YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 21, 2015

Lalaking may problema sa pag-iisip, agaw eksina sa Kalibo International Airport

Posted February 21, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for kalibo international airportIsang lalaking may problema sa pag-iisip ang sinita ng Aviation security personnel ng Kalibo International Airport (KIA) matapos umano itong gustong makakuha ng libreng ticket sa eroplano.

Ito ay kinilalang si Manolo Sonio, 39-anyos na pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip na agad namang itinurn-over sa Kalibo police station.

Ayon naman sa mga security personnel na sumita rito, nagpakilala umano itong empleyado ng MalacaƱang ngunit bigo namang makapagbigay ng identification card at ticket.

Base sa imbestigasyon ng mga otoridad residente ng Bocaue, Bulacan ang nasabing lalaki at may pamilya naman sa bayan ng Balete, Aklan.

Nabatid na ito na ang ikatlong pagkakataon na pinasok ng may problema sa pag-iisip ang bisinidad ng Kalibo International Airport.

Napag-alaman na isa rito ay nitong nakaraang buwan, kung saan isang babae ang naka lipad papuntang Korea na walang ticket ngunit agad namang pinabalik ng Korean Airport Authorities matapos mapag-alamang walang anu mang travel documents.

Nito ring mga nakaraang linggo ay ginulat din ng isang babae ang airport security personnel matapos na maispatan na naglalakad sa runway ng nasabing paliparan kung saan dahil sa mga insidenteng ito ay na-relieved si dating Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Kalibo Manager Cynthia Aspera.

Pagpapaunlad ng Manoc-Manoc Port, muling tinalakay sa SP Aklan

Posted February 21, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for cagban portMuling tinalakay sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang pagpapaunlad sa Cagban Port sa Manoc-Manoc Boracay.

Kaugnay nito, sa ginanap na 6th SP Regular Session, nakatakdang ipatawag ng mataas na konseho sa probinsya sina PPD Coordinator Roger Esto at Jetty Port Adminitrator Niven Maquirang para sa isang pagpupulong.

Pero bago pa man ma-iskedyul ang naturang pagpupulong, sinabi sa sesyon ng SP na kailangan munang makumpleto ang mga isusumiteng dokumento kaugnay ng Foreshore Lease Agreement o Special Forest Landuse Agreement kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nabatid naman na malaki ang inaasahang pagbabago sa Cagban Port dahil sa magiging organisado na umano ang mga bangkang bumibiyahe gayundin ang mga private boat at ang daungan ng cruise ship na pumupunta sa isla ng Boracay.

Samantala, maging ang mga tricycle at tourist van sa loob ng pantalan ay magiging organisado na rin kabilang na ang paglalagay ng isang building para sa mga pasahero.

Gov. Miraflores, nakipagtulungan sa DOTC para mag-purchase ng pontoon sa Cagban Port

Posted February 21, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for pontoonNagkaroon umano ng pag-uusap sa pagitan ni Aklan Governor Joeben Miraflores at Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang.

Ito ang sinabi ni Maquirang sa kanyang pagdalo sa Sangguniang Bayan (SB) Session sa Malay nitong nakaraang linggo.

Sinabi umano sa kanyang ng Gobernador na hihilingin nito sa Department of Transportation and Communication (DOTC) na mag-purchase ng Pontoon sa Cagban Jetty Port.

Bagamat medyo may kamahalaan umano ito kung saan ang 100-meter pontoon at 6 meters wide ay nagkakahalaga ng 18 Million Pesos na lalagyan ng canopy at railings.

Ayon pa kay Maquirang wala umanong sapat na pondo dito ang probinsya kung kayat makikipagtulungan nalang sila sa DOTC.

Samantala, sinigurado naman ni Governor Miraflores na mapapabilis nila ang pagbili ng Pontoon sa pagitan ng DOTC kung saan inaasahan umano nila itong darating ngayong buwan ng Marso o Abril.

Nabatid na ang Pontoon ang siyang nakikitang solusyon ng gobyerno ng Aklan para maibsan ang may kahinaang operasyon ng mga bangka sa Cagban Jetty Port lalo na sa tuwing low tide.

Friday, February 20, 2015

BFP ikinatuwa ang mapayapang pagsalubong ng Chinese New Year sa Boracay

Posted February 20, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for chinese new yearIkinatuwa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagsalubong ng Chinese New Year sa isla ng Boracay.

Ito’y dahil sa walang nangyaring sunog tulad ng nakaraang taon at naging mapayapa sa pangkalahatan ang ginanap na selebrasyon.

Ayon kay BFP Chief Fire Inspector Stephen Jardeleza, maliban sa monitoring at pagpapakalat ng visibility patrol sa front beach, masusi din nilang ininspeksyon ang magkakaroon ng mga fireworks display bago at sa oras ng selebrasyon.

Samantala, sinabi naman ni Jardeleza na dalawa ang kanilang naitala na hindi sumunod sa proseso, kung saan nagpaputok ng fireworks nang walang kaukulang clearance mula sa BFP.

Wanted sa pagnanakaw-pagtaga sa Numancia Aklan, huli

Posted February 20, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naaresto na ng pulisya ang suspek sa nangyaring pagnanakaw at pagtaga sa bayan ng Numancia Aklan.

Ayon kay Numancia PNP Chief Police Inspector Willian Aguirre, nahuli ang suspek na si Glen Mier alyas “bungal/killer” Rogan Merano, 19, ng Sitio Guindagaan, Badiangan, Banga, Aklan sa isang sabungan sa Romblon.

Anya, isinagawa ang operasyon sa Barangay Lanas, San Jose Romblon habang nakikipagpustahan pa umano ang suspek doon at umiinom ng alak.

Ayon kay Aguirre, una na silang nagsagawa ng manhunt operation sa Caticlan Malay nang mapag-alaman na doon nagtatago ang suspek.

Subalit, mabilis umano itong nakatunog sa mga operatiba at kaagad na nakapuslit.

Pero bago pa umano ito tumungo ng Romblon, ay pinagnakawan nya muna ang isang bahay sa Nabas Aklan, kung saan dito din umano sya kumain at naligo.

Ani Aguirre, nag-arkila ng bangka ang suspek papuntang Romblon nang malaman na nakaalerto na rin ang mga pulis ng Boracay PNP Station.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng mga pulis na nagpakilalang Jayson Yap ang suspek, nakapag-aral di umano sa La Salle University at anak ng isang doctor at military.

Samantala, narekober naman mula sa rito  ang iba’t-ibang mga gadget, alahas at pera.

Dagdag pa ni Aguirre, maaari ding kasuhan ang mga di umano’y nagkanlong sa suspek, matapos umamin sa huli ang mga ito na matagal na nilang kilala ang suspek at nakikinabang din sila sa mga ninanakaw nito.

Nabatid na ika-13 ng Pebrero nang pagnakawan at tagain ni “Merano” ang isang 85-anyos na lola at apo nito sa Laguinbanua East Numancia Aklan.

Illegal komisyoner, tour guides, at vendors, patuloy ang pakikipag-hide and seek sa mga law enforcers

Posted February 20, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for hide and seekPatuloy parin ang pakikipag-‘hide and seek’ ng mga illegal komisyoners, tour guides, at vendors sa mga law enforcers.

Sa kabila ito ng mahigpit na pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 181, S. 2002 sa vegetation area at long beach ng Boracay.

Sa unang araw palang ng ikinasang clearing operation ng Boracay PNP at Boracay Task Group Philippine Army, dismayado na ang mga law enforcers dahil sa pagiging pasaway ng mga commissioners at tour guide.

Ayon sa ilang taga Boracay PNP, kaagad at lantarang nang-aalok sa mga turista ang mga komisyoner kahit hindi pa sila nakakalayo.

Mistula namang naglalaro ng tagu-taguan ang ilan sa mga ito dahil binabantayan lamang nila ang pagdaan ang mga MAP o Municipal Auxiliary Police at saka muling babalik sa pang-aalok.

Dahil dito, tahasang sinabi ng ilang komisyoner at vendors na mataas na ang isang linggo sa nasabing clearing operation at implementasyon.

Samantala, maliban sa pagkompiska ng mga brochures at marketing materials ng mga komisyoners, nabatid na nagbabala na rin ang mga law enforcers sa mga tinaguriang ‘pasaway sa baybay’na mananagot sila sa batas kapag ipinagpatuloy pa nila ang kanilang gawain.

Magugunita namang hinigpitan ng LGU Malay ang pagpapatupad sa nasabing ordinansa dahil sa mga reklamo nilang natatanggap mula sa mga turista katulad ng estafa at panloloko sa kanila ng mga illegal tour guide at komisyoner.

Sekyu na may warrant of arrest sa kasong grave coercion, arestado sa Boracay

Posted February 20, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Arestado kahapon ng hapon sa Balabag Boracay ang isang sekyu sa kasong Grave Coercion.

Ayon sa report ng mga pulis, inaresto ang akusado na si Cesar Velarde, 40 anyos ng Cabanatuan Iloilo sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Grave Coercion sa ilalim ng Article 286 of the Revised Penal Code.

Ang nasabing kautusan ay inisyu sa 5th Municipal Circuit Trial Court, 6th Judicial Region ng Buruanga-Malay, Buruanga, Aklan nitong nakaraang ika-14 ng Enero.

Samantala, nabatid na maaari namang magpyansa si “Velarde” sa halagang 12 mil pesos para sa pansamantala nitong kalayaan.

Mga hindi presentableng tricycle driver sa Boracay maaring maharap sa violation

Posted February 20, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maaaring maharap sa ibat-ibang violation ang mga tricycle driver sa Malay lalo na sa isla ng Boracay sakaling hindi ang mga ito maging presentable sa oras ng kanilang pamamasada.

Ito ang napag-usapan sa Sangguniang Bayan ng Malay nitong nakaraang Martes kung saan sinabi ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre na kailangan maging presentable ang mga nasabing driver para sa kanilang mga pasahero.

Kailangan din umano ng mga ito na maging will groom at polite upang ng sa ganon ay ma-satisfied ang mga pasahero hindi lang sa kanilang serbisyo kundi maging sa kanilang appearance.

Napag-alaman na mahigpit ding ipinagbabawal sa mga driver ang hindi pagsuot ng kanilang uniporme sa oras ng kanilang pamamasada.

Nabatid na nagkaroon ng enhancement seminar ang mga tricycle driver sa Boracay sa pamamagitan ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) at Department of Tourism (DOT) para dito.

Thursday, February 19, 2015

Pagdiriwang ng Chinese New Year sa Boracay naging matiwasay

Posted February 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naging matiwasay ang pagsalubong ng mga turista ng Chinese New Year sa isla ng Boracay kaninang madaling araw.

Ito’y sa kabila ng ginawang pagbabantay ng mga pulis para sa seguridad ng mga turista lalo na sa beach area kung saan dagsa ang maraming tao.

Wala namang naitalang insidente ang Boracay PNP na may kaugnayan sa nasabing okasyon kung saan masaya naman itong sinalubong ng mga Chinese at Taiwanese Tourist sa isla maging ng ibang lahi.

Katunayan nakisaya ang mga nasabing turista sa ibat-ibang pakulo ng mga restaurant sa beach front kung saan naghain ang mga ito ng mga pampaswerting pagkain.

Isa pa sa mga inabangan ng mga turista kagabe ay ang mga naggagandahang fireworks display na handog ng ilang business establishment sa Boracay.

Samantala, inaasahan naman mamayang gabe ang kaliwat kanang selebrasyon sa Boracay para sa pagdiriwang ng Chinese New Year kung saan ilang pang fireworks display ang inihanda para dito.

Koleksyon ng buwis sa Aklan, tumaas ng 14% - BIR

Posted February 19, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for tax collectionsIpinagmamalaking sinabi ni District Officer Eralen De Aro na tumaas ang kanilang kolesyon sa buwis sa probinsya ng Aklan ng 14%.

Anya, batay sa pagtala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District No. 71 nagawa ng Aklan na makakolekta ng kabuuang P1,220,452,576.54 sa buwis, mas mataas ng 14% sa taong 2013.

Dahil dito, pumangalawa din umano ang Aklan sa may mga nakolektang mataas na buwis sa Panay Island.

Sinabi din nito na kaya nakamit ang nasabing resulta ay dahil na rin sa pinag-isang pagsusumikap ng parehong pampubliko at pribadong sektor na lubos na naka-ambag na maabot ang target ng koleksyon.

Samantala, pinayuhan naman ni De Aro ang mga taxpayers maliban sa mga nasa barangay na gamitin ang eBIR forms, eSubmission at eFPS sa pag-file.

Itong makabagong sistema anya ay magiging kapaki-pakinabang sa BIR at pati na rin sa mga nagbabayad ng buwis.

Paalala din nito sa lahat ng mga nagbabayad ng buwis na mag-file na ng kanilang 2014 income tax returns nang maaga upang maiwasan ang paghahabulan sa deadline na itinakda sa April 15, 2015.

Matagumpay na mobile blood donation drive, ikinatuwa ng PRC Boracay-Malay Chapter

Posted February 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter ang kanilang matagumpay na mobile blood donation drive nitong Martes na ginanap sa Boracay Regency Beach Resort.

Ayon kay PRC Boracay-Malay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger, nakapagtala sila ng 74 na blood successful donors sa loob ng isang araw, kung saan dinaluhan ito ng ibat-ibang private agencies sa Boracay at ng mga nagtratrabaho sa isla.

Nanguna umano rito ang mga empleyado ng Boracay Regency Beach Resort, KABALIKAT CIVICOM, Boracay PNP, Philippine Army at Red Cross employees.

Nabatid na ang mobile blood donation drive ay taon-taong ginagawa ng PRC Boracay-Malay Chapter sa pakikipagtulangan sa nasabing resort.

Maliban dito may iba pang blood donation program ang Red Cross na isinagasawa sa ibat-ibang lugar sa bayan ng Malay para sa kanilang patuloy na layunin na makaipon ng dugo para sa mga nangangailangan.

BFP Boracay, magsasagawa ng fireworks inspection ngayong araw

Posted February 19, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for fireworks in boracayMagsasagawa ngayong araw ng fireworks inspection ang Bureau of Fire Protection Unit (BFPU) kaugnay ng selebrasyon ng Chinese New Year sa isla ng Boracay.

Ayon kay BFPU Chief Fire Inspector Stephen Jardeleza, ang pagsasagawa ng inspection ay alinsunod sa Fire Code, kung saan kinakailangan na kumuha muna ng clearance mula sa BFP ang mga magpapaputok ng fireworks.

Anya, ito’y upang masiguro na ligtas ang gagamiting fireworks at maiwasan ang magiging sanhi ng sunog.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Jardeleza na may nagpaputok di umano ng fireworks kagabi nang hindi kumuha sa kanila ng clearance kaya nakatakda nilang sulatan ito ngayon.

Samantala, nabatid na isa naman ang kumuha ng clearance sa kanilang opisina ngayong araw para sa pagpapaputok ng fireworks mamayang gabi.

Boracay Salaam Police Volunteer, ire-reactivate para sa APEC 2015

Posted February 19, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Photo Credit by BTAC
Nakatakdang i-reactivate ang puwersa ng Boracay Salaam Police Volunteer para sa APEC 2015.

Ayon kay PO3 Christopher Mendoza ng BTAC-PCR o Police Community Relations, direktiba umano ito mula sa kanilang higher headquarters dahil maaaring mangailangan ng interpreters para sa mga APEC delegates mula sa mga Muslim Countries katulad ng Malaysia at Indonesia.

Maliban dito, halos limang taon na ring nawala ang Salaam Police nang umupo bilang hepe ng Boracay PNP si P/Supt. Rolando Vilar kung kaya’t napapanahon na ring i-reactivate ang nasabing grupo.

Samantala, nilinaw naman ni Mendoza na walang kinalaman sa clearing operation laban sa mga illegal vendos, commissioners, at tour guides ang pagre-reactivate ng mga Salaam Police sa isla.

Hindi rin umano sila bibigyan ng baril katulad ng mga MAP o Municipal Auxiliary Police.

Magugunita namang binuo ang Salaam Police upang makatulong sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa Boracay sa pamamagitan ng pagharap sa kanilang mga kapwa Muslim sa isla.

Mga swimming pool sa Boracay nire-required na magtalaga ng dalawang lifeguards

Posted February 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Puspusan ngayon ang ginagawang pagsasanay sa mga empleyado ng Philippine Red Cross o PRC-Boracay-Malay Chapter sa mga nais maging isang lifeguard.

Ito ang sinabi ni Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger sa ginanap na SB Session ng Malay nitong Martes kung saan isa siya sa mga naging bisita rito.

Sinabi nito na kinakailangang ang lahat ng swimming pool sa isla ng Boracay ay mayroong nakatalagang dalawang lifeguard para sa kapakanan ng mga naliligo kung kayat isa sila sa mga nagsasanay para dito.

Ang kautusan umanong ito ay mula sa Department of Health (DOH) sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Tourism (DOT) na matagal na ring ginagawa sa ibang lugar.

Samantala, libre umano nilang sinasanay ang mga nasabing lifeguard sa loob ng anim na buwan at limang araw naman sa commercial na hindi employed sa Red Cross.

Nabatid na ang lahat ng mga sinanay na maging lifeguard ay kailangan munang magserbisyo sa isla ng Boracay sa loob ng dalawang taon bago sila maghanap ng ibang mapapasukan o kaparehong trabaho sa ibang lugar.

Babaeng Russian national, ninakawan sa isang bar; suspek, kalaboso

Posted February 19, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for police blotterKalaboso ang isang lalaki sa Boracay matapos na pinagnakawan ang isang babaeng Russian national kagabi.

Ayon sa blotter report ng BTAC, “inflagrante delicto” o huli sa akto ang suspek na si Mark Anthony Castillo na dinikwat ang cellphone ng turista sa loob ng isang bar sa Manoc-Manoc Boracay.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, nakita ng biktimang si Kseniia Loshchilova, 25 anyos na kinuha ng suspek ang kanyang Sony Experia Z na cellphone sa bag at kaagad na itinakbo.

Subalit hindi nagtagumpay ang suspek dahil sa naalerto na rin ang iba pang mga staff doon at sekyu nang magsisigaw ang biktima at hinabol ito hanggang sa maabutan.

Samantala, matapos na e-turnover sa BTAC, nanatili pa rin ngayon sa lock-up cell ng nasabing himpilan ang suspek.

Wednesday, February 18, 2015

Caticlan Jetty Port, iginiit na walang binago sa kanilang polisiya hinggil sa ID System

Posted February 18, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for caticlan jettyportIginiit ng pamunuan ng Caticlan Jetty Port na walang binago sa kanilang polisiya hinggil sa I.D System.

Kaugnay ito sa reklamo ng isang babae nitong nakaraang linggo na pina-fill up umano ng kung anong dokumento para payagang makabalik sa isla.

Mistula umano kasing wa-epek na ang ipinakita niyang Barangay ID kung kaya’t iginiit niyang isa siyang residente ng Boracay.

Ayon kay Special Operations Officer III Jean Pontero, malaya paring makakasakay ang mga Aklanon at Boracay resident sa pumpboat patawid sa isla ng Boracay nang hindi sinisingil ng terminal fee.

Kaugnay nito, meron umano silang “complaint desk”, kung saan maaaring mag-iwan ng kanilang mga reklamo ang isang pasahero tungkol sa pamamalakad ng nasabing terminal kapag wala ang mataas na opisyal sa nasabing opisina.

Samantala, nagpapasalamat si Pontero sa tatlong mga barangay sa Boracay dahil sa pag-isyu ng Barangay I.D, kung saan isa umano ito sa mga madaling paraan upang mapatunayan na isang Aklanon ang dumadaan sa nasabing terminal.

Kalibo Airport Manager Cynthia Aspera sinibak sa pwesto dahil sa security breach; 4 pa, suspendido

Posted February 18, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for command responsibilityPinatotohanan mismo ni CAAP Area Manager Engr. Percy Malonesio na sinibak na nga sa pwesto si Kalibo Airport Manager Cynthia Aspera dahil sa “command responsibility” kaugnay sa nangyaring security breach nitong nakaraang buwan.

Ayon kay Malonesio, ika-20 ng Pebrero nang inilabas ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General William Hotchkiss III ang nasabing desisyon.

Anya, nag-ugat ang pagkakatanggal ni Aspera nang makalusot ang isang babaeng may diperensiya sa pag-iisip at nakapunta sa Incheon, South Korea.

Maliban dito, suspendido ng isang buwan ang dalawang Security Personnel na sina Joel Itulid at Arnold Barreda, gayundin ang dalawang Terminal Fee Inspector na sina Kenny Afable at Irene Andrade.

Sinabi ni Malonesio na isang team ng CAAP Main Office ang nagsagawa ng imbestigasyon sa Kalibo International Airport (KIA) kung bakit nakapuslit ang 35 anyos na babae ng Patnongon, Antique nang walang anumang kaukulang dokumento.

Samantala, nabatid na muli namang ibabalik si Aspera sa Roxas Airport, kung saan papalit naman sa kanya sa KIA si Martin Terre.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang isinasagawang sariling imbestigasyon ng Philippine Airlines (PAL) tungkol sa nasabing pangyayari.