YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, October 04, 2013

Labi ni dating BFI President Loubell Cann, darating na ngayong araw sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Darating na ngayong araw sa Boracay ang labi ni dating Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Loubelle Cann.

Ayon kay BFI Executive Director Pia Miraflores.

Susunduin nila ang labi ni Cann sa sitio Tulubhan, Manoc-manoc mula sa Tabon Port ngayong tanghali, matapos nitong dumating sa Kalibo International Airport kaninang umaga.

Nakatakda namang ihatid si Cann sa Tonglen Beach Resort para sa vigil mamayang hapon, kung saan inaasahang dadagsa ang mga bibisita.

Samantala, kinumpirma din ni Miraflores na ihahatid ang labi ni Cann sa kanilang bahay sa bayan ng Batan, Aklan sa darating na Lunes at ihahatid sa kanyang huling hantungan sa susunod na araw ng Huwebes.

Naging pangulo si Loubell Cann sa BFI ng dalawang termino at humigit-kumulang sampung taon bilang board of director.

Nitong nagdaang Linggo, binawan ng buhay si Cann sa isang lung center sa Maynila.

Barangay Elections, pinaghahandaan na ng Comelec Malay

Ni Christy dela Torre, YES FM Boracay

Nakatakda nang lagdaan ni Pangulong Aquino ang SK Elections Postponement Bill.

Ngunit ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig.

Hindi pa umano officially masasabing wala na ngang SK Elections, dahil naghihintay pa umano ang COMELEC ng enactment law.

At kahit, maisabatas ito, maghihintay pa umano sila ng rules and regulations na ilalabas ng Commission En Banc ukol sa naturang usapin.

Kung kaya’t sa ngayon, ayon pa kay Cahilig, nakatuon ang kanilang atensyon at preparasyon para sa nalalapit na Brgy. Elections.

Aniya, nakahanda na umano ang mga COC form na gagamitin para sa pagsisimula ng Filing of Candidacy sa susunod na linggo.

Magsisimula aniya ang filing of candidacy sa darating na Oktubre a – onse hanggang a disi-siyete maliban lamang sa Oktubre a-trese, araw ng linggo.

Hiling lamang ni Cahilig sa lahat ng magpa-file ng Candidacy na kumpletuhin na ang mga requirements na kakailanganin nang sa gayon ay hindi magkaroon ng problema sa oras ng filing ng COC.

Lalo na aniya sa huling araw ng pag-file, dahil kung sakaling may humabol ngunit hindi kumpleto ang requirements, hindi na umano nila ito tatanggapin.

Wala din umano kasing dahilan para ma-late sa pag-file ng COC dahil binigyan ng anim na araw ang mga aspirante para makapag-file ng COC na matatapos sa itinakdang petsa. 

Boracay Ati community, muling nanawagan ng hustisya para kay Dexter Condez

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pagkadismaya, kalungkutan at takot.

Ito ang nilalaman ng official statement ng mga taga Boracay Ati community, kaugnay sa pagpatay kay Ati leader Dexter Condez.

Mahigit pitong buwan na kasi ang nakalilipas, subali’t napunta na lamang umano sa wala ang hustisyang kanilang hinahangad.

Nabatid mula sa face book account ng Ati community na ibinaba na kahapon ang warrant of arrest para kay Daniel Celestino, ang suspek sa pagpaslang kay Condez.

Subali’t naniniwala ang mga ito na nagtatago na si Celestino, kung kaya’t muling nanawagan at umaasa ang mga katutubong ita sa agarang pagkakaaresto ng suspek.

Matatandaang nangyari ang pagpatay kay Condez nitong nagdaang Pebrero bente dos, habang naglalakad ito pauwi sa kanilang Village sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc.

Siya rin ang tumatayong spokesman ng mga taga BATO o Boracay Ati Tribal Organization at nakipaglaban para sa ancestral domain ng mga aeta sa Boracay.

Boracay, posibleng gawing venue para sa gaganaping ASEAN Chief Justice Convention sa 2015

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Posibleng gawing venue para sa gaganaping ASEAN Chief Justice Convention sa 2015 ang isla ng Boracay.

Ito ang masayang ibinalita ni Department of Tourism (DOT) Boracay Officer in Charge Tim Ticar nang mag-usap umano sila ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong nakaraang linggo matapos itong bumisita sa isla.

Ayon kay Ticar, inaasam nila ni Chief Justice Sereno na ang nabanggit na convention kasama ang Association of Southeast Asian Nations, ASEAN Law Associations  at ASEAN Supreme Court Justices ay gagawin sa isla.

Dahil dito, plano ngayon ng DOT at ng punong hukom na inspeksyunin ang iba’t-ibang mga resort at pasilidad sa isla bilang paghahanda sa nasabing aktibidad.

Samantala, sampung mga bansa naman sa Asya ang inaasahang dadalo rito na kinabibilangan ng Laos, Vietnam, Brunei Darussalam, Singapore, Indonesia, Myanmar, Thailand, Cambodia at Pilipinas.

Layunin umano ng nasabing pagpupulong na mapalakas ang judicial cooperation at mga chief justices sa buong Asya.

Thursday, October 03, 2013

Simbahan ng Holy Rosary Parish Boracay, nilooban, donation box niransak

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi dahilan ang kahirapan para magnakaw.

Ito ang sinabi ni Reverend Father Edwin Chiu sa kanyang sermon sa misa kaninang umaga, kaugnay sa umano’y panloloob sa simbahan ng Holy Rosary Parish Boracay at pagransak sa donation box doon.

Sinira kasi ang kandado nito at ninakaw ng hindi nakilalang suspek o mga suspek ang perang laman ng nasabing donation box.

Nabatid na nangyari ang panloloob sa simbahan kahapon ng hapon, matapos mananghalian sina padre Chiu.

Kampante naman ang mga ito na maliit na halaga ng pera lamang ang nalimas, dahil ilang araw palang nilang binuksan ang donation box at kinuha ang laman nito upang i-record.

Ikinadismaya naman ng mga parokyano at mga church workers ang nasabing insidente.

Nakawan sa isla ng Boracay tinututukan ng Boracay PNP ngayong “ber” months

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay


Tinututukan ngayon ng Boracay PNP ang patuloy na kaso ng nakawan sa isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan.

Patuloy silang nagkakaroon ng massive operation at ilang mga monitoring task force sa isla.

Nagsimula narin kasi ang "ber" months at super peak season kung kaya’t lalo pa nilang pinalakas ang kanilang puwersa.

May mga naka-standby naring mga pulis na naka-civilian uniform, at mga secret tourist marshal laban sa mga mapagsamantala sa isla.

Magkaganonpaman, hinihingi parin ni Gentallan na maging vigilante ang mga mamamayan, at agad na i-report sa kapulisan ang mga ganitong kaso.

Nagpapasalamat naman ito na walang anumang malalaking kaso ng pagnanakaw sa isla.

Boracay PNP naniniwalang walang sindikato na nasa likod ng pamamalimos ng mga bata sa Boracay

 Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naniniwala ang Boracay PNP na walang sindikato na nasa likod ng pamamalimos ng mga bata sa isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan.

Base sa kanilang statistics, hindi kalakihan ang bilang ng mga batang namamalimos sa isla, kung ikukumpara sa Maynila.

Magkaganon paman, siniguro pa ni Gentallan na kanilang tinututukan ang bagay na ito.

Samantala, sinabi pa ni Gentallan na nasa plano narin ng munisipyo ang pag-aksyon dito at may mga nakahanda ng programa, para mas mapadaling maresolba ang nasabing problema.

Kailangan lang aniya nila ng buong kooperasyon ng DSWD at ng iba pang mga ahensya.

Wednesday, October 02, 2013

Unang araw ng gun ban sa Boracay, i-dinetalye ni P/Insp. Gentallan

Ni: Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

Kung sa unang araw ng pagpapatupad ng gun ban ay isa ang napaulat na naaresto sa Cebu.

Sa Boracay naman ay walang naiulat na lumabag dahil tahimik ang isla kung sa pagpapatupad ng “gun ban” lang din naman ang pag-uusapan.

Ito ang naging pahayag ni Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan, matapos ang unang araw ng pagpapatupad ng “gun ban” sa isla ng Boracay.

Ito’y may kaugnayan pa rin sa nalalapit na eleksyong pam-barangay na gaganapin sa a bente otso ng Oktubre ngayong taon.

Nabatid na bandang ala una y medya inilagay ng mga taga Boracay PNP ang checkpoints dahil itinama nila ito sa tamang petsa kung anong araw ito ipinatupad.

Anya, hindi sila naglalagay ng mga checkpoints sa umaga dahil abala ito sa mga motorista at baka makadagdag pa ng bigat sa daloy ng trapiko.

Bagkus sa gabi nila ito ginagawa dahil ito ay pang dual purpose.

Ibig sabihin, hindi lang para sa “gun ban” kundi para rin sa mga masasamang loob tulad ng mga magnanakaw at kung anu-ano pang mga pasaway.

Samantala nanawagan naman si Gentallan sa publiko na kung maaari ay makipagtulungan ang mga tao sa kanilang mga pulisya para sa ikakatahimik ng isla.


Pagdating ng MS Superstar Gemini sa isla ng Boracay all set na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

All set na ang pagdating ng MS Superstar Gemini sa isla ng Boracay sa darating na October 17, 2013.

Ayon kay Boracay DOT Officer In Charge Tim Ticar.

Plantsado na ang pagdating ng nasabing cruisehip at pag-uusapan nalang sa October 16 ang ilan sa mga problema na posibleng mangyari.

Magkaganon paman, umaasa umano sila na magiging matagumpay ang aktibidad na ito.

Ang MS Superstar Gemini ay may sakay na 1, 100 travelers at mahigit 900 na mga crews na kinabibilangan ng 350 Filipino.

Dadaong ang nasabing barko isang kilometro ang layo sa Cagban Port, kung saan sasakay ng pumpboat ang mga gustong mag-island hopping, habang ang iba ay sasakay ng van o tricycle para mag-shopping.

Ilan sa mga pupuntahan nila ay ang isang resort sa station 1, D’mall of Boracay at ilang souvenir shops.

Samantala, ang pagdating ng cruise ship sa Oktubre ay alas-sais ng umaga at babalik naman ng Maynila papuntang Xiamen,China alas-tres ng hapon ng nasabi ring araw.

Sa ngayon ay handa na rin ang Jetty port Administration sa lahat ng mga pasilidad na gagamitin para sa pagdating ng MS Superstar Gemini.

Resolution, ipinasa ng SB Malay bilang pagkilala sa former BFI President Loubelle Cann

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang resolution sa SB Malay ang ipinasa para kay dating Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Loubelle Cann.

Ang nasabing resolution ay bilang pagkilala sa mga naging kontribusyon at mga magagandang nagawa ni Cann na naka-ambag sa patuloy na progreso sa isla.

Itinuturing rin ng SB Malay na isa sa mga naging prime mover ang dating pangulo ng BFI kung saan malaki ang naitulong hindi lamang sa isla ng Boracay kundi pati narin sa mga mamamayan nito.

Pumanaw si Cann dahil sa sakit na cancer habang ginagamot sa isang ospital sa Maynila.

Samantala, si Cann ay naging pangulo ng BFI sa loob ng dalawang taon at humigit-kumulang sa sampung taon naman na naging board of director.

LGU Malay mag-iisyu parin ng special permit sa mga mag-ooperate ng lagpas sa 12 mid-night

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay


Mag-iisyu parin ang LGU Malay ng mga special permit para sa mga bars at ibang establisyemento na mag-ooperate ng lagpas sa 12 mid-night.

Ito ang kinumpirma ni SB Member Rowen Aguirre, Chairman on Laws/Rules/Ordinances and privileges, kaugnay sa mga inaasahang pagdagsa ng mga October events sa isla ng Boracay.

Ayon kay Aguiree, wala naman itong problema hanggat susundin ng mga aplikante ang mga rules and regulations na nakatakda sa nasabing permit at kung ano ang mga hangganan sa kanilang operasyon.

Nilinaw din nito na hindi ipinagbabawal ang paggamit sa vegetation area at pwede ring maglagay ng mga temporary structures doon hangga’t kasama ito sa special permit na inaplayan.

Samantala, inaasahan namang marami ang mag-aapply ngayong buwan ng Oktobre ng mga special permits lalo na ang mga madalas gumamit ng sounds para sa iba’t-ibang mga events na gagawin sa isla.


Tuesday, October 01, 2013

Pag-aksyon sa problema kaugnay sa pamamalimos ng mga bata sa Boracay, nasa plano na ng munisipyo

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


Nasa plano na ng munisipyo ng Malay ang pag-aksyon sa problema kaugnay sa pamamalimos ng mga bata sa Boracay.

Ayon kay Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño, kailangan nila ang kooperasyon ng publiko at ng mga stakeholders lalo pa’t kulang na kulang umano ang puwersa ng DSWD o Department of Social Welfare and Development.

Bagama’t nagdagdag na ng isang social worker ang munisipyo, kailangan pa rin umano nila ng tamang panahon upang matutukan ang nasabing problema.

Itinanggi naman ni ‘kap’Lilibeth na pinababayaan nila ang mga batang namamalimos sa vegetation area ng isla.

Samantala, naniniwala naman si ‘kap’Lilibeth na isang special case para sa industriya ng turismo ang Boracay kung kaya’t dapat itong ingatan.

Mga asong nangangalkal ng basura, malaya paring gumagala

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Halos ginawa na ng mga kinauukulan ang lahat ng paraan upang labanan ang problema sa basura sa Boracay.

Katulad na lamang ng istriktong pagpapatupad ng proper waste segregation o paghihiwalay ng basura, maliban sa inagahan pa ang garbage collection.

Subali’t perwisyo parin ang mga asong gala sa isla, na malayang nangangalkal ng basura, partikular sa mga nakabalot na at hahakuting basura sa gilid ng kalsada.

Sinisira parin kasi ng mga ito ang mga plastic na lalagyan ng basura kung kaya’t kumakalat ang laman nito at nagdudulot ng pangit na eksena.

Si Felix, matagal nang nagtatrabaho sa isla bilang sekyu.

Perwisyo din umano para sa kanya ang mga asong gala na madalas niyang nakakaengkuwentro dahil sa basura.

Samantala, nagpaalala naman ang DOH o Department of Health tungkol sa pagiging responsabling pet owners, sa ginanap na Rabies-free islands sa Boracay nitong nagdaang linggo.

Barangay Balabag, planong mag-vigil para kay dating BFI President Loubell Cann

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


Kinilala ng Barangay Balabag ang naging kontribusyon ni dating BFI o Boracay Foundation Incorporated President Loubell Cann sa isla.

Katunayan, ayon kay Barangay Balabag Captain Lilibeth Sacapaño.

Bibisita din umano ang buong Balabag Council para mag-vigil at upang ibigay ang plakeng ihahanda nila, sakaling idadaan ang labi ni Cann sa Tonglen Beach Resort sa Boracay.

Kasalakuyan parin kasing nasa isang center sa Maynila si Cann kung saan ito binawian ng buhay nitong Linggo dahil sa sinasabing sakit na cancer.

Samantala, bagama’t hindi na dinetalye pa ni ‘Kap’ Lilibeth, iginiit naman nito na marami ang mga nagawa ni Cann bilang presidente ng BFI.

Nabatid na naging pangulo si Loubell Cann sa BFI ng dalawang termino at humigit-kumulang sampung taon bilang board of director.

Monday, September 30, 2013

DOT, nag-lunsad ng isang linggong Tourism Accreditation sa Capiz

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nag-lunsad ng isang linggong Tourism Accreditation ang Department of Tourism (DOT) Boracay sa probinsya ng Capiz.

Ito ay may kaugnayan sa isinigawang selebrasyon para sa Tourism week ng nasabing probinsya.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, layunin umano nito ay maipaalam sa lahat ng tourism related establishment sa nasabing lugar at sa karatig na probinsya na mag-rekomenda na sumunod sa world class na mga pasilidad at serbisyo.

Aniya, suportado naman ng provincial unit ng Capiz at ng provincial tourism office ang kanilang ginawang Tourism Accreditation.

Nabatid naman na sa loob ng isang linggong event ay ipinakita ng mga Capiziño ang ibat-ibang palabas na may kinalaman sa turismo, eco-cultural tour at interactive exhibits.

Samantala ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng provincial government ng Capiz sa pamamagitan ng Provincial Tourism at Cultural Affairs Office (PTCAO) at sa partisipasyon ng Department of Tourism Region 6 (DOT-6).

DOH Asec. Tayag, ikinatuwa ang pagiging rabies free ng isla ng Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ni DOH Assistance Secretary Enrique A. Tayag ang pagiging rabies free ng isla ng Boracay.

Itoy’y may kaugnayan sa ipinagdiwang na World rabies day sa buong mundo nitong nakaraang araw ng Sabado.

Nabatid na ang isla ng Boracay ay isa sa mga ideniklara ng Department of Health (DOH) na rabies free dahil sa magkasunod na tatlong taon na walang naitalang kaso ng rabies.

Bilang selebrasyon nito ay nagkaroon ng programa sa Boracay ang ibat-ibang National agencies sa bansa na kinabibilangan ng World Health Organization (WHO), Department of Interior and Local Government (DILG) Department of Agriculture at ng Department of Health at iba pang pribadong sektor.

Sa sobra namang pagkatuwa ni Tayag ay naghandog ito ng ilan sa mga pinauso nitong sayaw sa mga campaign activities kontra sa mga sakit.

Dito kinalala naman ang Boracay bilang walang naitalang kaso ng rabies at binigyan ng parangal ang tatlong Baranggay sa isla.

Samantala, ikinatuwa ni Mayor John Yap ang natanggap na parangal na ito at nangako na hindi niya hahayaang may makapasok na rabies sa isla.

Basi sa impormasyon tanging ang isla ng Guimaras at Boracay lamang ang kauna-unahang lugar sa Western Visayas ang idineklarang rabies free.

Mayor Yap, nangako na pananatilihing rabies free ang Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nangako si Malay Mayor John Yap na pananatilihing rabies free ang Boracay.

Sa selebrasyon ng world rabies day sa isla, sinabi ni Mayor John Yap na mahirap ang rabies dahil ito’y nakakamatay.

Kung kaya’t hindi umano nila hahayaang makapasok dito ang mga asong may rabies.

Nabatid na ang isla ng Boracay at Guimaras ang kauna-unahang lugar sa Western Visayas na kinilalang rabies free.

Samantala, naging panauhing pandangal naman sa nasabing programa ang iba’t-ibang National Government agencies sa pangunguna ni DOH Secretary Eric Tayag.

Pinaalalahanan naman ng DOH na maging ligtas sa rabies na dulot ng kagat ng aso at panatilihing may bakuna ang mga ito.  

Mahigit Dalawang Daang Punla Ng Niyog, Itinanim Kanina Sa Vegetation Area Ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mahigit dalawang daang punla ng niyog ang itinanim kanina sa vegetation area ng boracay.

Ito’y may kaugnayan sa isinagawang re-planting activity kaninang alas 7 ng umaga sa kooperasyon ng LGU Malay at Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa vegetation area ng So. Angol Barangay Manoc-Manoc, Malay, Aklan.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing aktibidad ang iba’t-ibang mga stakeholders, estudyante, mga participantes ng PR National Congress, Manoc-Manoc Boracay Council at ilan pang mga taga Local Government Unit.

Ayon kay Mayor John Yap, ito’y malaking tulong sa isla, lalo na’t ang mga puno ng niyog ay isa sa mga magiging proteksyon kung sakaling may parating na sama ng panahon, kaya’t nararapat lang na alagaan at panatilihing maraming halamang nakatanim.

Samantala, malaki naman ang kanyang pasasalamat sa mga nakibahagi kung saan lumagpas pa sa mga inaasahang dadalo.

Boracay at Guimaras, idiniklarang rabies-free ng DOH

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Idiniklarag rabies-free ng Department of Health (DOH) ang isla ng Boracay at Guimaras bilang pagdiriwang ngayong araw ng World Rabies Day.

Ayon kay Malay Public District Supervisor Jessie S. Flores, kaninang alas-nuebe ng umaga ay nagsimula ang programa at deklarasyon sa isang resort sa station 3 convention center na nilahukan ng mga goverment agencies mula sa Region 6 at ng National agencies.

Ipinahayag umano ni Dr Joji Jiménez, DOH-6 Regional Program Coordinator na ang mga nasabing isla ay walang naitalang kaso ng rabies sa dalawang magkasunod na taon.

Nabatid naman na ilan sa mga panauhaing pandangal ay si DOH Secretary Enrique Ona at si Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala.

Nakatakda sanang dumalo din sa nabanggit na programa si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ngunit hindi natuloy dahil sa health problem.

Nagbigay naman ng mensahe ang lahat ng mga panauhing pandangal sa pangunguna ni Mayor John Yap ng Malay.

Samantala, ang Western Visayas umano ay nakapagtala ng mababang porsyente ngayong taon ng mga nabiktima ng kagat ng aso.

Mga batang nambabato ng mga tourist bus sa Kalibo, ikinababahala ni Aklan governor Miraflores

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinababahala ngayon ni Aklan governor Miraflores ang tungkol sa mga batang nambabato ng mga tourist bus sa bayan ng Kalibo.


Ayon kay Miraflores, ilang beses na siyang nakakatanggap ng reklamo tungkol dito, kung saan nababasag ang mga bintana ng nasabing mga sasakyan at natatamaan pa ang mga sakay nito.

Ikinabahala naman ni DOT Boracay Officer in-charge Tim Ticar ang nasabing balita lalo na at mga turista ang nabibiktima ng mga ito.

Aniya, maaari itong makakaapekto sa turismo ng probinsya ng Aklan lalo na sa mga pumupunta sa Boracay.

Nabatid na ang mga sakay ng naturang tourist bus ay mula sa Kalibo International Airport papuntang Boracay para magbakasyon.

Sa ngayon tinatawagan ni Miraflores ang lahat ng mga concern agencies at lokal na pamahalaan ng Aklan na makipagtulungan para matigil na ang ganitong gawain sa probinsya.