YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 25, 2014

RoRo Bus na Dimple Star Transport, naaksidente sa Altavas, Aklan kahapon

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Wasak ang windshield at yupi ang ulo ng Dimple Star Transport, matapos maaksidente sa Altavas, Aklan kahapon.

Nabangga kasi ito sa isang puno ng kahoy sa highway ng Man-up, Altavas nang agawin umano ng isang pasahero ang manubela ng nasabing bus habang minamaneho ng drayber.

Kumandong umano ang nasabing pasahero sa nagmamanehong drayber, kung kaya’t nabigo ang huli na mabawi ang control sa manubela, dahilan upang bumangga sila sa kahoy.

Nakilala sa police report ng Altavas PNP ang pasaherong suspek na si Joseph Dela Cruz ng Santolan Crame at napag-alamang may problema sa pag-iisip.

Hinabol umano ng ilan residente at mga nakasaksi ang suspek ngunit mabilis umano itong nakatakas.

Samantala, isang pasahero naman ang nasugatan matapos ang insidente.

Nabatid na byaheng Cubao-Iloilo via Batangas, Calapan, Roxas at Caticlan ang Dimple Star Transport at papunta san ang Iloilo nang mangyari ang insidente.

Tibyog Aklan, pinatatanggal si Mayor Lachica sa Liberal Party

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang petisyon ang inihain sa bayan ng kalibo kung saan ipinapatanggal ng isang partido political na Tibyog Akean ang Mayor ng Kalibo na si William Lachica sa Liberal Party nitong nakaraang taon lamang.

Nabatid kasi sa nasabing petisyon na komplikado ang katayuan ni Lachica sa partido Liberal dahil sa di umano’y hindi sya nakikiisa sa grupo nina Aklan Gov. Joeben Miraflores at Congressman Teodorico Haresco Jr.

Nag-ugat din di umano ang iringan sa pamamahagi ng relief goods sa Kalibo matapos na manalasa ang bagyong Yolanda sa bansa.

Samantala, iginiit naman ng Alkalde na bagamat masama ang kanyang loob sa nangyayari, tanggap naman nya kung matatanggal sya sa nasabing partido.

Ito’y dahil sa ang taong bayan naman umano ang pumili at  naghalal sa kanya kaya’t mas mabuting dito nalang umano sya magpo-focus at kung ano ang kanyang mga legasiya na maaaring makatulong sa pag-unlad ng taong bayan.

Grupo mula New Orleans, makikipag-pulong sa ibat-ibang agencies sa Boracay kaugnay sa disaster recovery planning

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Makikipag-pulong ang grupo mula New Orleans sa ibat-ibang agencies sa isla ng Boracay ngayong darating na Lunes at Martes.

Ito’y may kaugnayan sa nagdaang bagyong Yolanda nitong nakaraang taon na humagupit sa ilang lugar sa Visayas lalo na sa probisnya ng Aklan at isla ng Boracay.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, mismong mga taga New Orleans ang nagpatawag ng meeting para bigyan ng tips ang mga concern agencies sa isla kung paano makakabangon matapos ang pananalasa ng bagyo at iba pang kalamidad na posibleng tumama sa isla.

Layunin umano nito na matulungan ang Boracay lalo na at ito’y isang tourist destination na kilala sa buong mundo na dinadayo ng napakaraming turista.

Dagdag pa ni Ticar, limitado lamang ang dadalo sa nasabing pagpupulong na pangungunahan ni Malay Mayor John Yap, Boracay Foundation Inc. President Joeny Salme, Ariel Abriam ng PCCI Boracay, Mabel Bacane ng Redevelopment Task Force at BTAC Officer in charge P/Insp. Fidel Gentallan at ang Philippine Coastguard.

Matatandaang ang New Orleans ay hinagupit ng hurricane Katrina noong Agusto 25, 2005, kung saan maraming mga bahay, imprastrartukra at pangkabuhayan ang nasira at nag-iwan din ng napakaraming taong namatay.

Nabatid na sa kabila ng nagyaring dilobyo sa kanilang bansa ay mabilis silang nakabangon dahil sa kanilang pagiging handa at naibalik sa ayos ang kanilang turismo.

Ito rin umano ang kanilang gustong mangyari sa Boracay at buong probinsya ng Aklan para sa mabilis na pagbangon sa anumang magdaang kalamidad sa hinaharap.

Friday, January 24, 2014

Engineering Dept. ng LGU Malay, inoobliga na magkaroon ng Cert. of Occupancy ang lahat ng mga establisyemento

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inoobliga na ng Engineering Department ng LGU Malay ang pag-submit ng photocopy of occupancy sa lahat ng mga establisyemento sa Malay at Boracay.

Ayon kay Engr. Elizer Casidsid ng Malay Municipal Engineering Office, ilegal umano ang mga establisyementong walang occupancy permit kaya’t ito sa ngayon ang kanilang tinututukan.

Naipatupad na rin umano ito sa National na hinahawakan ng Department of Public Works and Highways o DPWH.

Pero kung sa Boracay umano ang pagbabasihan dadaan pa ito sa Department of Tourism o DOT para sa approval bago nila sisiyasatin.

Matagal na rin umano itong naipatupad pero ngayong lang nagsimulang obligahan dahil sa may ilang mga establisyemento sa Boracay ang walang occupancy permit.

Dagdag pa ni Casidsid, ilan sa mga walang occupancy permit ay ang may maliliit na business establishments kagaya ng tindahan, kaininan at ilang mga boardinghouse.

Wala rin umanong lusot sa kanila ang lahat ng mga establisyemento sa Boracay dahil patuloy ang kanilang pag-momonitor dito.

Samantala, panawagan naman ni Casidsid sa mga kukuha nito na habang maaga pa ay kailangan na itong ayusin para hindi na umano sila mahirapan sa susunod na proseso at para maiwasan ang anumang pinalidad.

COMELEC ipapamahagi na ang voter’s ID para sa Malay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ipapamahagi na ng Commmission on Elections (COMELEC) ang mga voter’s ID para sa Malay.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II, Elma Cahilig, ito ang mga voter’s ID na hindi pa nakuha mula taong 2011 kung saan may mga registered voter’s naman na mula 2007 hanggang 2009.

Aniya, magpapaskil ang COMELEC ng listahan ng voter’s ID na hanggang sa ngayon ay hindi parin nakukuha ng mga may-ari nito sa mga pampublikong lugar.

Kabilang sa mga lugar na pagpapaskilan ng listahan ay sa labas ng mga tanggapan ng COMELEC at Barangay Hall.

Sinabi din nito na handa ng ipadala ang mga nasabing listahan para e-paskil sa mga barangay hall at iba pang pampublikong lugar.

Dagdag pa nito na bago dumating ang memo ay naisaayos na nila ang listahan ng mga kukuha kaya’t makakapag-paskil na umano ang mga ito agad.

Ipinaalala din nito na ang mga nasabing ID ay ang mga luma na at hindi pa ang mga bagong voters ID na para sa mga bagong nag-rehistro.

Sa kabilang banda, ipinaabot din ni Cahilig sa publiko na maaaring tingnan ang mga listahan na ipapaskil sa barangay hall at kung nandoon ang pangalan ay maiging magpunta sa tanggapan ng COMELEC Malay para kunin ang ID.

Para naman sa mga hindi personal na makakakuha ng ID, magpadala lamang ng otorisadong kakilala o kamag-anak at magdala ng isang valid ID sa COMELEC.

Samantala, nabatid naman na ipinaliwanag ni COMELEC Spokesperson James Jimenez, na malaking tulong ang voter’s ID sa mga botante dahil kinikilala ang mga ito ng lahat ng government offices at maging ng mga bangko sa lahat ng legal transactions.

Taong 2014, isa umanong malaking hamon para sa turismo ng Boracay

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Isang napakalaking hamon umano para sa isla ng Boracay ang taong ito partikular na sa usaping turismo.

Ito ang inihayag ni Sangguniang Bayan Member at Committee on Tourism Chairman Jupiter Gallenero.

Ayon kay Gallenero, maraming mga bagay ang kailangang bigyan ng pansin pagdating sa turismo lalo pa nga’t ang isla ang itinuturing na “Precious Jewel” ng bansa.

At sa pakikipag-tulungan aniya ng punong ehekutibo at ng tourism head ng Malay ay unti-unti nang nababago ang dating ng isla ngayong taon.

Una rito ang naging matagumpay na Boracay Ati-Atihan nito lamang nakaraang linggo at ang pagsipagdatingan ng mga cruise ship sa isla.

Sa pagdating mga cruise ship, kanila umanong binigyan ng pansin ang mga front liners kaugnay sa kung papaano nila dapat i-cater ang mga international guest, maging kung paano mamintina ang peace and order sa isla.

Bukod dito, ipagpapatuloy pa rin umano nila ang pagpapatupad sa mga ordinansa sa vegetation area sa isla.

Sa ganitong paraan aniya ay tiyak na marami ang makikinabang sa magandang resulta ng naturang implementasyon.

Katunayan, mas lalo pa umanong gumanda ngayon ang front beach kung ikumpara noong mga nakaraang taon na hindi pa naiimplementa ang vegetation.

Inihayag pa nito na may mga programa ding nakalinya para sa mas lalo pang ika-uunlad ng turismo sa isla.

Nakatakda rin umanong linisin ang buong baybayin ng isla, at ang pag-upgrade sa terminal ng Tabon Port, maging sa pagsasa-ayos ng Manoc-Manoc Port.

Naniniwala si Gallenero na sa tulong na rin ng mga opisyales ng Lokal na pamahalaan ng Malay at ng Probinsya ay tiyak na mas lalo pang maging maganda at kaaya-aya ang isla ng Boracay.

Ordinansa kaugnay sa pagbabawal sa pagsiga, aprubado na sa SP Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Aprobado na sa third at final reading ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang ordinansang nagbabawal sa pagsisiga ng kahit anong materyales malapit sa mga poste at iba pang pampublikong kagamitan.

Sa ginanap na 3rd regular session ng SP Aklan nitong myerkules sinang-ayunan ng mga myembro ng konseho ang mosyon ng sponsor nitong si Atty. Plaridel Morania na aprobahan na ang nasabing ordinansa.

Ayon kay Morania, isa mga dahilan kung bakit ginawa ang ordinansa ay dahil sa mapanganib ang pagsisiga malapit sa mga poste at maaari ring maantala ang mga serbisyo ng mga kompaniya na nagsisilbi sa isang komunidad.

Samantala, inihalintulad din nito na ang pagsisiga halimbawa malapit sa mga poste ng kuryente ay maaaring maging dahilan ng sunog.

Dagdag pa ni Morania na merong mga pasaway na residente kaya’t kailangan talaga na mayroong ganitong ordinansa para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.

Samantala nanawagan naman ito ng kooperasyon sa mga residente sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.

Matatandaang ipinagpaliban muna ang pagtalakay sa nasabing ordinansa noong 12th regular session ng SP Aklan para sa kaukulang pag-aaral.

Thursday, January 23, 2014

DOT nanawagan sa SB Malay, kaugnay sa mga sira at binabahang kalsada sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nananawagan ang Department of Tourism o DOT Boracay kaugnay sa mga sira-sira at binabahang kalsada sa isla ng Boracay.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, mahalagang maaksyonan ito ng mga kinauukulan partikular na ang kalsada sa may palabas ng police station na matagal ng pinoproblema ng mga resort at establishment owners at motoristang dumadaan doon.

Maliban kasi sa mga nasirang mono blocks ay lubak, lubak na rin ang daan dahilan para itoy bahain at hindi halos madaanan ng mga tao sa tuwing umuulan.

Matatandaang matagal na rin itong naging concern ng ilang turistang napapadaan sa nasabing kalsada at napag-usapan na rin ito sa mga nagdaang session sa Malay.

Nais namang mangyari ng DOT na maging maganda ang mga kalsadahin sa Boracay para maiwasan ang ibat-ibang reklamo na kanilang natatanggap lalo na sa mga turista.

Samantala, patuloy parin ngayong binabaha ang ilang kalsadahin sa isla kahit na walang nararanasang pag-ulan dahil sa mga sirang mga tubo ng tubig at baradong mga kanal.

Operasyon ng helmet diving sa Boracay, hihigpitan ng LGU Malay at Life Guard Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maaaring higpitan ng LGU Malay at ng life guard Boracay ang operasyon ng reef walker o helmet diving sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos mapag-alaman na tatlo sa sampung nagkakaroon ng helmet diving activity sa isla ay hindi sinusunod ang ordinansang ipinalabas ng LGU Malay.

Ayon kay Boracay Life Guard Supervisor Miguel “Mike” Labatiao, sadyang mayroong mga pasaway na nasasagawa ng nasabing aktibidad sa hindi tamang lugar kung kayat kadalasang nasisira ang mga corals dahil sa angkla ng kanilang bangkang ginagamit sa helmet diving activity.

Sa ngayon umano ay iisang bangka nalang ang kanilang pinapayagang gamitin para sa lahat ng  helmet diving activity sa Boracay para maiwasan ang anumang disgrasya at pagkasira ng mga korales.

Sa kabilang banda nasa second-reading na ngayon ng SB Malay ang operasyon na nag-aamyenda sa reef walker o helmet diving sa Boracay.

Ito’y makaraang talakayin sa Session ang nasabing problema dahil sa hindi pagsunod sa itinalagang area ng operasyon para dito at nag-uutos na bigyan ng parusa ang lalabag sa Municipal Ordinance No. 314, series of 2012.

BFI, hinikayat ang publiko na makidalo sa beach cleanup ngayong darating na Pebrero

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hinihikayat ng Boracay Foundation Inc. o BFI ang publiko na makidalo sa beach cleanup ngayong darating na Pebrero a-uno.

Ito ay dahil sa nararanasang Northeast monsoon o Amihan na umi-epeketo sa beach area partikular na sa Bulabog Beach.

Dahil sa malakas na hangin at alon inaanod dito ang mga basura papuntang dalampasigan ng Bulabog beach na nagmumula pa sa mainland ng Malay at kalapit na isla gaya ng Romblon.

Papangunahan naman ng BFI ay ang coastal cleanup sa February 1, araw ng Sabado simula 6:30 ng umaga sa front Beach ng Hayan Spa, Bulabog, Malay, Aklan.

Maaari lamang umanong magdala ng isang pirasong sako sa bawat partisipante at tumbler para sa ipro-provide na tubig ng Boracay Island Water Company (BIWC).

Ipinagbabawal din dito ang pagdadala ng plastic bag, plastic Bottles at snacks na maaaring makadagdag sa basura.

Samantala, may inilaan naman ang Boracay Foundation Inc. na inumin at pagkain para sa lahat ng partisipante sa beach cleanup.

Moratorium sa pag-isyu ng permit to transport sa Boracay, ibinaba dahil sa mga pekeng permit to transport

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pansamantala munang suspendido ang pag-iisyu ng permit to transport sa mga motorsiklo sa Boracay.

Ito’y matapos ibinaba ng LGU Malay ang isang moratorium para sa mga itatawid na motorsiklo sa isla epektibo ngayong Biyernes.

Nadiskubre umano kasi mismo ng LGU na may mga peke o dinoktor na permit to transport at sticker ng mga motorsiklo dito.

Bagay na kinumpirma ni mismong Senior Transportation Regulation Officer Cesar Oczon Jr. ng Municipal Transportation Office.

Sinabi nito na may mga motoristang dinoktor ang kanilang mga dokumento dahilan upang malaya ang mga itong makapasok sa isla.

Samantala, sinabi din ni Oczon na ang mga may-ari ng motor na nahuli at nagkaroon na ng hanggang tatlong paglabag ay maaari umanong tanggalan ng permit to transport at pagmumultahin.

Nabanggit din ni Oczon na noong nakaraang taon ay nagkaroon din sila ng temporary suspension dahil sa mga pagkalat ng mga pekeng permit.

Muli naman nitong ipinaalala na hanggang ngayon na lamang ang pag-proseso sa pagkakaroon ng permit to transport dahil sa magiging epektibo na sa araw ng Biyernes ang nasabing kautusan.

Wednesday, January 22, 2014

Preparasyon para sa Ati-Atihan sa Ibajay Aklan, kasado na

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kasado na ang preparasyon ng Lokal na pamahalaan ng Ibajay Aklan para sa kanilang Ati-Atihan Festival ngayong darating na Linggo.

Ayon kay Aireen Alag ng Ibajay Mayor’s Office.

Ngayong araw ng Biyernes ay magkakaroon sila ng Municipal Day na lalahokan ng lahat ng Baranggay sa Ibajay.

Nitong mga nakaraang araw umano ay ibat-ibang programa na ang itinanghal sa kanilang Municipal plaza na nilahukan ng artista at singer na sina Karylle at Markki Stroem.

Aniya, sa pagsapit ng Linggo ay isang misa ang gaganapin sa Ibajay Church na inaasahang dadagsain ng mga deboto ni Sr. Sto NiƱo.

Matapos nito ay magkakaroon ng parada ang mga tribong kalahok mula sa ibat-ibang baranggay ng nasabing bayan bago ang mass presentation sa Plaza.

Matatandaang nito lamang nakaraang linggo ay nagtapos ang mahabang selebrasyon ng Sto. NiƱo Ati-Atihan Festival sa bayan Kalibo na dinaluhan ng libo-libong katao at naidaos ng matagumpay.

Samantala, apat na bayan sa Aklan ang nagdiriwang ng Ati-Atihan Festival sa probinsya ng Aklan na kinabibilangan ng Kalibo, Ibajay, Makato at Altavas na nagdiriwang ng kapistahan ngayong araw at ang isla ng Boracay na naunang nagdiriwang noong Enero a-dose.