YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, October 31, 2014

Mga pasahero ng MS Superstar Aquarius na darating sa Boracay sa November 6, tiniyak na naka-quarantine

Posted October 31, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tiniyak ng Wallem Philippines Shipping Inc. na naka-quarantine ang mga pasahero ng MS Superstar Aquarius bago dumating sa Boracay sa November 6.

Ayon kay Wallem Philippines Operations Manager Roberto Aurelio, magpapadala sila ng mga quarantine doctors at nurse sa Hong Kong upang matiyak na walang Ebola virus infected passengers ang MS Superstar Aquarius.

Maliban sa mga quarantine doctors at nurse, magpapadala din umano sila ng immigration officers kung kaya’t kampante ring sinabi ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang na naka-quarantine na ang mga nasabing pasahero bago paman dumating sa Pilipinas.

Samantala, nabatid na darating sa Hong Kong ang MS Superstar Aquarius sa November 3, November 4-5 sa Manila, at November 6 naman sa Boracay.

Napag-alaman din na ito na ang pangatlong balik sa Boracay ng MS Superstar Aquarius.

KP Roadshow ng DOH sa Malay, pinangunahan ni Sec. Enrique Ona

Posted October 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mismong si Department of Health (DOH) Secretary Enrique T. Ona ang nanguna sa ginanap na Kalusugan Pangkalahatan o KP Roadshow sa bayan ng Malay kahapon.

Ito ay para ipaabot sa mga taga Malaynon ang ibat-ibang programa ng DOH at kung papaano maiiwasan ang mga sakit katulad ng HIV, influenza at iba pa.

Tampok rin sa programang ito ang mga Senior Citizen, kabataan at mga Ina nagpapa-breastfed na may mahahalagang papel sa lipunan.

Kabilang sa mga bisita na dumalo sa nasabing KP Roadshow ay si Aklan Representative Teodorico Harisco Jr., Vice Governor Billie Calizo-Quimpo at mga alkalde mula sa ilang bayan sa Aklan kasama si Mayor John Yap ng Malay.

Sa isang araw na programa ang mga kinatawan ng DOH Region 6 ay naging malaking bahagi para sa mga dumalong mamamayan dahil naipaabot nila ang dapat gawin pagdating sa pag-iingat ng kalusugan.

Masaya naman ang naging tugon ni Sec. Ona dahil sa naging matagumpay na KP Roadshow sa bayan ng Malay na talaga namang dinaluhan ng mga tao.

Samantala, ikinatuwa rin ng LGU Malay na isa sila sa napili ng DOH para sa nasabing KP Roadshow na may malaking tulong sa kanilang mga mamamayan.

Lalaki, kritikal matapos saksakin sa Boracay; 2 suspek, arestado

Posted October 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad na isinugod sa isang ospital sa bayan ng Kalibo ang isang lalaki matapos na mabiktima ng pananaksak sa isla ng Boracay.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na naglalakad ang biktimang si Archival Maming, 18 anyos sa Mainroad ng So. Manggayad Brgy. Manoc-Manoc Boracay kasama ang kanyang dalawang pinsan, nang makasalubong ang dalawang suspek na sina Elvin Marote, 21 anyos ng Laserna Nabas at Oliver Casidsid, 19 anyos ng Toledo Nabas.

Ayon sa blotter report, sa hindi malamang dahilan ay bigla di umanong sinundan ng isa sa mga suspek na si Oliver ang biktima at kaagad na sinuntok.

Dahil dito, tinangka umanong awatin ng isa sa mga pinsan ng biktima ang pangyayari subalit tinutukan naman ito ng kutsilyo ni Marote.

Ilang sandali pa ay lumapit na umano si Marote sa biktima at saka sinaksak ng dalawang beses na tumama sa kanang dibdib at likurang bahagi nito.

Samantala, kaagad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek at kasalukuyan ngayong nasa kustodiya ng BTAC para sa karampatang disposisyon.

PNP Regional Office 6, magsasagawa ng consultative meeting para sa mga security officers at operators sa Boracay

Posted October 31, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakatakdang magsagawa ng consultative meeting ngayong araw ang PNP Regional Office 6 para sa mga security officers at operators sa Boracay.

Tampok sa nasabing pagpupulong ang mga usapin tungkol sa mga kaso ng land dispute o agawan sa lupa sa isla kung saan madalas nasasangkot ang mga security guards at ang kanilang security agencies.

Pag-uusapan din dito ang partisipasyon ng mga pribadong security industry sa pagpapanatili ng peace and order sa isla para sa nalalapit na APEC 2015 meeting.

Pangungunahan naman ng ROPD-SAGU Regional Operations and Plans-Security Agencies and Guards Unit ang nasabing pagpupulong na inaasahang dadaluhan din ng mga stakeholders sa isla.

PRC Boracay-Malay Chapter, nakahanda na para sa Undas

Posted October 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakahanda na ang Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter kasama ang kanilang mga volunteers para sa paggunita ng Undas sa Nobyembre 1 at 2.

Ayon kay Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger, tulad ng nakagawian maglalagay sila ng assistance center sa bawat sementeryo sa isla ng Boracay at sa bayan ng Malay.

May ambulansya din umanong ilalagay sa Manoc-Manoc cemetery sakaling magkaroon ng pasyente doon.

Nagpaalala naman ang PRC sa mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na mag-ingat dahil sa maraming tao sa sementeryo, kung saan maaaring mahawa ng ibat-ibang sakit o di kaya ay mahimatay dahil sa tindi ng init na maaaring maranasan.

Ang “Oplan Undas” ng Red-cross ay taunang ginagawa para sa paglilingkod sa mga taong pupunta sa himlayan ng kanilang mga mahal sa buhay sa iba’t-ibang lugar sa buong bansa.

Mga basura sa Boracay posible nang makatulong sa kakulangan ng suplay ng kuryente

Posted October 31, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Posible nang masolusyunan ang dumaraming basura sa isla ng Boracay.

Ito’y sa sandaling matuloy ang proyekto na ninanais na maipatayo ng isang sikat na kumpanya mula sa bansang Vietnam kaugnay sa basura sa Boracay.

Ayon kay Malay Vice Mayor Wilbec Gelito, isang kompanya umano mula sa naturang bansa ang nakipag-ugnayan sa kanya tungkol sa plantang tutunaw sa lahat ng klase ng basura kung saan dadaan ito sa ilang proseso para maging isang enerhiya.

Sa kabilang banda ang kumpanya mula Vietnam ay nakatakdang magkaroon ng presentasyon sa LGU Malay, ngayong darating na Martes para ipaabot sa kanila kung paano ito makakatulong sa isla ng Boracay.

Nabatid din mula kay Gelito, ay ito ang magiging kauna-unahang proyekto sa bansa na posibleng mabigyang parangal dahil sa pagiging environmental friendly nito.

Iginiit din nito na walang magagastos ang LGU Malay sa naturang proyekto maliban na lamang sa pagdala nila ng basura sa planta dahil sagot umano ng nasabing kumpanya ang pondo para dito.

Samantala, ang proyektong ito ay kasalukuyan na ring ginagawa sa ibat-ibang lugar sa buong mundo lalo na sa bansang Vietnam kung saan nagmula ang nag-imbento nito.

Thursday, October 30, 2014

BTAC, nakaalerto na para sa araw ng Undas sa Boracay

Posted October 30, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naka-heightened alert na ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) para sa preparasyon ng Undas sa Nobyembre 1 at 2.

Ayon kay Boracay PNP Chief Police Senior Inspector Mark Evan Salvo, ngayonpalamangay pinaghahandaan na ng kapulisan ang tinatawag na exodus ng mamamayan.

Kaugnay nito, mahigpit na rin umano ang ipinapatupad na seguridad sa Caticlan at Cagban Jetty Port dahil sa posibleng pagdagsa ng mga uuwi o sa pupunta sa Boracay sa Undas.

Anya, magde-deploy din sila ng mga pulis na syang magbabantay sa dalawang sementeryo sa Boracay, habang magkakaroon naman ng checkpoint ang mga pulis sa mga pangunahing kalsadahin dito.

Samantala, mahigpit na ipinagbabawal ng mga kapulisan ang pagdala ng mga matutulis na bagay sa mismong araw ng Undas sa mga sementeryo gayundin ang pagdadala ng radyo, baraha at ilan pang mga bagay na walang kinalaman sa nasabing pagdiriwang.

Wednesday, October 29, 2014

Kalibo Quarantine Station, nagbibigay ng Health Checklist sa mga pasahero

Posted October 29, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Nagbibigay ng Health Checklist sa mga pasahero ang Kalibo Quarantine Station.

Bahagi ito ng protocol ng Kalibo International Airport na ipinadala sa pamamagitan ng e-mail ni Dra. Jeanette Ortega Kalibo Quarantine Station kaugnay sa kanilang pagmonitor sa pinangangambahang Ebola virus.

Malalaman umano sa pamamagitan ng checklist kung anong flight nakasakay ang pasahero, petsa ng kanyang pagbyahe at kung saan sya nagpunta sa loob ng dalawang linggo, contact number, at kung saan ito titira sa Pilipinas para madaling mahanap.

Kinokolekta naman ang sinagutang checklist mula sa mga pasahero pagbaba nila ng eroplano.

Ayon pa kay Ortega, inaakyat nila sa paglapag ng eroplano ang mga pasahero at ini-iscan isa-isa bago bumaba gamit ang bagong thermal scanner.

Kaagad binibigyan ng face mask ang pasahero sakaling ma-detect na may lagnat at hindi isinasabay sa ibang pasahero.

Idinederetso naman ito sa quarantine clinic para kunan ng history kung kailan nagkaroon ng lagnat, may ubo, sipon, nahihirapang huminga,pananakit ng katawan, pagsusuka, panghihina.

Inaalam din umano nila kung may history of travel ang pasahero sa mga lugar kung saan may Ebola virus tulad ng Africa,Siera Leone at Liberia.

Sa kabilang banda, nire-refer o kinukunsulta naman sa ospital ang pasahero kung wala naman ibang sintomas maliban sa lagnat, at tinitiyak na dadaan din uli sa quarantine clinic dala ang result at clearance bago lumabas ng bansa.

Samantala, magugunita namang sinabi ni Kalibo Airport Manager Cynthia Aspera na ligtas ngunit patuloy na naghahanda ang Kalibo Airport laban sa Ebola.

Philippine Coastguard Caticlan, naka-heightened alert na para sa Undas

Posted October 29, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naka- heightened alert narin ngayon ang Philippine Coastguard (PCG) Caticlan para sa seguridad ng mga biyahero ilang araw bago ang Undas.

Ito’y matapos silang makatanggap ng utos mula sa kanilang head quarters tungkol sa pagpapaigting ng seguridad sa mga sasakyang pandagat.

Ayon naman kay Senior Chief Petty Officer Ronie Hiponia, OIC Station Commander ng PCG Caticlan maglalagay sila ng passengers assistance center sa bawat daungan sa Malay at isla ng Boracay.

Mahigpit din umano silang mag-momonitor sa mga barkong dumadaong sa pantalan ng Caticlan at mag-inspeksyon sa mga bagahe ng mga pasahero gamit ang kanilang K-9 dog.

Aniya kung ganito umanong dagsaan ang mga taong umuuwi sa kanilang lugar ay automatic nilang inilalabas ang kanilang K-9 dog Unit para masuri ang mga gamit na dala ng mga pasahero na maaaring magpuslit ng ilegal na droga kasama na ang terrorism act.

Samantala, sinabi pa ni Hiponia na itatalaga na nila ang kanilang mga tauhan ngayong Biyernes hanggang sa araw ng Martes para masiguro ang seguridad ng mga manlalakbay ngayong Undas.

Turistang ‘kano’, ninakawan ng IPhone at pera sa Boracay

Posted October 29, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Sa Boracay PNP na dumulog ang isang turistang ‘kano’ matapos pagnakawan umano ng isang babae sa Boracay.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nagising na lamang umano ang 52 anyos na turistang si Howard Stephen Lewis sa tinutulugang kwarto sa isang resort sa isla na wala na ang kanyang IPhone 6, at mahigit diyes mil pesos na pera.

Sumbong ng biktima, nakalagay sa kanyang short pocket ang wallet habang natutulog ito kagabi kasama ang isang babaeng nakilala lamang sa isang bar at isinama ng tatlong gabi sa kanyang kuwarto.

Samantala, wala na rin umano ang babae matapos ang pagnanakaw.

Babae sa Boracay, binangga ng motorsiklo; lasing na driver/suspek, kalaboso

Posted October 29, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Naka-confine ngayon sa isang pagamutan sa bayan ng Kalibo ang isang babae matapos mabangga ng motorsiklo sa Sitio Din-iwid, Barangay Balabag kagabi.

Ayon sa report ng Boracay PNP, tumilapon dahil sa lakas ng pagkakabangga ang biktimang si Regie Rivera, 42 anyos ng Cavite City nang sagasaan ng suspek na si Rexson Claud, 45 anyos at residente ng nasabing lugar.

Nagtamo ng sugat sa dibdib ang biktima dahil sa nasabing insidente.

Samantala, kaagad namang ikinostodiya ng Boracay ang lasing na suspek.

TransAire, itinanghal na kampeon sa First Aid Olympics 2014 ng Philippine Red Cross

Posted October 28, 2014                             
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi natinag hanggang sa itinanghal na kampeon ang TransAire ng Boracay Airport sa kauna-unahang First Aid Olympics 2014 ng Philippine Red Cross.

Ayon kay Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger, iba’t-ibang organisasyon at business establishment sa isla ang naglalaban-laban para dito.

Anya, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang sa World First Aid Day (WFAD) para ibahagi ang mga natatanging kaalaman sa “First Aid Training”.

Ilan lamang umano sa mga kasali dito ang Kabalikat Civicom, Tourism Regulatory Enforcement Unit (TREU) at Airport Fire Fighter.

Nabatid na pinaglabanan ang first-aid na itinuro sa kanila ng Red Cross para maiuwi ang cash prize at matanghal na kauna-unahang First Aid Olympics Champion.

Samantala, nakuha naman ng Asya Premier Suites ang ikalawang pwesto habang nasa ikatlong pwesto naman ang Kabalikat Civicom.