YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 20, 2014

Mga cargo operators, dismayado sa pagkasadsad ng 2 barge sa Boracay

Posted December 20, 2014
Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Dismayado ngayon ang mga cargo operators dahil sa pagsadsad ng dalawang barge sa Boracay.

Ito’y dahil sa hindi makapag-byahe ang kanilang mga cargo dahil sa nakaharang ang dalawang barge sa kanilang daungan.

Ayon sa mga ito bawas kita sa  kanila ang hindi pagkakaroon ng operasyon dahil sa nasabing abala.

Nabatid na nitong nakaraang ika-16 ng Disyembre ay sumadsad ang isang barge sa Manoc-Manoc Cargo Site dahil sa pagkakaroon ng low tide at lakas ng hangin na humarang sa daungan ng mga maliliit na cargo vessel.

Nasagi din nito ang kable ng PANTELCO dahilan para magkaroon ng problema sa linya ng telepono gayundin ng AKELCO.

Habang isa namang barge ang sumadsad din kanina, kung saan ito sana ang inaasahang tutulak sa naunang barge na sumadsad ngunit hindi din ito nagtagumpay.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang aksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang maalis na ang mga nasabing barge sa lalong madaling panahon.

PRO-6, magtatalaga ng nasa 800 pulis sa Kalibo Sto. Nino Ati Atihan Festival

Posted December 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dahil sa inaasahang pagdagsa ng maraming turista at bisita sa Kalibo Sto. Nino Ati Atihan Festival sa susunod na taon.

Sinabi ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na maaaring magtalaga ng nasa 800 na pulis ang Police Regional Office (PRO)-Western Visayas upang dagdag puwersa sa pinakamalalaking taunang kapistahan sa bansa.

Ayon naman kay Supt. Pedro Enriquez, hepe ng Kalibo PNP, umaasa din sila na mas madagdagan pa nga ang kanilang pwersa para masiguro ang seguridad sa nasabing aktibidad.

Samantala, kasama ang isla ng Boracay at anim pang bayan sa Aklan, ang magdiriwang ng kani-kanilang bersiyon ng Ati-Atihan Festival sa iba’t ibang araw ng Enero.

Bilang paghahanda naman sa seguridad, nagsagawa na ng command conference ang pulisya para pag-usapan ang gagawing estratehiya na tiyaking 100 porsiyentong zero crime ang Ati-Atihan.

(Update) Nakitang bangkay sa Boracay, walang pang nag-claim na pamilya

Posted December 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Wala pang nag-claim na pamilya hinggil sa nakitang bangkay sa So. Bolabog Balabag Boracay nitong nakaraang ika-12 ng Disyembre.

Ito ang kinumpirma ni Coast Guard Boracay Sub-Station Asst. Commander Russel Relator hinggil sa estado ng nasabing kaso.

Samantala, nang kunan naman ng pahayag ng himpilang ito ang BTAC, sinabi ilang ng opisyales doon na wala pa silang update sa nasabing insidente kung nailibing na ba ang nasabing bangkay dahil sa ni-relieve kasi umano ang imbestigador na humahawak sa nasabing kaso.

Magugunitang nakita ang nasabing lalaking bangkay na naaagnas na sa harapan ng isang resort sa Balabag Boracay na tinatayang nasa edad 30 hanggang 40 anyos.

Matapos naman kunin ng Boracay Action Group at Boracay Coast Guard ang bangkay ay kaagad naman itong dinala sa Prado Funeral Homes para sa kaukulang disposisyon.

(Update) PCG, nagdagdag ng opisyal para alisin ang 2 barge na sumadsad sa Manoc-Manoc Cargo Site

Posted December 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpadala na ng mga karagdagang opisyal ang Phlippine Coast Guard (PCG) upang alisin ang dalawang barge na sumadsad sa Manoc-Manoc Cargo Site, isla ng Boracay.

Ayon kay PO2 Ricky Naldo ng Coast Guard Boracay, dahil sa hindi rin maganda ang panahon kagabi at kanina ng madaling araw at nahihirapan ang mga ito na alisin ang dalawang barge.

Nabatid na unang sumadsad ang isang Cargo Vessel o barge nitong nakaraang December 16, kung saan nasira ang submarine optic cable ng isang utility provider sa isla.

Pangalawa namang sumadsad ang isa pang barge kagabi matapos namang mawalan ng kontrol nang tangayin ng malakas na alon.

Kaugnay nito, ipinasiguro naman ng Coast guard na agad na maiaalis ang nasabing barge sa nasabing lugar para makadaong ng mabuti ang iba pang mga cargo vessel sa lugar.

Resort sa Boracay, umano’y pinutulan ng tubig ng walang dahilan

Posted December 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa himpilan ng Boracay PNP ang isang resort sa Manoc-Manoc Boracay matapos na umano’y pinutulan ng tubig ng walang dahilan kagabi.

Sumbong ni Encarnacion Dela Cruz, 51 anyos at receptionist ng nasabing resort, nagulat na lamang di umano sila na naputol ang linya ng kanilang tubig.

Samantala, nang suriin naman di umano ng isa sa kanilang staff ang pipe/hose, isang kinilalang “Mark Angelo” ang umano’y nagbawal sa mga ito na ikabit ang nasabing linya.

Hindi naman umano nila alam kung sino ang pumutol sa linya ng kanilang tubig kaya minarapat na pina-imbestigahan ito sa mga pulis.

Sea craft na nag-ooperate sa Boracay, ipinahinto ng LGU Malay dahil sa walang kaukulang permiso

Posted December 20, 2014                                            
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinatawag at pinagsabihan ang may-ari ng isang commercial sea vessel sa tanggapan ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF).

Ito’y matapos matuklasang nag-o-operate umano sa isla ang nasabing sea craft nang walang kaukulang permiso sa bayan ng Malay.

Napag-alaman na nitong nakaraang araw, naglayag ang nasabing vessel sa isla ng Boracay kahit hindi nakakuha ng permiso at nagsakay pa di umano ng mga photo at videographers na wala ring permiso na mag-shoot sa isla.

Nabatid na ilang beses na ring nakakuha ng Mayor’s special permit ang mga ito para magsakay ng mga bisita at mag-cruise sa isla kaya wala umanong dahilan ang mga ito na itanggi na hindi nila alam ang polisiya bago mag-operate.

Kaugnay nito, patuloy naman ang paalala ng BRTF na bago magsagawa ng anumang special activities ay mas mainam na isangguni muna sa Mayor’s Office o sa kanilang tanggapan para magabayan ng tama at hindi makalabag ng sumasaklaw na ordinansa.

Humingi naman ng pasensya ang may-ari ng nasabing vessel.

Sa ngayon ay hindi muna sila pinahintulutang maglayag.

Expansion ng Cagban Jetty Port, uumpisahan na ngayong linggo

Posted December 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Magsisimula na ngayong linggo ang expansion ng Cagban Jetty Port bilang paghahanda sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015 sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Jetty Port Administrator Nieven Maquirang matapos ang isinagawang meeting kaugnay sa cruise ship arrival nitong Huwebes.

Sinabi nito na magsisimula na ang construction ng 36 meters expansion ng phase 1 sa nasabing pantalan na matatapos sa loob ng tatlong buwan sa susunod na taon.

Nabatid na malaki ang inaasahang pagbabago sa Cagban Port dahil sa magiging organisado na ang mga bangkang bumibiyahe gayon din ang mga private boat at ang daungan ng cruise ship na pumupunta sa isla ng Boracay.

Samantala, maging ang mga tricycle at tourist van sa loob ng pantalan ay magiging organisado na rin kabilang na ang paglalagay ng isang building para sa mga pasahero.

Matatandaan na bago aprobahan ang expansion ng Cagban Port ay sinuri muna ito ng Department of Transportation and Communication (DOTC) Department of Tourism (DOT) at ni DILG Secretary Mar Roxas katuwang ang Local Government Unit ng Malay at Provincial Government ng Aklan.