YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, August 11, 2017

Beach Guard at Life Guard sa Boracay, pinulong ni Mayor Cawaling

Posted August 11, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Photo Credit: MDRRMC MALAY
Pinulong ni Malay Mayor Ceciron Cawaling mga miyembro ng Boracay Beach Guard at Life Guard kahapon.

Ang buwanag pulong ay inorganisa ni Malay Municipal Disaster Risk Reduction Management OIC Catherine Fuljencio para magbigay paalala at ma-improve pa nila ang kanilang tungkulin sa pagbantay ng isla ng Boracay lalo na sa kahabaan ng long beach.

Nabatid na mayroon ngayong tatlumpong Beach Guard at walong Life Guard ang LGU Malay na nagtutulungang, nag-iikot at nagbabantay sa isla.

Sa isang mensahe, nagpasalamat si Cawaling dahil kaunti lang umano ang naitalang drowning insedent nitong mga nakalipas na buwan.

Dahil dito, pina-alalahan nito na paigtingin pa ang kanilang ibinibigay na serbesyo sa publiko.

Samantala, laking pasasalamat naman ni Fulgencio sa administrasyon dahil tinulungan umano ito sa kanyang mga ginagawang proyekto.

Malaynon na Philippine Marines na nasawi sa Marawi, tumanggap ng pinansyal na tulong mula LGU Malay

Posted August 11, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: one or more people, people sitting, table and indoorPersonal na tinanggap ni Bertiny Tamboon ang pinansyal na tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Malay kahapon sa 26 th Regular Session ng SB-Malay.

Si Bertiny ay Ama ng napatay na sniper ng Philippine Marines na si Sgt. Bryan Tamboon na bahagi ng tropa ng military na nakipagbakbakan sa Marawi City nitong buwan ng Hunyo.

Sa pamamagitan ng isang resolusyon, naglaan ang Sangguniang Bayan ng Malay ng tulong na P 25, 000 para sa pamilya ng nasawing sundalo.

Ito umanong tulong ay bilang pagbigay pugay sa kanyang katapangan na maipagtanggol ang mga residenteng naiipit sa sigalot na dulot ng Maute Group sa Marawi City.

Image may contain: 1 person, sitting, table and indoorNapag-alaman na si Sgt. Tamboon ay dating estudyante ng Malay National High School at nakatira sa Sitio Minoro Brgy. Caticlan, Malay, Aklan.

Ang mga magulang naman nito ay naninirahan ngayon sa Mindoro habang ang naiwan nilang bahay dito sa Caticlan ay tinutuluyan ng kanyang kapatid na isang Security Guard.

Nakapag-asawa si Tamboon sa Zamboanga City at may dalawang anak na babae at lalaki.

Matatandaan na nabaril at nasawi si Sgt. Tamboon sa pamamagitan ng tama sa ulo dulot ng sniper ng kalabang Maute Group.

Pag-bulldoze ng bundok sa Yapak, Clearing Operation lang – Engr. Perania

Posted August 11, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 3 people, people sitting and indoor“Clearing Operation” lang umano ang ginawang pag-bulldoze sa bundok sa Barangay Yapak.

Ito ang sinabi ng representante ng Mabuhay Maritime Express, Inc. na si Engr. Leo Perania matapos itong ipatawag ng Sangguniang Bayan ng Malay para ipaliwanag ang kanilang panig hinggil sa nabanggit na isyu.

Depensa ni Perania, ang clearing operation umano ay bilang paghahanda sa gagawing development doon.

Bagamat may endorsement na ito mula sa Barangay, paglilinaw ni Yapak Punong Barangay Hector Casidsid nagalaw na umano ang bundok bago pa humingi sa kanila ng nasabing dokumento.

Ayon kay Perania, wala pa umanong designated na plano sa area kaya umano nag-apply muna sila ng locational clearance  ang gagawing konstruksyon o development.

Samantala, dahil sa humaharang ang environmental group na FFF o Friend of Flying Foxes sa gagawing development doon, suhestyon ni Vice Mayor Abram Sualog na kailangan umanong gumawa ng petition for development ang grupo at maki-pagcoordinate sa DENR para pag-aralan ang pagbigay ng ECC.

Sa ngayon, pag-aaaralan muna ito ngayon ng Sangguniang Bayan bago ang pag-endorso nitong proyekto kung saan sinabihan ni Vice Mayor Sualog si Perania na kung may mga plano ay sundin ang lahat ng requirements ng sa gayon ay hindi sila magka-problema at para hindi madadamay ang Lokal na Pamahalaan ng Malay.

Thursday, August 10, 2017

SB Malay pinag-paliwanag ang isang resort kung bakit nag-ooperate kahit walang permit

Posted August 10, 2017
Ni Inna Carol l. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Muling ipinatawag sa 26th Regular Session ng Sangguniang Bayan ng Malay ang representante ng isang resort sa Sitio Diniwid Boracay para muling imbestigahan kung bakit patuloy ang kanilang operasyon sa kabila ng kawalan ng business permit.

Sa pagtatanong ni SB Member Floribar Bautista kay Haydee Miguel na treasurer ng resort sa update ng kanilang permit, mariing nitong sinabi na taunang nag-rerenew ang kanilang resort na ipinagkakatiwala umano nila sa kanilang secretary na si Christopher Sacapaño.
Si Sacapaño umano ang nagpa-process ng kanilang business permits na ayon pa kay Miguel ay nakapagbigay na sila ng P 300,000 para sa naturang renewal.

Sa paliwanag pa ni Miguel, ipinangalan umano sa kolektor ng licensing department ng LGU ang cheke na ibinayad nila.

Maliban dito, nabatid rin na humingi pa umano si Sacapaño ng halagang P150, 000 para sa pagsasayos naman ng permit sa DENR.

Sa rebelasyong ito, laking gulat ng mga SB kung bakit hinayaan ng resort na ito na gawin sa kanila ito ni Sacapaño kung saan sumagot si Miguel na siya kase ang pinagkakatiwalaan sa pag-proseso ng negosyo.

Sa kabila ng mga paliwanag, nang hinanapan ni SB Bautista kung nakapaskil na ba ang mga permit na sinasabi nito, subalit sinagot nito na wala sa kanila.

Samantala, humihingi naman ng kopya si Bautista sa kanila ng mga papeles para ma-imbestigahan ang umano’y maanomalyang isyu.

Kaugnay nito, muling tatalakayin sa sesyon itong usapin upang maliwanagan ang lahat hinggil sa naturang isyu.

Tuesday, August 08, 2017

Police Operation laban sa Illegal-Gambling, inumpisahan na ng APPO

Posted August 8, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for Illegal-GamblingMatapos ang ibinabang utos ni PNP Chief Ronald “ Bato” Dela Rosa na sugpuin ang Illegal Gambling sa Iloilo, si Police Regional Office 6 Director Cesar Hawthorne Binag naman ngayon ay nagbigay ng kautusan sa mga probinsya upang sugpuin ang iligal na sugal.
                                
Sa naging panayam kay Chief Inspector Reynante Jomocan ng Aklan Police Community Relations, lahat ng klaseng sugal na labag sa batas ay pag-huhulihin ng kanilang hanay.

Ani Jomocan, may direktiba nang inilatag ang mga Chief of Police sa mga Barangay kung ano ang kanilang mga dapat gawin sa mga makikitang sumusugal kung saan sila na mismo ang inaatasan na humuli at i-rereport sa otoridad.

Samantala, kung operasyon ng Small Town Lottery o (STL) ang pag-uusapan sila umano ay hindi masisita kung mayroon silang kumpletong permit na ipe-presenta sa pag-ooperate.

Mababatid nitong mga nakaraang araw ay may dinakip  na apat na kalalakihang nag-lalaro ng “Pusoy Bahig” sa terminal ng Dumaguit-New Washington sa bayan ng Kalibo at ang isa naman ay 40-anyos na lalaki sa Brgy. Tul-ang, Ibajay matapos itong mahuling nagpapataya ng EZ2 na hindi otorisado ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Binigyan ng 15 araw na ultimatum ni PNP chief Police Director General Ronald Dela Rosa ang mga pulis sa lalawigan ng Iloilo at sa buong rehiyon para sugpuin ang lumalaganap na illegal- gambling.

PDEU Chief Andrade, nanawagan sa mga gumagamit ng iligal na droga na sumuko na

Posted Ausut 8, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for say no to drugs“Sa mga hindi pa nag-surrender, mag-surrender na kayo”

Ito ang sinabi ni Aklan Provincial Drug Enforcement Unit Police Chief Inspector Frensy Andrade sa programang Boracay Good News nitong Sabado.

Sa panayam kay Andrade, mariing hinikayat nito ang gumagamit parin ng iligal na droga na mag-surrender na sa mga pulis upang hindi na sila humantong pa sa pagka-aresto.

Aniya, patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa mga lugar na talamak parin ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Samantala, pina-alalahanan naman nito ang mga dating na-tokhang subalit bumalik sa dating-gawi na sumuko na para hindi na makaloboso pa.

Sa huli daw nilang monitoring ay may mga aktibo pa na nagbebenta sa isla ng Boracay lalo yaong mga nasa watchlist.

Sambit pa nito, wala umanong pinipili ang batas kung sinuman ang lumabag dito kahit pa umano ang mga nagsasabi na “untouchables” ay walang kawala at paparusahan.

Monday, August 07, 2017

Kitchen Helper sa Boracay, tiklo sa buy-bust

Posted August 7, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for buybust
Tiklo ang isang kitchen helper sa isa namang buy-bust operation na isinagawa ng mga otoridad sa Barangay Balabag kahapon.

Ang suspek ay si Abdul Azis Sarip y Venus aka “Asis”, residente ng San Jose Romblon at temporaryong nakatira sa nabanggit na lugar.

Naaresto si Sarip sa pangunguna ng Malay PNP, Boracay PNP, 605 th Maritime Police, 12 th IB TIU at MIG6 sa pakikipagtulungan parin ng PDEA Aklan.

 Nabilhan ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu ng nagpakilalang poseur buyer kapalit ng P 1, 200 na buy-bust marked money habang sa isinagawa pang body search nasamsam pa dito ang tatlo pang suspected shabu.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bayan ng Malay, makiki-isa sa 50th Anniversary ng Asean

Posted August 7, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Bilang isa sa mga naging host ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN), makiki-isa ngayong ang bayan ng Malay sa selebrasyon ng paggunita ng ika-50 anibersaryo sa gagawing ASEAN Landmark Lighting sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Tourism Receptionist II at In-charge for Culture Arts and Special Event Rex Aguirre, masasaksihan ang gagawing ASEAN Landmark Lighting bukas Agosto 8 na dadaluhan ng ilang bisita mula  ASEAN at Department of Foreign Affairs.

Aasahan din ang pagdalo nina Congressman Carlito Marquez, Governor Joeben Miraflores, Vice Governor Reynaldo “Boy” Quimpo, mga Mayor sa Aklan, at representante mula LGU-Malay.

Ang ASEAN Landmark Lighting ay sabay na gagawin sa ilang syudad at munisipalidad sa buong bansa.

Nabatid na ang Iloilo at Boracay lang sa Region-6 ang isa sa mga naging host ng ASEAN.