YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, November 08, 2014

Unang anibersaryo ng Super typhoon Yolanda ginunita ng Diocese of Kalibo

Posted November 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ginunita ng Dioceses of Kalibo ang unang anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda ngayong araw Nobyembre 8.

Ito’y bilang pag-alala sa pinakamalakas na bagyong humagupit sa bansa kung saan nagsagawa sila ng “Yolanda Walk” matapos ang misa kaninang umaga sa Kalibo Cathedral.

Tinampukan naman ito ng mga estudyante mula sa ibat-ibang paaralan sa Aklan, residente at mga Local Officials ng Kalibo kasama si Bishop Jose Corazon Tala-oc.

Nabatid na mula sa simbahan ay naglakad sila papuntang Mobo Bridge para doon magkaroon ng maikling programa.

Napag-alaman na umabot sa 97, 132 pamilyang Aklanon ang naapektuhan ng nasabing bagyo o  431, 006 indibidwal kung saan naitala naman ang labin apat na namatay at 572 sugatan base sa tala ng Provincial Risk Reduction and Management Council at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tricycle driver na nagsauli ng P3.5 milyon na pera sa turista umani ng paghanga sa Boracay

Posted November 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naging usap-usapan sa isla ng kapwa nito mga tricycle driver ang katapatan ni Elizaldy Lagunday, 46 anyos ng IloIlo City at ngayon ay nanunuluyan sa Boracay.

Ito’y matapos siyang magsauli ng perang nagkakalahalaga ng P3.5 milyon mula sa dalawang Korean National na sumakay sa kanya noong Linggo ng gabe Nobyembre 2.

Dahil sa ginawa nito umani siya ng paghanga na talaga namang ipinagmamalaki ng kanyang pamilya at ng buong isla ng Boracay.

Sa naging panayam ng YES FM Boracay kay Lagunday hindi niya umano sukat akalain na ang naiwang bag ng dalawang Koreana sa kanyang sasakyan ay naglalaman ng ganung kalaking halaga ng pera at dalawang cellphone.

Samantala, hindi naman umano sumagi sa kanyang isip na itakas ito dahil may takot umano siya sa Diyos at pag-aalala sa may ari ng nasabing bag.

Nabatid na agad niya itong dinala sa Boracay PNP Station at doon ay naabutan niya ang Koreanang nag mamay-ari nito kung saan niyakap umano siya nito dahil sa sobrang tuwa kasabay ng pagbigay ng pabuya sa kanya.

Napag-alaman na makailang beses na ring nagsauli sa mga pasahero ng mga naiiwan sa kanyang tricycle sa Lagunday sa pamamagitan ng himpilang ito.

Samantala, matapos ang pangyayari ay ipinatawag naman siya ng Boracay Land Transport Multi Purpose Cooperative para bigyang parangal ang naging katapan ng kanilang miyembro.

Boracay West Cove naghain ng motion of reconsideration sa DENR-Central Office

Posted November 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pansamantala ngayong nakansila ang pagpapaalis ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 6 sa Boracay West Cove sa pampublikong timberland area.

Ito’y matapos umanong maghain ang Boracay Island West Cove Management Philippines, Inc. (BIWCMPI) ng motion of reconsideration sa DENR-Central Office sa Quezon City.

Ayon naman kay DENR-6 Regional Director Jim Sampulna inatasan ng paalisin ang Boracay West Cove sa pampublikong timberland area matapos kanselahin ng DENR ang 25-taong Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes (FLAgT).

Sa kabilang banda sinabi naman ni CENRO Boracay Public Information Officer (PIO) Jonne Adaniel, na bagamat na isilbi na ang kanselasyon ng FlagT sa nasabing resort ay normal lang din umano sa ganitong klaseng kaso na maghain sila ng motion for reconsideration.

Samantala, isa din umano sa nakikitang dahilan kung bakit nagpalabas si DENR Undersecretary Demetrio Ignacio Jr. ng kanselasyon ng FLAgT ay dahil sa iba’t ibang paglabag na pangkalikasan ng West Cove Management.

Nabatid na nauna ng inatasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 6 ang nasabing resort na lisanin na ang kinakatayuan nitong kakahuyan sa isla ng Boracay sa bayan ng Malay, Aklan.

103rd birth anniversary ni Godofredo Ramos, ipinagdiriwang ngayon sa Aklan

Posted November 8, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Photo Credit by aklanforum.blogspot.com
Ginugunita ngayon sa probinsya ng Aklan ang ika-103rd birth anniversary ng tinaguriang ama ng probinsya na si Godofredo P. Ramos.

Kaugnay nito, idineklara bilang pista opisyal ngayong araw sa probinsya kasama na ang isla ng Boracay.

Ayon kay Provincial Administrator Atty. Selwyn Ibarreta, ang Local Holiday na tinatawag na “Godofredo P. Ramos Day” ay kasunod ng ipinagdiriwang na pag-alala sa kaarawan ni Godofredo Ramos na syang kauna-unahang Kongresista ng Aklan nang mahiwalay ito mula sa Capiz.

Ang pag-deklara ng Local Holiday sa probinsya ay ipinapatupad sa bisa ng Proclamation No. 194 ni dating Pangulong Gloria Arroyo, para sa pag-alala sa kapanganakan ni Godofredo Peralta Ramos.

Samantala, nabatid na pangungunahan naman ni Gov. Florencio Miraflores ang tradisyunal na gawain, tulad ng pag-alalay ng bulaklak sa bronseng monumeto ng “Father of Aklan” sa Godofredo P. Ramos Park sa harap ng Provincial Capitol.

Empleyado ng Bureau of Immigration, umano’y tinutukan ng baril sa Boracay

Posted November 8, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad na nagsumbong sa mga pulis ang isang 32 anyos na babaeng empleyado ng Bureau of Immigration matapos na umano’y tinakot at tinutukan ng baril sa Boracay.

Sumbong ng biktima sa BTAC, nakatayo ito sa terrace ng kanyang boarding house sa Sitio Tulubhan Manoc-Manoc Boracay nang tinawag umano ng 29 anyos na lasing na suspek at tila binabastos.

Subalit, hindi umano ito pinansin ng biktima sa halip ay pumasok ito sa loob at naligo.

Ilang sandali pa ay sinabihan na umano ito ng kanyang ka-boardmate na nangbubulahaw ang nasabing lalaki at may dalang hindi matukoy na baril.

Sa paglabas umano ng biktima ay nananakot na umano ito at nagsasabing alam nya na lahat ng nakatira sa nasabing boarding house ay puro mga babae at kaya din di umano nitong bilhin ang kanyang buhay.

Samantala, sa pag-responde naman ng mga pulis sa lugar ay hindi na naabutan ang nasabing suspek.

Friday, November 07, 2014

Dahil sa ilegal na pagtitinda, vendor at Lifeguard nag-kainitan sa Boracay

Posted November 7, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nauwi sa pagtatalo ang ilegal na pagtitinda ng isang vendor sa front beach ng Boracay Station 2 kaninang umaga.

Personal na dumalog sa tanggapan ng Boracay PNP ang nagrereklamong si Jeffrey Castro, 40-anyos ng Sitio. Manggayad, Brgy. Balabag Boracay, Malay, Aklan para ireklamo si Teodorico Talaver, 27-anyos ng Bacolod City.

Nabatid sa blotter report ng Boracay PNP Station na habang nasa kanyang duty bilang lifeguard si Castro ay napansin niya itong si Talaver na ilegal na nagbibinta ng miniature religious carving o mas kilala sa tawag na Santo.

Dahil dito sinaway niya umano ng dalawang beses ang vendor na itigil na ang ginagawa nito subalit binaliwala lang siya kasabay ng pagiging arogante.

Bagamat hindi niya napigilan ang suspek ay kinumpiska naman nito ang kanyang bag na may lamang miniature religious carving ngunit agad niya itong binawi.

Sa kabila ng kanilang pagtatalo nasira naman ang cellphone ni Castro kung saan sinabi din nito na bilang lifeguard sa ilalim ng Local Government Unit ng Malay ay may karapatan silang e-regulate at pigilan ang mga ilegal na vendor sa front beach ng Boracay.

Samantala, dahil sa ginawa ng suspek ay inisyuhan siya ng citation sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 132-2000, regulation of activities along the beach, Municipal Ordinance 181-2002 (Regulation on the Activities of Vendors and Peddlers) No Mayor’s Permit at Municipal Ordinance 96-97 o illegal vending.

Sa ngayon pansamantalang nasa kustudiya ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang nasabing suspek matapos maipaabot sa kanya ang kanyang mga nilabag.

Licensing at Assessment Department ng Malay, pinabulaanan ang umano’y pagpapatayo ng 2 malalaking fast food chain sa Boracay

Posted November 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinabulaanan ng Malay Licensing at Assessment Department Satellite Office sa Balabag Action Center ang umano’y pagpapatayo ng dalawang malalaking fast food chain sa isla ng Boracay.

Ayon sa nasabing tanggapan, wala pa silang natatanggap na anumang aplikasyon mula sa anumang malalaking fast food chain taliwas sa mga kumakalat na tsismis.

Samantala, sinabi naman ng ahensya na may nabatid silang isang fast food chain na may balak magpatayo ng isang branch sa Boracay, subalit hindi pa umano ito kumpirmado.

Inihayag naman ng Malay Licensing at Assessment Department Satellite Office Boracay na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang aplikasyon hangga’t sumusunod ito sa tamang proseso.

HRP Boracay, mag-aalay ng special mass intention kaugnay ng paggunita sa unang taong anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda

Posted November 7, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mag-aalay ng special mass intention kaugnay ng paggunita sa unang taong anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda ang HRP Boracay.

Kaya naman nanawagan ngayon si HRP Boracay Team Mediator Father ‘Nonoy’ Crisostomo sa lahat ng mga Katoliko sa isla na nais dumalo sa mga nakaeskedyul na misa bukas 6:30 at sa alas 5:00 ng hapon.

Ayon kay Father ‘Nonoy’, magiging espesyal na intention sa mga nasabing misa bukas ang pasasalamat sa Panginoong Diyos dahil sa mga tulong na dumating matapos ding manalasa sa Aklan ang hagupit ng bagyo.

Dapat din umano tayong magpasalamat dahil hindi naging malubha ang epekto ng bagyo noon sa isla.

Maliban dito, sianbi pa ni Father ‘Nonoy’ na dapat ding ipagdasal ang mga patuloy na naghihirap dulot ng nasabing Super Typhoon.

Samantala, patutugtugin din umano bukas sa alas 6:00 ng gabi ang kampana sa simbahan bilang tanda ng sama-samang panalangin ng pasasalamat sa Panginoon.

Magugunitang hinagupit din ng Bagyong Yolanda ang Boracay nitong nakaraang taon, subali’t hindi naging malubha ang pinsala dahil narin sa mahigpit na pananampalataya sa Diyos at pagtutulungan ng lahat.

BRTF, nilinaw na walang dapat magpatayo ng istraktura sa 15 metro malapit sa mga pangunahing kalsada sa Boracay

Posted November 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Muli ngayong binigyang linaw ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) na walang dapat magpatayo ng istraktura sa 15 metro malapit sa mga pangunahing kalsada sa Boracay.

Ayon sa BRTF, batay sa ibinabang Executive Order No. 25, series of 2014 ni Malay Mayor John Yap, mahigpit na ipinag-uutos ang nasabing alituntunin.

Subalit, ligtas naman umano rito ang mga konstruksyon na meron ng building permit bago pa man ang nasabing moratorium, nabigyan ng Environment Compliance Certificate (ECC) at Conditional Certificate ng DENR at LGU-Malay.

Ayon pa sa BRTF, ang nasabing mga sertipikasyon ay dapat nasa bisa umano ng isang nakanotaryong undertaking na nagsasaad ng kanilang kaalaman sa naturang moratorium at ang kanilang pagkukusa na pagtatanggal ng kanilang struktura sa oras na i-utos ng gobyerno.

Matatandaan na noong ika-21 ng Marso, 2014, nagdeklara rin ng Moratorium sa Building Constructions sa isla ng Boracay si Mayor Yap, sa bisa ng Executive Order No. 6, series of 2014, at napasawalang-bisa noong ika-1 ng Oktubre, 2014.

Tourist Arrival sa Boracay nitong nakaraang Undas bumaba kumpara noong 2013

Posted November 7, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tila bahagyang bumaba ang naitalang tourist arrival sa Boracay ngayong nakaraang Undas kumpara noong nakaraang taong 2013

Ito ay base sa tala ng Municipal Tourism Office (Mtour) Malay nitong November 1 bilang All Saints Day at November 2 Alls Souls Day.

Napag-alaman na umabot lamang sa 3, 129 ang tourist arrival nitong Nobyembre 1 na may local tourist na 1, 587, foreign na 1, 506 at OFW na 36.

Habang nitong Nobyembre 2 ay nakapagtala lamang sila ng tig-1, 492 na local at foreign tourist at OFW na 72 na may kabuuang bilang na 3, 056.

Sa kabila nito naitala din nila ang mataas na bilang noong desperas ng Undas na may kabuuang bilang na 4, 111 sa loob lamang ng isang araw kung saan pinangungunahan ito ng mga Pinoy.

Bagamat mababa ang bilang kumpara noong nakaraang taong 2013 isa sa nakikitang dahilan ng Mtour ay dahil sa pumatak ang Undas sa araw ng Sabado at Linggo dahilan na siyang hindi pagkakaroon ng long week end.

Samantala, ang isla ng Boracay ay taon-taong dinadayo ng mga turista lalo na sa mismong araw ng Undas dahil sa pagkakaroon ng ibat-ibang Halloween Party sa sikat na white beach area.

Helper, ikinustodiya sa BTAC matapos mahulihan ng kutsilyo sa isang bar sa Boracay

Posted November 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nahaharap ngayon sa Violation B.P. 6 ang isang 22 anyos na helper matapos na mahulihan ng kutsilyo sa isang bar sa Boracay.

Nabatid sa blotter report ng Boracay PNP na pumasok umano kanina ng madaling araw sa isang bar sa Station 2 Balabag Boracay ang helper na kinilalang si Randy Ventura ng Jamindan Capiz.

Base sa imbestigasyon, nakita ng bouncer ng nasabing bar ang suspek na hawak-hawak ang mahigit kumulang 12 pulgadang kutsilyo sa kanang kamay nito.

Kaagad naman umanong kinausap ng bouncer ang lasing na helper at na-agaw ang kanyang hawak-hawak na kutsilyo saka ini-report sa BTAC.

Dahil sa nakitang paglabag sa alituntuning nagbibigay penalidad sa kung sino man ang nahuhuling nagdadala ng mga illegal na bladed weapon na gagamitin sa isang krimen o bilang pananakot ay pansamantalang ikinustodiya ang suspek sa Boracay PNP.

Thursday, November 06, 2014

Mga turistang sakay ng MS Super Star Aquarius, gumagala na sa Boracay

Posted November 6, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Dumating na sa Boracay ang mga turistang sakay ng MS Super Star Aquarius.

Katunayan, gumagala na sa isla ang mga nasabing turista bago bumalik sa barko mamayang alas 8:00 ng gabi.

Nabatid na sumabak agad ang mga ito sa island hopping at land tour na naging dahilan upang bahagyang naiba ang sitwasyon ng Cagban Jetty Port.

Pansamantala kasing nahati sa dalawa ang daungan matapos ihiwalay ang lugar para sa mga bangkang gagamitin sa island hopping ng mga turista at ang babaa’t sakayan ng mga bangkang papunta sa Caticlan port.

Mistula namang napag-iwanan ang mga regular na pasahero sa Cagban matapos bigyang prayoridad ng mga naka schedule na tricycle ang mga turista ng cruise ship.

Magkaganon paman, masaya ring pinili at inupahan ng ibang turista ang mga E-Trike o Electric Tricycle para sa kanilang pamamasyal.

Samantala, sinabi ni Caticlan Jetty Port Special Operation Officer III Jean Pontero na muling bibisita sa Boracay ang MS Super Star Aquarius ngayong Disyembre.

Nabatid na ikatlong beses nang bumisita sa isla ang nasabing barko.