YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, October 11, 2014

Turistang nabiktima umano ng snatcher sa Boracay, palaisipan sa mga pulis

Posted October 11, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Palaisipan parin ngayon sa mga pulis ang reklamo ng isang turista sa Boracay na nabiktima umano ng snatcher nitong nakaraang araw.

Ayon kasi sa Boracay PNP, tila kaduda-duda ang report sa kanila ng isang Netherland National na nawalan umano ng pera, cellphone at ATM Card habang naglalakad sa beach.

Base sa sumbong ng 27 anyos na turista, bigla na lamang umanong tumakbo patungong station 1 ang hindi nakilalang suspek matapos nitong agawin ang kanyang bag.

Kuwento pa ng turista sumigaw ito at nagpasaklolo sa kanyang mga kasamang naliligo sa beach nguni’t hindi na naabutan ang salarin.

Samantala, nagkakasalungat naman ang kanyang sumbong at imbistigasyon ng mga pulis, dahil ayon sa imbistigador na si PO2 Reynandthur Prado ng Boracay PNP, may mga pulis na naka-duty sa itinuturo nitong lugar at oras.

Ayon pa kay Prado, hindi na bumalik pa ang turista upang i-follow up ang kanyang mga nawawalang gamit, matapos itong makahingi ng incident report sa presento.

Nabatid na may mga nagpapa-blotter lamang sa presento ng Boracay Police kahit hindi totoo, para lamang sa insurance ng nawawalang gamit.

Russian National sa Boracay, inatake sa puso, patay

Posted October 11, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isa na namang foreign national sa Boracay ang binawian ng buhay matapos atakihin sa puso kahapon.

Ayon sa report ng Boracay PNP, kumuha pa ng resulta ng kanyang medical test sa isang klinika ang 58 anyos na biktimang si Oleg Pilipenko.

Subali’t nabatid na pumunta pala muna ito sa isang bar kahapon ng tanghali at uminom ng beer bago umuwi.

Samantala, nakaramdam umano ng hirap sa paghinga ang biktima habang paakyat sa hagdanan ng kanilang bahay, bagay na tumawag ng doktor ang kanyang asawa.

Binigyan pa ng CPR ni Dr. Maria Alexandra Villapol ang biktima subali’t binawian parin ito ng buhay dahil sa hypertension.

Nabatid na nagmamay-ari ng isang villa unit sa isang hotel sa Barangay Manoc-manoc ang biktima.

Directorial Staff mula Police Regional Office 6 nagsagawa ng inspeksyon sa BTAC

Posted October 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinangunahan ng Directorial Staff mula Police Regional Office 6 ang pagbisita at pag-inspeksyon sa Boracay Tourist Assistance Center nitong Oktobre 9-10, 2014.

Nagsagawa ang nasabing grupo ng PICE sa BTAC Personnel, nag-audit sa bawat seksyon at nag-inspeksyon sa Boat Station Post area sa front beach ng Boracay.

Ayon naman kay Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) Chief PSInspector Mark Evan Salvo, kabilang pa umano sa mga sinuri ay ang kanilang duty scheme kung ito ba ay nasusunod.

Samantala, dahil sa kadalasang naitatalang record ng BTAC kaugnay sa Land Dispute sa Boracay pinayuhan umano sila ng mga taga Regional Office na idiritso nalang ito sa Aklan Police Provincial Office (APPO) para mabigyan nila ng sapat na atensyon ang ibang kaganapan sa isla.

Sa ngayon mas pinaigting ng Boracay Tourist Assistance Center ang kanilang operasyon para sa pagbabantay ng seguridad sa buong isla ng Boracay at upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga turista na kadalang biktima sa pagnanakaw at iba pang insidente sa isla.

Chinese pangalawa sa pinakamaraming turista sa Boracay nitong Setyembre sa kabila ng Travel Ban

Posted October 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sa kabila ng inilabas na travel ban ng Chinese Government sa Pilipinas, pumapanglawa parin ang Chinese Tourist na nagbakasyon sa Boracay nitong buwan ng Setyembre

Ito ay base sa inilabas na datos ng Provincial Tourism ng Aklan para sa buwan ng Setyembre ngayong taon.

Nabatid na nitong Setyembre 13 ay nagpalabas ng Travel Ban ang China dahil sa banta umano ng seguridad sa bansa na ikinakatakot nila para sa kanilang mga mamamayan.

Bagamat pumapangalawa ang China sa Korea pagdating sa Tourist arrival sa Boracay, tila malaki ang agwat nito sa nauna na may kabuuang bilang na 19, 443 habang ang Chinese ay 7, 417 lamang.

Sa kabilang banda pumapangatlo ang Taiwan sa may pinakamaraming bumibisita sa Boracay ngayong Setyembre na may bilang na 4, 439, Malaysia 1, 395, Saudi Arabia na 1, 382, Singapore na 11, 194, USA na 1, 125, Australia na 1, 074, Japan 908 at United Kingdom na may 519.

Samantala, tila dumadaing naman ang ilang restaurants at mga business establishments sa Boracay dahil sa matumal na kustumer dala na rin ng mga nagkansilang Chinese Tourist dahil sa nasabing travel advisory.

CCTV cameras, ilalagay sa Kalibo Aklan para sa mas pinaigting na seguridad ng publiko

Posted October 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Maglalagay ng Closed-circuit television (CCTV) cameras ang Kalibo Police Station sa bayan ng Kalibo.

Ito ang kinumpirma ni Kalibo Chief of Police Chief Inspector Pedro Enriquez, kung saan ilalagay umano ito bago pa man ang Ati-Atihan salvo sa Oktubre 24.

Anya, hinikayat na rin umano nila maging ang lahat ng negosyo sa bayan na maglagay ng CCTV sa kani-kanilang establisimiyento upang makatulong sa pagsugpo ng krimen.

Ayon kay Enriquez, magmimistulang bantay ang mga CCTV laban sa mga magnanakaw at iba pang gustong gumagawa ng hindi kanais-nais kung kaya pabor din sa mga negosyante ang nasabing hakbang.

Kaugnay nito, nagpaabot din ng suporta si Kalibo Mayor William Lachica  sa plano ng pulisya, para sa mas mabisang pag-momonitor at koordinasyon ng mga kaganapan.

Samantala, dagdag pa ni Enriquez na bukod sa makatutulong umano ang mga CCTV sa pagbibigay ng real-time na sitwasyon sa bayan, mapapalakas din nito ang kakayahan ng gobyernong rumesponde sa mga emergency.

Gayundin, ang mga video at imaheng nakaka-capture umano ng isang CCTV ay maaaring magamit para sa mas mabisang pagpapatupad ng batas at sa paghahanda sa mga kalamidad.

Expansion sa Kalibo International Airport, nagpapatuloy parin

Posted October 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kinumpirma ng Kalibo International Airport (KIA) Development Project Management na nasa P945.9 million ang nakalaang pondo para sa pag-ugrade ng nasabing paliparan.

Sa ipinadalang ulat ni KIA-DOTC Project Manager Arturo Balderas sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan, P32. 50 million dito ay syang pondo na nakalaan para sa Runway Extension.

Anya, dahil sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) conference, P150 million galing sa CY 2014 DOTC budget para KIA expansion at P237.55 million naman ang galing sa DOTC CY 2014 regular budget ang idinagdag pa umano rito.

Sa kabilang dako, matatandaan sa ipinasang Resolution No 147, ang pagkukumpirma sa pagbili ng lupa sa KIA upang gamitin para sa nasabing expansion.

Nakasaad rito ang paggamit ng pondo sa pambili ng lupa, parking area at daanan ng mga eroplano, parking area sa mga behikulo at pagpapa-ayos at pagpapalapad sa terminal building.

Samantala, ang pag-upgrade umano ng KIA ay pamantayan ng pagpapabuti nito at kasama sa mga prayoridad na proyekto ng pambansang pamahalaan.

Order ng TIEZA inaantay nalang ng BIWC para suplayan ng tubig ang Caticlan

Posted October 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hinihintay parin sa ngayon ng BIWC o Boracay Island Water Company ang order mula sa TIEZA para sa pagbibigay ng suplay ng tubig sa Brgy. Caticlan sa bayan ng Malay.

Ito ang naging pahayag ni Caticlan Brgy. Captain Julieta Aron sa Local Government Unit ng Malay nitong Martes kaugnay ng kawalan ng suplay ng tubig sa ilang area ng kanilang lugar.

Nabatid na halos umabot na ng isang taon na walang tubig na dumadaloy mula sa gripo ang Sitio. Tabon Caticlan dahil sa problema sa linya ng Malay Water District kung saan sila nakakunekta.

Dahil dito mas minabuti ng brgy. na ilapit ang kanilang problema sa LGU kung saan ang Sangguniang Bayan ang siya namang nakipag-ugnayan sa BIWC para dito.

Makaraan ang mahabang pag-uusap ng Lokal na Pamahalaan at BIWC pumayag naman ang nasabing kumpanya sa hiling ng LGU bagamat ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) parin ang magbibigay desisyon nito kung saan sakop nila ang BIWC.

Ayon pa kay Aron ipapatawag niya sa kanilang Brgy. Assembly mamayang hapon ang Malay Water District o maging ang BIWC para mabigyang linaw ang mamamayan na hanggang ngayon ay uhaw parin sa pag-asa na magkaroon ng maayos at malinis na tubig sa kanilang gripo.

Nabatid na sinabi ng BIWC na ngayong unang araw ng Oktobre bibigyan na umano nila ng suplay ng tubig ang nasabing lugar ngunit hanggang ngayong ay wala parin ito dahil inaantay pa ang signal mula sa TIEZA dahil sa nagka-problema sa presyo.

Friday, October 10, 2014

Malaysian national, nawalan ng pera at cellphone sa Boracay

Posted October 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mahirap malingat sa mga pampublikong lugar.

Kadalasan kasi na may mga nabibiktima ng pagnanakaw o may mga makakakati ang kamay na naririyan lang sa paligid.

Katunayan, isang lalaking Malaysian national ang humingi ng tulong sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) matapos mawalan ng pera at cellphone sa isang comfort room sa isla ng Boracay.

Sumbong ng turistang si Vicnesh Kumar Devaraj, 20 anyos pumasok ito sa isang comfort room sa Balabag Boracay kaninang madaling araw upang maghugas ng kamay.

Inilapag umano nito ang kanyang wallet at cellphone sa kanyang tabi subali’t ilang minuto ang nakalipas ay wala na ang kanyang mga gamit, kung saan nakalagay pa anya sa kanyang wallet ang kanyang visa card, ATM card at pera na 100 Singaporean Dollars.

Ayon sa biktima, wala namang nakipag-usap sa kanya subalit napansin nya ang anim na kataong pumasok sa loob ng CR.

Samantala, kasalukuyan namang iniimbestigahan ng BTAC ang nasabing insidente.

Petro Wind Energy Plant sa Nabas at Malay inihahanda na para sa 2015

Posted October 10, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inihahanda na ang operasyon ng Petro Wind Energy Plant sa darating na 2015 sa bayan ng Nabas at Malay sa probinsya ng Aklan.

Katunayan sisimulan na ngayong araw ang pag-install ng Fiber Optic Cables (PPGW) para dito na nire-required ng NGCP o National Grid Corporation para sa nalalapit na pag-operate nito.

Nabatid na natapos na rin nilang itayo ang 18 wind mill o turbina sa Nabas at Malay na siyang inaasahang dadagdag sa enerhiya na kakailanganin ng NGCP para sa Visayas grid sa susunod na taon.

Sa kabilang banda, dahil sa nasabing pag-install ng PPGW pansamantalang mawawalan ng suplay ng kuryente ngayong araw ang bayan ng Nabas, Malay at Buruanga kasama na ang buong isla ng Boracay.

Ito ay base na rin sa ipinalabas na power advisory ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) para  bigyang daan ang pagsasaayos ng mga linya ng kuryente.

Samantala, hindi lang enerhiya ang maitutulong nito sa Visayas kung hindi inaasahang madadagdag ito sa mga tourist attraction sa probinsya katulad ng sikat na wind farm sa Bangui, Ilocos Norte na dinadayo ng mga turista at may malaking tulong sa kanilang ekonimiya.

Thursday, October 09, 2014

Presyo ng bulaklak sa ilang pamilihan, normal pa rin habang papalapit ang Undas

Posted October 9, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Normal parin ang presyo ng mga bulaklak sa ilang pamilihan sa probinsya ng Aklan habang papalapit ang Undas.

Ito ang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan, kung saan wala pa umanong nangyayaring pag-galaw sa presyo ng mga bulaklak lalo na sa isla ng Boracay.

Kinumpirma din ng DTI na batay ito sa price monitoring ng ahensya alinsunod na rin sa nakatakdang paggunita sa Araw ng mga Patay para sa buwan ng Nobyembre.

Samantala, kulang-kulang isang buwan pa bago ang araw ng mga patay pero ngayon ay maging ang presyo ng kandila ay tinututukan na rin umano ng monitoring team ng DTI.

Sekyu, kritikal matapos saksakin ng kapwa sekyu sa Boracay

Posted October 9, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Kritikal ang isang sekyu sa Boracay matapos saksakin ng kapwa security guard sa Barangay Manoc-manoc kagabi.

Ayon kay PO1 Tedy Dalisay ng Boracay PNP, dalawang sugat sa dibdib ang tinamo ng biktimang si Tomas Berdonar, 42 anyos ng Sebaste, Antique nang saksakin ng hindi nakilalang suspek.

Ayon pa sa imbestigasyon, lumapit at nakiusap umano ang suspek kung pwede itong matulog sa puwesto ng biktima na pinagbigyan naman ng huli.

Subali’t naging mabilis ang sumunod na pangyayari nang bigla na lamang itong sinaksak ng suspek sa hindi nalamang dahilan.

Samantala, nagawa pa umanong magmaneho ng motorsiklo ng biktima upang ihatid ang sarili sa ospital, subali’t sumemplang naman ito sa kalsada dahil sa tinamong sugat.

Napansin naman ng mga pulis sa lugar ang duguang biktima kung kaya’t ang mga pulis na rin ang naghatid sa kanya sa Don Ciriaco Hospital sa Boracay.

Kaugnay nito, isang man-hunt operation ang ikinasa ng Boracay PNP upang mahuli ang suspek na isa rin umanong security guard.

Lalaki, DOA sa ospital matapos bumangga sa ambulansya sa Makato, Aklan

Posted October 9, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dead on Arrival sa ospital ang isang motorista matapos aksidenteng bumangga sa ambulansya kagabi sa Makato, Aklan.

Ayon kay PO1 Kynch Parce ng Makato PNP, nagmamaneho ng motorsiklo papunta sa direksyon ng Tangalan ang biktimang si Mark Ryan Milloroso, 25 anyos ng Dungon, West, Numancia, Aklan nang bumangga ito sa isang ambulansya.

Inagaw umano kasi nito ang linya ng ambulansya na papuntang Kalibo sakay ang isang pasyente.

Resulta, malubhang nasugatan ang biktima habang nayupi ang uluhan ng ambulansya.

Isinugod naman ng mga rumespondeng pulis Makato ang biktima sa Aklan Provincial Hospital, subali’t idineklara itong DOA o dead on arrival.

Samantala, sa kabila ng insidente, tumuloy parin ang ambulansya sa Kalibo upang ihatid ang sakay na pasyente.

Tourist Center para sa mga muslim vendors sa Boracay, patuloy na pinaghahandaan

Posted October 9, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Patuloy paring pinaghahandaan ng LGU Malay ang Tourist Center para sa mga muslim vendors sa Boracay.

Bagama’t hindi muna idinetalye ang tungkol sa lugar, kinumpirma naman ng BRTF o Boracay Redevelopment Task Force na sa Tourist Center ang siyang magiging lugar para sa mga muslim vendors upang hindi na ang mga ito pakalat-kalat sa kanilang pagtitinda.

Sa ginanap na pagpupulong ng BRTF at muslim vendors kamakailan lang, ipinaliwanag sa mga ito ng task force na hindi talaga sila pwedeng maglako sa mga lugar na sakop ng 25+5 meter easement.

Bagay na ginagawan ngayon ng paraan ng lokal na pamahalaan ng Malay na maging maayos ang hanap-buhay ng mga kapatid na muslim sa isla.

Samantala, bagama’t nilinaw din sa pagpupulong na hindi sila pinipilit na lumipat sa tourist center, nanindigan naman ang task force tungkol sa patas na pagpapatupad ng batas sa isla.

Paglagay ng basement ng mga establisyemento sa Boracay, ipagbabawal na

Posted October 9, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maaari nang ipagbawal ang paglalagay ng basement ng mga establisyemento sa isla ng Boracay  sakaling ito’y maaprobahan sa Sangguniang Bayan ng Malay.

Nagdudulot umano kasi ito ng pagbaha sa tuwing malakas ang buhos ng ulan kung saan pinapasok ito ng tubig saka naman nila ito pinu-pump papuntang drainage system na siyang dahilan ng pag-apaw ng tubig.

Sa committee report ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre sa SB Session nitong Martes sinabi nito na kailangan na itong ipagbawal sa halip na e-regulate.

Matagal na din umano itong napag-usapan sa departemento ng Zoning at Engineering Office ng Malay kung saan ipinagbabawal na din nila ang mga gumagawa ng construction ng basement sa Boracay dahil sa ilang talampakan lang ang huhukayin ay may lumalabas na agad na tubig.

Ayon pa kay Aguirre masyado umanong malakas ang volume ng tubig na nagmumula sa underground kung saan napag-alaman na ilang malalaking hotel sa isla ang may basement na karaniwang nilalagyan ng kanilang generator set.

Samantala, ang nasabing usapin ay itinakda naman sa second reading sa susunod na session ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Lalaki nagreklamo sa BTAC matapos umanong pinaputukan ng baril sa Boracay

Posted October 9, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo ng alarm and scandal ang isang lalaki sa Boracay matapos na umano’y pinaputukan ng baril.

Ayon sa blotter report ng BTAC, nagsumbong ang hindi na pinangalanang 32 anyos na lalaki matapos na habang nakikipag-inuman umano ito sa kanyang mga kamag-anak ay biglang nakarinig ng putok ng baril papunta sa kanilang direksyon.

Nagdulot naman ng pangamba sa nasabing lalaki ang insidente kung kaya’t tumungo ito sa himpilan ng BTAC upang magreklamo.

Samantala, hindi naman nakilala kung sino ang nagpaputok ng baril sa lugar.