Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Matapos ang Pasko at pormal nang pailawin ang mga Streetlights sa Boracay makaraang batikusin ito ng publiko dahil matagal bago mapa-ilaw.
Ilang araw palang ang nakakalipas, sa ngayon may ilang poste ng street lights na ito ang hindi nanaman umiilaw.
Kung saan, may bahagi ng street lights na ito partikular sa Station 1 ay hindi nanaman gumagana ngayon sa kabila ng ginawang pagkukumpuni dito nitong nagdaang buwan ng Disyembre.
Subalit sa panayam kay Island Administrator Glenn Sacapaño kaugnay sa usaping ito, sinabi nito na ipagbibigay alam niya ang bagay na ito sa Engineering Department ng LGU Malay para maayos habang maaga pa.
Samantala, aminado naman ang naturang administrador na may ilang bahagi talaga ng streetlights na ito ang hindi pa napapa-ilaw, at tinukoy nito na ang sa harap ng Don Ciriaco Tirol Hospital ay hindi pa naman talaga iyon napapa-ilaw sapagkat may dapat pang-ayusin.
Ngunit sa kawalan ng ilaw ng ilang poste, may mga panahon ding buong araw umiilaw ang mga streetlights na ito kahit nakatirik na ang araw.
Matatandaang, bago ang Pasko ay pinailaw na ang street lights na ito, at naglaan na rin ng pondo ang lokal na pamahalaan ng Malay para sa buwanang bayarin sa kuryente.