YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 31, 2013

Mga estudyanteng Muslim sa Balabag Elementary School, Sasailalim sa ALIVE Program

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sasailalim sa Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) program ng Department of Education ang mga mag-aaral na batang Muslim sa Balabag Elementary School.

Ayon kay Balabag ES Principal I Ligaya C. Aparecio, isang oras sa isang araw ang magiging klase ng mga batang Muslim para sa ALIVE classes.

Aniya, mismong mga Muslim teachers din ang magtuturo sa kanila ng kanilang mga kinaugaliang kultura na may kaibahan sa kadalasang tinuturo sa mga eskwelahan ngayon.

Dagdag pa nito, halos umabot umano sa tatlong daang mga Muslim students ang nag-aaral ngayon sa nasabing paaralan, kaya’t isa ito sa napili ng Department of Education na isama sa ALIVE program.

Layunin din umano nito na na magkaroon nang mas magandang pagkakaunawaan sa isat-isa at pakikibagahi sa kultura ng Pilipino sa bansa.

Nabatid na magpapadala pa ng sulat si Aparecio kay Brgy.Captain lilibeth Sacapanio ng Balabag at sa mismong leader ng mga Muslim sa bansa upang magkaroon ito ng basbas.

Samantala, isa rin sa pinagtutuunan nila ng pansin ay ang pinalabas na kautusan ng DepEd na ipinagbabawal sa mga gurong Muslim na magsuot nag face veils sa mukha sa oras na sila ay nagtuturo.

Launching para sa Text2teach inaantay nalang ng DepEd Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaantay nalang ngayon ng DepEd Malay ang launching ng text2teach project ng ayala foundation na gagawin sa isang resort sa Boracay.

Ayon kay Public District Supervisor Jesie S. Flores, ngayong buwan ng Septyembre ay inaasahan nilang magkakaroon na ng launching para dito at kasama na ang training sa mga gurong nagtuturo sa grade five at grade six.

Aniya, uunahin namang e-diliver ang lahat ng mga equipments kabilang na ang isang pakete na naglalaman ng mobile phone, isang prepaid SIM card, at isang 29-inch colored television.

Lahat din umanong elementary schools sa Malay ay kabilang sa nasabing programa para mapagtibay pa nila ang kanilang kaalaman at mapalawak ang kanilang kaisipan sa makabuluhang bagay.

Nabatid na ang Text2Teach ay isang programa na nagdadala ng educational content sa mga pampublikong paaralan sa elementarya sa pamamagitan ng mga video na nai-download sa pamamagitan ng Short Messaging System (SMS).

Dagdag pa ni Flores, mapag-aaralan dito ang subject sa Science, Matimatika, Values Education at iba pa.

Samantala, inaasahan naman ang pagdating sa launching ng ilang miyembro ng Ayala foundation para pormal na maipaabot ang nasabing proyekto para sa mga mag-aaral.

Pagtanggal sa mga boat stations sa beach front ng Boracay, nasa deliberasyon pa ng national task force

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Wala pang katiyakan sa ngayon kung ano ang magiging desisyon ng redevelopment task force sa tatlong boat stations sa beach front ng Boracay.

Ayon kasi kay Mabel Bacani ng Task Force Redevelopment, nasa deliberasyon pa ito ng national task force, dahil sa ang mga nasabing istraktura ay mga pasilidad na aprobado sa ilalim ng Boracay master Development Plan.

Ayon naman kay DOT Boracay Officer Tim Ticar, ang mga government structures na service providers ay exempted o hindi kabilang sa mga babaklasin dahil sa 25+5 meter easement.

Nabatid mula kay Ticar na ang mga nasabing boat stations ay pinondohan ng Deparment Of Tourism at ibinigay sa LGU Malay.

Samantala, nitong mga nakaraang araw ay sinimulan na ang pagtanggal sa mga illegal structures sa vegetation area, na kusa namang ginawa ng mga resort at establisemyento sa isla.

Paggalang sa mga turista, ipinaalala ni Boracay DOT Officer Tim Ticar sa mga komisyoner

Ni Bert Dalida,YES FM Boracay

Atensyon sa mga mahilig sumipol at magpakita ng di-kanais-nais na ugali sa mga turista.

May paala-ala ngayon si Boracay DOT o Department of Tourism Officer in charge Tim Ticar sa lahat ng mga nag-aalok ng anumang serbisyo sa isla.

Ito’y may kaugnayan sa isang komisyoner sa beach front ng station 1 na kanyang pinagsabihan nitong nagdaang araw.

Nasaksihan kasi ni Ticar ang hindi nakilalang komisyoner, na sinipolan at malisyosong sinusundan ang dalawang foreign tourist na babae.

Bagay na kanyang hinarap ang komisyoner at sinabihang “Huwag mong ganyanin ang mga bisita”.

Ang nasabing pag-uugali ay hindi umano dapat ipakita sa kung sinuman, lalo na sa mga turista at mga babae pa.

Bagkus ay dapat na igalang, alagaan at tratuhing mabuti, dahil ang mga turistang ito ang bumubuhay sa turismo.

Naging kampanti naman si Ticar na hindi uulitin pa ng nasabing komisyoner ang kanyang ipinakitang pag-uugali.

Paglagda sa MOA ng Text2teach program sa DepEd Malay, pinangunahan ni Mayor Yap

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinangunahan ni Mayor John Yap ang paglagda sa MOA ng Text2teach program sa DepEd Malay.

Kasama nito ang ilang guro at ang District Supervisor ng Malay para saksihan ang nasabing okasyon.

Ayon kay Malay District Supervisor Jessie S. Flores, ikinagalak nila na napili ng Ayala Foundation ang Malay para sa programang ito dahil malaki umano itong tulong sa pag-unlad ng kakayahan ng mga mag-aaral.

Aniya ang Text2Teach program ay isang programa na nagdadala ng educational content sa mga pampublikong paaralan sa elementarya sa pamamagitan ng mga video na nai-dowload sa pamamagitan ng Short Messaging System (SMS).

Ang misyon umano nito ay upang gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa kalidad ng pagtuturo at pag-aaral sa mga bata sa elementarya.

Dagdag pa ni Flores, ang bayan ng Malay lang ang kaisa-isang bayan sa Aklan na napili para dito, kasama ang ilang probinsya sa bansa.

Samantala, ang paglagda sa Memorandum of Agreement ay ginanap noong Lunes sa Silay City Negros Occidental kung saan kasama ni Mayor Yap at ni Flores ang ilang pang guro sa Malay para saksihan ang nasabing mahalagang okasyon.

DOT, inilunsad ang dive market development group; mga dive shop sa Boracay pinulong

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinulong kahapon ng Department of Tourism o DOT ang mga dive shop operators sa Boracay.

Ito’y may kaugnayan sa inilunsad ng DOT na dive market development group.

Sa ginanap na consultative meeting kahapon.

Sinabi ni DOT Officer In Charge Tim Ticar na ang Department of Tourism ay nakahandang tumulong sa mga dive shop operators sa isla, upang ang Boracay ay maging isa sa mga dive destination sa bansa.

Samantala, ayon naman kay Dive Market Development Head Zeny Pallugna.

Binisita ng DOT sa kauna-unahang pagkakataon ang iba’t-ibang dive destination sa Pilipinas, kasabay ng pagbuo ng dive market development group.

Kung saan layunin umano nito na makapag-imbita ng maraming divers sa bansa.

Ayon umano kasi sa pag-aaral, patok sa mga turista ang diving, dahil ito’y nakaka-relax.

Dinaluhan naman ng mahigit tatlumpung dive shop operators sa Boracay ang nasabing pagpupulong.

Friday, August 30, 2013

Aklan Government, pabor sa 25+5 meter easement sa boracay

Ni Jay-ar m. Arante, YES FM Boracay

Pabor umano ang pamahalaang probinsya ng Aklan sa ipinatupad na 25+5 meter easement ng Boracay Re-development Task Force.

Ayon kay Aklan Provincial Administrator Atty. Shelwen Ibarreta, magiging maganda at maaliwalas na umano sa paningin ng mga turista ang front beach kung mawawala na ang mga illegal na straktura ng mga establisyemento doon.

Kailangan nga kasi aniyang mag-pokos sa pagpapaganda ng front beach dahil ito ang sentro ng isla.

Sinabi pa nito, na kung maaari ay ibalik ang puting buhangin mula sa karagatan para mas lalong lumapad ang dalampasigan.

Samantala, ikinatuwa naman nito ang kusang pagtanggal ng mga establisyemento ng kanilang mga tent at ilan pang gamit sa bar.

Thursday, August 29, 2013

Suspek sa pumatay ng isang Boatman sa Tambisaan, kinasuhan na ng pamilya ng biktima

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kinasuhan na kahapon sa Kalibo prosecutors office ang suspek sa pagpatay ng isang boatman nitong Sabado sa Sitio Tambisaan, Manoc-manoc.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Joeny Samindao, simampahan nila ng kasong Murder ang supsek na si Jeory Agustin pero binaba umano ito ng piskalya sa Homicide.

Ikinadismaya naman nila ang disisyong ito ng korte sa kabila umano ng karumal-dumal na ginawa sa kaniyang kapatid.

Sa pagkakaalam naman ni Joeny, nag-iinuman ang biktimang si Gay Samindao kasama ang ilang kaibigan nito sa loob ng kaniyang tinitirahan, ngunit ng maiwan nalang itong mag-isa ay agad umano itong sinugod ng suspek na kalapit lang din ng bahay nito.

Basi naman sa imbistigasyon ni PO1 Jover Zubiaga ng Boracay PNP, pumasok ang supek na may dalang itak at, sinaksak ang biktima at pinagtataga, dahilan upang magtamo ito ng dalawampu’t pitong sugat sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Paniwala naman ni Joeny, may iba pang dahilan kung bakit pinatay ang kaniyang kapatid bukod sa pagsasabi nitong bading ang suspek.

Sa ngayon umano ay naka-himlay ang labi ng kanilang bunsong kapatid na si Gay Samindao sa Poblacion San Jose Romblon.

Samantala, kasalukuyang nakapiit ngayon ang suspek na si Agustin sa Aklan Provincial Jail Office sa bayan ng Kalibo.

Implementasyon ng 25+5 meter easement, dinagdagan ng ngipin ng DOT; mga epal, binalaang tatanggalan ng akreditasyon

Ni Bert Dalida,YES FM Boracay

Dinagdagan ngayon ng ngipin ng Department of Tourism ang implementasyon ng 25+5 meter easement sa Boracay.

Ayon kay DOT Officer Tim Ticar, kailangang gawin nila ito upang obligahin ang mga establisemyento ng may mga illegal structures sa vegetation area na sumunod sa ipinag-uutos ng Redevelopment Task Force.

Matagal na rin umano itong nasa plano na ng DOT, kaugnay na rin sa ibibigay nilang akreditasyon.

Nagbabala rin kasi si Ticar na tatanggalan nila ng DOT Accreditation ang mga establisemyentong magmamatigas sa 25+5 meter easement.

Ibig sabihin, hindi sila isasama ng DOT sa mga promotions and marketing, sales mission, trainings at sa mga seminars.

Magkaganon paman, umaasa din umano itong hindi na hahantong pa sa rebokasyon ng akreditasyon ang pagiging epal ng ilang establisemyento sa Boracay.

Sa ngayon kinumpirma naman ni Ticar na nasa limampu hanggang animnapung porsiyento na ng mga establisemyento sa isla ang sumunod sa mandato ng Redevelopment Task Force.

Pag-expand ng Kalibo International Airport, nasa plano na ng Aklan Provincial Goverment

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa plano na ngayon Aklan Provincial Government ang pagpapalawak ng Kalibo International Airport.

Ayon kay Aklan Provincial Administrator Atty. Shelwen Ibarreta, may plano na si Governor Joeben Miraflores para sa posibleng ikagaganda pa ng nasabing palipiran.

Una na umano rito ay ang pagpapalawak ng runway, parking area, at ang posibleng pag-iba ng rota ng kalsada mula sa airport papuntang isla ng Boracay.

Mas mapapadali umano kasi ang biyahe ng mga turistang pupunta sa Boracay, kung ibabahin ang rota ng kalsada.

Maliban dito, madadagdagan pa ang mga International flights at maiiwasan ang malimit na pagka-aberya ng mga eroplano sa Kalibo International Airport.

Sa ngayon nakikipag-usap na rin umano sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagpapalapad ng run way at pagpapagawa ng bagong kalsada.

Ayon pa kay Ibarreta, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang probinsiyal sa LGU-Kalibo, kaugnay sa mga bibilhing lupa sa katabi ng airport sakaling matuloy na ang nasabing proyekto.

Mga resort owners sa Boracay, inalerto laban sa modus ng isang grupo gamit ang pangalan ni Secretary Jimenez

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inalerto ngayon ng Department of Tourism ang mga resort owners sa Boracay tungkol sa modus ng isang grupo gamit ang pangalan ni DOT Secretrary Ramon Jimenez.

Ayon kay DOT Boracay Officer in-charge Tim Ticar, dapat maging alerto ang mga establisyemento dito sa isla dahil isa umano itong panloloko na hindi dapat paniwaalaan ng sinuman.

Ito’y may kaugnayan sa umano’y panghihingi ng pera ng isang nagpakilalang DOT Secretrary Ramon Jimenez sa isang resort sa Boracay nitong umaga.
Bagay na kinumpirma naman sa himpilang ito ng isang resort manager.

Kuwento ng manager, tinawagan sila ng isang nagpakilalang Secretary Ramon Jimenez para humingi ng sampung libong pisong tulong financial para sa mga nabiktima ng nagdaang bagyong Maring.

Subali’t dahil nakapagtataka umano kung bakit ang nasabing sindikato ay nagbigay pa ng dalawang oras na palugit upang ihulog sa isang money remittance ang pera, ay kinutuban na ito.

Bagay na agad din niyang binalaan ang kanilang accounting department.

Kaagad din umano nitong sinumbong ang pangyayari kay Malay DOT Officer Felix Delos Santos at kay DOT Boracay Officer Tim Ticar.

Samantala, sa pamamagitan ng himpilang ito ay inalerto naman ni Ticar ang publiko laban sa nasabing modus.

Wednesday, August 28, 2013

Huling araw ng pagbaklas ng illegal na straktura sa vegetation area,naging abala !

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Abala ngayon ang mga establisyementong nagkaroon ng extension sa vegetation area dito isla ng Boracay sa paglinis at pagbaklas ng kanilang mga gamit sa huling araw na ibinigay ng Boracay Redevelopment Task Force.

Ilan sa kapansin-pansin ay ang mga tent ,lightings,bar tables at mga maliliit na entablado na tinanggal sa bisa ng violation letter na ipinadala sa mga ito.

Naging maaliwas ang sitwasyon ng vegetation area at ng buong Boracay simula kahapon ng unti-unting nagsunurang gawin ito ng mga negosyante.

May ilan naman na ngayong araw pa lang gagawin ang pagbaklas dahil sa inantay nila kung ano  ang mga hakbang ng ilang nakatanggap din ng kahalintulad na utos.

Ayon sa ilang establisyemento,susunod lamang ang mga ito kung pantay-pantay ang implementasyon at walang papaboran.

Kapansin-pansin din na ang mismong Summer Place na pagmamay-ari ni Mayor Yap ay sumunod din sa utos ng task force , bagay na ang mga katabi nito ay wala na ring rason para hindi magbaklas.

Mahangin man dahil sa habagat pero kita sa mga mata ng turista ang pagkagalak dahil sa nakita nila ang totoong ganda ng Boracay dahil na rin sa kooperasyon ng mga negosyante.

Bukas naman inaasahan ang gagawing inspeksyon ng mga taga Boracay Redevelopment Task Force kung paano sinunod ang implementasyon para sa mga illegal temporary structures.

Reclamation sa Caticlan jetty port, pinaghahandaang ituloy ng kasalukuyang administrasyon

Ni, Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaghahandaan nang ituloy ng kasalukuyang administrasyon ng gobyerno ng Aklan ang pagpapalaki o pagpapalawak ng Caticlan Jetty Port.

Ayon kay Aklan Provincial Administrator Atty. Shelwen Ibarreta, nagsasagawa na sila ng monitoring team para dito kasabay na rin ng pag-aasikaso ng mga requirements.

Ipapasa na rin umano nila ang mga requirements na ito sa Department Environmental and Natural Resources (DENR) at sila na ang bahalang mag-sumite sa Supreme Court.
Aniya, basi sa nakapagkasunduan nila ng BFI o Boracay Foundation Incorporated, 2.6 hectare lamang ang sukat ng nasabing pagpapalawak sa jetty port.

Dagdag pa ni Ibarreta, marami pa ang pagdadaanang proseso sa pagpapagawa ng nasabing proyekto.

Pero inaasahan naman nilang matutuloy ito dahil may nakalaan nang pondo ang gobyerno para tuluyan nang maisagawa ang reclamation project sa Caticlan.

Samantala,hinimok naman ni Ibbareta ang lahat na matulungan nalang para sa ikakaganda ng probinsya ng Aklan at para sa isla ng Boracay.

Red Cross Malay-Boracay Chapter, naging masaya para sa mga life guard volunteers sa isla

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naging masaya para sa mga life guard volunteers sa isla ang Red Cross Malay -Boracay Chapter.

Ayon kasi kay Malay-Boracay Red Cross Administrator Marlo Schoenenberger, marami na namang buhay ang nailigtas ng Red Cross sa isla nitong mga nagdaang araw.

Isa na nga rito ay ang pagkakasagip ng kanilang mga life guard volunteer sa isang batang lalaking nalunod sa station 1 Balabag kahapon ng umaga.

Ang mga nasabing volunteers ay kinausap din umano nito kahapon, kung saan nakumpirma nito ang nasabing insidente.

Samantala, sa kanyang text message, sinabi din nito na maaaring mabigyan ng rekomendasyon ang mga volunteers sa pagdating ni Red Cross Secretary General Gwendolyn Pang sa ika labing-isa ng Sityembre para sa kanilang chapter assembly.

Nabatid na maliban sa Red Cross ay maaari ding magbigay ng kanilang rekomendasyon ang LGU Malay.

Tuesday, August 27, 2013

Self demolition sa 25+5 easement, ikinatuwa ng CENRO Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng CENRO o Community Environment and Natural Resources Office ang self demolition ng mga establisemyentong natamaan ng 25+5 meter easement sa isla ng Boracay.

Ayon kay Delilah Maujeri ng CENRO Boracay, masaya siya sa mga establisyementong kusang nagtanggal ng kanilang mga tent at hindi na hinintay pa ang deadline na ibinigay ng lokal na pamahaalan ng Malay.

Magsasagawa rin umano sila ng kaukulang inspeksyon para dito upang matingnan kung ano ang pagbabago sa front beach ng Boracay.

Nabatid din nito na magkakaroon ng opisina ang Boracay Re-development task force sa Boracay Action Center para matutukan ang nasabing implementasyon.

Para kung sakali man umanong magkaroon ng mga katanungan ang mga may-ari ng establisyemento ay may pupuntahan silang tangggapan.

Dagdag, pa ni Maujeri kung sakaling tuluyan nang matanggal ang mga illegal structures na ito ay tiyak na gaganda at aaliwalas ang front beach sa isla.

Siyam na taong gulang na bata, na rescue ng life guard mula sa pagkalunod

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Laking pasasalamat ng mag-asawang Russian National matapos makaligtas sa kapahamakan ang kanilang anak.

Narescue kasi ng mga volunteer ng Red Cross Life Guard ang kanilang siyam na taong gulang na batang lalaki mula sa pagkalunod habang naliligo sa station 1 Balabag.

Ayon kay Life Guard volunteer Rufino Magallamo, pasado alas diyes kaninang umaga nang nakita nila sa di kalayuan ang biktima habang hinihila umano ng malalakas na alon papunta sa kaliwang bahagi ng Willy’s Rock.

Nagkataon umanong nakatalikod ang mga magulang ng biktima nang mangyari ang insidente kung kaya’t hindi nila ito napansin.

Kaagad namang nailigtas ang batang lalaki,matapos sumaklolo sina Rufino at ang mga kasama nitong sina Ryan at Benny.

Ayon pa kay Rufino, nagkataong nagpapahinga na ang mga ito mula sa paglangoy at pagtakbo sa beach front ng station 1 nang mangyari ang insidente.

Mga negosyanteng tatamaan ng 25+5 meter easement, susunod basta pantay-pantay ang implementasyon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Susunod sa 25+5 meter easement ang mga negosyante sa Boracay basta pantay-pantay lang ang implementasyon.

Ayon sa pamunuan ng isang hindi na pinangalanang resort sa station 2, pabor naman umano sila sa ipinag-utos ng National government at ng Lokal na pamahalaan ng Malay basta sa ikakabuti naman ng isla ng Boracay.
  
Nakahanda narin naman umano silang magbaklas ng kanilang temporaryong istraktura bukas, kahit maaapektuhan ang operasyon ng kanilang dinner buffet at entertainment band.

Hahanapan na lang din umano nila ng malilipatan ang kanilang mga tent na matatamaan ng 25+5 meter easement.

Nabatid na bukas na ang ibinigay na deadline ng task force sa pagbaklas ng mga tent at umbrella sa front beach bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Aquino III para sa ikakabuti ng Boracay.

Samantala, matatandang nilinaw naman ng task force na maaaring maglagay ng kanilang mga lamesa o upuan sa harapan ng kanilang resort at mga hotel simula alas singko ng hapon hanggang alas sais ng umaga.

Filing ng COC para sa Brgy. at Sk election in-extend ng Comelec

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

In-extend ng Comelec ang filing ng certification of candidacy (COC) para sa mga tatakbong kandidato sa Baranggay at Sk election sa Oktobre.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, dapat tatalong araw lamang ang filing ng COC simula October 15 hanggang October 17 pero may bago umanong ipinalabas na resolution no. 9761 ang Comelec para e-extend ito.

Una namang nagpalabas ng pahayag si Comelec Spokesman James Jimenez, na pinapayagan ang mga kandidato na mag-file ng kanilang COCs sa loob ng anim na araw simula October 11 hanggang October 17.

Dagdag pa ni Cahilig, pinaghahandaan na rin nila ang mga posibleng adjustment na mangyayari at ang pagdagsa ng mga mag-papa file na kandidato.

Gayundin, sinabi naman ni Jimenez na ang dahilan para sa extension ay ang poll body na inaasahan nila na madaming kandidato ang mga-pa file ng kanilang kandidatura.

Samantla, pinaalalahan naman ng Comelec Malay na bukas sila sa mga magpapa-file ng COC simula alas-otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Miscalculation ng Piloto, dahilan ng pagka aberya ng Sea Air sa Kalibo International Airport

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Posibleng miscalculation umano ng Piloto ang tinitingnan dahilan ngayon sa pagka aberya eroplanong Sea Air bus sa Kalibo International Airport kaninang umaga.

Ayon naman sa pamunuan ng nasabing airport muntikan ng maaksidente ang eroplano matapos itong sumadsad sa runway.

Napag-alaman namang nag-divert nalang sa ibang lugar ang ilang mga flights na paparating sa nasabing paliparan gayon din ang mga flights na papaalis.

Nauna namang ipinahayag ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Kalibo Manager Engr. Percy Malonesio na masyadong naantala ang mga biyahe ng ilang mga eroplano dahil sa nangyari.

Nagpadala naman ng imbistigahan ang Civil Aviation Authority of the Philippines upang pangunahan ang imbestigasyon sa insidente.

Nakumpirma na umabot sa tatlumput siyam na mga pasahero ang sakay ng eroplano na kinabibilangan ng mga Koreano, Chinese at Filipino patungong Singapore.

Isa rin sa tinitingnang rason ngayon ng CAAP ay ang walang tigil na buhos ng ulan rason para lumampas ang gulong nito sa dulo ng run way at malusot sa malambot na lupa.

Samantala, tuluyan naring nai-alis ang nasabing eroplano mula sa pagkakasadsad ng gulong nito.
Sa ngayon, patuloy naman ang pag-iinspeksyon ng pamunuan ng CAAP sa nasabing eroplano bago payagan na makapag biyahe ulit.

Mga flights sa Kalibo International Airport, kinansela dahil sa pag-overshoot ng SEAIR

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kinansela kanina ang mga flights sa Kalibo international Airport matapos mag-overshoot ang eroplano ng SEAIR.

Ayon kay Kalibo International Airport Manager Engr. Percy Malonesio, paalis na sana ang SEAIR RP-C5319 airbus 320 KALIBO-SINGAPORE, nang lumagpas at bumaon ang mga gulong nito sa gilid ng run way.

Bandang alas otso kaninang umaga nang mangyari ang insedente matapos mag-U- turn ang nasabing eroplano para lumipad.
Kaugnay nito, maraming mga pasahero ang na-stranded, matapos ikansela ang biyahe doon.

Kinumpirma din ni Malonesio na hanggang ngayon ay hindi parin ito nakukuha sa run way at sinusubukan parin nilang maialis ito para maibalik sa normal ang operasyon sa nasabing airport.

Samantala, wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.

PO3 Nirviol ng Malay PNP, napuruhan sa nakabangaang motorsiklo kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Napuruhan sa aksidente si PNP Malay PO3 Jaime Nierviol matapos makabanggaan ang isang motorsiklo kahapon ng umaga sa Baranggay Kabulihan sa bayan ng Malay.

Ayon sa Malay PNP, papasok na sana sa duty si Nierviol sakay ng kaniyang motorsiklo ng bigla nalamang nitong nakasalubong ang isa pang motorsiklo sa isang mataas na bahagi ng kalsada dahilan para sila ay nagkabanggaan.

Masyado naman umanong napuruhan ang biktima dahil sa malakas na impact sa nasabing aksidente.

Agad din namang dinala ang biktima sa isang ospital sa bayan ng Kalibo para mabigyan agad ito ng lunas

Napag-alaman na ipinasok pa ito sa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa malala ang mga natamo nitong sugat.

Samantala, hindi naman gaanong napuruhan ang nakabanggan nito at nagpapagaling na rin sa ospital sa bayan ng Malay.

Sa ngayon, patuloy paring iniimbistigahan ng Malay PNP ang nangyaring aksidente.

Pagkawala ng kabuhayan dahil sa 25+5 meter easement, pinangangambahan ng ilang fire dancers sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Maaaring mawala ang aming kabuhayan.

Ito umano ang pangamba ng ilang grupo ng fire dancers sa Boracay kapag tuluyan nang ipatupad ang 25+5 meter easement sa isla.

Ayon kay Nelson ng Solara Fire Dancers, hindi lamang bakasyon kundi entertainment ang ipinunta ng mga turista sa Boracay.

At ang isa sa mga tinatawag na main attraction sa Boracay na kinikilala umano ng mga turista ay ang kanilang fire dancing.

Subali’t kapag nagkatotoo umano ang nakarating sa kanyang impormasyon na pati sila ay madadamay sa wawalisin ng 25+5 meter easement.

Maaari umanong tuluyan naring mawala ang kanilang kabuhayan.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Nelson na dapat ding magpulong ang mga fire dancers sa isla, matapos nitong malaman na hindi na magpi-perform ang ilan sa kanila, upang maging malinis ang dalampasigan.

Sinasabi umano kasing hazardous o nakakapinsala sa buhangin ang kanilang aktibidad.

Matatandaan namang iginiit ni Malay SB Member Rowen Aguirre na kailangang maipatupad ang 25+5 meter easement sa lalong madaling panahon upang hindi maapektuhan ang industriya ng turismo sa isla.

Monday, August 26, 2013

Suspek sa pagpatay sa isang boatman sa Sitio Tambisaan, Manoc-manoc nitong Sabado, kakasuhan ng pamilya ng biktima

Police report by Jay-ar M. Arante

Murder.

Ito umano ang isasampang kaso ng pamilya ni Gay Samindao, ang napatay na boatman sa Sitio Tambisaan, Manoc-manoc nitong nagdaang Sabado ng gabi, laban sa suspek na si Jeory Agustin.

Ayon kay PO1 Jover Zubiaga, imbistigador ng nasabing kaso, pumunta kahapon sa Boracay PNP ang kapatid ng biktima upang makipag-ugnayan sa mga otoridad tungkol dito.

Napag-alamang napatay ng suspek ang biktima dahil sa umano’y pagtawag ng huli sa suspek na bading.

Ayon pa kay Zubiaga, Ikinagalit ni Agustin ang kanyang narinig, dahilan upang kumuha ito ng itak at sugurin ang nakikipag-inumang biktima.

Dala ang itak, sinaksak umano nito ang biktima at pinagtataga pa, dahilan upang magtamo ito ng dalawampu’t siyam na sugat sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Isinugod pa sa Don Ciriaco S. Tirol Sr. Memorial Hospital ang biktima, subali’t  ideklara naman itong dead on arrival ni Dr. Florence Audrey Mamon.

Kasalukuyan namang nasa kostodiya ng Boracay PNP ang suspek para sa karampatang disposisyon, matapos itong maaresto.

Biyahe ng mga eroplano sa Kalibo international Airport naantala

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naantala ang mga biyahe ng eroplano sa Kalibo International Airport dahil sa isang International plane na papaalis na sana patungong Singapore.

Ayon kay Kalibo International Airport Manager Engr. Percy Malonesio, bandang alas otso kaninang umaga nang mangyari ang insedente matapos mag-u turn ito para lumipad.

Sinasabing bigla na lamang lumagpas ang mga gulong nito sa run way, dahilan upang maantala ang iba pang mga biyahe doon, at may mga na stranded na mga pasahero.

Dagdag pa ni Malonesio, hanggang ngayon ay hindi parin ito nakukuha sa run way at sinusubukan parin nilang maialis ito para maibalik na ang operasyon sa nasabing airport.

Samantala, wala namang naiulat na nasaktan dahil sa nasabing insedente.

BFI, handang tumulong sa LGU Malay para sa ika-uunlad ng isla

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay


“Panahon na para sa pagtutulungan para sa re-development ng isla”

Ito ang naging pahayag kahapon ni BFI President Jony Salme tungkol sa isyu ng demolisyon ng mga ilegal na istraktura ng mga establishments sa front beach.

Ipinunto nito na dahil nga sa pinupuna na ang isla ng Boracay ng national government kung kaya’t kinakailangan nang ipatupad ang batas para sa isla.

Ngunit ayon kay Salme wala pa silang update kung kailan mag-uumpisa ang mga ito para sa self demolition ng kani-kanilang mga establisyemento.

Hindi umano kasi siya nakadalo sa ginanap na pulong ng Boracay Re-Development Task Force ukol sa nasabing plano ng LGU Malay.

Pero inaasahan naman nila sa BFI na makikipagtulungan ang mga may-ari ng establisyemento sa front beach na apektado ng nasabing demolisyon.

May kaniya-kanya naman umano kasi silang mga responsibilidad at alam na nila yun.

Tulad na lamang sa mga taga Station 1 na nagpulong-pulong at napagkasunduang makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Matatandaang binigyan ng mga taga Boracay Re-Development Task Force ng pitong araw na self-demolition para sa mga naglatag ng ilegal ng istraktura sa vegetation area.

Pero idinagdag ni Salme na aasahang hihiling ang mga ito ng dagdag na extension dahil sa umano’y ikli ng panahong ibinigay ng mga taga task force, dagdag pa na masama ang panahon dito sa isla.

Naniniwala naman ito na walang masyadong problema pa kung makiki-pagtulungan lang ang mga apektado ng demolisyon.

Anya nasa batas naman ito at maging sila sa BFI ay handang tumulong sa LGU Malay para sa ika-uunlad ng isla.

Sunday, August 25, 2013

COMELEC Malay, pinoproseso na ang listahan ng mga botante para sa October election

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaghahandaan na ngayong ng Comelec Malay ang pag-proseso ng mga listahan ng mga botante para sa darating na baranggay at sk election sa Oktobre.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, noong National election ay halos umabot sa dalawamput pitong libong botante ang naitala nila at ngayon umano ay tumaas ng walong porsyento at umabot sa mahigit tatlumpung libo na ang mga botante sa Malay.

Aniya, madami ang nagparehistrong botante mula sa isla ng Boracay at karamihan dito ay mga kabataan na first time palang bomoto.

Dagdag pa ni Cahilig, ilan sa mga naging problema nila ay ang mga under age at over age na nagparehistro, kasama na ang mga double registered.

Samantala, pinaghahandaan na rin ngayon ng Comelec Malay ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa darating na Oktobre a-kinse at dise-otso ng mga tatakbong kandidato sa baranggay at Sk election ngayon taon.