YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 29, 2015

Karagdagang classrooms, ipinatayo ng DepEd sa Yapak ES sa Boracay

Posted August 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for SCHOOLDahil sa dumaraming mag-aaral, nagpatayo ngayon ang Department of Education (DepEd) ng karagdagang classrooms sa Yapak Elementary School sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Jake Sullano Principal ng Yapak Elementary School kung saan pinondohan umano ito ng DepEd national na nagkakahalaga ng P3 milyon pesos.

Aniya, ito na ang sagot sa dumaraming mga enrollees ng kanilang paaralan kung saan nasa walong daan at limamput apat na umano ngayon ang mag-aaral ng Yapak ES na tumaas ng mahigit sa isang daan at limampu mula sa dating pitong daan.

Samantala, maliban dito meron din umanong special education fund para sa propose project si Malay Mayor John Yap na siyang ipapatayo ng classroom sa bakanting lote ng paaralan para ma-accomodate ang dumadaming estudyante sa kinder.

Nabatid na ang Yapak Elementary School ay maagang nabiyayaan kahapon ng maagang pamasko mula sa Ayala Cooperative kung saan nabigyan ang mga ito ng toy library at mga school supplies.

Boracay mistulang naging Metro Manila dahil sa traffic

Posted August 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Boracay trafficMistulang naging Metro Manila ang isla ng Boracay dahil sa sunod-sunod na nararanasang trapiko nitong mga nakaraang araw lalo na sa oras ng gabi.

Ito ay dahil sa ginagawang construction sa mainroad ng Balabag na siyang dahilan ng mahabang trapiko na ikinainis ng mga motorista at mga commuters.

Bagamat para sa ikakaganda ng kalsada hindi parin maiwasan ng ilan ang mag-ngitgit sa galit lalo na ang mga pumapasok sa trabaho.

Nabatid na kadalasang umaabot pa sa labin limang minuto ang tinatagal ng trapiko kung saan damay maging ang mga turista sa Boracay.

Ang nasabing construction sa mainroad Balabag ay proyekto ng PEO kung saan inaayos nito ang mga area na lubak-lubak ang daan.

Yapak Elementary School, nabiyayaaan ng maagang pamasko mula sa Ayala Coop.

Posted August 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maagang nabiyayaan ng pamasko ang walong daan at limamput-apat na mga mag-aaral ng  Yapak Elementary School sa isla ng Boracay kahapon.

Ito’y matapos na masuwerti silang napili sa buong Aklan ng Ayala Cooperative sa pakikipagtulungan sa Boracay Water Company para mabigyan ng toy library at school supplies.

Taos puso naman ang pasasalamat ng Principal ng Yapak Elementary School na si Jake Sullano dahil sa mga ibinigay sa mga mag-aaral kung saan malaki umano itong tulong sa kanila para lalo pang maganahan ang mga batang mag-aral.

Samantala, mula kinder hanggang grade 6 ay nabigyan ang mga ito ng gamit sa eskwela katulad ng bag, papel lapis at pati flashlight kasama na ang raincoat at puting t-shirt.

Ang distribution ng mga School supplies ay pinangunahan ng mga empleyado ng Ayala Coop. Manila, Boracay Water staff at si SB member Natalie Paderes ng LGU Malay.

Environmental Management Bureau Region 6, nagpalabas ng ECC Regulations Information Campaign sa Boracay

Posted August 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for DENR ECC
Nagpalabas ngayon ng Environmental Compliance Commitment (ECC) Regulations Information Campaign ang Environmental Management Bureau (EMB) Region 6 sa Boracay.


Ito ay isang dokumento na inilabas ng EMB ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR) matapos ang positibong review ng ECC application.

Nabatid na kailangang mag-apply ng ECC dahil sa presidential decree No. 1151 o ang Philippine Environmental Policy, Section 4.

Nabatid na kinakailangan lamang sa pag-apply sa ECC ng mga taga Boracay ay ang pagkakaroon ng proof of ownership-Land Tile Tenurial Instrument, Certificate mula sa PENRO Aklan sa status ng project area, certificate ng compliance sa 25+5 meters shoreline at road easement mula sa Boracay Task Force.

Kasama rin dito ang Zoning certificate, survey plan, site development plan, vicinity Map or Topographic Map, certificate of connection mula sa BIWC, Department of Tourism Endorsement para sa bagong project at Geo hazard identification report para sa mga building na apat o higit pa na palapag.

Friday, August 28, 2015

Pagsagip ng buhay ng mga nalulunod sa Boracay, Lifeguard; pinasalamatan ng Philippine Coastguard

Posted August 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for philippine coast guardNag-paabot ng kanyang pasasalamat si Philippine Coast Guard Station Commandant Lt. Senior Grade Jimmy Oliver Vingno ng Caticlan Sub-Station Office sa mga lifeguard sa Boracay.

Ito ay dahil sa kanilang pagrespondi sa sunod-sunod na near drowning incidents sa isla katuwang ang ibang rescue groups, kung saan mahigit 30 ang nailigtas na buhay ngayong buwan ng Agosto.

Kaugnay nito, base naman sa record ng Coastguard dalawa ang kanilang nirespondehang insidente ng pagakalunod sa Boracay ng kapareho ring buwan kung saan isa dito ay nailigtas at ang isa naman ay namatay.

Ayon naman kay Vingno naka-antabay ang kanilang hanay sa cargo area at sa white beach area kung saan marami ang naliligo.

Samantala, nabatid na sunod-sunod na araw ang naitalang near drowning incidents sa Boracay ngayong buwan ng Agosto, kung saan mabilis naman ang mga itong nailigtas ng mga lifeguard volunteer ng PRC Boracay-Malay Chapter katuwang ang ilan pang rescue groups na naka-antabay sa beach area.

Lolo patay matapos masunog kasama ang bahay

Posted August 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 75-anyos na lolo na si Napoleon Gumaban matapos masunog kasama ng kanyang bahay sa Sitio. Minoro, Bulabod, Malinao, Aklan.

Base sa pahayag ng Bureau of Fire ng Numancia na rumispondi sa nasabing sunog, naabutan na umano nila ang bahay na malaki na ang apoy kung saan nasa loob ang matanda.

Mabilis naman umano nila itong binomba ng tubig para masagip ang biktima ngunit bigo umano silang mailigtas ito at halos hindi na rin makilala ng makuha sa nasusunog na bahay.

Sa embistigasyon ng BFP nagmula ang apoy sa sinindihang lampara ng biktima kung saan nakaugalian na niya itong gawin kahit araw sa kabila na meron naman silang kuryente na siyang naging dahilan ng sunog matapos niya itong masagi.

Sa pagtaya naman ng embistigador ng BFP umaabot sa P60, 000 ang danyos ng nasabing sunog kung saan yari ang bahay sa mix materials.

Napag-alaman na mag-isa lang ang biktimang naninirahan sa kanyang tahanan kung saan may dipirensya na rin ito sa paglalakad dahilan para hindi agad makalabas ng bahay ng mangyari ang sunog.

Great wall restaurant sa Boracay maaaring ipasara dahil sa mabahong amoy

Posted August 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for great wall restaurant Boracay
Photo credit Booking.com
Halos isang buwan ng tinitiis ng mga tao sa lugar at ng mga motorista ang masangsang na amoy na nagmumula umano sa great wall restaurant sa Boracay.

Dahil dito napag-usapan sa Sangguniang Bayan ng Malay ang nasabing problema kung saan marami na rin ang natanggap na reklamo ng LGU Malay tungkol dito.

Sa SB Session nitong Martes maaari umanong maipasara ang nasabing restaurant kung hindi maaayos ang nasabing problema.

Ayon naman sa Sanitation Office ng Malay nagpadala na rin sila ng sulat sa LGU para sa agarang aksyon nito dahil sa apektado na rito ang mga tao sa paligid.

Matatandaang nagsagawa din ng aksyon ang Environmental Office tungkol rito kung saan pati ang lagayan ng basura sa pick-up area ay kanilang binudburan ng organic minerals sa pag-aakalang dito nagmumula ang masangsang na amoy.

Thursday, August 27, 2015

Task Force ng Philippine Army, tiniyak ang suporta sa ibang force multipliers sa Boracay

Posted August 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tiniyak ng Boracay Task Force ng Philippine Army ang pagpapalakas ng suporta sa mga force multipliers sa isla na kinabibilangan ng Philippine National Police at Coastguard.

Ayon kay Civil-Military Operation Officer Lance Medina ng Camp Jizmundo, Libas Banga, Aklan sa ginanap na Change of Office Ceremony kahapon sa Manoc-manoc Boracay.

Dapat hindi umano magtaka ang mga tao sa isla kung bakit may mga Army dahil sila umano ay katuwang sa pagpapaigting ng seguridad sa pamamagitan ng kanilang itinayong Boracay Task Force.\

Magiging suporta umano ang mga Army sa Boracay sa pagpapatrolya ng mga kapulisan sa beach area katulad ng foot patrol at bike patrol kung saan meron silang siyam na bisiklita na ibinigay ni Governor Joeben Miraflores.

Samantala, kasabay ng ginanap na Change of Office Ceremony kahapon nagkaroon naman ng blessings sa kanilang bagong tayong Task Group Boracay Barracks na dinaluhan ng LGU Malay sa pangunguna ni mayor John Yap mga stakeholders at security forces kung saan natapos ang programa sa isang masayang boodle fight.

Malay, pumapangalawa sa pinakaramaraming walang biometrics sa Aklan

Posted August 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay      

Image result for comelec biometricsPumapangalawa ngayon ang bayan ng Malay sa pinakaraming botante sa Aklan na wala pang biometrics sa Commission on Elections (Comelec).

Ito ay base sa record ng Aklan COMELEC Office nitong buwan ng Hulyo kung nasa anim na porsyento pa ngayon ang hindi nakapag-biometrics sa nasabing bayan habang ang Kalibo naman ang siyang nagunguna.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II, Elma Cahilig, patuloy parin ang kanilang panawagan sa mga botante sa sumailalim na sa biometrics registration kung saan nakatakda na naman umano silang bumalik sa Boracay para sa satellite registration ngayong Setyembre.

Nabatid na ang Malay ay pangalawa sa pinakamaraming botante sa Aklan kung saan may total registered voters ito na 28, 214 habang ang wala pang biometrics ay 1, 744 kung saan ang Kalibo ang siyang nanguna na may 44, 122 at ang walang biometrics ay 4, 246.

Sinabi naman ni Cahilig na mahigpit nilang ipinapatupad ang “No Bio-No Boto” sa darating na 2016 elections.

Samantala, ang biometrics registration ay magtatapos ngayong buwan ng Oktobre kung saan magsisimula naman ang Filing of Candidacy (COC) ng mga tatakbong kandidato.

Captain Tornalejo, itinalagang bagong Executive Officer ng Philippine Army sa Boracay

Posted August 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malugod na binati ng Local Government Unit ng Malay sa pangunguna ni Mayor John Yap ang bagong Executive Officer ng Philippine Army sa Boracay sa katauhan ni Captain Niño Tornalejo.

Sa ginanap na Change Office Ceremony ng Philippine Army sa Headquarters Office sa Manoc-manoc kahapon, masayang tinanggap ni Cpt. Tornalejo ang bagong hamon na iniatang sa kanya ni LTC Ariel Reyes INF (GSC) PA Commanding Officer ng 12IB, 31D, PA sa pag-upo bilang Executive Officer ng Philippine Army sa Boracay.

Si Tornalejo ay mula sa training office ng 3IB at assistant education training bilang Admin Training Officer sa Antique at siya ang pumalit sa kaka-outgoing na Boracay Task Force Captain Platoon na si Oliver Berneza.

Kaugnay nito binati rin ng mga dumalong stakeholders, LGU Malay, SB officials, Boracay PNP at Philippine Coastguard ang naging kontribusyon ni Berneza sa pagtulong sa pagpapatupad ng maayos na seguridad sa Boracay lalo na noong nagdaang APEC Summit.

Samantala, nangako naman si Yap ng magandang koordinasyon sa Philippine Army sa katauhan ni Tornalejo na ang layunin ay mas mapabuti pa ang samahan ng mga security forces sa Boracay pagdating sa seguridad.

Wednesday, August 26, 2015

Dalawang Pinay nailigtas sa muntikang pagkalunod sa Boracay

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng naitatalang insidente ng near drowning sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Agosto.


Ito’y matapos ang pinakabagong insidenteng naitala ng Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter kahapon ng alas-10 ng umaga sa harapan ng Uptown-mall station 2.

Nabatid na dalawang babae ang naliligo kahapon ng umaga kasabay ng malakas na alon sa dagat dulot ng Habagat kung saan bigla nalang ang mga itong tinangay ng malakas na alon papunta sa malalim na bahagi kung kayat nahirapan ang mga itong makaahon.

Dahil sa naka-antabay na lifeguard sa harap ng D’Mall area mabilis na naagapan ang mga ito at naidala sa mababaw na bahagi ng dagat para bigyan ng paunang lunas.

Paalala naman ng mga lifeguard na iwasan ang maligo sa medyu malalim na bahagi ng dagat lalo na kung hindi naman marunong lumangoy.

Samantala, mahigit tatlumpo na ang naitalang near drowning incidents sa Boracay ngayong buwan ng Agosto hanggang sa kasalukuyan.

Botante na walang biometrics sa Aklan, nasa 5.47 percent pa

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for biometrics COMELECNasa 17,572 o 5.47 percent ng 320,843 total registered voters sa lalawigan ng Aklan ang wala pang biometrics base sa report ng Comelec-Aklan nito lamang Hulyo 20.

Dahil dito hinihikayat ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang 17,500 registered voters na magpa-biometrics na sa opisina ng Comelec sa kanilang lugar para makaboto sa 2016 election.

Nabatid na ang botanteng walang biometrics ay kailangang sumailalim sa signature, fingerprints at digital photograph ng Comelec registration na siyang kailangan para matanggap bilang rehistradong botante sa darating na 2016 national at local elections.

Ang biometrics registration ay sumasailalim sa batas ng Republic Act 10369 or the Mandatory Biometrics Voter Registration Act.

Koreans nag donate ng bagong Day Care Center sa Sitio Diniwid

Posted August 26, 2015
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Isang bagong day care center ang ipapatayo ng Boracay Korean Community Association sa Sitio Diniwid sa isla ng Boracay.

Sa ginawang groundbreaking ceremony para sa bagong silid-aralan, nais patunayan ng mga koreano na handa silang tumulong sa kumunidad lalo na sa mga batang kapus-palad.

Dinaluhan ang nasabing seremonya ng mga koreano mula sa iba’t-ibang organisasyon tulad Korea Sports Council of the Philippines at United Korean Community Association of the Philippines o UKCA kasama ang Balabag Baranggay Council at ni Malay Mayor John Yap.

Ayon kay Yap, masaya ito dahil ang proyektong ito ay malaking tulong para sa mga magulang at mga paslit na mag-aaral sa Boracay.

Ang lumang gusali ng Diniwid Dat Care Center ay papalitan ng mas malaki at komportableng silid-aralan na may kasama ng mga gamit-eskwela katulad ng silya at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, may isang guro at apatnapu’t limang estudyante ang nakikinabang sa nasabing paaralan na karamihan ay galing sa mahihirap na pamilya mula  sa ibang panig ng Boracay.

Monthly report ng Boracay PNP pinapasumite sa SB Malay

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Petty crimes umano sa isla ang isa sa pinakaraming naitatalang record ng mga kapulisan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Dahil dito hiniling ni Malay SB Member Floribar Bautista kay bagong BTAC OIC Chief of Police P/Supt. Danilo Delos Santos na bigyan ng kopya ng monthly report ng mga blotter ang LGU.

Layun umano nito na malaman nila kung gaano kadami ang nangyayaring insidente sa Boracay at kung marami ring turista ang nabibiktima kasama na ang pagkilala sa mga suspek.

Sagot naman ni Delos Santos na maganda ngang mabigyan ng kopya ang LGU para malaman nila kung ilang kaso ng isidente o krimen ang naitatala sa Boracay bawat araw.

Dagdag pa ng bagong hepe na karamihan sa mga naitatalang insidente sa Boracay ay ang nakawan at physical injury.

Samantala, sa pag-upo bilang OIC ng BTAC sinabi ni Delos Santos na gagawin nito ang kanyang makakaya para mabawasan ang nagyayaring petty crimes sa isla ng Boracay.

Mga pasyente ng Provincial Hospital sa Aklan hindi na hihiga sa folding bed

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for hospital bedHindi na hihiga sa folding bed o mahabang silya ang ilang pasyente na maiaa-admit sa Aklan Provincial Hospital o Doctor Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital.

Ito’y matapos aprobahan sa House of Representatives ang bill na humihiling ng karagdagang hospital beds sa nasabing pagamutan.

Nabatid na ang bill na ito ay iniakda ni Aklan representative Teodorico Haresco Jr., House Bill 5954 na inaprobahan nito lamang Martes.

Napag-alaman na mula sa 162 ay magiging 400 na ang hospital bed ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital.

Samantala, mula sa 100 noong 1975, ang hospital bed capacity ay tumaas ng 150 noong 1991 sa besa ng Republic Act 7589, at ng Pebrero naman noong 2010 ay dinagdagan naman ito ng Department of Health na umabot na sa 162.

Teenage pregnancy sa bayan ng Malay patuloy na lumulobo

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES Boracay

Image result for teenage pregnancyPatuloy umanong lumulobo ang teenage pregnancy sa bayan ng Malay kung saan nangunguna din ito sa may pinakamataas na bilang sa buong lalawigan ng Aklan.

Sa panayam ng YES FM Boracay kay Municipal Population and Gender Officer Liberty Ong-Talimisan sinabi nito na mahigit dalawang daan umano ang kanilang naitalang teenage pregnancy sa Malay simula pa nitong nakaraang taon.

Aniya base sa kanilang nai-record 14-anyos ang pinakabatang ina ngayon sa Malay kung saan patuloy pa umano itong nadaragdagan.

Dagdag pa nito wala umanong dapat sisihin sa maagang pagiging ina ng mga kabataan kundi ang kanilang mga magulang dahil sa kawalan ng sapat na edukasyon.

Sa kabilang banda iginiit naman ni Talamisan na hindi nila dinidiktahan ang mga magulang kung ilan lang dapat ang kanilang magiging anak ngunit kailangan umano nila itong kontrolin kung hindi naman nila ito kayang buhayin.

Yapak Elementary School, muntik ng masunog dahil sa ceiling-fan

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arant, YES FM Boracay

Mabilis na naagapan ng mga construction worker malapit sa paaralan ng Yapak Elementary School sa Boracay ang nasusunog na kisame ng isang silid aralan kagabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection Unit (BFPU) Boracay, patay na rin ang apoy ng dumating sila sa nasabing lugar ngunit base naman sa kanilang imbestigasyon, naiwan umanong nakabukas na ceiling-fan na nag-over heat ang dahilan ng pagkasunog ng kisame.

Mabilis na naagapan ang nasusunog na kisame sa loob ng kwarto kung saan agad ding naapula ang apoy sa tulong mga mga residente at construction worker.

Samantala, paalala ng mga bombero sa mga mag-aaral at guro na tingnang mabuti ang mga nakasaksak na appliances gaya ng ceiling-fan o ilaw sa kanilang mga silid aralan, bago umuwi upang maiwasan ang sunog.

Near drowning incidents sa Boracay ngayong Agosto umabot sa 31

Posted August 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa 31 umano ang nailigtas na buhay ng mga lifeguard ng Philippine Red-Cross Boracay Malay Chapter dahil sa muntikang pagkalunod ngayon lamang buwan ng Agosto.

Ayon kay PRC Deputy Administrator John Patrick Moreno simula umano noong Agosto 1 hanggang kasalukuyan ay nasa 31 ang nailigtas ng kanilang mga lifeguard volunteer.

Sinabi nito na may mga naisalba umanong buhay sa station 3, 1 at station 2 kung saan karamihahan sa mga naliligo ay sa harap ng D’Mall area, La Carmela at sa Willy’s Rock.

Nabatid na marami ang naliligo sa dagat sa Boracay sa kabila ng Habagat na siyang dahilan ng pagkalunod ng mga biktima dahil sa tinatangay sila ng malakas na alon papunta sa malalim na bahagi ng dagat.

Samantala, pinayuhan ng PRC na kailangan lamang maligo sa loob ng red at yellow flag kung saan nakabantay ang mga lifeguard na itinuturing ngayong bayani sa Boracay.

Monday, August 24, 2015

Korean National, naligtas matapos ang muntikang pagkalunod sa Boracay

Posted August 24, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for nalunodNasa maaayos na ngayong kalagayan ang isang Korean National matapos ang muntikan nitong pagkalunod kahapon ng alas-4:30 ng hapon sa Station 3 Boracay.

Ayon kay Philippine Coastguard Boracay Substation Office PO1st Alvarez, tinangay umano ng malakas na alon sa malalim na bahagi ng dagat ang biktimang si Kim Jumz 50-anyos.

Mabilis naman umano itong nasagip ng rumiposding life guard ng isang resort sa station 3 na si Bennie Tapar sa tulong na rin ng tropa ng Coastguard.

Agad namang dinala sa isang pribadong klinika ang biktima at mabilis na naagapan ng mga doktor na ngayon ay nasa maayos na ring kalagayan.

Matatandaang siyam ang nailigtas sa magkahiwalay na pagkalunod sa Boracay nitong nakaraang araw dahil sa malakas na alon sa karagatan dulot ng bagyong Ineng.

Samantala, todo alerto naman ang Philippine Coastguard sa pagbabantay sa beach area, Tambisaan Port at Bolabog area kung saan kasalakuyang ginagawa ang mga island activity sa Boracay.

Police visibility sa Boracay target ng bagong hepe ng BTAC

Posted August 24, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for pulisPolice visibility ang siyang target ngayong ipatupad ng bagong upong hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa buong isla.

Sa panayam sinabi ni BTAC OIC Chief of Police P/Supt.  Danilo Delos Santos na ang police visibility sa isla ang siyang gusto nitong pagtuuan ng pansin para sa mas pinaigting na seguridad sa isla.

Ayon kay Delos Santos dapat hindi lang umano sa front beach nakatutok ang mga police kundi sa iba pang area ng Boracay lalo na sa Puka Beach kung saan dinarayo rin ito ng maraming turista kasama na ang back beach.

Maliban dito nasa-plano din umano nitong dagdagan pa ang police personnel sa brgy. Yapak kasama na ang pagtatayo ng outpost para sa mga naka-assign na pulis sa lugar at ang paglalagay ng sasakyan.

Si Delos Santos na mula sa probinsya ng Iloilo ay kakaupo pa lamang bilang bagong hepe ng Boracay PNP kapalit ni Police Inspector Frensy Andrade.