulang ang mga traysikel na nakapila doon sa pantalan dahilan upang humaba ang pila ng mga pasahero na umabot ng halos isang oras.

Samantala, kaagad namang nagpadala ng mga multicab ang BLTMPC upang maisakay ang mga nasabing pasahero.

Bakasyunista sa Boracay, binangga ng tricycle; Suspek na driver, ikinustodiya sa Boracay PNP

Posted May 1, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasa kustodiya pa rin sa ngayon ng Boracay PNP Station ang driver na nakabangga ng isang baksyunista kahapon ng umaga sa Boracay.

Nabatid sa report ng Boracay PNP na naghihintay ng motorsiklong nagpagasolina sa So. Pinaungon Balabag Boracay ang biktimang si Teofilo James Reyes, 20 anyos ng Makati City nang mabangga ng tricycle na minamaneho ng suspek na si Randy Masula, 23 anyos ng Pudiot Tangalan Aklan.

Kaagad namang isinugod sa Boracay Hospital si Reyes dahil sa tinamo nitong galos at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Samantala, nasa impluwensiya umano ng alak ang nasabing driver nang mangyari ang insidente.

Mga Malaynon, nagsasaya ngayong araw sa “Fiesta de Obreros”

Posted May 1, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tampok ngayong araw ang iba’t-ibang kulay at cultural diversity sa kapistahan 11th Fiesta De Obreros sa bayan ng Malay.

Kaya’t kaugnay sa masayang pagdiriwang ng mga Malaynon, todo bantay rin ang mga kasapi ng Malay PNP Station para sa seguridad ng mga mamamayan na makikibahagi sa aktibidad.

Tuloy-tuloy na rin kasi ang pagdagsa ng ilang mga bisita na nais sumaksi at makibahagi sa nasabing selebrasyon.

Ilan sa mga inaabangang aktibidad rito ang street dancing at ground presentation ng iba’t-ibang lugar sa bayan ng Malay.

Kabilang sa mga pinaglalabanan ng mga contestants ang Best in Choreography, Best in Music, Best in Production Design, Best in Costume at Best in Street Dancing.

Samantala, kilala namang ipinagdidiwang ang kapistahan kasabay ng Araw ng Manggagawa o Labor Day bilang pagbibigay pugay sa kanilang patron na si St. Joseph the Worker.

Tema naman sa nasabing kapistahan “Ang himpit nga Pagtuo, Sinsero nga pagtrabaho-Daean sa pagprogreso.