YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 29, 2013

DTI Aklan maglulunsad ng programa para sa mga producers at providers sa isla ng Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Maglulunsad ng programa ang Department of Trade and Industry (DTI) - Aklan na may kinalaman sa “leveraging industries”.

Ito ay para sa supply chain o sa pagma-market sa mga supplier ng mga materyales, o pagpapalawak sa pamamagitan ng isang proseso ng pagmamanupaktura sa distributor at retailer para sa mga konsyumer.

Ito ay kasunod ng kanilang aktibidad kamakailan para pagtibayin ang Investment Conference (ICon) na ginanap noong Abril a-trenta ng taong kasalukuyan.

Layunin nito na masuportahan at palakasin ang relasyon na itinatag nila pagkatapos ng isinagawang "speed matching event" ng DTI noong October 2012.

Ang aktibidad na ito ay para bigyan na rin ng pagkakataon ang mga service providers, producers at manufacturers para sa small and medium enterprises (SMEs) sa Aklan.

Ito ay para paunlarin na rin ang serbisyo na kanilang ibinibigay, katulad ng pagbibenta ng prutas, gulay, at iba pang produkto na may malaking ugnayan para sa turismo ng Boracay, at para na rin maitaguyod ang mga produkto sa probinsya ng Aklan.

Gaganapin ang nasabing programa sa darating na Hulyo a-dos hanggang a-tres ng taong kasalukuyan sa isang resort dito sa isla ng Boracay.

Samantala, inaanyayahan naman ng DTI Aklan Provincial Office ang lahat ng mga interesadong grupo mula sa ibat-ibang hotels at resorts, lalo na ang mga purchasing managers, o maging mga representante nila na dumalo sa napakahalagang programang ito.

Aklan, makiki-isa sa layuning pagwawakas sa gutom at malnutrisyon sa Nutrition Month 2013

Nina Kate Panaligan at Christy Dela Torre, YES FM at Easy Rock Boracay

Inilabas na ang tema para sa pagdiriwang ng Nutririon Month ngayong taon.

Ayon kay Aklan Provincial Health Office (PHO) Nutritionist/ Dietician II, Crescini S. Roxas, ang tema sa buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo 2013 "Gutom at Malnutrition, Sama-Sama Nating Wakasan".

Anya, ito ay bilang tugon na rin sa layunin ng United Nations Millennium Development na maalis o mabawasan man lang ang matinding kahirapan at kagutuman na nararanasan ng bawat mamamayan.

Batay sa memorandum No.67, series of 2013 ng DepED, bawat taon sa buwan ng Hulyo, ang National Nutrition Council (NNC) ay mangunguna sa buong bansa sa pagdiriwang ng Nutrition Month, upang ipalaganap ang impormasyon kaugnay sa kahalagahan ng nutrisyon sa lahat ng mga Pilipino.

Layunin din ng naturang pagdiriwang na taasan ang kamalayan sa mga isyu at mga pagkilos upang malabanan at wakasan ang kagutuman.

Hinihikayat din ito ang pamahalaan, mga ahensya, non-government organizations, pribadong sektor, civil society organization na lumahok at mag-ambag sa pagtugon sa naturang mga usapin.

Inaasahang ang pagdiriwang na ito ay lalahukan din ng bawat isa mula sa mga barangay, paaralan at lokal na pamahalaan sa buong probinsya ng Aklan.

Caticlan at Cagban Port, nagkansela ng biyahe dahil sa bagyong Gorio; nilipat sa Tambisaan at Tabon Port

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Kinansela na ngayon ang biyahe ng mga bangkang biyaheng Caticlan at Cagban Jetty Port.

Ito’y dahil sa patuloy na paglakas ng tropical storm na si Gorio habang papalapit sa Eastern Visayas.

Kung saan kabilang ang probinsya ng Aklan sa inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bilang Public Storm Warning Signal No. 1

Ayon naman kay Jetty Port Statistician at Technical Assistant Mars Bernabe, naglabas na umano ang Philippine Coast Guard ng senyales kung saan dapat ng ilipat ang biyahe sa Tambisaan at Tabon Port.

Samantala, ayon naman sa Caticlan-Boracay Transport Multi Purpose Cooperative (CBTMPC), nag-aantay narin sila ng utos mula sa PCG kung kinakailangan nang kansilahin ang mga biyahe ng bangka para sa siguridad ng mga pasahero.

Sa ngayon nilipat nila ang biyahe ng mga bangka sa Tambisaan Port dito sa isla ng Boracay patawid ng Tabon Port.

"Hindi sapat ang sinasahod namin!" --- mga mangagawa sa Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Umalma ngayon ang ilang mga manggawa sa isla ng Boracay tungkol sa kanilang kinikitang sahod na natatanggap kada buwan.

Sa isinagawang Public Consultation on Wage Issues ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) IV ng Department of Labor and Employment (DOLE) kahapon sa isang resort dito sa isla ng Boracay ay ipinaabot ng mga dumalong empleyado at employers mula sa ibat-ibang hotels dito sa isa at sa probinsya ng Aklan ang kanilang mga katanungan sa miyembro ng RTWPB.

Basw sa mga naging pahayag ng mga employers sa miyembro ng RTWPB ay sadyang hindi sapat ang kanilang kinikita kahit sabihin pa na may natatanggap pa silang mga incentives mula sa kanilang pinapasukang trabaho.

Anila, kulang pa rin ito dahil sa mahal ng gastusin dito sa Boracay at maging ang mga inuupahan nilang tirahan.

Sa ngayon ay pinag-uusapan na ng RTWPB ang kanilang magiging hakbang sa mga naipaabot ng mga empleyado tungkol sa pag-alma nila sa sahod at sa gusto din nilang pagtaas ng kanilang minimum wage.

Pasahod sa isla ng Boracay, mainit na tinalakay ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng DOLE

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Mainit na tinalakay ang tungkol sa sahod ng mga mangagawa sa isla ng Boracay at sa probinsya ng Aklan sa isinagawang Public Consultation on Wage Issues ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) VI ng Department of Labor and Employment(DOLE) kahapon ng umaga.

Ginanap ang nasabing programa sa convention center ng isang resort sa station 3 dito sa isla ng Boracay.

Dinaluhan ito ng mga empleyado at management groups mula sa ibat-ibang hotel at establisyemento dito sa isla ng Boracay at sa probinsya ng Aklan.

Dito ay hinati sila sa dalawang grupo kung saan ang isang hati ay kinabibilangan ng puro mga empleyado at ang isa ay puro management groups.

Napag-uusapan nila dito ang nais nilang ipaabot sa mga miyembro ng RTWPB VI, at nagkaroon din ang bawat grupo ng tagapagsalita.

Ayon naman kay CESO III Chairman RTWPB VI Director Ponciano Ligutom, kung gusto talaga ng mga empleyado na tumaas ang kanilang sahod sa kanilang pinapasukang trabaho ay kailangan muna nilang pag-isipan ng mabuti ang eksaktong halaga na gusto nilang idadagdag sa kanilang magiging sahod kung sakaling ito’y maaprubahan.

Samantala, ayon naman sa mga miyembro ng RTWPB, ang nasabing consultation sa wage issues ay tatalakayin pa sa board hearing ng Region 6.

Anila, ito ay dahil hindi umano basta-basta ang ganitong klasing usapin at kailangang may sapat na basehan kung bakit kailangang taasan ang sinasahod ng mga manggagawa lalo na sa isla ng Boracay.

Publiko, huwag maging kampante sa mga nauusong sakit --- Malay Municipal Health Office

Nina Shelah Casiano at Alan Palma Sr., YES FM at Easy Rock Boracay

“70% prevention at 30% cure”.

Ito sa ngayon ang iminumungkahi ni Malay Municipal Health Officer Dr. Adrian Salaver sa publiko sabay paalala na huwag pakampante at alamin kung paano makaiwas sa mga nauusong sakit sa ngayon.

Bagama’t nais nilang magbigay ng libreng bakuna at gamot sa mga nangangailangan ay higit na makakatulong ang pag-iwas na lamang kung kinakailanagn.

Aniya, nasa kumunidad pa rin ang responsibilidad kung paano makaiwas kung saan iginigiit nito  na  ang malinis na kapaligiran ay isang malaking bagay.

Samantala, sinabi nito na ang Municipal Health Office ng Malay ay nagbibigay ng libreng flu vaccine para lamang sa mga senior citizen at hindi para sa lahat.

Ang Flu Vaccine na ito ay galling DOH at ito ay ipanamimigay na habang meron din namang mga kahalintulad na bakuna na mabibili din sa mga klinika at botika.

Wala namang record ng leptospirosis na naitala ang kanyang departamento.

Pero payo nito, na huwag rin sana maging kampante ang publiko dahil may mga pagbaha at maruming tubig sa Isla na maaring pamahayan ng daga.

Sa kaso naman ng dengue, huwag daw antayin ang balita na meron ng pagtaas ng kaso bago gumalaw at umakto.

Umaapela din si Dr. Salaver.so kooperasyon ng publiko at ng mga ahensya ng gobyerno na solusyunan ang suliranin sa pagbabaha at maayos na pagtapon ng basura para hindi kumalat ang mga nauusong sakit lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Resulta ng bidding ng Boracay para sa APEC 2015 Summit, inaantabayanan

Nina Rodel Abalus at Alan Palma Sr., YES FM at Easy Rock Boracay

Ilalabas na sa susunod na linggo ang resulta ng gastusin para sa Boracay para maging host o punong-abala sa APEC 2015 Summit.

Sa panayam kay Municipal Tourism Officer Felix Delos Santos nitong Miyekules, ang resulta ay malalaman na sa susunod na linggo kasabay sa pagbisita ng APEC Secretariat sa isla ng Boracay.

Dagdag pa nito, bagamat wala pang paglalahad, ito ay dumaan sa masusing ebalwasyon at presentasyon.

Sa ngayon aniya, ito ay nasa proseso na ng  huling bahagi ng pagsusuri o post evaluation period.

Ani Delos Santos, may koordinasyon ang APEC sa Department of Tourism (DOT- 6) gayundin ang DOT-Region 6 sa Municipal Tourism Office ng Malay.

Umaasa naman ito na sana mapili ang Boracay na pagdadausan ng APEC 2015 Summit.

Sakaling mapili ang Boracay, isa itong tagumpay na maituturing dahil sa kooperasyon ng ating gobyerno kasama ang DOT-6, pamahalaang probinsya ng Aklan, LGU-Malay at ng kumunidad.

Friday, June 28, 2013

DOST Aklan, tumatanggap na ng mga aplikante para sa 2014 scholarship grant

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Tumatanggap na ngayon ang Department of Science ang Technology (DOST) ng mga bagong aplikante para sa mga undergraduate na gustong mag-avail ng scholarship, lalo na sa mga incoming college students para sa taong 2014.

Ayon kay Aklan Provincial DOST Clerk Princess Dela Cruz, ang scholarship ay para sa mga magtatapos sa high school kung saan may matataas na grado na hindi makapag-aral sa kolehiyo dahil sa walang sapat na pang-matrikula.

Aniya, layunin ng nasabing scholarship na matulungan pangangailangan sa edukasyon ang mga mahihirap na mag-aaral na matatalino ngunit hindi maipadala sa kolohiyo ng mga magulang dahil sa walang sapat na pang-paaral.

Pwede rin umanong makakuha ang mga aplikante ng pormas na pipil-apan sa DOST-Aklan at ang mga naka-kompleto sa nasabing pormas ay maaari ding ipasa sa nasabing tanggapan.

Samantala, ang deadline ng submission ng pormas sa mga gustong kumuha ng scholarship ay sa a-26 ng Agosto at ang iskedyul naman ng eksaminasyon ay sa a-22 ng Setyembre ng taong kasalukuyan.

DSWD-6 nag-conduct ng forum para sa mga programa ng Senior Citizen sa Aklan

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nagkaroon ng pagpupulong ang Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) kahapon ng umaga sa isang restaurant sa bayan ng kalibo.

Ayon kay DSWD Region 6 Social Welfare Officer II Cecilia Paz, ang nasabing pag-pupulong ay para talakayin ang ilang mga programa para sa mga senior citizens kagaya ng social pension at iba pa.

Magbibigay din umano ang DSWD sa mga kwalipikadong indigent senior citizen ng cash grant na matatanggap nila kada buwan kung saan nagkakahalaga ng P500.00.

Makukuha ito ng mga senior citizen na may edad 77-anyos pataas na nakapag-sumite na ng kanilang certificate of live birth at iba pang mga requirements ng DSWD.

Dagdag pa ni Paz, bibigyan din nila ng I.D ang mga senior citizen kung saan iyon ang magiging pribilehiyo nila na maaring nilang gamitin katulad ng pamimili ng mga groceries at pamasahe sa sasakyan para mabigyan sila ng discount.

Samantala, sa mga nais naman umanong mag-apply, tulad ng mga nandito sa isla ng Boracay, ay marapat na magtungo lamang sa Malay Office o sa Boracay Action Center o di kaya ay sa lokal na opisina sa probinsya ng Aklan.

Mga bakasyunistang Taiwanese, inaasahang babalik na sa Boracay

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Inaasahang muling magbabalik sa normal ang biyahe ng mga Taiwanese papuntang Pilipinas partikular na sa mga tourist spots sa bansa katulad ng isla ng Boracay.

Ito ay matapos ang isang buwan na imbestigasyon kaugnay sa nangyaring pagpatay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang mangingisdang Taiwanese noong Mayo a-9, taong kasalukuyan, ay naihain na rin ang parusa laban sa naturang miyembro ng PCG.

Matatandaang una nang inihayag ni Department of Tourism officer-in-charge Tim Ticar na nabawasan ang mga turistang Taiwanese na nagbabakasyon sa isla dahil sa marami umanong mga nakanselang flights, gayon din sa mga hotels na tutuluyan sana ng mga ito, dahil na rin sa travel ban na ikinasa ng bansang Taiwan dulot ng naturang pangyayari.

Bagama’t sa ngayon, ayon kay Ticar, ay wala pa umanong opisyal na impormasyon na natatanggap ang DOT hinggil sa muling pagbabalik ng mga Taiwanese sa isla.

Ngunit positibo itong babalik rin sa dati ang bilang ng mga ito partikular na ang muling pagbisita sa isla ng Boracay.

Thursday, June 27, 2013

DOH Aklan, dumalo sa isinagawang lecture para sa mga sakit sa Camp Jismundo sa Banga

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Dumalo ang pamunuan ng Department of Health sa probinsya ng Aklan sa ipinatawag ng Camp Jismundo sa bayan Banga para sa isang lecture tungkol sa mga sakit.

Ayon kay DOH Aklan nutritionist-dietitian Sonia David, nagsimula kaninang umaga ang nasabing lecture kung saan napag-usapan umano ang tungkol sa mga sakit kagaya ng rabies, human immunodeficiency virus (HIV), dengue at iba pang nakaka-alarmang mga sakit na nauuso sa panahaon ngayon.

Aniya, humiling ang pamunuan ng Camp Jismundo na dumalo sa nasabing lecture para mapag-usapan ang mga naturang sakit.

Matatandaang naglalabasan ngayon ang mga nakakatakot na sakit kagaya ng dengue at ang bagong kumakalat na virus sa probensya ng Antique.

Samantala, wala namang naging pahayag si David tungkol sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na batang lalaki dahil sa sakit na meningococcemia matapos na isinugod sa Aklan Provincial Hospital.

Engr. Elizer Casidsid, pamumunuan ang pagsuyod ng ibinuong task force on mandatory sewer connection

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Pamumunuan ni Engr. Elizer Casidsid ng Municipal Engineering Office ang task force na tututok sa mga suliranin hinggil sa sewer system at drainage sa Boracay sa susunod na buwan ng Hulyo taong kasalukuyan.

Inatasan kasi ng alkalde ng Malay na si Mayor John Yap si Casidsid katuwang si Engr. Ben Manosca, COO ng BIWC, para tugunan ang problema sa mga hindi nakakonekta sa sewerage system na siya namang nakikitang dahilan ng mga pag-apaw ng waste water sa mga kakalsadahin at mababaw na area sa Boracay.

Una rito, nagpatawag si Manosca ng pulong sa mga miyembro ng task force na kinabibilangan ng mga lider sa mga departamento ng LGU-Malay kasama ang DOT-Boracay at DENR.

Layunin ng ibinuong task force ay susuyurin ang buong Boracay para alamin ang mga hindi pa nakapag-konekta sa sewer line o sewerage system at paalalahanan na kailangan nitong tumalima alinsunod sa ordinansa.

Ang Municipal Ordinance No. 297 series of 2011, ang magiging armas ni Engr. Casidsid kasama ang miyembro nito para obligahin ang isang establisyemento, gusali at kabahayan para mag konekta sa sewerage system.

Ani Casidsid, may proseso na susundin pero ang mga hindi naka-konekta sa gagawing inspeksyon ay papatawan kaagad ng Notice of Violation at kailangan nitong dumalo sa isang hearing para magpaliwanag.

Ang mga hindi makadalo sa hearing ay agad namang papatawan ng penalidad at posibleng i-endorso sa alkalde na kanselahin o tatanggalan ng Business Permit base sa nakasaad sa ordinansa.

Gagawin ang ganitong aktibidad ng Task Force sa loob ng tatlong buwan simula Hulyo a-10 ng taong kasalukuyan.

Samantala, naniniwala naman si BFI President Dionisio Salme na magkakaroon ng magandang resulta ang gagawing hakbang ng LGU-Malay.

Dagdag pa nito, paalalahan ang mga lumalabag na may kontribusyon sila sa mga nangyayari sa Isla ng Boracay ng sa ganoon ay susunod sila para sa kapakanan ng lahat.

DOH Aklan, magiging alerto sa pagkalat ng sakit na chikungunya virus sa Antique

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Dahil sa pagkalat ng sakit na chikunguny virus sa Antique ay magiging alerto na rin ang Department of Health - Aklan dahil sa patuloy na pag-atake nito.

Ayon naman kay DOH Aklan Supervising Sanitary Inspector Roger Debuque, kahit wala pa umano silang natatanggap na babala mula sa Region 6 tungkol sa kumakalat ng nasabing sakit ay handa naman sila sa pag-papaalala sa mga mamayan sa probensya ng Aklan.

Ang chikungunya virus ay patuloy na umaataki ngayon sa nasabing lugar kung saan umaabot na umano sa mahigit 300 katao na ang dinapuan nito.

Ang nasabing sakit ay maihahalindtulad na rin sa sakit na dengue na kasalukuyan ngayong umaataki sa bansa dahil sa pag-uulan.

Samantala, patuloy pa ring nanawagan si Debuque sa mga mamayan ng Aklan na maging alerto sa sakit na dengue at maging sa panibagong kumakalat na sakit ngayon.

Kontrobersyal na dalawang hayop sa Boracay may sapat na permit --- DENR

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

May sapat umanong permit ang dalawang kontrobersyal na hayop na pandagdag atraksyon sa isang resort dito isla ng Boracay.

Ayon kay, CENRO Boracay Forester II SMS Specialist Delilah S. Maujeri, may sapat naman umanong permit ang dalawang hayop na tigre at python kung saan ini-release pa ito ng Regional office nila sa Iloilo.

Aniya, ngayong taon lang din ito dinala sa Boracay para maging atraksyon sa isang Resort sa front beach sa area ng station 3 at magtatagal lamang ito sa katapusan ng Hunyo nitong taon.

Dagdag pa ni Delilah, galing pa umanong Cebu City ang dalawang mababangis na hayop na agaw atraksyon ngayon sa isla.

Samantala, ang nasabing mga hayop ay naging topiko sa regular session ng SB Malay noong Martes kung saan ihinayag ng ilang mga miyembro ng konseho na nag-aalala sila para sa seguridad ng mga turistang nakakalapit dito dahil wala itong kulungan sa ngayon at nakatali lamang habang binabantayan ng taga-alaga at kung may sapat na permit mula sa DENR.

Mga hindi konektado sa sewerage system, oobligahin sa binuong Task Force sa Boracay


Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Ibinabalangkas sa ngayon ang pagpapalabas ng Executive Order ni Mayor John Yap na nag-uutos para ibuo ang Task Force na tututok sa mga establisyemento at mga kabahayan na hindi pa konektado sa linya ng sewer sa isla ng Boracay.

Ayon kasi sa ka-amyendang ordinansa ng Malay, sa Section 1 ng Municipal Ordinance No. 297 Series of 2011, nag-uutos ito na obligahin na magpa-konekta sa sewerage system ang mga establisyemento at kabahayan na pasok sa 61 metro mula sa linya ng sewer.

Ang task force ay binubuo ng mga kawani ng LGU-Malay mula sa Municipal Engineering Office, MPDC, Licensing, Municipal Health Office, Baranggay Officials, Department of Tourism at DENR-Boracay.

Sasamahan naman ito ng mga taga-BIWC na siyang may hawak ng mga datos at mapa ng mga lugar na susuyurin.

Ang BFI, PCCI at Yes FM ay magsisilbing taga-obserba sa gagawing inspeksyon at pagbibigay ng mga notice of violation.

Ayon kay Ben Manosca, Chief Operating Officer ng BIWC, tatlong buwan lamang ang ibinigay na panahon ng alkalde sa task force para tapusin at bigyan ng solusyon ang mga suliranin sa sewer, pag-bara sa drainage, at  mga pagbabaha sa kalsada.

Samantala, positibo naman ang nakikitang resulta nina Boracay Island Chief Operating Officer Glenn Sacapano at Jony Salme ng BFI.

Anila, “pa-konsensya” ang gagawin para sasang-ayon ang lahat at ipaalala na ang ginagawang hakbang ay para sa kinabukasan ng Boracay.

Wednesday, June 26, 2013

Mga outgoing officials ng Malay, nag-iwan ng huling mensahe sa mga kasamahan

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nag-iwan ng kanilang mga huling mensahe ang mga outgoing officials ng SB Malay sa kanilang mga kasamahan.

Sa 18th Regular session ng SB Malay kahapon ng umaga, naunang nagbigay ng mensahe si outgoing SB Member Jonathan Cabrera, kung saan pinasalamatan nito ang mga kasamahan sa trabaho, ang buong LGU Malay at ang mga Malaynon.

Sinundan naman ito ni SB Member Dante Pagsuguiron, kung saan masaya nitong ibinida ang kanyang mga nagawa sa loob ng ilang taong panunungkulan sa bayan ng Malay.

Personal din itong pinasalamatan ang kanyang mga kasamahan.

Maliban sa mga ito, nag-iwan din ng mensahe si out going SB Member at ngayo’y Aklan Board  Member Esel Flores, kasabay ng paghiling ng suporta sa kanyang mga iiwang kasamahan.

Isa-isa naman silang pinasalamatan ni Vice Mayor Elect Wilbec Gelito sa kanilang naging kontribosyon sa konseho at sa bayan ng Malay.

Samantala, magtatapos na ang termino ng mga out going SB sa Hunyo a-30 at uupo naman ang new sets officials sa Hulyo a-1 ng taong kasalukuyan.

Pag-display ng mababangis na hayop sa beach front ng station 3, iimbestigahan na ng LGU Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Iimbestigahan na ng LGU Malay ang pagdisplay ng mababangis na hayop sa beach front ng station 3 dito sa isla ng Boracay.

Sa 18th regular session ng SB Malay kahapon ng umaga, ipinaabot ni SB Member Rowen Aguirre ang tungkol sa nasabing mga hayop partikular ang tigre at python na sinasabing agaw-atraksyon doon.

Napag-alaman umano nito na maraming mga turista ang nagnanais na makita ng personal at makapag palitrato sa mga ito.

Kaya naman sinabi ni Aguirre na hindi dapat expose ang naturang mga hayop lalo pa’t mababangis ang mga ito.

Bagay na sinang-ayunan naman nina SB Member Jupiter Gallenero at Esel Flores.

Ayon kay Gallenero, kahit pa may taga-alaga o taga-bantay ang mga hayop ay hindi parin dapat maging kampante.

Ipinapausisa naman ni Aguirre kung may sapat itong permit para payagang magpost ng ganito kabangis na hayop sa beach front.

Caretaker at photographer sa Boracay, kalaboso dahil sa illegal na pagdadala ng baril

Ni Jay-ar Arante at Malbert Dalida, YES FM Boracay

Kalaboso ang inabot ng isang caretaker at photographer sa Boracay dahil sa umano’y illegal na pagdadala ng baril.

Kinilala sa police report ng Boracay PNP ang suspek na si Condrado Castro ng Tambissan, Manoc-manoc, isang caretaker at ang photographer na si Romelio Malificiar ng Maasin, Iloilo.

Nangyari ang insidente kahapon ng nnong Lunes, matapos ireklamo ang mga ito ng tatlong magkakapatid at isa pang minor de edad na kasama nila.

Pinaputukan umano kasi ng suspek na si Condrado ang mga ito, habang pinapaalis sa kanilang pinapaliguan.

Nabatid na ang lugar na pinapaliguan ng mga nahintakutang biktima ay nasa loob ng property na pinagtatrabahuan ni Condrado.

Ayon pa sa report, ang kalibre .45 na ginamit sa pagpapaputok ng suspek ay ang ibinigay na baril ni Romelio.

Sa pagresponde naman ng mga pulis ay narekober ang nasabing baril kasama isang magazine nito na limang bala.

Nang hanapan naman ng pertinenteng papeles ang suspek na si Romelio ay wala umano itong naipakita.

Kaugnay nito, pansamantalang ikinostodiya sa Boracay PNP ang dalawa para sa karampatang disposisyon.

Wala namang naiulat na nasugatan sa mga biktima dahil sa nasabing insidente.

DOH-Aklan, nakapagtala ng 166 kaso ng dengue sa loob ng limang buwan ngayong taon

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nakapagtala ngayon ng mahigit isang daan at animnaput anim na kaso ng Dengue ang Department of Health sa Aklan sa loob ng limang buwan.

Ayon kay DOH Aklan Supervising Sanitary Inspector Roger Debuque, simula noong Enero a-uno at nitong buwan ng Hunyo taong kasalukuyan ay umabot umano sa halos isang daan at anim naput anim na kaso ng dengue ang kanilang naitala mula sa ibat-ibang bayan sa probinsya ng Aklan.

Aniya, mas mababa ito ngayon kumpara noong nakaraang taon na halos umabot sa isang daan at walumput pitong kaso ng nasabing nakamamatay na sakit.

Dagdag pa nito, dahil umano sa naging kampanya lalo na sa panahon ng tag-ulan ay naging alerto na rin sila sa sakit na dengue.

Kasabay nito, nagbabala naman si Debuque na sundin ang “4S” na inilunsad ng DOH para makaiwas sa sakit na ito.

Ang unang “S” ay “seek and destroy” kung saan dapat linisin ang mga lugar na posibling pamugaran ng lamok at ang pangalawa ay “S” “seek early consultation” na kung saan magpakunsulta agad sa doktor kung tumataas ang lagnat.

Sunod naman nito ay “self protection” na kailangang magsuot ng mahabang manggas at maglagay ng kulambo kung matutulog na at ang pang-huling “S” naman ay “say no to fogging” dahil dapat na gamitin lamang ito kung may dengue outbreak na sa lugar.

Mga pulis sa Boracay, magbibisikleta na!

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Mga nagbibisikletang pulis na ang makikita sa Boracay sa susunod na buwan.

Ayon kay Sr. Insp. Joefer Cabural, ito na ang gagamitin ng ilang mga kapulisan dito sa isla simula sa Hulyo a-singko ng taong kasalukuyan.

Ito’y kapag pormal nang nai-turn over ang dalawampung unit ng bisikleta sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) mula sa Philippine National Police (PNP).

Anya, sakto lang ito dahil hindi naman kaila sa kanila na kailangan pa nga nilang maghintay na makabalik ang kanilang service vehicle para makapag-responde sa iba pang tawag sa kanila.

At kahit umano meron na silang dalawang sasakyan ay kailangan pa ring i-konsidera na makitid lang ang mga daanan dito sa isla.

Kaya’t tamang-tama umano ang bagong programa ng PNP na magkaroon ng “Patrol 2013” kung saan isa sa mga konseptong nakapaloob dito ay ang pag-gamit ng mga bisikleta o ang “Bicycle Patrol” para mas mabilis at mas maging visible ang mga kapulisan.

Kaugnay nito, dalawampung miyembro na ng BTAC ang sumailalim sa “Bicycle Training”, dalawang linggo na ang nakakalipas, na ginanap sa Camp Delgado sa Iloilo City.

Ito ang pinaka-unang batch ng training para sa bagong programang ito ng PNP, at ang unang pokus nito ay ang Western Visayas, partikular na sa tourist destination na Boracay Island.

Samantala, kinumpirma naman ni Cabural na may dalawang service vehicles na naidagdag sa mga una nang ginagamit ng Boracay PNP.

Ito ay ang multicab na ibinigay ng isang pribadong kompanya sa tulong na rin ni Malay Mayor John Yap.

Nauna na ring nag-turn over ng isang unit ng jeep ang Aklan Police Provincial Office (APPO) na ngayon naman ay ipinapaayos na ni Commodore Leonard Tirol upang magamit din sa pag-responde sa mga krimen dito sa Boracay.

Tuesday, June 25, 2013

“Caticlan Reclamation Project, dapat ipagpatuloy” --- Aklan Cong. Teodorico Haresco


Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Dapat ipagpatuloy ang Caticlan Reclamation Project.

Ito ang paniniwala ni Aklan Cong. Teodorico Haresco, kaugnay sa naunsyaming proyekto ng pamahalaang probinsya.

Sa panayam ng himpilang ito kay Haresco, sinabi nito na dapat lang talagang ipagpatuloy ang nasabing proyekto para sa kapakanan ng mga turista sa Boracay.

Naniniwala din umano ito na naipit lamang ng isang hindi pagkakaunawaan ang reclamation project.

Maliban dito, iginiit din ni Haresco na hindi totoong 35 hectares ang lawak ng nasabing proyekto, kundi 2.6 hectares lang.

Samantala, naniniwala naman si Haresco na dapat tingnan din muna kung ang mga kahalintulad na development ay kakayanin ng kapaligiran.

Dahil kung hindi ay mas makabubuti umanong huwag na itong ipagpatuloy.
Maliban sa sinasabing hindi pagkakaunawaan ng pamahalaang probinsya at LGU Malay sa Caticlan Reclamation Project.

Matatandaang nitong nagdaang taon ay ipinag-utos ng korte suprema na ipatigil ito dahil sa ilang isyung pangkapaligiran.

Ilang fire dancers sa Boracay, ‘no choice’ umano sa pagpuna ng DOT

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

“No choice naman kami.”

Ito ang sinabi ng taga Frost Fire Dancers group sa Boracay tungkol sa pagpuna ng DOT o Department of Tourism sa gas na ginagamit nila sa kanilang aktibidad.

Sa pakikipanayam ng himpilang ito kagabi kay Aragon, spokesperson ng nasabing grupo, iginiit nito na wala na siyang ibang alam sa kung anong klaseng gas pa ang pwedeng ipalit sa gas na ginagamit nila.

May kamahalan din umano kasi ang gas na ginagamit sa mga international fire dancing.

Ito’y matapos sinabi ni Boracay DOT Officer In Charge Tim Ticar na hahanapan nila ng paraan upang hindi na gumamit pa ng gas ang mga fire dancers na ito.

Magkaganoon pa man, sinabi pa ni Aragon na maganda ang naging suhestiyon ng DOT para sa kanila.

Samantala, bagama’t aminado itong may mga nagrereklamo naman talaga sa masamang amoy ng gas na dulot ng kanilang aktibidad, tiniyak naman ni Aragon na hindi sila pakalat-kalat sa tuwing magpi-perform, dahil binabantayan din sila ng mga taga MAP o Municipal Auxiliary Police.

Nililigpit din naman umano nila ang kanilang mga gamit pagkatapos.

Matatandaang kamakailan lang ay pinuna ng DOT sa isang press conference sa Boracay ang aktibidad ng mga fire dancers sa isla, dahil pinaniniwalaang polusyon na maaaring dulot nito.

Oath taking ng mga bagong halal na politiko sa bayan ng Buruanga gaganapin ngayong araw

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ngayong araw gaganapin ang oath taking na mga bagong halal na na politiko sa bayan ng Buruanga, Aklan.

Ayon kay Burunga Mayor Erik Labindao, gaganapin mamayang alas-3:00 ng hapon ang  oath taking sa Buruanga Covered Court.

Aniya, preperado na rin ang lahat para sa nasabing gagawing okasyon bukas.

Inaasahang dadalo umano sina newly elected Congressman Teodorico Haresco, kasama si Aklan Governador Joeben Miraflores at Bise-Governador Gabrielle Billie Calizo-Quimpo.

Samantala, magtatapos naman ang termino ng mga outgoing officials ng mga politiko sa bayan Buruanga sa Hunyo a-30.

Ayon naman sa Comelec, inaasahang uupo sa kanilang puwesto ang mga new sets of officials sa National at Local Level sa unang araw ng Hulyo, taong kasalukuyan.

Monday, June 24, 2013

Phil. Coast Guard, nakahanda na ngayong pista ni San Juan

Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM Boracay

Karaniwang nagbabasaan ang mga handang makipagsaya, na halos maligo na sa kalsada.

Ang iba naman ay binubuhusan ng tubig ang ilang naglalakad o mga naka sasakyang dumaraan,motorsiklo, pedicab, traysikel, jeep, bus, at iba pa.

Ito kasi ang araw ng pista ni San Juan Bautista at nakagawian na nating mga Pilipino na maligo o mag excursion sa mga baybaying-dagat, ilog o kung saan saan pa.

At isa ang isla ng Boracay sa mga dinarayo tuwing ipinagdiriwang ang selebrasyong ito.

Sa pakikipanayam ng himpilang ito kay CPO (Chief Petty Officer) Petro Paganos ng Caticlan Coastguard tungkol sa kung anu-ano ang mga inihanda nilang gagawin sa pagdiriwang ng tradisyong ito, magkakaroon umano sila ng mga routine inspections sa baybayin ng Boracay tulad ng pag papatrol gamit ang kanilang rubber boat.

May mga tao din umano silang lalabas para mag-patrol o magbabantay sa mga lifeguard posts kasama ang mga taga-Coast Guard Auxiliary.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na ang probinsya ng Aklan ay maraming resorts o paliguan na pwedeng pagdausan ng ganitong pagdiriwang katulad na lamang sa Nabas, nandyan ang Basang, Manyuko at ang sikat na Hurom-Hurom Cold Springs.

Amin ring naitanong sa kanya kung meron din ba silang inihandang mga safety precautions.

Ngunit ayon kay Paganos, hindi na umano nila sakop ang mga ito dahil may inihanda na rin ang sarili nilang mga taga lokal na pamahalaan.

Paalala na lang ng mga taga Phil. Coast Guard sa mga maliligo, iwasan sana nilang lumangoy ng malayo lalo’t lalo pa na habagat season ngayon para maiwasan ang anumang sakuna na maaaring maganap.

Ang pista ni San Juan de Bautista ay tradisyon nating mga Pilipino at pinaniniwalaang tanda ng ating pagkakabinyag bilang mga Kristiyano.

Dagdag pa nito na ang paniniwalang ang mabasa sa pagdiwang na ito ay simbolo sa pagtanggap ng biyaya mula sa Panginoon.

Bangkay ng 26- anyos na babae, natagpuang nakasilid sa sako sa Makato, Aklan

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Nasa masusing imbistigasyon pa ng mga taga-Makato PNP ang natagpuang bangkay ng isang babae sa Agbalogo, Makato, Aklan kahapon ng umaga.

Ayon sa report, natagpuan ng ilang mga mangangahoy sa isang hukay doon ang sako kung saan nakasilid ang bente sais anyos na biktima.

Sinasabing nasa advance state of decomposition o naaagnas na ang bangkay na iginapos pa ang mga kamay at paa.

May tali din umano ang kanyang baywang at leeg.

Napag-alamang nitong nagdaang buwan pa ng Mayo hindi nakauwi sa kanilang lugar sa Estancia, Kalibo, Aklan ang biktima.

Ayon naman sa Kalibo PNP, kasalukyuang nasa isang punerarya na ang nasabing bangkay.          

Sunday, June 23, 2013

Ilang mga stakeholders sa Boracay wala pang napag-uusapan sa bagong ilalabas na resibo ng BIR

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Wala pa umano ngayon sa usapin ng ilang mga stakeholders dito sa isla ng Boracay ang tungkol sa pagpapalit ng bagong resibo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mangyayari sa katapusan ng Agosto.

Ayon kay Boracay Foundation Incorporated Executive Director Pia Miraflores, wala pa silang opisyal na katayuan sa ilalabas na bagong resibo ng BIR dahil sa ngayon ay hindi pa nila na pag-uusapan ang tungkol dito.

Kamakailan lang ay inanunsyo ng BIR na puwede pang gamitin ng mga negosyante ang mga lumang resibo hanggang Agosto trenta para bigyan ng sapat na panahon ang mga ito na makapag-handa ng husto at makapagpa-imprenta ng mga bagong resibo.

Sinabi din ng BIR na hanggang sa katapusan ng Hunyo na lamang sana ang pag-gamit ng lumang resibo, pero dahil sa kakulangan ng oras at panahon ay minabuti nila itong gawing hanggang sa a-30 ng Agosto ng kasalukuyang taon.

Matatandaang ang naging dahilan ng pagpapalit ng resibo ng BIR ay upang maibsan ang pag-gamit ng ilang mga tiwaling negosyante ng mga resibong kadalasan ay napepeke at ito ay nagiging resulta sa pagbaba ng kita ng gobyerno sa pagsisingil ng buwis.