YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, January 20, 2012

Kondisyon ng mga korales sa Boracay, gumaganda na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Gumaganda na ang tubo ng mga korales ngayon sa Boracay.

Ito ang napag-alaman mula kay John Felix Balquin, Marine Biologist ng Malay Agricultures Office o MAO.

Aniya, sa limang snorkeling site na pinoproteketahan ng MAO, tatlo dito ay natapos na nilang siyasatin ang kundisyon o sitwasyon ng mga korales.

Ang limang site na ito ay nasa Angol, Balinghay, Coral Garden, Tambisan at Yapak.

Nabatid mula dito na kung noong taon 2009 ay 24% lang ang nabubuhay ng mga korales sa Balinghay dahil 67% ang namatay, ngayong nagdaang taon ng 2011 ay nasa 31% na ang buhay, bagay na ikinatuwa naman ng MAO.

Sa bahagi ng Angol Snorkeling Site, sa ngayon ay may 24% na ang nabuhay mula sa mahigit 9% na mga korales noong 2009.

Mas malaki na naman ang iginanda sa tubo ng mga korales sa Tambisaan Area, sapagkat mula sa mahigit 16% noong 2009, ngayon ay nasa mahigit 43% na ang nabubuhay.

Hindi naman linggid sa kaalaman ng karamihan na ang mga korales sa Boracay ay unti-unti nang namamatay, at sa tulong ng coral transplantation, ay unti-unti nang dumadami ang mga ito.

Ang sitwasyon naman ng mga korales sa Coral Garden at Yapak ay siyang planong sisiyasatin ng MAO para malaman din ang kondisyon ng mga ito.

Samantala, ayon kay Baliquin, sa kasalukuyan ay nagdagdag na rin ng mga boya ang MOA sa mga snorkeling area sa Boracay para mabawasan ang paghulog ng angkla mula mga banga na nag-a-island hopping at nang sa ganoon ay hindi masira ang mga korales sa mga nabanggit na snorkeling site.

Gobernador ng Aklan, nagsusumamo sa SB Malay at BFI

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Napansin din ni Aklan Governor Carlito Marquez na tila kinakalawang na ang mga bakal na ginagamit sa proyektong reklamasyon.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa ito makakausad dahil epektibo pa rin ang Temporary Environmental Protection Order o TEPO na ibinababa ng Supreme Court nang sampahan ito kaso ng Boracay Foundation Incorporated o BFI dahil sa isyung pangkapaligiran.

Dagdag pa dito na ang Sangguniang Bayan ng Malay ay mistulang hindi pa rin sumusuporta sa proyekto dahil hindi pa sila nagbibigay ng pag-endorso para sa proyekto.

Dahil dito, umapela ang gobernador sa BFI at ang lokal na pamahalaan ng Malay na sana ay maki-isa na ang mga nabanggit na tutol sa proyekto, gayong ang lahat naman ang makikinabang dito.

Kaugnay nito, nagsusumamo at humihiling si Marquez na sana ay suportahan ang reklamasyon na proyekto ng pamahalaang probinsiya ng BFI at LGU para lubusan nang bawiin at mawalan nang kapangyarihan ang TEPO.

Samantala, sakaling magka-isa na ngayon ang BFI at LGU Malay, pino-problema pa rin sa kasalukuyan ng gobernador sa sitwasyon ng Supreme Court dahil sa Impeachment Trial laban kay SC Chief Justice Corona.

Aniya, ang ganitong sitwasyon ay nakakabahala, dahil maaaring magresulta sa pagkaantala ng mga kaso na hawak ng korte, kasama na ang kaso ng reklamasyon sa Caticlan, lalo pa at ngayon ay plano umano ng probinsiya na gumawa ulit ng manifesto sa SC para mapadali ang pagdinig sa kaso.

Gayon pa man, hiningi ni Marquez na manalangin na lang ang lahat para matapos na ang impeachment at upang makapagtrabaho na ang mga mahistrado.

Reklamasyon sa Caticlan, balak na muling i-apela ng probinsiya sa Supreme Court

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nire-respeto ni Aklan Governor Carlito Marquez ang naging aksiyon at magiging aksiyon ng Sangguniang Bayan ng Malay kaugnay sa hinihingi nitong pag-e-endorso sa proyektong reklamasyon sa Caticlan.

Aniya, kung hindi man nila ito mai-endorso ngayon dahil sa hinihintay pa ng konseho ang desisyon ng Supreme Court (SC), kung saan isinampa ang kaso laban sa pamahalaan probinsiya ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), ay naiintindahan naman nila ito, ayon kay Marquez, lalo pa at hindi pa naman tapos ang pagdinig sa kaso.

Subalit nilinaw ni Marquez na ang paghingi umano ng probinsiya ng pag-endorso mula sa SB Malay ay kailangan talaga, para makatulong sa pag-apela sa Supreme Court na bawiin na ang Temporary Environmental Protection Order o TEPO na binababa ng kataas-taasang korte laban sa probinsiya kaya hanggang ngayon ay hindi pa maka-usad ang proyekto.

Ito at kasunod sana umano ng plano nilang pag-apela ulit sa SC, sa paniniwala na makakatulong ito sa mabilis na pagbawi ng TEPO kung makita ng korte na nai-endorso na ito ng konseho.

Subalit ngayon, labis na nagtataka ang gobernador kung bakit, ganoon pa rin ang paninindigan ng SB Malay gayong ang BFI naman ang nagsampa ng kaso at ayaw sa proyekto.

Umaasa pa rin si Marquez ng pag-e-endorso mula sa SB sapagkat, katulad nila, ay sangay din ng pamahalaan ang konseho kaya dapat i-endorso ang proyektong ito.

Nagtataka din ang gobernador kung bakit umano tinututulan ang proyektong ito, sa kabila ng mga napapansing masyado nang masikip ang Caticlan Jetty Port, gayung para naman ito sa mga turista, buong probinsiya ng Aklan, at Malay, lalo na sa mga stakeholders, partikular ang BFI, ang makikinabang nito.

Thursday, January 19, 2012

Mala-Divisoriang front beach, kinuwestiyon ng SB Malay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mala-Divisoria na di umano ang mga paninda sa front beach ng Boracay, kaya ipinatawag ng Sangguniang Bayan ng Malay si Island Administrator Glenn Sacapaño para matanong kung ano na ang nagyayari sa ilang mga ordinansa na ipinatutupad dito sa isla.

Bilang tugon ni Sacapaño, sinabi nito na hindi naman aniya sila nagpapabaya sa paghabol sa mga ambulant vendors, at sa mga bangka na kahit saan lang pumaparada na klarong lumalabag sa ordinansa sa front beach.

Katunayan, madalas umano nila itong binibigyan babala, pero mistulang nagmamatigas pa rin.

Dahil dito, para mas mapagtibay ang nilalaman ordinansa at magkaroon ng iisang katayuan ang konseho at taga pagpatupad ng batas, hiniling ng administrador na kung maaari ay tulungan sila ng SB sa pagpalaganap ng nakasaad sa ordinansa para madaling maintindihan ng publiko.

Ito ay upang sakaling magka-problema man, hindi lahat ng sisi ay ibunton sa tagapagpatupad lang at hindi ito maiwang nakatiwangwang.

Kaugnay nito, nangako ang SB Malay na babalikan o ire-review nila ang lahat ng ordinansa may kinalaman sa mga batas na ipinapatupad sa front beach para ma-protektahan din ang implementor.  

Konseho, pinagdebatihan ang hininging extension sa deadline ng pagre-renew ng Business Permit

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Halos hati ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay pagdating sa kanilang opinyon, kung papayagan ba nilang ma-extend ang araw o petsa na itinakda para sa pag-renew ng Business Permit.

Ito ay makaraang hilingin ng tanggapan ni Mayor John Yap na ipagpaliban ang deadline ng schedule sa pagtanggap at sa pagproseso ng pagre-renew ng Business Permit hanggang katapusan ng Pebrero.

Bagamat mayroon naman sa mga miyembro na sang-ayon sa kahilingan ng Alklade.

Pinanindigan naman ni SB Member Rowen Agguire ang kaniyang rason, na tila di umano, ito na lang ang madalas mangyari, kaya napapanahon na para itama at sundin nalang ang skedyul na naayon sa sa batas na hanggang Enero 21 ang deadline bawat taon.

Lalo pa at ang bagay na ito ay batid naman di umano noon pa ng mga negosyante kaya may mahabang panahon na upang maghanda para sa pag-renew.

Kaugnay nito, nagpasaring ang konsehal na kung ganito na lamang ang madalas mangyari, bakit hindi na lang gawin hanggang buwan ng Hunyo ang extension para mahabang panahon pa ang pagre-new at hindi na kailangang humingi pa ng karagdagang extension kung hindi pa rin makakahabol sa itinaktang petsa.

Samantala, sa kabilang ng sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero na para ano pa at nagkaroon ng “one stop shop” ang LGU sa pagproseso ng permit na ito, gayong tila wala naman magandang epektong dulot at ganon parin ang sitwasyon.

Pero kinatigan parin nito ang hiling ng Alkalde, dahil may rason naman ang ang Punong Ehikutibo, sapagkta nakikita naman na sa pagkuha palang ng requirement sa Barangay at maging sa Licensing Department ay inaabot na ng ilang araw at pahirapan pa.

Samantala, dahil sa may iba’t-ibang opinyon naman ang mga miyembro ng konseho kaugnay sa usaping ito.

Napagkasunduan ng SB na bibigyang extession at magpapasa sila ng resulosyon na gawing hanggang Febuary 24, 2012 ang deadline, gayong kung hanggang katupusan pa ng Pebrero para sa mga ito ay sobrang haba  na ang extension na ibibigay nila kapag nagkataon.

Pagsugpo sa mga namamalimos sa Boracay, pahirapan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Halos hindi na makaka-aksiyon pa ang  Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) ng Malay kaugnay sa mga suliranin may kilaman sa mga namamalimos at pagala-gala sa isla  ng Boracay, dahil ang bagay na ito ay pinu-problema din nila ngayon kung papano gagawin.

Ayon kay Magdalena Prado, Municipal Social Welfare Officer, dahil sa mga batas na nagpo-protekta sa mga katutubo at sa mga kabataang sangkot sa ganitong gawain, nahihirapan din ang tanggapan nila sa pagbigay sulosyon sa bagay na ito.

Sinabi din ni Prado na kapag piniliit nila ang nais nilang mangyari, maaaring malabag ng MSWDO ang batas, katulad lamang ng pagtataboy at hindi papapasukin sa Boracay ang mga katutubong ito, na labag naman sa karapatang pantao.

Maliban dito, sinabi rin ni Prado na lahat na yata ng tanggapan na maaaring makapagbigay ng payo sa kanila para mapigil na sana ang nakakaalarmang pagdami ng mga namamalimos at pagala-gala sa isla.

Katunayan, nadulong na nito ayon kay Prado sa Commission on Human Rights at National Commission for Indigenous People (NCIP), subalit wala pa ring nakuhanang malinaw na solusyon.

Pansamantalang nagpapatulong na lang aniya sila ngayon sa mga opisyal ng Barangay, lalo na para sa proteksiyon ng mga minor de edad na ginagamit para mamalimos.

Naniniwala din ito na sa tulong ng Barangay, Pulis, MAP at LGU, sa paraan ng pagbuo nila ng “tandem”, ay maaaring mabigyan nila ito ng kahit pansamantalang lunas.

Magugunitang ipinatawag si Prado ng Sangguniang Bayan ng Malay, ukol sa problemang nakita sa Boracay, para ipaliwanag partikular ang hinggil sa pagdami ng mga namamalimos na paslit, katutubo at mangangalakal na bigla na lamang susulpot sa mga kainan para manguha ng bote o lata na kahit nakapatong sa misa at may lamang pa ay kinukuha agad, na pangit naman di umano sa mga mata ng mga turista.

Samantala, sa bahagi naman ng LGU Malay, sinabi ni Island Administrator Glenn Sacapaño na sinisita din ng mga MAP ang mga paslit na ito, pero tila hindi rin aniya natitinag, at minsan ay nakikipaghabulan at matapang pa sa kanila, kaya nababahala ang MAP na baka madisgrasya pa ang mga ito kapag pilitin nilang habulin.

Crisis Intervention Unit ng Boracay, may problema pa


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mayroon na ngang gusali para sa Crisis Intervention Unit (CIU) sa Boracay at maaari na itong gamitin, pero may mga kailangan pang ayusin dito ayon kay Magdalena Prado, Municipal Social Welfare Officer ng Malay.

Ayon dito, bagamat may gusali na ay hindi pa rin ito kumportable para gawing CIU dahil masyado pa itong masikip at tila hindi ito akma sa mga bata at kababaihang nasagip ng Social Welfare.

Inihayag ito ni Prado sa harap ng konseho nitong Martes, kasabay ng pagsasabing nagpapasikip sa gusali ng CIU ang halu-halo nilang sitwasyon sa opisina, dahil naroroon din ang tanggapan ng 4Ps at Social Workers.

Ang ganitong sitwasyon umano ay  bunsod ng kakulanagn sa pondo noong nagdaang taon ng 2011.

Gayon pa man, ikinukonsidera nito at nasa plano na rin niya ang paghiling pagkakaroon ng hiwalay na gusali ng CIU na akma naman para sa mangangailan ng tulong gaya ng mga indibidwal na naghahanap ng kalinga at dumaranas ng kung anong suliranin at nasagip ng Social Worker.

Ang CIU ay siyang lugar na pinaglalagyan ng mga nasagip na indibidwal, katulad ng mga batang pagala-gala at mga biktama ng pag-aabuso at iba pa.

Wednesday, January 18, 2012

Boarders, hindi na sisingilin ng garbage fee!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Ang boarders sa Balabag ay hindi na sisingilin pa ng individual Garbage Fee na P200.00.”

Ito ang nilinaw sa sesyong nitong umaga sa Sangguniang Bayan, kasunod ng mga reklamong natanggap ng konseho at mga katanungan mula sa publiko kasabay ng paninigil ng Brgy. Balabag ng Garbage Fee sa mga boarders.

Sa deliberasyon nilinaw na walang sapat at legal na basehan ang Brgy. Balabag para maninigil halagang ito.

Bagamat may ordinansa ukol dito, pero nabatid mula sa SB na hindi pa ito napagtibay ng konseho at hindi pa naaaprubahan.

Dahil dito, hiniling ng Sanggunian kay Punong Barangay Lilibeth Sacapaño ng Balabag na huwag nang singilin pa ang mga boarders at huwag munang ipatupad ang P200.00 individual garbage fee dahil wala pa itong basehan at nababahala ang konseho na baka magkaroong ng problema sa hinaharap at mabalikan ang barangay.

Paliwanag kasi ng konseho, kung residente o household sa barangay ang pag-uusapan, nasa batas talaga ito at nasa  Barangay Revenue Code, pero  pagdating sa boarders, ibang usapan na aniya ito at hindi sila kasama sa household na tinutukoy ng barangay.

Lumalabas na ang nais mangyari ng konseho ay sa mga may-ari ng boarding house ipataw ang halagang ito at hindi sa boarders, dahil kung iisipin, ang local na pamahalaan ng Malay naman aniya ang nagbibigay ng subsidy at gumagastos para sa suliraning pangkapaligiran sa Boracay lalo na sa pangungolekta ng basura.

Bagamat maaaring maningil ng garbage fee sa mga household, nais ngayon ng konseho na malinawan muna ang lahat at magkaroon ng legal na basehan bago ipatupad.  

Punong Barangay Lilibeth Sacapano, nagpasaklolo sa konseho


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi umubra sa Sangguniang Bayan ng Malay ang rason ni Punong Barangay Lilibeth Sacapano ng Balabag na dahil sa kinakaltasan ng LGU ang kanilang IRA ng 5% para sa LOCO fund kaya ipinapatupad nila ang pangongolekta ng Garbage Fee para magkaroon din ng share ang lahat ng mga nakatira kasama ang mga boarders sa barangay dahil nagdadagdag din naman ang mga ito ng basura.

Ngunit dahil sa naipatupad na ito ng Barangay Balabag, natanong ito ni SB Member Jonathan Cabrera kung ano ang mangyayari sa ibinayad nang mga naunan nang kumuha ng clearance na siningil din ng garbage fee.

Subalit ang usaping ito ay hindi direktang nasagot ni Punong Brgy. Sacapaño.

Sa halip, ang tanging nasabi nito ay natutuwa siya dahil naipatawag na siya ng konseho para makahingi ng saklolo kung ano ang dapat at tamang gawing sa usaping ito.

Gayon pa man, nagpaliwanag ito na hindi naman talaga sila naniningil ng Garbage Fee sa mga boarders.

Katunayan, maaaring nasingil lamang umano ng Barangay ang mga ito ng indibiwal ng garbage fee na P200.00 kapag natanong kung may boarding sila ay napapa-“oo” na lang at hindi nila nililinaw na pawang  mga boarders lamang sila, pahayag na taliwas sa unang sinabi ni Sacapaño nang makapanayam tungkol sa isyung ito.

Pero nilinaw nito na kung noong una pa lang ay nalaman na aniya nila na mga boarders lamang ang kumukuha ng clearance ay hindi na kailangan pang singilin pa nila ng indibidwal garbage fee ang mga ito.

Samantala, ipinagpasalamat naman ni Sacapaño dahil nabigyan na ng kasagutana ang mga tanong at nalinawan naman ito. 

Tuesday, January 17, 2012

“Artificial reefs”, pormal ng inilagay sa baybayin ng Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nitong umaga ay sinimulan na ng Boracay Beach Management (BBMP) ng LGU Malay na mailatag na sa dagat na sakop ng isla ang mga artificial reefs na siyang magsisilbing tahanan ng mga isda sa Boracay.

Ito ay kasunod sa pagkabahala ng local na pamahalaan, na sa ngayon ay unti-unti nang nawawala o nababawasan ang mga korales mayroon ngayon sa isla.

Dahil dito ito ang naisip na paraan para may mapag-pangitlugan ang mga isda para dumami, gayong ito ang isa sa atrasksyon ng Boracay.

Kung saan may mga area na identify ang BBMP sa tulong ng Bantay Dagat, pormal nang inihulog ang mga malalaking artificial reef na ito na gawa mula sa semento.

Maliban sa BBMP, nakatakda ding ihulog ngayong araw ang artificial reef na donasyion ni Senadora Loren Legarda para sa isla na nagkakahalaga sa limangpung milyong piso.

Subalit ang kinaibahan lamang sa proyektong ito ni Legarda, inaluhan ng organic na kemikal para hindi umano maka apekto sa tubig dagat at habitat ng mga isla dito.

Mga lumalabag sa Building code at ordinansa ukol dito, mabibigayn din ng permit


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayon panahon na naman ng pag-renew ng business Permit at dumadaan sa Engineering Department ng LGU Malay ang mga permit ng establishemento, bagamat mahigpit nilang binubusisi ang mga dukomentong ito, ang mga nahuling lumalabag sa mga ordinansa at building code ay  nakakakuha pa rin di umano ng permit ayon kay Engr. Elezer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay.

Ito ay kapag mangako ang mga ito na aayusin kung ano ang nalabag na ordinansa, kasama dito ang ukol sa limitasyos sa taas ng gusali, tamang sukat ng paglalagay ng bakod at iba pa.

Magkaganon man, binibigyan na lamang umano ng tanggapan nila ng isa o dalawang buwang palugit para tuparin ang binitiwang pangako.

Sa oras umano na hindi ito natupad, maaaring ma-revoke o mabago pero nakadepende na umano sa tanggapan ng alkalde kung pahihintulutan pa ito, dahil tinitimbang din nila ang pag-labag na ginawa ng isang establishemento.

Subalit gayong mayroon naman ngipin ang local na pamahalaan para gumawa ng aksiyon, kung kinakailangan maaari naman ayon kay Casidsid na mapakapag-demolish ng bahagi ng gusaling o mismong gusaling nakitang lumabag.

Samantala, aminado naman ang huli na mahirap talagang i-monitor ang mga nakitaan ng paglabag lalo pa at kulang sa tao ang engineering ngayon.

Ngunit, sa tulong ng mga barangay opsiyal at Municipal Auxiliary Police (MAP) ay maaari itong maibsan, kung sa bawat hukay na gagawin sa pagpapatayo ng gusali ay hanapan agad ito ng permit.

Lalo pa umano itong nakakabahala, dahil walang moratorium ang LGU Malay na ipinapatupad para ma-kontrol ang pagdami ng mga gusali na bilgaan at parang mga kabute lamang kung sumulpot, bagay na aminado naman si Casidsid dito.

Matatandaang, una nang inihayag ng huli na sa Boracay, marami silang na monitor na lumabag sa building code at ordinansa ukol dito, dahil kahit may building, hindi naman sinusunod minsan ang nakasaad dito, lalo pa at hindi rin namomonitor ng LGU Malay.

“Program of Works” para sa drainage na matagal nang inire-reklamo, natapos na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tapos nang gawin ang program of Works para mabigyang sulosyon ang problema ukol sa matagal nang nirereklamong hindi kanais nais na amoy dahil sa tumatagas ang laman ng Drinage sa kalsada pamismo sa bahagi ng Ambulong  Brgy. Manoc-manoc.

Ito ang inihayag ni Engr. Elezer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay kaugnay sa suliraning ilang beses na ring nireklamo lalo na ng mga residente doon dahil sa epektong dulot nito sa kalusugan at kahihiyang dala ng sitwasyong ito para sa Boracay na kilala bilang isang Tourist Destination.

Gayon paman, ngayong tapos na at naisumite na ang program of works para dito, ang budget pa umano sa kasalukuyan ang hinihintay, sapagkat wala pa itong katiyakan kung kaylan mapupunduhan at doon naka depende kung kaylan ito sisimulang ayusin para sa long term ng sulosyon.

Subalit, inihayag ni Casidsid na sa ngayon, ay gumawa na aniya ng aksiyon ang Brgy Manoc-manoc at hinukay ang pinagmumulang ng di kanais-nais na amoy pero, itinutring aniya itong band aid sulosyon lamang o pansamantala lamang sulosyon.

Matatandaang, umani na ng batikos ang sitwasyong ito sa nasabing lugar, subalit nagtuturuan at walang umaako kung sino ang dapat umaksiyon sa kabila ng mga rekomedasyong ginawa ng Malay Health Office na hindi ito maganda sa kalusugan ng mga residente sa nasabing area.

Monday, January 16, 2012

Akusasyon ng isang master diver, sinagot na ng BI


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mariing pinabulaan ni Marilyn Yap, Alien Control Officer ng Bureau of Immigration Boracay, na may natanggap itong reklamo mula kay Jergil Suarez.

Itinanggi din nito ang pahayag ni Suarez na wala Special Working Permit ang dayuhang nagtatrabaho dito sa isla.

Gayong pa man, animano ito na mayroon nga at marami ang mga ito, pero hindi naman umano nila alam sa ngayon kung mayroon man.

Kinumpirma din ni Yap na may mga nahuhuli na illegal na naninirahan dito, pero sa ngayon ay pansamantala nilang itong itinigil dahil sa sobrang abala nila ngayong sa trabaho  at paghahanda ng kanilang report, kaya limitado din ang sagot nito na tila nagtataray pa.

Katunayan ay naghamon pa ito na puntahan sa tanggapan nila para makita kung gaano sila kabala sa pag-ganap ng kanilang tungkulin.

Gayon pa man, sinabi ng huli sa mga nais magreklamo, na direkta itong ipaabot sa kanilang tanggapan, at pangalanan ang taong nirereklamo, kasabaqy ng pagpapahayag na hindi sila mag-aatubili na sumagot sa mga reklamong ibabato sa kanila kung saka-sakali.

Mga dayuhang kumakayod pero walang working permit sa Boracay, hindi inaaksyunan ng Bureau of Immigration?


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Dehado na ang mga Pinoy, kasi nasulot na ng mga dayuhan ang hanap-buhay na para sana sa mga Pilipino.”

Ito ang dahil kung bakit hindi na nakapagpigil pa ang isang nagrereklamong si Jergil Suarez, isa sa mga master diver at negosyante sa Boracay, na uhaw sa mga kasagutan mula sa kinauukulan sa kabila ng kaniyang hayagang pagre-reklamo di umano sa Bureau of Immigration noon pa man.

Ayon kay Suarez, batay sa inilatag nitong hinaing sa himpilang ito ukol sa kaniyang obserbasyo sa mga dayuhang naririto sa isla at naghahanap buhay o mga resident alien sa Boracay mula sa iba’t ibang bansa, nagtatrabaho at nagnenegosyo umano ang mga ito dito sa Boracay na wala man lang kaukulang permiso at penalidad, na hamak na mas malayo kung ikukumpara sa buhay ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa na kapag walang dukomento, pinapa-uwi o hinuhuli agad.

Una rito, inireklamo ni Suarez ang kawalan di umano ng aksiyon ukol sa problemang ito ng Bureau Immigration o BI, gayong ito sana ang trabaho nila, na magbantay at masigurong legal ang pagtira at pagtrabaho ng mga ito sa Boracay.

Masakit din aniya sa bahagi nito na ilang beses na rin nitong ni reklamo sa BI ang nakikita niyang iregularidad pero tila dedma lang aniya ito sa BI.

Sa halip ay sinasagot pa umano ito na kunan na lang niya ng litrato ang kaniyang nakikita at i-prisenta sa Immigration dahil pagod na rin umano ang BI sa kakakuha ng larawan, ayon sa alegasyon nito.

Isinatinig din ni Suaez na bakit hindi man lang hinahanapan ng kaukulang dokumento ang mga turistang ito, gayong ang ilang sa mga dayuhang ito, partikular ang mga master divers, ay walang Special Working Permit.

Aniya, batid nito na kailangan din ito sa turismo nang mas mapa-unlad ang serbisyo na siyang ibinibigay ng mga dayuhang ito.

Subalit, kung mabibigyan ng pagkakataon aniya, may sapat namang kakayahan ang mga Pinoy na naghahanap-buhay dito para makapagbigay ng serbisyo na angkop sa kailangan din ng mga turista, ngunit sa ngayon ay nasulot at napasok na ito ng mga illigal na dayuhan at tila hindi naman ito pansin ng BI.

Taon na rin umano ang nakalipas nang huling gumawa ng aksiyunan ng kawanihang ito sa mga suliranin ukol dito sa Boracay, subalit ngayon ay tila mas lumalala na ito.

Dahil sa presensiya ng mga alien residents na ito sa Boracay, sinabi ni Suarez na kakarampot na lang ang kinikita nila ngayon.

Kaya umaapela ito sa BI at lokal na pamahalaan ng Malay na sana ay mapansin din ang kanilang munti pero mahalagang obserbasyon o hinaing.

Dahil sa uhaw sa hinihinging aksiyon mula sa kina-uukulan, nais din ngayon ni Suarez  na sana, kahit pagbaba pa lang sa airport ng mga dayuhang ito, ay matanong agad at masilip ang mga dokumentong dala para mabatid kung ano talaga ang pakay ng mga ito sa Boracay, kung bakasyon nga ba talaga o negosyo.

Ang reklamo na ito ni Saurez ay ginawa ng huli dahil sa marami umano siyang nakikitang ng master diver sa Boracay na  pawang mga dayuhan, gaya ng German, Taiwanese, Korean at Chinese, na nagtatrabaho at may negosyo na walang dokumento, kaya itinuturing nitong illegal ang pamamalagi ng mga ito sa bansa. 

Aminado naman ang huli na tila nagdududa na ito sa kakayahan ng BI na gumawa ng aksiyon ukol dito dahil sa napagkakakitaan na ito at talamak na ang “pera-pera lamang sa loob ng Immigration sa Boracay”.

Vice President Binay nag-iwan ng Pabahay Program sa Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pabahay para sa mga empleyado ng pamahalaan at benipisyo para sa lahat ang dala ni Vice President Jejomar Binay sa pagbisita nito sa bayan ng Kalibo para makipagdiwang sa mga Aklanon sa Ati-atihan.

Sa kanyang talumpati, kahalagaan ng Pag-Ibig Fund at ang mga benipisyo nito ang ipinaliwanag ng Pangalawang Pangulo ng bansa, kasama na rin si Atty. Darlene Marie Berberate, CEO ng Pag-ibig.

Ayon kay Binay, tatlongpu’t-siyam na bayan mula sa Aklan, Antique at Capiz ang pumasok sa kasunduang ito, kasama na ang lahat ng mga job order ng nagtatrabaho sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan, ay ipa-rehistro na sa Pag-ibig upang ang mga empleyadong ito ay makatikim din ng benipisyo.

Maliban dito, sinabi rin ng huli walong bayan ang mabibigayn ng programang pabahay dito sa Aklan na labis namang ikinatuwa ng mga alkalde ng probinsiyang ito.

Naging sentro din ng talumpati ni Binay ang kaniyang paghayag sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa sa susunod na halalan at ang kaniyang maaga pangangampaniya.

Samantala, nagbigay babala si Binay sa mga Aklanon na kung maaari ay mag-ingat sa pagtitwala sa mga recruiters dahil naglipana na ngayon ang mga manloloko.

Kasabay nito ay sinabi din ng Bire Presidente na ang mga OFW sa ibang bansa na dumaranas ng suliranin ang priyoridad nito sa ngayon ayon sa pangalawang pangulo.