YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, November 22, 2013

Mga kahoy na natumba ng bagyo, hindi excuse sa permit kapag ita-transport

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi excuse sa permit ang mga kahoy na natumba ng bagyo.

Ito ang paalala ngayon ng CENRO sa mga may balak mag-transport ng mga kahoy na binuwal ng nagdaang bagyong Yolanda.

Ayon kay CENRO o Community Environment and Natural Resources Officer Norman Dy, kailangan pa ring ireport sa kanila ang mga nasabing kahoy bago i-transport, kahit pa na ito’y mga kahoy na natumba ng bagyo.

Wala umano kasing mandato sa kanila ang kanilang higher authorities na i- excuse sa permit ang mga nasabing kahoy.

Samantala, sinabi ni Dy na maaari silang magbigay ng konsiderasyon kapag sa kanilang barangay lang nila ito gagamitin.

Nagbabala din ito na mananagot sa batas ang sinumang magta-transport ng kahoy na walang kaukulang permiso.

Chinese National bumangga sa seawall ng resort habang nasa Kite Boarding Lesson

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad isinugod sa ospital ang isang Chinese National matapos maaksidente habang nasa Kite Boarding Lesson kahapon.

Ayon sa report ng Philippine Coast Guard (PCG) Boracay Substation, bandang alas 11:55 habang nasa isang private kite boarding lesson ang Chinese National na si Li Jun, 40, ng Beljing China nang aksidenteng bumangga sa seawall ng isang resort sa Brgy. Balabag Boracay.

Agad na ni-rescue ng mga Red Cross Voluteers ang nasabing Chinese National at dinala sa ospital, pero dahil sa malubhang pinsala sa ulo  at ibang parte ng katawan ay minabuti itong ilipat sa ibang ospital.

Samantala, kasalukuyan paring naka-confined sa isang pribadong hospital sa Kalibo ang nasabing biktima.

Arabo patay matapos atakihin sa puso habang nag-jejetski sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patay ang isang Arabian National matapos atakihin sa puso habang nag-jejetski sa isla ng Boracay.

Ayon sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) Boracay Substation, bandang alas 12:00 ng tanghali kahapon nang bigla nalang umanong nahulog sa kanyang nirerentahang jetski sa tinatayang 350 meters mula sa shoreline ng Angol Point, Brgy. Manoc-Manoc Boracay ang 38 anyos na Arabian National na nakilala kay Mr. Fahad Abamari ng Jeddah Alnazh, Kingdom of Saudi Arabia.

Agad naman itong dinala sa Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital subalit binawian na ito ng buhay bandang ala una ng hapon dahil sa atake sa puso.

Nasa isang funerarya ngayon sa bayan ng Malay ang labi ng biktima para sa karampatang disposisyon.

Deadline sa pagsumite ng SOCE ng mga kandidato, malapit na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tapos na ang Election Gun Ban at malapit na ring magtapos ang buwan ng Nobyembre.

Kaya naman malapit na ang deadline sa pagsumite ng Sworn Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ng mga nanalong kandidato.

Kaugnay nito muli namang nagpaalala si Malay COMELEC Officer II Elma Cahilig sa mga kandidato na hindi pa nakapagsumite ng kanilang mga Sworn Statement of Contribution and Expenditures.

Ayon kay Cahilig, habang maaga pa ay mag-sumite na ng kani-kanilang mga SOCE ang mga nanalong kandidato.

Kapag hindi umano kasi nakapag-sumite ay hindi rin sila makakaupo sa kanilang pwesto.

Matatandaang ang pag-file ng SOCE ay nagsimula noong October 29, 2013 at magtatapos naman sa November 27, 2013.

Samantala, maaari namang kumuha ng mga forms ang mga nanalong kandidato sa tanggapan ng COMELEC Malay.

Presyo ng mga gulay sa Aklan, bahagyang tumaas matapos maapektuhan ng bagyo

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bahagyang tumaas ang presyo ng mga gulay sa probinsya ng Aklan matapos manalasa ang super typhoon Yolanda.

Ayon kay Moises Inamac ng Department of Agriculture, Malaki umano ang itinaas ng mga presyo ng mga gulay na dito mismo sa Aklan nag-mumula.
Meron din aniyang nagkakahalaga dati ng 60 pesos na ngayon ay umaabot na sa isang daan o mahigit pa.

Nabatid rin na kukunti na lang ang suplay ng mga gulay sa Aklan kung kaya’t nagtaas ng presyo ang mga supplier nito.

Ayon pa kay Inamac, normal parin ang presyo ng mga gulay katulad ng carrots at patatas na mula sa ibang lalawigan na hindi sinalanta ng bagyo.

Nag-paalala naman ngayon ang DA na dapat ay hindi lumagpas sa sampung porsyento ang presyo ng mga gulay sa tuwing may kalamidad.

Samantala, patuloy parin ang ginagawang monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa mga pangunahing pamilihan sa Aklan partikular na sa bayan ng Kalibo.

DILG Aklan nagpaalala sa mga maaaring gumamit ng mga relief goods sa pamumulitika

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpaalala ang Department of Interior and Local Government (DILG) Aklan hinggil sa mga relief goods na ginagamit sa pamumulitika ng ilang mga pulitiko.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Malay Local Government Operations Officer II Mark Delos Reyes, na kung maaari ay huwag nalang lagyan ng pangalan ang mga ibinibigay na mga relief goods.

Pero ito umano ay isa lamang rekomendasyon at nakadepende parin sa mga pulitiko kung kanilang gagawin.

Ayon pa kay Delos Reyes, ang mga relief goods ay naipapamudmod sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at maaaring nandoon din ang mga pulitiko.

Sakaling gamitin man umano ito sa pamumulitika ay nakadepende na sa taong bayan kung ano ang kanilang mga magiging desisyon dito.

Thursday, November 21, 2013

Maagang preparasyon sa bagyong Yolanda, ikinatuwa ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng konseho na naging zero casualty ang bayan ng Malay dahil sa maagang preperasyon sa nagdaang bagyong Yolanda.

Katunayan isang resolution ang ipinasa ni SB Member Rowen Aguirre, Chairman ng Committee on Laws and Ordinances.

Ito’y bilang pagkilala para sa mga taga MDRRMC o Municipal Disaster Risk Reduction Management Council, Boracay Action Group, PNP Malay, Boracay Tourist Assistance Center, Philippine Army at baranggay officials ng Malay dahil sa maagang preperasyon nila sa super typhoon.

Sa darating na session sa Martes muling tatalakayin kasama ng iba pang miyembro ng konseho ang inihaing resolusyon ni Aguirre.

Nabatid na noong papasok palang ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas ay nagkukumahog na sa paghahanda ang mga local officials ng Malay,at mga otoridad kung kaya’t walang naitalang nasawi dulot ng nasabing bagyo.

Ilang kandidatong nanalo sa baranggay election sa Malay, nagpa-oath taking kay Vice Mayor Wilbec Gelito

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpa-oath taking o pinasumpa ni Vice Mayor Wilbec Gelito ang ilang nanalong kandidato sa baranggay election sa bayan ng Malay nitong Martes.

Ang nasabing seremonya ay sinaksihan ng kani-kanilang pamilya sa harap ng bise alkalde.

Inaasahan na sa darating na unang linggo ng Disyembre ay uupo na sa kanilang puwesto ang mga nanalong kandidato.

Napag-alamang hanggang ngayong katapusan na lang ng Nobyembre ang panunungkulan ng mga baranggay officials na nagtapos sa kanilang termino, kasabay ng SK o Sangguniang Kabataan.

Samantala, nagkaroon naman ng oath taking ceremony ang mga re-elected at newly elected officials ng baranggay Balabag kahapon ng umaga.

LGU Malay sinaluduhan ng Holy Rosary Parish dahil sa patuloy na re-development sa isla ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sinaluduhan ng Holy Rosary Parish ang LGU Malay dahil sa patuloy na re-development sa isla ng Boracay.

Sa thanks giving mass ng mga taga Boracay Foundation Incorporated at LGU Malay kahapon ng umaga kaugnay sa pananalasa ng bagyong Yolanda nitong nagdaang linggo.

Sinabi ni Reverend Father Nonoy Crisostomo na sinasaluduhan nya ang aksyon at buong tapang na pagpapatupad ng local na pamahalaan ng 25+5 meter easement sa isla.

Samantala, sinabi pa ni Crisostomo na malungkot mawalan ng negosyo o pangkabuhayan.

Pero umaasa umano sya na maiintindihan din ng mga may-ari ng mga nasabing estblisyemento kung ano ang magandang maidudulot ng redevelopment sa isla at sa mga susunod pang henerasyon.

Iginiit pa ni Crisostomo na hindi sa dahil kapamilya o kakilala ay exempted na sa batas. Bagkus dapat umanong makita ang tama at mali at kung ano ang magandang maidudulot nito sa bawat isa.

Wednesday, November 20, 2013

Mga opisyales ng barangay Balabag, namudmod ng relief goods

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay  

Mahigit kumulang walong daang plastic bags ng relief goods ang ipanamudmod ng mga opisyales ng Barangay Balabag kaninang umaga.

Ayon kay Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño, nagmula sa Magkasangga Partylist, local government ng Barangay Balabag at mayor John Yap ang mga nasabing relief goods.

Laman ng mga plastic bags ang ilang lata ng sardinas, bigas, at gatas na ipinamudmod mismo sa Barangay Balabag Plaza, dakung alas sais kanina.

Ayon pa kay Kap Lilibeth, hindi lang mga evacuees ang binigyan ng mga goods kungdi ang mga volunteers na tumulong sa kasagsagan ng bagyong Yolanda.

Nagpasalamat naman ang mga benipisyaro ng mga nasabing relief goods.

Mga establisyementong nakatayo sa gilid ng River banks sa Caticlan, paiimbistihagahan ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Paiimbistigahan ng SB Malay ang mga establisyemento at mga bahay na nakatayo sa gilid ng River banks sa baranggay Caticlan.

Sa privilege hour ng SB session kahapon ng umaga, sinabi ni SB Member Floribar Bautista na masyado nang marami ang mga nagpapatayo ng bahay doon at ilang insprastraktura na illegal.

Aniya, dilikado rin ang mga ito dahil kung umapaw ang tubig sa nasabing ilog ay higit na maapektuhan ang mga ito.

Sa ngayon umano ay mayroon paring patuloy na nagpapatayo ng mga construction building doon na nakaka apekto sa mga nipa trees sa gilid ng ilog.

Gusto namang malaman ni Bautista na kung ang mga ito ay may sapat na permit at tax declaration mula sa LGU Malay.

Kaugnay nito, ikinabahala naman ng mga konsehal ang pagdami ng mga establisyementong nakatayo  sa Caticlan na naging dahilan sa pagsikip ng mga kalsadahin.

Tuesday, November 19, 2013

Charl’s bar, dinimolish na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Matapos maramdaman ang puwersa ng bagyong Yolanda sa isla ng Boracay nitong nagdaang linggo.

Ang BRTF o Boracay Redevelopment Task Force ang muling nagparamdam ng kanyang puwersa ngayong araw.

Ito’y matapos idimolish na ng BRTF ang isa sa mga establisemyentong tumatak sa beach front ng isla ng ilang dekada, ang Charl’s bar.

Bandang alas-sais ng umaga kanina nang kinurdun ng mga taga Boracay PNP at Malay Municipal Auxiliary Police ang paligid ng naturang bar.

Inakyat naman ng mga magdi-demolish ang bubong nito at sinimulang gibain ang lahat ng bahagi nito.

Kamakailan lang, naging usap-usapan sa isla kung matatanggal ba at kung kailan tatanggalin ang Charl’s bar na sinasabing pagmamay-ari ng mga kamag-anak ni Malay Mayor John Yap at BRTF Chairman at Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño.

Ayon naman sa mga taga BRTF, maaaring masundan pa ang demolisyon ngayong araw.

Estonian National na nawawala sa Boracay, natagpuan na

Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Natagpuan na ang Estonian National na nawala noong kasagsagan ng bagyong Yolanda sa isla ng Boracay.

Base sa advisory na ipinadala ng Boracay Re-development Task Force (BRTF), ipinag-bigay alam na umano sa kanila ng Kunsolado ng Estonia na nakita na si Lasse Hanman.

Matatandaang inaksyunan din ng Boracay PNP, katuwang ang DOT ang pagkawala ng nasabing Estonian National sa isla noong humahagupit ang Super Typhoon Yolanda.

Ito’y matapos silang makatanggap ng sulat mula mismo sa Consulate Generalng Republic of Estonia kung saan humihingi sila ng tulong tungkol sa pagkawala nito.

Napag-alaman na huling namataan ang trenta-anyos na si Hanman noong araw ng Biyernes sa isang bar sa Boracay.

Nagpapasalamat naman ang BRTF sa lahat ng mga tumulong at naglaan ng effort para mahanap ang naturang Estonian National.

ATM Machine ng Metro Bank, sinigurong “sufficient” ang perang laman nito

Ni Christy dela Torre, YES FM Boracay

Ramdam parin sa isla ng Boracay ang hagupit ng bagyong Yolanda.

Bukod sa mga kabahayan at ilang ari-ariang nasira ng kalamidad, apektado rin ang operasyon ng ilang mga bangko sa isla particular na ang mga ATM Machine.

Kung saan sa kasalukuyan, tanging ang ATM Machine lamang ng Metro Bank ang gumagana.

Gayunpaman, ayon sa source ng naturang bangko, bagama’t marami ang pumipila upang mag-widraw, siniguro nitong “sufficient” ang perang laman ng ATM Machine.

Ngunit dahil sa kawalan ng kuryente, at tanging generator lamang ang kanilang ginagamit hanggang alas-diyes lamang umano ng gabi ang operasyon ng ATM Machine.

Samantala, sa mga card holder naman ng Metro Bank, maaari naman umanong mag-widraw ng pera over the counter.

Subalit ipinag-diinan nitong dapat ay card holder lamang ng Metro Bank Boracay, dahil kapag sa ibang bangko umano nakapangalan.

Kailangan pang magpakita ng letter of approval mula sa bangko kung saan naka-ugnay, bago nila tatanggapin ang gagawing transaksyon sa Metro Bank.

Epekto ng Bagyong Yolanda sa mga tourism facilities sa Boracay, very minimal ayon sa DOT

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Very Minimal.

Ganito inilarawan ni DOT Boracay Officer In Charge Tim Ticar ang epekto ng bagyong Yolanda sa mga tourism facilities sa isla.

Sa ginanap na Post Typhoon Yolanda Assessment and Evaluation ng Department of Tourism (DOT) nitong Sabado.

Sinabi ni Ticar na operational ang lahat ng resorts sa isla, matapos bayuhin ng super typhoon Yolanda nitong nagdaang linggo.

Maliban dito, kampanti ring sinabi ni Ticar na normal at operational ang mga airport, sea ports at transport sa Aklan kasama na ang Boracay.

Matatandaang maliban sa mga bahay na nasira dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo sa isla, naapektuhan din ang komunikasyon at suplay ng kuryente dito.

AKELCO nagpapasalamat sa gobyerno hinggil sa binuong “Task Force Kapatid” para sa Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpapasalamat ngayon ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) hinggil sa binuong “Task Force Kapatid” ng gobyerno para sa lalawigan ng Aklan.

Ito ay matapos na magpadala ng mga foremen at linemen galing sa iba’t-ibang mga electric cooperative sa Luzon ang opisina ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, Department of Energy (DOE), at National Electrification Administration (NEA).

Nagpadala din ang mga ito ng boom truck at boom crane upang mapadali ang pagpapatayo ng mga poste at pagsasaayos ng mga linya sa probinsya.

Samantala, ang MERALCO naman sa pamamagitan ng Global Business Power Corporation (GBPC) ay nagpadala rin ng apat na grupo para tumulong.

Sa ngayon ay hinihiling ng AKELCO sa mga myembro –konsyumidor na kung maaari ay bigyan ng magandang pakikitungo ang mga myembro ng nasabing task force na pupunta sa kanilang bahay para ayusin ang linya ng mga kuryente.

Sinisiguro naman ng AKELCO na mapapadaling aksyunan ang problema ngayon sa kuryente ng probinsya.

Boracay, unti-unting nang bumabangon sa kabila ng pananalasa ni Yolanda

Ni Jay-Ar  Arante, YES FM Boracay

Sa kabila ng pananalasa ng super typhoon Yolanda ay unti-unti na ngayong bumabangon ang isla ng Boracay.

Kung saan puspusan na ang ginagawang pagkukumpuni ng mga may-ari ng establisyementong naapektuhan ng bagyo.

Patuloy na rin sa ngayon ang pag-momonitor ng mga otoridad at ng lokal na pamahalaan ng Malay sa mga bahay na naapektuhan ni Yolanda.

Nagpapasalamat naman ang ilang mga residente sa isla dahil hindi gaanong nagtagal ang bagyo sa probinsya ng Aklan at hindi kalakihan ang pinsala na naidulot nito sa isla ng Boracay.

BIWC, pinasiguro na walang shortage sa Boracay

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Ipinabatid at ipinasiguro ni Boracay Island Water Company (BIWC) Customer Service Representative Officer Acs Adalba na hindi kinakapos sa supply ng tubig ang isla ng Boracay.

May kumakalat kasi di umanong impormasyon na magkakaroon ng water shortage dito sa isla kung saan mariin namang itinanggi ng nasabing kompaniya.

Samantala, sa tulong ng LGU Malay siniguro nitong sapat ang diesel ng kanilang generator sets para sa tuloy-tuloy na serbisyo na patubig.

Ipinagbigay alam na rin ng BIWC na maaaring tumawag para sa anumang katanungan sa kanilang hotline 288-6622 o sa mobile no. 09981913280.

Dagdag pa rito, makasisiguro rin ang lahat ng mga residente sa Malay na mayroong sapat na supply ng tubig mula sa Boracay Water at Water Treatment Plant sa likod ng Caticlan Airport malapit sa Baptist Church.