YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 01, 2018

DSWD namigay na ng Livelihood Assistance Fund

Posted June 1, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 2 people, people sittingMatapos ang isinagawang profiling at assessment sa mga residente na apektado ng pagsasara ng Boracay, ngayong araw tinanggap na ng ilan sa mga ito ang kanilang ayuda para sa programang Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ito ang pahayag ni  Regional Director Rebecca Geamala sa isinagawang press conference kaninang umaga habang nakapila ang first batch ng mga benepisyaryo na tumatanggap ng “Livelihood Assistance” sa ManocManoc Covered Court.

Sambit ni Geamala, “hindi namin pababayaan na hindi magtagumpay” ang nasa 1, 323 na binigyan nila ng tulong pinansyal ng nagkakahalaga ng P 15, 000 na gagamitin sa pinili nilang pangkabuhayan.

Dagdag pa ni Geamala, hindi matatapos ang buwan ng Hunyo nasa labing isang libo pa ang target nilang mabigyan ng pinansyal na tulong.

Image may contain: 1 person, crowdKaugnay nito, pinasiguro naman ng DSWD sa mga workers na nakatira sa Mainland, Malay at nagtatrabaho sa Boracay na pwede silang maka-avail nitong financial assistance dahil regular program ito ng kanilang opisina pero sa ngayon umano mag-uusap pa sila kung saan nilang area i-ipunin ang mga ito.

Ang DSWD ay may kabuuang P 280 million para sa programang ito at target na maalalayan ang mga apektadong residente dahil sa anim na buwang rehabilitasyon.

Sa ngayon, para oraganisado ang pamamahagi ng LAF o Livelihood Assitance Fund sa bawat Barangay ay ipinapaalam sa mga benepisyaryo kung kelan ang schedule nila para ma-avail ito.

Samantala, ang mga hindi na-profile ay binibigyan pa rin ng pagkakataon ng mag Barangay na magpalista sa kanilang mga opisina.

#YesTheBestBoracayNEWS
#LivelihoodAssistanceFund
#BoracayClosure

Wednesday, May 30, 2018

Walang pagtaas ng singil ng kuryente ngayong buwan – AKELCO

Posted May 30, 2018
Yes The Best NEWS ---Nilinaw ng Aklan Electric Cooperative Inc. o AKELCO na walang pagtaas ng singil sa kuryente kahit na bumaba ang demand ng Boracay dahil sa anim na buwang rehabilitasyon.

Nitong buwan ng Mayo, pumalo sa P 11.001 ang rate sa residential habang P 10.057 naman sa commercial na ayon sa AKELCO ay regulated ng Energy Regulatory Commission o ERC.

Ayon kay Assistant General Manager Engr. Joel Martinez, napakiusapan nila ang apat na supplier ng kooperatiba na magbabawas sila sa pagbili dahil ang average na konsumo ngayon ng Boracay ay nasa 8 megawatts na lang mula sa normal na 33 megawatts.

Ibig sabihin mahigit 20 megawatts ang nabawas dahil sa pagsara ng mga establisyemento sa Boracay.

Dagdag pa ni Martinez , hindi sinalo ng member-consumer ang pinangangambahang lugi ng AKELCO bago ang closure taliwas sa mga lumabas na balita na ipapatong ito sa kunsomidor.

Bagamat may ilang charges na lumalabas sa electric bill , ito umano ay naaayon sa atas ng Department of Energy.
Buwan-buwan din umano ay paiba-iba ang power rate ito ay sa kadahilanan na dumedepende sila sa presyo ng supplier o generation rate/charge.

Nitong nakalipas na araw ay marami ang nagulat dahil tumaas umano ang kanilang electric bill sa hindi mapaliwanag na kadahilanan.

Ayon sa AKLECO management, tumawag sa kanilang opisina kung may nais linawin o ipasuri ang koneksyon at metro para malaman ang tamang reading ng konsumo ng kuryente at ibatay sa kasalukuyang power rate nila.

Bayanihan sa Boracay ipinamalas ng PNP sa Brigada Eskwela 2018

Posted May 30, 2018
Yes The Best NEWS ---Libreng gupit, bunot ng ngipin, school supplies, at pagtulong sa paglilinis sa pampublikong paaralan sa Boracay ang ambag ng Metro Boracay Police Task Force sa taunang aktibidad na Brigada Eskwela.

Image may contain: 6 people, people sitting
 “Ramdam naming ang nararamdaman ng mga magulang dahil sa nangyayaring rehabilitasyon kaya sa pamamagitan ng bayanihan, nag ambag-ambag kami na mga kapulisan ng kaunting bagay para makatulong”, ito ang pahayag ni APPO Chief PCR PSUPT Antonio Dizon habang namimigay ng school supplies ang kanilang tropa.

Dagdag pa ni Dizon, boluntaryong kontribusyon mula sa mga pulis ang pinambili ng ibang gamit at mga kapulisan din mismo ang nanggugupit sa mga estudyante.

Image may contain: 2 people, people sittingNasa mahigit 1,200 na school supplies na ang naipamigay ng MBPTF sa dalawang paaralang ng ManocManoc at Balabag at naka-schedule naman bukas ang aktibidad sa Barangay Yapak.

Masaya at malaki ang pasasalamat ng mga magulang at ng paaralan ng Balabag Elementary School sa pangunguna na Teacher In-Charge Sajid Pelayo dahil malaking tulong aniya ang ginawa ng mga kapulisan at ibang volunteer group para wala ng abala sa paghahanda sa darating na pasukan sa Hunyo.

Samantala, ayon sa mga guro marami ang nagsilipatan na mga estudyante mula sa pribadong paaralan dahil sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Boracay kaya inaasahan nila na tataas ang dami ng enrollees sa mga pampublikong paaralan sa isla.

“Panginhas”, paraan para makakain – Boracaynon

Posted May 30, 2018
Yes The Best NEWS ---Isang buwan ang nakalipas matapos ideklara ang “Boracay Closure”, aminado ngayon ang mga residente ng isla na mahirap ang naging buhay dahil walang mapagkakakitaan.

Bagamat isang normal na tanawin sa isla ang pagpulot ng mga lamang dagat o “panginhas” , ito raw muna umano ang paraan nila para may pantawid-gutom at may ihahain sa pamilya ngayong sarado ang Boracay.

Sa Sitio Tulubhan ManonManoc, kapag low tide ay dinagdagsa ng mga tao ang dalampasigan para mamulot ng “sikad-sikad” ,“aliporos” at iba pang kabibe na nakagawian na ng mga Boracaynon noon pa man.

“Kapag hindi ka gagawa ng paraan, gutom”, sabi ni Mang Samuel na isa ring mangingisda sa lugar.

Hindi umano sapat ang tulong mula sa gobyerno tulad ng “cash for work” at ibang assistance kaya gumagawa sila ng paraan para hindi magutom.

Nitong mga nakalipas na linggo, naging eksena na tuwing dapit-hapon hanggang gabi ang pangingisda at pag-panginhas ng mga Boracaynon.

Ayon naman sa mga otoridad, pinapayagang mangisda ang mga residente base na rin sa inilabas na guidelines ng Inter-Agency Task Force na nangangasiwa ngayon sa rehabilitasyon.

Apela at panalangin ngayon ng mga residente, sana ay mapabilis ang rehabilitasyon at mabuksan ang Boracay sa madaling panahon para may pangtustos na sila sa pang araw-araw na buhay ng kanilang pamilya.