Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT
Photo (C) FFF Boracay |
Magpapatawag sa susunod na linggo ng Committee Hearing si
Sangguniang Bayan Member Nenette Aguirre-Graf para pag-usapan ang kritikal na
kalagayan ng mga “fruit bats” o kabog sa Yapak Boracay.
Nababahala si Graf sa kumukunting populasyon ng
tinaguriang flying farmers o kabog dahil sa lumiliit nilang habitat area sa
lugar.
Ayon pa sa konsehala, ikina-alarma rin ito ng Friends of
Flying Foxes o FFF dahil kapansin-pansin na hindi na ganoon karami ang numero
na dati ay umaabot sa libo-libo na nakakumpol at nagsisiliparan sa buong isla
ng Boracay.
Iginiit nito na nakakalungkot na hindi pa rin alam ng
ibang tao ang kahalagahan ng kabog sa isla na siyang tumutulong para
ma-preserve ang gubat at nagpaparami ng punong kahoy doon.
Ayon sa Friends of Flying Foxes o FFF, ang mabilis na
development sa Yapak at ibang bahagi ng isla ang isa sa nakikitang dahilan kung
bakit nagsisilayasan na ang mga fruit bats.
Hindi rin daw malayo na pati ang mga unggoy sa lugar ay
mawawalan na rin ng matitirhan kung magtutuloy-tuloy ang pagwasak sa kagubatan
dahil sa mga developments.
Sa kanilang obserbasyon, nasa “critical habitat” at
“endangered” na ang specie ng kabog na ito na kung tawagin ay Golden Crowed
Flying Fox (Acerodon jubatus).
Kaugnay nito, tatalakayin itong usapin ng Committee on
Laws, Ordinances, Rules and Privileges na pinamumunuan ni SB Jupiter Aelred
Gallenero, Committee on Environmental Protection na hinahawakan ni SB Nenette
Graf at Committee On Tourism Industry, Trade, Economic Enterprise and
Cooperatives SB Dante Pagsuguiron.