YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 07, 2015

Construction at expansion project ng Boracay Hospital naantala dahil sa pag-iba ng plano

Posted March 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isa umano sa mga dahilan kung bakit naantala ang ginagawang construction at expansion project ng Boracay Hospital ay dahil sa pag-iba ng ilang plano

Ayon kay Doktora Michele Depakakibo ng Boracay Hospital ang huli umanong abiso sa kanila ng Department of Health (DOH) Region 6 na siyang may hawak ng naturang proyekto ay ang pag-revise ng electrical sa ginagawang pagamutan.

Sinabi din nito na ang phase 1 lang muna sa ngayon ang tatapusing ipagawa ng DOH kung saan may nakalaan na rin umanong pondo rito ang nasabing ahensya.

Dahil sa nasabing pagkaantala hindi umano sila ngayon tumatanggap ng maramihang pasyente dahil sa kakulangan ng kwarto na limitado lamang sa anim na kadalasan ay magkatabi pa sa iisang kama.

Samantala, inaantay nalang umano nila ngayon ang panibagong plano para dito ng DOH Region 6 at ng Provincial Health Office ng Aklan kung saan nakiusap din ito sa mga kinauukulan na kung maaari ay mabigyan na agad ng solusyon kung mayroon mang problema sa nasabing proyekto.

SP Aklan, pinatututukan ang ordinansang nagre-regulate sa mga Fire Dancers sa Boracay

Posted March 7, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Maaaring maharap sa kaukulang penalidad ang mga fire dancers sakaling lumabag sila sa batas o makasira sa turismo.

Ito ang paalala ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan kaugnay sa mga fire dancers na hindi gumagamit ng platform sa tuwing magpi-perform.

Maaalala sa mga naunang ulat na iminungkahi ni Malay SB Member Frolibar Bautista ang isang ordinansa upang maregulate ang mga fire dancers sa Boracay.

Kaugnay na rin ito sa pangamba noon ng Department of Tourism (DOT) sa gas na ginagamit ng mga fire dancers na pinaniniwalaang nakakasira sa puting buhangin ng isla.

Kung kaya’t kasabay ng pagpasa ng nasabing ordinansa sa probinsya, ipinaalala din ni Bautista sa mga fire dancers na iwasang mag-perform sa beach line at pathways upang hindi makaabala sa mga dumadaang turista.

Kung sakali man aniyang sa beach area mag-perform, ay dapat may platform, dahil iniiwasan ding maapektuhan ng gas na kanilang ginagamit ang maputing buhangin ng isla.

Dahil sa Coliform issue sa Boracay, BIWC at DENR pagpapaliwanagin ng SB Malay

Posted March 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Gustong malaman ngayon ng SB Malay ang reaksyon ng Boracay Island Water Company at Department of Environmental Resources (DENR) sa Coliform issue sa Boracay.

Ito’y matapos na talakayin sa Sangguniang Bayan nitong Martes ang nasabing usapin na ikinabahala ng Lokal na Pamahalaan ng Malay.

Sa Session isinisi ni SB Member Floribar Bautista ang Coliform sa problema ng mga sewerage system sa Boracay.

Dahil dito gumawa naman ng proposal si Bautista para imbitahan sa SB Session ngayong Martes ang BIWC at Department of Environmental Resources (DENR) na sinang-ayunan naman ni SB Member at Chairman ng Committee on Tourism Jupiter Gallenero.

Kasama pa sa kanilang iimbitahan dito ang Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority (TIEZA), Boracay Task Force, Environmental Management Board (EMB) at Municipal Health Office upang ipaliwanag sa kanila ang naranasang Coliform issue sa isla at ang ginawang mga pag-aaral at hakbang ng mga ito.

Kaugnay nito nagsasagawa na rin ng pag-aaral at hakbang para dito ang Provincial Government ng Aklan para matukoy ang sanhi ng Coliform at para mabigyan agad ito ng solusyon na maaaring ikaapekto ng turismo ng isla ng Boracay.

Friday, March 06, 2015

Lasing na lalaki, kalaboso matapos mag-eskandalo sa isang lamay sa Barangay Manoc-manoc

Posted March 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Photo from Globososo.com
Sa kulungan na ng Boracay PNP pinatulog ang isang lasing matapos mag-eskandalo sa isang lamay sa Barangay Manoc-manoc kagabi.

Ayon kasi sa report ng Boracay PNP, nagambala ang mga taong naglalamay doon dahil sa pang-iistorbo umano ng lasing na si ‘Michael’, 33 anyos ng Hambil, Romblon, at kasalukuyang residente ng nasabing barangay.

Itinawag na ito ng mga pulis ng mga naglalamay sa lugar at inihatid sa kanyang bahay subali’t bumalik pa umano siya at muling nag-eskandalo.

Dahil dito, muling rumesponde ang mga pulis ng Boracay PNP at minarapat na itong dalhin sa presento at doon patulugin.

Out of School Youth, dadaan sa Abot-Alam Program ng DepEd

Posted March 6, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for DepEd abot alamUmaabot na sa 4, 946 Out of School Youth (OSY) ang nakapagparehistro sa ilalim ng Abot-Alam Program ng Department of Education (DepEd) sa Aklan.

Ayon kay Alternative Learning System (ALS) DepEd Aklan Education Program Supervisor Dr. Dobie P. Parohinog, natukoy ang naturang mga kabataan sa pamamagitan ng community mapping sa tulong ng barangay leaders mobile teachers.

Kaugnay nito, ipinaliwanang naman ni Balabag Elementary School Principal Ligaya Aparicio ang Abot-Alam Program bilang nagbibigay ng non-formal education sa mga OSY sa pamamagitan ng alternative learning system o open high school system.

Anya, sa ilalim nito, modules na lamang ang ibinibigay sa mga estudyante at hindi na kinakailangang pumasok sa paaralan.

Kabilang umano sa mga lumalabas na dahilan kung bakit hindi nakakapag-aral ang ilang kabataan ay dahil sa problemang pinansyal, problema sa pamilya, maagang paghahanapbuhay at minsan ay impluwensya ng mga kaibigan.

Samantala, nanawagan naman ang Department of Education sa mga education stakeholder na paigtingin pa ang mga proyektong tulad ng Alternative Learning System at Abot Alam Projects.

Lalaking may warrant of arrest dahil sa kasong Grave Coercion, timbog sa Boracay

Posted March 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isang lalaking may warrant of arrest ang natimbog ng mga pulis.

Pansamantalang ikinostodiya sa Boracay PNP ang akusadong si Jay De Juan, 35 anyos ng Occidental, Mindoro at kasalukuyang residente ng Barangay Balabag.

Naaresto siya kahapon ng mga Police Boracay sa pangunguna ni BTAC OIC PSInsp. Frensy Andrade sa bisa ng Warrant of Arrest for the crime of Grave Coercion, Criminal Case No. 1570-M, na inisyu at nilagdaan ni Assisting Judge  Hon. Maribel De Guia-Cipriano ng 6th Judicial Region, 5th Municipal Circuit Trial Court Buruanga, Malay, Aklan.

12 mil pesos ang inerekomendang piyansa ng akusado para sa kanyang pansamantalang kalayaan.  

Jetty Port Administrator Niven Maquirang, naniniwalang ‘isolated case’ lamang ang Coliform issue sa Boracay

Posted March 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isolated case ang Coliform issue sa Boracay.

Ito ang paniniwala ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang kasabay ng pagdating ng Cruise ship na MV Seabourn Sojourn ngayong araw.

Umapela kasi Maquirang ng suporta sa mga programa ng pamahalaan upang lalong lumago ang turismo ng isla.

Bagama’t hindi na ito nagbigay pa ng dagdag na pahayag, kampante din si Maquirang na masusulosyunan ang nasabing problema sa isla ngayon.

Samantala, kaugnay parin sa nasabing balita, nabatid na maingat ngayong tinututukan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa isla ang sumabog na balita tungkol sa Coliform issue sa Back Beach ng Boracay.

Island Administrator Glenn Sacapaño, ‘no comment’ na muna sa kanilang pagpupulong kaugnay sa Coliform issue sa Boracay

Posted March 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

‘No comment’ na muna kaugnay sa Coliform issue sa Boracay si Island Administrator Glenn Sacapaño.

Kasunod ito ng kanilang pagpupulong nitong Martes kasama sina Provincial Environment and Natural Resources Officer Ivene Reyes, DOT Region 6 Director Atty.Helen Catalbas at Aklan Governor Joeven Miraflores tungkol sa coastal water ng Boracay.

Bagama’t tumanggi munang magbigay ng pahayag, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Sacapaño sa mga lumabas na balita tungkol sa Bolabog Beach kung saan sinasabing mataas ang Coliform content.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Committee on Laws Chairman at Malay SB member Rowen Aguirre na hindi apektado ng nasabing Coliform ang buong isla ng Boracay.

Sa magkahiwalay ding pahayag, sinabi ni SB Member Fromy Bautista na dapat tutukan at pagtulungang aksyunan ng LGU Malay at iba pang ahensya ang nasabing problema.

Pagpapatupad ng Transportation Code sa bayan ng Malay, pinag-usapan sa SP Aklan

Posted March 6, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for SP Aklan YES FM BoracayMuling pinag-usapan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang pagpapatupad ng Transportation Code sa bayan ng Malay.

Sa ginanap na pagpupulong, nabanggit din ng mataas na konseho sa probinsya ang nararanasang matinding traffic sa isla ng Boracay.

Nabatid na hindi lang ang maayos na daloy ng trapiko ang ninanais ng pamahalaang probinsyal ng Aklan kundi pati na rin ang mga kalsadahin lalo’t papalapit na ang APEC Senior Officer Meeting and Ministerial Meeting nitong darating na Mayo ngayong taon.

Samantala, ang Traffic Code ay tumutukoy sa koleksyon ng mga lokal na mga batas, regulasyon, ordinansa at tuntunin na opisyal na pinagtiba.

Ito’y upang pamahalaan ang maayos na operasyon at pakikipag-ugnayan ng mga sasakyang de motor, pampubliko at pribadong sasakyan.

MV Seabourn Sojourn dadaong na sa Boracay ngayong umaga

Posted March 6, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dadaong na ngayong alas-10 ng umaga sa isla ng Boracay ang MV Seabourn Sojourn matapos ang tour nito sa Maynila kahapon.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, plantsado na umano ang lahat ng mga paghahanda para sa pagdating ng nasabing barko lalo na ang seguridad na inilatag ng Philippine Army, Philippine Navy, Coastguard at Boracay PNP.

Nabatid na ang cruiship ay may 450 passenger capacity at 335 International crew na pagmamay-ari ng Seabourn Cruise Line Limited.

Sinabi naman ni Pontero na wala pang eksaktong bilang kung ilang pasahero ang sakay nito sa pagdaong sa isla ng Boracay.

Kaugnay nito isang maikling programa ang isasagawa sa loob ng barko para sa Plaque exchange sa pagitan ng management ng Seabourn at ng Provincial Government ng Aklan kasama ang Department of Tourism, Municipal Tourism Office at ilang government agencies.

Napag-alaman na magtatagal ang naturang barko sa isla ng siyam na oras para bigyang daan ang pasahero nito na mag-ikot sa ilang lugar sa Boracay.

Samantala, sakay nito ang mga high bracket families at mga celebrity mula sa ibat-ibang bansa base sa kumpanya na may hawak ng barko sa tour nito sa Pilipinas.

L-300 van na may mga pasaherong papunta ng Boracay, sumalpok sa truck sa Nabas, Aklan

Posted March 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Photo by Globososo
12 pasahero ang napaulat na sugatan matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang L-300 van sa isang truck sa Barangay Habana, Nabas, Aklan.

Ayon sa report, nangyari ang insidente habang papunta ang van sa Barangay Caticlan, Malay, Aklan.

Nabatid na magbabakasyon sana sa isla ng Boracay ang karamihan sa pasahero nito, kasama ang isang American national na si William Mitchell ng Chicago, Illinois.

Sa isang pahayag, sinabi ng driver ng van na si Armando Macaya, residente ng lalawigan ng Antique, na biglang nag-lock ang steering wheel ng kanyang minamanehong van habang papaliko sa highway.

Minalas namang nawalan siya ng kontrol sa manobela dahilan para bumangga sa nakasalubong na 10-wheeler truck na papuntang Kalibo.

Kaagad na isinugod sa magkahiwalay na pagamutan ang mga biktima kasama ang driver ng van na nagtamo ng pinsala at sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Samantala, nabatid na nasa kustodiya na ng Nabas PNP station ang driver ng truck para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Thursday, March 05, 2015

Budget ng TIEZA para sa street lights sa Boracay, wala pang update

Posted March 5, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Tila madilim pa ngayon sa pondedong ilaw ang sitwasyon ng mga sirang street lights sa Boracay.

Hindi parin kasi ang mga ito maaaring palitan kahit nalalapit na ang APEC Ministerial meeting dahil wala pa umanong update sa request ng LGU Malay na budget mula sa TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Magkaganon paman, sinabi ni Municipal Engineer OIC Engr.Arnold Solano na ang limang milyong pisong budget ng LGU Malay na lamang muna ang kanilang gagamitin, sakaling hindi pa dumating ang hinihingi nilang pondo.

Sa mga naunang pahayag, sinani din ni Solano na hinihingan sila ng TIEZA ng program of works para sa street lights.

Samantala, nabatid na bahagi ng drainage system project ng dating PTA o Philippine Tourism Authority, na naging TIEZA ngayon, ang street lights sa main road ng Boracay.

Subali’t hindi pa umano ito pormal na naitu-turn over sa LGU Malay dahil sa ilang problema.

Nabatid naman na hahawakan ng LGU ang pagpapaayos ng mga street light bilang bahagi ng paghahanda sa APEC o Asia Pacific Economic Cooperation Ministerial meeting sa darating na buwan ng Mayo.

Magugunitang marami nang naaksidenteng residente at turista sa isla dahil sa kawalan o hindi naaayos na street lights.

Dahil sa nangyaring Zorb accident, SB Bautista nais ipasuri ang lahat ng sports activity sa Boracay

Posted March 5, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo Credit to boracaybeachrealestate
Hindi lamang ang nangyaring Zorb accident sa isla ng Boracay nakutoon ang pansin ngayon ni Malay SB Member Floribar Bautista.

Kung saan sinabi niya nitong Martes sa 9th Regular SB Session ng Malay na nais nitong maglabas ng kautusan sa pamamagitan ni Mayor John Yap na kailangan ang lahat ng water o island sports activity sa Boracay ay i-inspeksyonin sa loob ng tatlong buwan o anim na buwan na sinang-ayunan naman ng konseho.

Dapat umanong suriin ang mga ginagamit na sports equipment sa Boracay dahil maaaring ang iba umano nito ay gumagamit ng may kalumaan na nagiging sanhi ng aksidente.

Kaugnay nito nais umano nilang magtayo ng inspection team na siyang regular na mag-iinspeksyon sa mga nasabing sports activity.

Dito umano ay magkakaroon sila ng inspection clearance at certification bilang requirements sa lahat ng island activity.

Matatandaang isang aksidente ang nangyari sa Boracay nitong Biyernes matapos na dalawang engineer na turista ang tumilapon mula sa kanilang sinasakyang Zorb Ball dahilan para magtamo ang isa sa mga ito ng grabeng pinsala sa katawan.

Samantala, punto umano ni Bautista dito ay ang kaligtasan ng lahat ng mga turista sa Boracay lalo na ang mga sumusubok sa ibat-ibang water sport activities sa Boracay.

DENR Aklan, inaantay din ang pinakahuling report kaugnay sa pag-extend ng canal ng TIEZA sa Bolabog Beach

Posted March 5, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for department of environment and natural resourcesInaantay pa sa ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Aklan ang report kaugnay ng pag-extend ng canal ng TIEZA sa Bolabog Beach.

Ayon kay dating community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay Officer In Charge Jonne Adaniel.

Sa ngayon ay wala pa silang ideya tungkol sa pinakahuling ulat tungkol dito dahil na rin sa restructuring ng kanilang ahensya.

Subalit, anya bukas sila sa pakikipag-tulungan dito gayong nanatili namang nakatutok si PENR Officer Aklan Ivene Reyes sa mga problema sa drainage system ng Boracay.

Samantala, magugunita na sinabi sa isang pagpupulong ni Engineer Giovanni Rullan ng TIEZA na kailangan pa nilang pag-aralan kasama ng DENR ang concrete coated pipe o sementadong tubo na idudugtong sa kasalukuyang drainage sa Bolabog beach.

Pinagplanohan naman ang nasabing proyekto dahil na rin sa nag-aalala ang mga stakeholders, turista at publiko sa isla na maaaring masira ang mga corals at madumihan ang dagat sa Bolabog kapag gumana na ang pumping station ng TIEZA, kung kaya’t napagkasunduan ng task force at TIEZA na habaan ang tubo ng drainage doon.

Wednesday, March 04, 2015

Bangkang mula sa Romblon inireklamo sa BTAC dahil sa illegal docking sa Boracay

Posted March 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for docking of boatIsang bangkang mula sa Romblon ang inireklamo sa Boracay PNP Station dahil sa illegal docking sa isla ng Boracay.

Base sa police report tatlong miyembro ng Municipal Auxiliary Police (MAP) ang nagreklamo sa kanilang tanggapan matapos ang ginawang violation ng isang bangka dahil sa pag-unloading at loading nito sa ipinagbabawal na lugar sa Boracay.

Sa kanila umanong pagpapatrolya sa beach front ng isla nakita nila ang nasabing bangka na may pangalang By The Sea Resort na pinaniniwalaang mula sa isla ng Romblon na may sakay na mahigit sampung foreigner guest at isang boat captain kasama ang ilang crew.

Sinita umano nila ito dahil sa illegal loading and unloading sa naturang lugar ngunit naging arogante naman ang nasabing boat captain at binaliwala lamang sila sabay tahak papuntang  Romblon.

Bigo naman ang tatlong MAP na mapigilan ang bangka dahil sa sobrang lakas umano ng alon sa area ng Punta Bunga Sea.

Kaugnay nito ang nasabi ring bangka ay sinita din kahapon ng umaga sa Sitio. Sinagpa Balabag, Boracay dahil sa kapareho ring insidente.

Ngunit isang foreign guide nito ang naging arogante kasabay ng pagtahak papuntang Romblon kung saan sinabi pa nito na mayroon umano silang koordinasasyon sa Romblon Coastguard na mag pic-up ng pasahero mula sa isla ng Boracay.

Samantala ang nasabing insidenteng ito ay minabuting idinulog ng Boracay PNP Station sa tanggapan ng Philippine Coastguard Boracay-Substation Office.

Korean National, nailigtas mula sa pagkalunod sa Puka Beach

Posted March 4, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Photo by Globososo.com
Isang Korean National ang nailigtas mula sa pagkalunod sa Puka Beach kagabi.

Nakilala sa police report ng Boracay PNP ang babaeng biktima na si Kim Min Jung, 38 anyos, at tumutuloy sa apartment ng kanyang kaibigang tour guide na si Lisa Yo.

Base sa report ng Boracay PNP, inupahan ng magkaibigang Kim at Lisa ang isang tricycle na minamaneho ni Rocky Joy Bartolo upang pumunta sa Puka Beach sa Barangay Yapak.

Kaagad umanong naligo ang biktima pagdating sa Puka Beach.

Ilang sandali pa, napansin na lamang ni Lisa na lumulutang ang kanyang kaibigan sa tubig mga lima hanggang anim na metro ang layo sa dalampasigan.

Kaagad sumigaw at nakahingi ng tulong si Lisa sa driver ng tricycle na si Rocky, at sa dalawang mangingisdang malapit sa lugar.

Pinagtulungan nila itong bigyan ng CPR o Cardiopulmonary resuscitation at isinugod muna sa ospital sa Boracay bago inilipat sa isang pagamutan sa bayan ng Kalibo.

Samantala, tinitingnan ding rason ng pagkalunod ng biktima ang kantiladong bahagi ng Puka Beach, maliban sa lasing na pala ito galing sa isang bar sa Barangay Balabag bago pumunta ng Puka Beach.

SB Bautista nagbigay ng reaksyon kaugnay sa Coliform issue sa Boracay

Posted March 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagbigay ngayon ng reaksyon si SB Member Floribar Bautista matapos muling sumabog ang balita tungkol sa Coliform issue sa Boracay.

Ginawa ni Bautista ang pahayag matapos ang SB regular session kahapon.

Ayon sa konsehal, ang isyung ito ay noon pang 1997 na ngayong ay muling sumabog dahil sa problema sa sewerage system sa Boracay.

Sa kanya umanong panunungkulan noon bilang vice-mayor ng Malay ay nagpasa umano sila ng regular requirements sa mga sewer connection nang magkaroon na ng sewerage system sa isla.

Sa kanya naman umanong pag-upo bilang SB member noong 2013 ay kanyang dinala sa Privileged Hour sa Session ang nasabing isyu kung saan nirekomenda nito ang pagkakaroon ng  task force para sa implementation ng ordinance 118 series of 2003.

Ang task force umanong ito ang titingin sa mga establishment kasama na ang mga bahay kung sino ang hindi naka-konekta sa sewerage line.

Kasabay nito, kinuwestiyon ngayon ni Bautista kung ano na ang hakbang ng redevelopment task force at ng ibang ahensya tungkol sa Coliform issue sa Boracay ngayon.

Hiling din nito na sana ay gawan na ng paraan kung ano man ang existence ordinance at dapat na umano itong ipatupad.