YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, November 30, 2013

Aklan PHO, pinaghahandaan na ang pagdiriwang ng Worlds Aids Day ngayong Disyembre

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaghahandaan na ng Aklan Provincial Health Office ang pagdiriwang ng Worlds aids Day ngayong buwan ng Disyembre.

Ayon sa Aklan PHO magkakaroon sila ng gay beauty contest sa Disyembre a-uno sa bayan ng Kalibo bilang isa sa kanilang mga adbukasiya.

Dito ipapaalam ng mga kalahok kung paano maiiwasan ang sakit na acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) at Human immunodeficiency virus (HIV) sa pamamagitan ng kanilang ipapakitang talento at mga sagot sa patimpalak.

Dadaluhan naman ito ng mga Doktor mula sa ibat-ibang lugar sa probinsya ng Aklan para ipaalam at ipaabot sa publiko partikular na sa mga kabataan ang mga impormasyon at kaalaman tungkol sa nasabing sakit.

Nabatid na taon-taong ginagawa ng Provincial Health Office ang ganitong klaseng aktibidad para tuluyang maipaalam sa mga tao ang kinakatakutang sakit na ito.

Kaugnay naman nito nakapagtala ang probinsya ng Aklan ng dalawamput apat na biktima ng mga nasabing sakit ngayong taong 2013.

Samantala, ipinaaabot ngayon ng PHO sa publiko na mayroon ng libreng treatment hub ang provincial hospital para sa mga magnanais magpatingin.

BFP Boracay patuloy sa pag-monitor para maiwasan ang sunog sa isla

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy sa pag-monitor ang Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay para maiwasan ang sunog sa isla.

Ito ay may kaugnayan parin sa patuloy na rotating brown out sa Boracay, kung saan karamihan sa mga residente ay gumagamit ng kandila at mga tradisyonal na pailaw.

Ayon kay FO1 Joseph Buriel ng Boracay Fire Department, patuloy parin umano nila ngayong ikinakasa ang awareness sa publiko sa paraan ng pagbibigay paalala sa mga ito ng mga dapat at hindi dapat gawin para makaiwas sa sunog.

Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang BFP Boracay na mag-ingat sa paggamit ng mga kandila at kung maaari umano ay ilayo sa mga kurtina at huwag hayaang nakapatong lamang sa lamesa.

Ito ang kalimitang paalala umano nila sa mga pamayanan na gumagamit ng kandila lalo na ngayong hindi pa lubos na bumabalik sa normal ang supply ng kuryente sa isla.

Aniya, ang nakasinding kandila kapag natumba sa mga light materials, at inihipan ng hangin ay siyang madalas na pinagmumulan ng sunog.

Friday, November 29, 2013

DSWD Aklan, nilinaw na walang pinamumudmod na relief goods na may damaged

Ni Jay-Ar M. Arante, YES FM Boracay

Nilinaw ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Aklan na wala silang ibinibigay na relief goods na may damaged.

Ito ay sa kabila ng kumakalat na balitang may mga natatanggap na bigas ang mga residenteng naapektuhan ng bagyo na inaamag na.

Ayon sa DSWD Aklan, nagmumula pa ang mga relief goods na ito sa kanilang Regional Office sa probinsya ng Iloilo.

Hindi naman umano nila nakitaang may sira o amag ang mga bigas na kanilang ibinibigay sa mga residente sa probinsya.

Tiniyak din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bago nila ipamahagi ang mga relief goods ay sinusuri nila itong mabuti para sa kaligtasan ng mga bibigyan nila.

Kung totoo man umano ang mga balitang kumakalat ngayon kaugnay sa mga nasabing relief good, ay hindi ito diriktang nagmula sa kanila.

Ordinansa hinggil sa mga mesa at upuan sa beach front, pa-iigtingin ngayong Disyembre

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Matapos ang magandang epekto ng pagpapatupad ng 25+5 easement ng Boracay Redevelopment Task Force sa isla, simula ngayong Disyembre ay tututukan naman nila ang mga regulasyon sa vegetation area.

Bagamat pinapayagan ang paglatag ng mga upuan at mesa simula alas-singko ng hapon hanggang alas-sais ng susunod na araw, ipagbabawal naman ang paglatag ng mga sumusunod sa vegetation area kagaya ng buffet table, cooking station, portable bar, grilling machines at mga beach umbrellas.

Ayon sa Municipal Ordinace No. 183, S. 2003, ang mga lalabag ay magmumulta ng P2, 500, pagkakulong ng hindi lalagpas ng labing limang araw, at pag-kumpiska ng mga gamit o straktura na ipinagbabawal.

Dagdag pa ng task force, isang prebilehiyo ang pag-gamit ng vegetation area rason na hindi ito dapat paglatagan ng anumang paninda ng isang establisemyento at sa halip ay mesa at upuan lamang.

Ang pagpaigting ng ordinansa ay naglalayon umanong mapangalagaan ang puting buhangin sa beachfront at para sa patuloy na paglago ng industriya ng turismo sa isla.

Ordinansa para ma-regulate ang mga fire dancer sa isla, ipinasa na

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

May ipinasa nang ordinansa para sa mga fire dancers.

Ito ang kinumpirma ni Malay SB Member Frolibar Bautista, kaugnay sa pagre-regulate ng mga itinuturing na tourist entertainers sa isla ng Boracay.

Ngunit nilinaw ni Bautista na hindi lamang para sa mga fire dancers ang kanyang ipinasang ordinansa, kundi pati na rin sa mismong mga establisyementong nag-o-operate ng naturang entertainment.

Ang ordinansa umanong ito ay naglalayong ma-regulate ang mga fire dancers, dahil kaakibat aniya ng ordinansang ito ay ang mga regulasyong dapat sundin at ipatupad.

Ayon kay Bautista, may nakalaang lugar o area lamang kung saan pwede silang magperform katulad sa vegetation area.

Kung kaya’t kanyang paalala sa mga fire dancers na iwasang mag-perform sa beach line at pathways na makaka-distract sa mga dumadaang turista.

Kung sakali man aniyang sa beach area magperform, ay dapat may platform, dahil iniiwasan ding maapektuhan ng gas na kanilang ginagamit ang maputing buhangin ng isla.

Nilinaw naman ni Bautista na hindi tinatanggalan ng trabaho ang mga nasabing fire dancers, sa halip ay tinutulungan para ma-organized ang kanilang trabaho.

Thursday, November 28, 2013

Sugatang pawikan na natagpuan sa Boracay, nasa pangangalaga na ng MAO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa pangangalaga na ng Malay Agriculture Office (MAO) ang sugatang pawikan na natagpuan sa station 1 Boracay kaninang umaga.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla, bandang alas 10:30 kanina ng matagpuan ng isang pump boat operator ang nasabing pawikan na palutang-lutang malapit sa dalampasigan at sugatan ang kaliwang palikpik.

Agad naman umanong humingi ng tulong ang operator sa Malay Auxiliary Police (MAP) para dalhin ito sa ligtas na lugar.

Ipinagbigay alam din ng MAP sa Red Cross-Lifeguard at Municipal Agriculture’s Office ang insidente para sa karampatang disposisyon ng nasabing hayop.

Basi naman sa pag-iimbistiga ng bantay dagat hindi naman kinakitaan ng pagmamaltrato ng mga mangingisda ang species.

Dagdag pa ni Sulia, maaari umanong nahagip lang ito ng mga bangka at mga sasakyan pandagat malapit sa isla ng Boracay kung kaya’t nagkaroon ng sugat ang palikpik nito, at napadpad sa mababaw na bahagi ng dagat.

Nabatid na patuloy paring ginagamot at minomonitor ng MAO ang kalagayan ng naturang pawikan.

Rotation ng suplay ng kuryente sa Boracay, maaaring matagalan pa

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Maaaring matagalan pa ang kasalukuyang rotation ng suplay ng kuryente sa Boracay.

Ayon kay AKELCO Boracay Substation Area Engr. Wayne Bucala, hindi pa nila matiyak kung kailan babalik sa normal ang suplay ng kuryente, mula sa kanilang mga power sources.

Kulang umano kasi ang nakukuhang power supply ng AKELCO mula sa 6MW sa Nabas, para sa Boracay, at Caticlan.

Base naman sa text message nitong umaga ni Assistant General Manager for Akelco Engineering Engr. Joel Martinez.

Maaaring ma-reenergize na ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines ang kanilang 69kv Panit-an-Nabas transmission line sa a- diyes ng Disyembre, base na rin umano sa kanilang target date.

Dahil dito, maaaring maging normal na ang suplay ng kuryente sa buong Aklan kasama na ang Boracay.

Samantala, nabatid na dalawa lang ang napagkukunan ngayon ng suplay ng kuryente ng Akelco, matapos lubhang masira ng bagyong Yolanda ang mga transmission lines at power poles o poste sa Iloilo at Capiz.

Ang mga nasabing linya naman ang siyang dinadaanan ng 20MW source mula sa Negros Oriental at 20MW ng Iloilo, papunta sa Aklan.

Kasalukuyang nakakaranas ng rotational power supply ang Boracay, dahil hindi kaya ng 6MW sa Nabas ang 20MW nitong power demand.

Paglalagay ng mga mesa at upuan sa beach front, iistriktuhan na sa December 1

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Iistriktuhan na ang paglalagay ng mga mesa at upuan sa beach front sa December 1.
Base sa ipinadalang community advisory ng LGU Malay.

Mahigpit nang ipapatupad ng munisipyo ang Municipal Ordinance No. 183 Series of 2003 at ang Municipal Ordinance No. 132 Series of 2000.

Nakasaad sa mga nasabing ordinansa na pahihintulutan lamang ang paglalagay ng mga mesa at upuan sa beach front area, mula alas singko ng hapon hanggang alas sais ng umaga kinabukasan.

Maliban sa mga mesa at upuan, iistrituhan din ang paglalagay ng anumang equipments, furnitures, at ang pagkakabit o paglalagay doon ang anumang kagamitan.

Kaugnay nito, nanawagan naman ng kooperasyon mula sa mga establishment owners ang LGU Malay upang muling i-market ang turismo ng Boracay, matapos itong maapektuhan ng mga balita tungkol sa bagyong Yolanda, at maging ng mga nangyaring lindol sa Bohol at Cebu.

Traditional Trikes sa isla ng Boracay, wala nang planong dagdagan pa ng BLTMPC

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Wala nang plano ang Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) na dagdagan pa ang mga traditional na traysikel sa isla ng Boracay.

Ayon kay BLTMPC Board of Director Enrique Gelito, matagal nang plano ng lokal na pamahalaan na palitan ang mga traditional trikes sa isla ng mga Electric Tricycles o E-trike.

Katunayan, sa kabuuang 575 na mga traditional trikes, 200 na umano dito ay nakapag-apply na para kumuha ng E-trike.

Ang mga tricycle umanong may kalumaan na ay papalitan ng mga E-trike dahil sa mahigit sa limang taon naring ginagamit.

Dagdag pa ni Gelito, pinapayagan parin ang mga traditional trike na makapagbyahe hangga’t bago pa umano ang mga ito, at maaari narin namang palitan ng E-trike kung luma na.

Samantala, patuloy naman sa pagkuha ng mga karagdagang e-trike ang BLTMC sa iba’t-ibang suppliers sa bansa at maaaring ilabas narin sa isla ang mga traditional trike kapag natapos na itong palitan lahat.

Layunin ng BLTMPC at LGU Malay na palitan na ang mga traditional trikes dahil sa idinudulot nitong polusyon sa hangin sa Boracay, at sa ibinibuga nitong usok.

Sa ngayon ay merong sampung E-trike na bumibyahe sa Boracay.