YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 13, 2013

DOT at Team mula Shamin, China, ininspeksyon na ang isla ng Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Sinimulan ng inspeksyunin kaninang umaga ang ilang mga lugar dito sa isla ng Boracay para sa pagdating ng mga turistang sakay ng cruise ship.

Ayon kay Boracay Department Of Tourism Officer In-Charge Tim Ticar, agsimula ang kanilang pag-iinspeksyon kaninang alas-9:00 ng umaga hanggang mamayang hapon.

Kasama nito si Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, DOT Manila at ang apat na miyembro ng team na Chinese National mula Shamin, China.

Ilan umano sa mga partikular na lugar na ininspeksyon nila ay ang mga Resort na posibleng tuluyan ng mga pasaherong sakay ng cruise ship, dalawang spa, shopping area, long beach area Cagban Jetty Port at mga kalsadahin.

Dagdag pa ni Ticar, kung noon ang mga sakay ng mga cruise ship na pumunta sa Boracay ay halos ilang oras lang nagtagal at agad bumalik sa kanilang barko pero ngayon umano ay mag-oovernyt ang mga ito para lalo pang ma-experience ang ganda ng isla.

Ito ay sa kabila parin ng paghahanda ng DOT Boracay para sa pagdating ng dalawang cruise ship mula Shamin China sa buwan ng Oktobre at Nobyembre ngayon taon.

Samantala, handa naman ang Boracay sa ipapatupad na siguridad sa mga pasaherong turista, na halos isang libo at limang daan ang sakay bawat isang cruise ship.

SP Aklan, pinagtibay ang kanilang Internal Rules sa ikalawang session

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pinagtibay na nang Sangguniang Panlalawigan ang kanilang internal rules sa ikalawang session nitong Hulyo a-diyes taong kasalukuyan sa bayan ng Kalibo.

Ang 16th SP Rules of Internal Procedures ay kinatawan sa Resolution No 001-S., 2013, ito ay para sa mga panuntunan ng pamamaraan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan para sa termino nila mula Hulyo a uno nitong taon hanggang sa trenta ng Hulyo taong 2016.

Sa kasunod ng resolusyong ito, ang provincial legislative body ay nagkumpirmang bubuo ng dalawamput dalawang standing committees at ng kanilang composition pagkatapos na opisyal na maihalal ang komitiya at ang mga miyembro nito.

Ang nasabing IRP ng ika-labin anim na SP ay halos pinagtibay ang 2010-2013 IRP ng ika-labin limang Sangguniang Panlalawigan na may pagbabago sa ilan sa mga probisyon nito.

Sa ipinadala namang kopya mula sa opisina ng Sangguniang Panlalawigan nakabuo sila ng mga mamumuno sa bawat komitiya.

Napunta kay dating Sangguniang Bayan Member Malay Esel Flores na ngayon ay miyembro ng SP Aklan ang pamumuno sa tatlong komitiyang Environmental Protection, Games and Amusement, Tourism Trade Industry and Commerce.

Samantala, sina SP Member Rodson Mayor at SP Member Roberto Garcia, Jr at Harry Sucgang ay kabilang sa minorya.

Kung saan parehong tinangihan ni Mayor at Garcia ang pagiging kasapi sa anumang komite sa kabila ng paghirang sa kanila pero si Sucgang ay tinanggap ang kanyang nominasyon sa pagiging kasapi sa iba't ibang mga komite.

Mga classrooms sa Boracay NHS, tataasan ang flooring para iwas baha

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Paunti-unti nang masusulosyunan ang pagpasok ng tubig baha sa nasabing paaralan dahil sa pagpapataas ng flooring ng kanilang silid aralan.

Ayon kay Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid, may nakalaan nang special fund ang School Board ng Malay para dito.

Nauna na rin umano nilang ininspiksyon ang nasabing paaralan kung paano sisimulan ang nasabing proyekto.

Dagdag nito, may mga programa pa silang ginagawa at pagpo-prosesong napag-usapan na idadaan pa kay Malay Mayor John Yap.

Hindi rin umano sigurado si Casidsid kung lahat ng mga silid-aralan sa BNHS ay maisasaayos dahil dumedepende parin ito sa budget na inilaan ng school board.

Nauna nang sinabi ni Jose Niro Nillasca principal ng nasabing paaralan na good news umano ito para sa kanila para maging maayos naman ang pagsasagawa ng klase at maging komportable ang kanilang mag-aaral.

Kung matatandaan ang pagpapa-ayos ng ilang silid aralan sa BNHS ay sanhi ng pagbabaha sa tuwing may malakas na ulan dahil sa mababang lugar.

Thursday, July 11, 2013

Koneksyon ng sewer line sa Bolabog, nasa target date of completion na ngayong buwan

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Puspusan na ang trabahong ginagawa ngayon ng Boracay Island Water Company (BIWC) para tapusin ang kanilang mga proyektong bahagi ng waste water network expansion.

Partikular na tinutukoy dito ay ang ginagawang sewer line sa Bolabog area at sa harap ng Boracay National High School na nagdudulot ng matinding abala sa mga residente doon maging sa mga estudyante.

Ayon kay BIWC Customer Service Officer Acs Aldaba, nagkaroon sila ng pagpupulong noong Lunes.

Dito ay iniulat na base sa update report ng isinasagawang koneksyon ng sewer sa nabanggit na area ay nasa target date of completion na rin sila ngayong buwan, lalo pa nga’t sa kasalukuyan ay minor works na lang ang ginagawa nila.

Kasama na dito ang restoration nito, at ang pagta-tapping sa manhole doon.

Matatandaang marami na rin ang nagrereklamo sa umano’y abalang dulot nito sa mga dumadaan maging sa mga motorista.

Ngunit una na ring nilinaw ni Aldaba na ang pagkakaroon ng sewer line ay makakatulong para maibsan ang mga pagbaha at pag-ipon ng tubig sa loob ng paaralan na matagal na ring suliranin.


Paglagay ng babala tungkol sa nangyayaring nakawan sa Boracay hindi na kailangan --- DOT

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Hindi na umano kailangang maglagay pa ng mga babala sa front beach dito sa isla ng Boracay.

Sa inihayag ni Department of Tourism Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, sinabi nitong kung lalagyan pa ng mga babala katulad ng mag-ingat sa mandurukot ay lalabas lamang umanong talamak ang nakawan sa isla.

Aniya, dapat mismong ang mga turista ay maging mapagmatyag sa kanilang mga kagamitan lalo pa kung sila ay naliligo at iniiwan lamang ang mga gamit sa dalampasigan.

Sa ganitong paraan ay binibigyan lang din umano ng mga turista ng pagkakataon ang mga mandurukot na makalapit sa kanilang mga gamit na naiiwan sa dalampasigan sa oras ng kanilang pag-ligo ng mga ito sa dagat.

Hindi din aniya maiiwasan na mayroong masasamang loob na palakad-lakad sa dalampasigan sa mga panahong iyon at nagmamatyag sa mga turista.

Dagdag pa nito, kahit mayroong mga Municipal Auxiliary Police (MAP) at mga kapulisan ang nagbabantay sa front beach ay hindi din gaanong mapapansin ng mga ito kung may mga magnanakaw sa nasabing lugar.

Gayon pa man, dapat na mas paigtingin pa umano ng mga kapulisan ang seguridad ng mga turista para mabawasan at maiwasan ang nakawan sa Boracay.

Dagdag pa ni Ticar, may pumupunta din naman sa kanilang opisina na nagsusumbong na nawawala ang kanilang mga kagamitan.

Kung matatandaan ay madami rin ang naiulat na mga kaso na ang mga turista ay nagtutungo sa Boracay Tourist Assitance Center (BTAC) para ipa-record ang mga nawawala nilang mga gamit.

DOT, nakahanda sa muling pagbabalik ng mga European tourists

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Muling magbubukas ang pintuan para sa mga European tourist na pupunta sa Pilipinas.

Ito ang naging pananaw ni Department of Tourism officer in charge Tim Ticar, kaugnay sa pagkakatanggal ng Philippine Airlines sa listahan ng mga banned air carriers ng European Union.

Kaya naman sa panayam kay Ticar, sinabi nito na ang isla ng Boracay ay nakahanda para sa muling pagdagsa ng mga nasabing turista.

Samantala, aminado naman ito na ang Caticlan Airport ay wala pa talaga sa international standard.

Pero patuloy naman ang isinasagawang expansion dito para sa makatanggap ng mga international flights katulad ng Kalibo International Airport.

Sa loob ng tatlong taon, ay kasama sa listahan ng mga banned air carriers ng European Union ang Philippine Airlines, dahil sa mga umano’y isyung pang siguridad.

Ayon pa kay Ticar, ang mga Europeans ay nasa top 5 ng kanilang listahan ng tourist arrivals sa isla ng Boracay.

Gurong nanakit ng mga estudyante, walang lusot sa DepEd Aklan!

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pagtutuunan ng pansin ng Department of Education (DepEd) Aklan ang ilang mga gurong inirereklamo sa pananakit sa kanilang mga estudyante.

Ayon kay DepEd Aklan Education Program Supervisor Michael Rapiz, may polisiya sila at ang District Supervisor na inuusisa nila ang ganitong klaseng mga problema ng mga paaralan sa ilalim ng kani-kanilang hurisdiksyon bagama’t hindi rin umano sila makakapag-sagawa ng sapat na pagsisiyasat tungko dito.

Matatandaang ngayong linggo lang ay isang principal sa bayan ng New Washington, Aklan ang inireklamo ng 12-anyos na batang estudyante matapos umano itong paluin ng takong ng sapatos sa kanyang ulo.

Ayon sa ulat, ito ay dahil umano sa nakipag-away ang nasabing bata sa kapwa estudyante kaya’t dinala sila sa principal’s office kung saan dito nangyari ang insidente.

Handa naman umanong magsampa ng kaso ang mga magulang ng bata sa nasabing principal.

Samantala, nagpalabas na umano ng statement si DepEd Aklan School Superintendent Dr. Jessie Gomez tungkol dito.

Night vendors sa front beach ng Boracay kasama sa ininspeksyon ng Municipal Planning ng LGU Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Kasama sa mga ininspeksyon ng Municipal Planning ng Local Government Unit ng Malay ang pagkalat ng mga night vendors sa isla ng Boracay partikular na sa area ng front beach.

Ayon kay Malay Municipal Planning Officer Alma Beliherdo, nagsimula silang mag-inspiksyon nitong Martes sa Brgy. Yapak, at sa Brgy. Manoc-Manoc naman kahapon.

Mag iinspeksyon din sila sa Brgy. Balabag sa darating na Lunes ng kasalukuyang buwan.

Ang nasabing pag-iinspiksyon ay tungkol sa ipinapatupad "25+5-meter regulation” sa isla ng Boracay.

Ang mga nasabing vendors naman ay ang mga naglalatag ng kanilang paninda tuwing sasapit ang dilim kung saan kabilang dito ay ang mga nagbibenta ng mga laruang umiilaw at ilan pang panindang pagkain.

Maraming mga turista din ang nakakapuna sa pagdami ng mga night vendors na ito na kung minsan ay nakakasikip lang din sa daanan ng mga taong naglalakad.

Dito inaasahan namang mawawala na ang mga nasabing night vendors kung maipatupad na ang 25+5-meter easement regulation sa Boracay.

Samantala, kasama ng Municipal Planning sa pag-iikot at pag-iinspeksyon ang DENR, Brgy. officials, Engineering at ilan pang pamunuan ng LGU Malay.

Wednesday, July 10, 2013

Pagka-cutting classes ng mga night class students, ikinabahala ng Boracay National High School

Ni Shelah Casiano, Easy Rock Boracay

Ikinabahala ngayon ng Boracay National High School ang pagka-cutting classes ng kanilang mga night class students.

Katunayan, sa panayam kay Boracay National High School Principal II Jose Niro R. Nillasca, aminado at nababahala na rin umano ito sa nangyayari sa kanilang eskwelahan at sa mga mag-aaral.

Kaugnay nito, nagpadala na rin sila ng sulat sa mga magulang ng mga estudyante, kaugnay sa iskedyul ng pagbubukas at pagsasara ng kanilang school gate na sinimulan namang ipatupad nitong Lunes.

Nakasaad din sa nasabing liham ang paalala na dapat ay nasa loob ng eskwelahan ang mga mag-aaral sa oras ng kanilang klase.

Hindi na umano kasi nila makokontrol ang mga ito kapag “non-class hours” na o tapos na ang klase at nasa labas na sila.

Binanggit din ni Nillasca ang kanilang plano tungkol sa pag-oobliga sa mga ito na  i-surrender sa guwardiya sa gate ang kanilang mga ID sa tuwing lalabas ng eskwelahan para mag-break o halimbawa’y mag-recess.

At kapag hindi nila ito nakuha sa guwardiya, ibig sabihin ay hindi umano bumalik sa klase ang mga ito.

Kasalukuyan naman aniyang pino-proseso ang kanilang libreng school ID.

Samantala, binanggit din ni Nillasca ang tungkol sa tinatawag na “four-days-a-week subjects”.

Ibig sabihin, may mga araw o pagkakataon talaga na maagang natatapos ang klase ng mga estudyante o di kaya’y nasa libreng oras na ang mga ito.

Kaya naman maaaring papalitan na rin nila aniya ang mga schedule of classes, upang ang mga bakanteng period ay mailipat sa ibang oras. | translated by Malbert Dalida

Ilang porsyon sa isla ng Boracay, ba-brown out-in bukas!

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Magkakaroon ng power interruption ang ilang lugar dito sa isla ng Boracay bukas.

Base ito sa inilabas na power advisory ng Aklan Electric Cooperative Inc. (Akelco) kaninang umaga.

Sa loob ng 15-minuto bukas simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:15 ay mawawalan ng kuryente ang bahagi ng Bolabog, Lapus-Lapus, Pinaungon, Station 1, at Balabag Plaza.

Ang bahagi naman ng Pinaungon, Sinagpa, Diniwid, at Brgy. Yapak ay mawawalan din ng kuryente simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 hapon.

Ayon sa pamunuan ng Akelco, magkakaroon sila ng pagpapalit ng mga distribution poles at paglilinis ng linya ng mga kuryente dito sa Boracay.

Kung mayroon mang mga katanungan, maari lamang mag-text sa Akelco Hotline sa numerong 09074223629 o tumawag sa numerong 274-7244 at hanapain lamang si Engr. Joel Martinez o Engr. Arnaldo Arboleda.

SK Malay pagtutuunan ng pansin ang kanilang mga proyekto bago magtapos ang kanilang termino sa Oktubre

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pinagtutuunan ngayon ng Sangguniang kabataan ng Malay ang pagkakaroon ng livelihood project bago magtapos ang kanilang termino sa buwan ng Oktobre ngayon taon.

Ayon kay Malay SK Federation President Cristina Daguno, bago umano matapos ang termino niya bilang lider ng mga kabatan ng Malay ay inaasahang maisasagawa na ang huling proyekto nila na livelihood project.

Ito umano ay isang magandang proyekto na malaking tulong sa mga kabataan lalo na sa ilang mga “out-of-school youth” na walang ginagawa at posibleng sila ang makaka-benipisyo nito sa pamamaraan na sila ang mag-aalaga sa nasabing proyekto.

Inaasahan din umanong ipapagawa ito sa barangay ng Dumlog o Kabulihan bilang isang magandang lugar na pweding pagtayuan ng ganitong klasing proyekto gaya ng pag-aalaga ng mga manok at iba pa.

Aniya, ang proyektong ito ay para din sa mga susunod pang SK ng Malay na mamumuno sa kanilang bayan para mapalago pa at madami pa ang matulungan nito.

Samantala, masaya naman si Daguno na nakakapagsilbi siya sa bayan ng Malay kung saan siya ang nagiging representante ng kabataan sa konseho para ipaabot ang kanilang gustong gawing proyekto at programa.

SB Malay gustong imbitahan ang Marina sa susunod na sesyon; RE: pag-gamit ng life jacket sa Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Gusto umano ngayong imbitahan ng Sanguniang Bayan ng Malay ang Marina office tungkol sa paggamit ng life jacket ng mga pasahero ng bangka mula Caticlan to Boracay vice versa.

Ayon kay Malay SB Member Jupiter Gallenero, nagkaroon sila ng meeting kasama ang ilang mga miyembro ng Boracay Action group kamakailan lang.

Aniya, tinalakay dito kung alin ba dapat ang sundin at kung sino ang masusunod sa tamang paggamit ng life jacket ng mga pasahero ng bangaka.

Dagdag pa ni Gallenero, ang ilang mga life jacket ay sadyang napakaluma na at hindi na kulay orange ang kulay kundi mukha na itong brown at hindi pa maganda ang amoy.

Nakipag usap na rin umano siya sa Philippine Coast Guard tungkol dito pero ayon naman sa PCG, ang implementasyon na sinusunod nila ay mula pa sa Marina kaya dapat aniyang sa marina sila lumapit tungkol dito.

Sa ngayon, gusto ng SB Malay na malaman kung required talaga itong suutin ng mga pasahero dahil kahit sabihin naman umano sa mga ito na magsuot ay binabaliwala lang din naman nila gayon din ang mga bangkero.

Samantala, gusto namang imbitahan ni Gallenero ang Marina office sa Iloilo tungkol dito para maliwananagan sila kung ano ngaba dapat ang sundin at para maipaabot sa pasahero kung required itong suutin o hindi.

BFI sa reklamasyon: “OK lang… basta 2.6 hectares lang.”

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Wala nang pag-tutol ang Boracay Foundation Inc. (BFI) kung ipagpapatuloy man ang naudlot na reclamation project sa Brgy. Caticlan.

Ito ay kung ang 2.6 hectares lamang ang sukat ng reklamasyon ang ipagpapatuloy ng provincial government ng Aklan.

Ito ang naging reaksyon ni BFI president Jony Salme, kasunod ng pahayag na ang talagang tinutulan lang naman umano nila ay ang naunang iminungkahing 30 hectares na reklamasyon na nauna nang gustong maipatupad ng pamahalaang probinsyal.

Ani Salme, ang sukat na 2.6 hectares lang naman umano ang nabigyan ng “go signal” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ang sukat na nasa resolusyon at endorsement ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Ngunit anya, kung ipilit man ito ng probinsya, ay gagawa ulit ng hakbang ang BFI para tutulan ito.

Nauna nang naiulat sa himpilang ito na ihinayag ni Aklan Cong. Teodorico Haresco na dapat ipagpatuloy ang reclamation project sa Caticlan para sa kapakanan ng mga turista sa Boracay.

Ihinayag ito ni Haresco sa oath taking ng mga bagong halal na opisyal ng bayan ng Malay noong ika-22 ng nakaraang buwan.

Tuesday, July 09, 2013

Mga may-kayang 4Ps beneficiaries sa bayan ng Malay, inalis na sa listahan

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Inalis na sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga may-kayang beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Malay.

Ayon kay Malay Municipal DSWD Link Anna Española, may mga beneficiaries ng 4Ps umano na talagang may kaya ang nasa kanilang listahan.

Subalit tinanggal na rin umano ang mga ito matapos tukuyin mismo ng bawat barangay ang mga nababagay o hindi sa nasabing benipisyo.

Ayon pa kay Espanola, maaaring noong 2009 kung saan sinurvey ang mga benipisyaryong ito ay nakapasa sila sa tinatawag na Proxy Means Test (PMT) na tumutukoy sa socio-economic category ng isang pamilya.

Subalit sa pamamagitan ng kanilang registration and validation ay tinanggal na mga kayang grantees.

Magkaganoon pa man, aminado rin si Española na hanggang ngayon ay nasa proseso pa rin sila ng kanilang Social Welfare Indicator (SWI) upang matukoy pa ang mga karapat-dapat na maging 4Ps beneficiaries.

Samantala, muli namang ipinaalala ng DSWD sa mga pamilyang nasa 4Ps program na maging compliant o sumunod sa hinihinging kondisyon ng DSWD upang maging kumpleto ang benipisyong matatanggap.

Napag-alamang sa isla ng Boracay ay may 651 beneficiaries, habang sa mainland Malay naman ay may 787.

Ipinasiguro naman ni Española na regular naman nilang ibinabahagi ang cash grant ng mga beneficiary buwan-buwan.

Resort na nag-ooperate ng wild life attraction sa Boracay, tigil operasyon na

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Tigil operasyon na ngayon ang resort na nag-ooperate ng wild life attraction sa Boracay.

Ayon kay CENRO Boracay Protected Areas and Wildlife In charge Nilo Subong, nitong katapusan pa umano ng Hunyo nag-expire ang permit to operate ng nasabing resort para sa kanilang alagang tigre at python.

Pero humihingi pa umano ngayon ng extension ang pamunuan ng resort sa region ng DENR para makapag-patuloy itong makapag operate.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga umano ito ng nasabing resort at hindi na idinidisplay sa front beach bilang pagsunod sa patakaran ng CENRO Boracay.

Dagdag pa ni Subong, hindi umano delikado ang dalawang hayop na nabanggit sapagkat inaalagaan na ito umpisa ng pa nang maliliit ang mga ito kaya’t wala umanong dapat ipangamba ang mga lumalapit dito.

Ang mga hayop kasi aniya na inaalagan simula nang ipinanganak ay hindi delikado kumpara sa mga hayop na malaki na bago alagaan kung kaya’t posibleng maging mabangis.

Matatandaan namang naging kontrobersyal ang dalawang hayop na ito sa isla dahil sa umani ng batikos sa Facebook account ang operasyon nito.

Nangangamba din ang ilang mga turista na lumapit dito dahil sa mistulang delikado at nakatali lamang habang binabantayan ng kanilang mga taga-alaga.

Samantala, kung hindi naman pagbibigyan ng Regional Office ng DENR ang kanilang hiling na patuloy makapag-operate sa isla ay posible umano itong ibalik na lang sa Cebu kung saan ito mismo nagmula.

Illegal fishing sa Boracay, itinanggi ng Philippine Coast Guard

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Mariing itinanggi ngayon ng Philippine Coast Guard ang tungkol sa umano’y nangyayaring ilegal na pangingisda sa Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay PO1st Condrito Alvarez ng Philippine Coast Guard Boracay Detachment, sinabi nito na may mga nangingisda talaga na ang karamihan ay mula sa Buruanga Aklan, pero malayo na sa lugar na nasasakupan ng Boracay.

Katunayan, halos nasa sakop na umano ng Caluya Island ang pinangingisdaan ng mga ito.

Nakipag-usap na rin umano sa mga fishing operators ang mismong Coast Guard commander nila na si Lt. Jimmy Vingno na ipinagbabawal ng ordinansa ng Malay ang pangingisda dito sa isla.

Samantala, kaugnay naman sa mga nag-a-island hopping sa Boracay, nasabihan na rin umano nila ang mga ito tungkol sa mga lugar na bawal ang pangingisda katulad ng tinatawag na coral garden.

Maliban umano sa mga taga-Boracay Association of Scuba Diving Schools (BASS) ay may mga stakeholders at mga bangka operators din umano na nagrereport sa kanila na kanilang inaaksyunan, kung kaya’t nababawasan na rin ang mga gumagawa ng ilegal na pangingisda.

Magkaganon parin, tahasang sinabi naman ni Alvarez ang mga katagang “pasensyahan na lang talaga,” para sa sinumang maaktuhan o ma-caught on the act nilang lumalabag sa ordinansa tungkol dito.

Ang balitang ito ay kaugnay sa nakalap na impormasyon ng himpilang ito na may nangyayaring ilegal na pangingisda sa isla ng Boracay.

Pagdami ng mga commissioner sa isla, problema pa rin ng LGU Malay at DOT

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Problemado pa rin ngayon ang Local Government Unit (LGU) Malay at ang Department of Tourism (DOT) Boracay sa pagdami ng mga commissioners sa isla.

Sa pakikipanayam ng himpilang ito kay DOT Officer In-charge Tim Ticar, sinabi nito na tinututukan na nila ito at ng LGU Malay dahil malaki umano itong problema sa kanila ngayon dahil sa patuloy na pagdami mga commissioners.

Ang mga kumisyoner na ito ay mga nag-aalok sa mga turista sa area ng front beach ng mga activities tulad ng island hopping.

Aniya, may mga nababalitaan din sila na maraming mga turista ang nagrereklamo tungkol dito dahil may mga ilan umanong nanggugulat pa at nakaharang sa kanilang mga dinadaanan.

Dagdag pa ni Ticar, OK lang sana ito kung hindi sila ganoon karami at hindi sila masyadong nakakasagabal sa mga dinaraanan ng mga turista.

Mayroon naman umanong maayos na nakikiusap sa mga turista at may suot namang I.D. kapag nag-aalok ng mga serbisyo sa mga ito.

Sa ngayon ay patuloy naman umanong ng naghahanap ng solusyon ang DOT Boracay at LGU Malay tungkol dito at para maiwasan na rin ang pagdami ng mga ito sa isla.

Monday, July 08, 2013

DOT masaya pa rin kahit pumangalawa na lang ang Boracay sa “Best Island in the World”

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Masaya pa rin ang Department of Tourism Boracay sa panibagong rangko ng isla ng Boracay.

Ito’y sa kabila ng pagiging pangalawa ng isla mula sa numero uno noong nakaraang taon, ayon sa inilabas na survey ng New York Travel and Leisure Magazine ngayong taon mula pa December 2012 hanggang April 2013.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, wala naman umano silang dapat na ikalungkot o ikadismaya sa inilabas na resulta ng New York Travel and Leisure Magazine.

Aniya, masaya pa rin naman sila sa kanilang opisina kahit naging pangalawa nalang ang isla ng Boracay ngayon.

Dagdag pa ni Ticar, malaking bagay pa rin naman ito na maipagmamalaki sa buong mundo dahil parehong dalawang pinakamagandang isla sa bansa ang nangunguna sa sampung pinakamagandang lugar sa buong mundo.

Matatandaang inilabas ng nasabing travel magazine na sa kanilang isinagawang survey ay pinangungunahan ito ng Palawan na sinunbad naman ng Boracay.

Pumangatlo dito ang Maui ng bansang Hawaii, Santorini ng Greece, Prince Edward Island ng Canada, Bali ng Indonesia, Kauai ng Hawaii, Sicily ng Italy, Koh Samui ng Thailand at Galapagos ng bansang Ecuador.

Samantala, masaya naman si Ticar sa patuloy pa ring pagdagsa ng mga turista sa Boracay mula sa ibat-ibang bansa kung saan para ma-experience ang kagandahan ng isla.

Una nang kinilala ang Boracay bilang pinakamagandang isla sa buong mundo ng nasabing bago pa ito naungusan ng Palawan.

Launching para sa 20 Bicycle Patrol ng BTAC, ginanap ngayong araw



Ni Mackie Pajarillo YES FM Boracay

Matapos ang pormal na pag-turn over sa mga miyembro ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ng 20 Bicycle Patrol nitong Biyernes, idinaos naman ngayong araw sa Balabag Plaza ang pormal na launching o paglulunsad ng mga nasabing bisikleta pagkatapos ng isang joint flag raising ceremony ng mga taga BAG o Boracay Action Group.

Ayon kay Boracay PNP Chief Police Senior Insp. Joefer Cabural, iikot umano sa buong isla ang mga nakabisikletang Police-Boracay para sa tinatawag na public awareness.

Layunin din umano nito ay upang mapamabilis at mapalawak ang kanilang pagpapatrolya laban sa anumang karahasan na maaaring maganap dito sa isla ng Boracay.

Samantala, ayon pa kay Cabural, titingnan pa anya nila kung magiging maayos ang panahon at saka nila ito idaraos sa Balabag Plaza.

Kinumpirma din nito na may mga miyembro ng BTAC ang sumailalim sa “bicycle training” noong nakaraang mga linggo sa Camp Delgado sa syudad ng Iloilo.

Kasama sa nasabing training ay ang tamang paggamit ng bisikleta habang nagreresponde sa isang krimen, paggamit ng baril habang nakabisikleta, at iba pa.

Pinaka-unang batch naman anya sila sa BTAC na nakatanggap ng training para sa bagong programang ito ng PNP, at ang unang pokus nito ay ang Western Visayas, partikular na ang sa tourist destination dito sa isla ng Boracay.