YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 01, 2014

Ilang establisyemento sa Boracay, nadiskubrehang hindi parin sumusunod sa 25+5 meter easement rule - NTWG

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bagamat nasa 93-porsyento na ang mga resort sa Boracay na sumunod sa 25+5 meter easement rule.

Sinabi parin ng National Technical Working Group (NTWG) sa kanilang isinagawang ocular inspection sa isla na mula sa Station 1 hanggang Station 3 ay may mga establisyemento paring hindi sumusunod sa 25+5 meter easement rule na nakapaloob sa five-year Boracay re-development plan.

Kaugnay nito, binigyan ang mga resort owner ng hanggang Marso 15 ngayong taon para sumunod sa kautusan.

Kung mabigo umano ang mga itong sumunod sa direktiba, ang lokal na pamahalaan na mismo ang gigiba sa anumang istrukturang nakapaloob sa 25+5 meter easement rule.

Ang 25+5 meter easement rule ay ang patakaran ng pamahalaan kung saan hindi maaaring magtayo ng anumang istruktura ang mga resort owner sa loob ng 30 metro galing sa dagat.

Samantala, kabilang sa mga bumisita sa isinagawang ocular inspection sa isla ay sina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Tourism Secretary Ramon Jimenez, at mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kalibo International airport, pasok sa pinakamalaking airport sa bansa ayon ANNA

Ni Jay-ar  Arante, YES FM Boracay

Pasok ang Kalibo International Airport sa pinakamalaking paliparan sa bansa ayon ayon sa Airline Network News and Analysis website, www.anna.aero.

Dalawa sa Western Visayas ang nakapasok sa Top 6 kung saan nakuha ng Kalibo International Airport ang pang-apat na rangko habang ang Iloilo Airport ay nasa pang-anim na pwesto.

Kabilang sa Top 6 ay ang gateways sa Manila, pangalawa ang Cebu, pangatlo ang Davao, at pang-lima ang Cagayan de Oro.

Base sa statistical analysis, ng ANNA ang Kalibo airport ay may roong 30,573 departing seats at may 180 departing flights kada linggo at anim na operating airlines, na nagsisilbi ng 13 walang tigil na destinasyon.

Sa kabilang banda sinabi naman ni CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines OIC- Manager Cynthia Aspera ng Kalibo Airport na patuloy parin ngayon ang pagpapagawa ng run way ng Kalibo Airport.

Pinaghahandaan na rin umano ng CAAP at n Provincial government ang pagdami direct flights mula abroad .

Ang anna.aero ay isang Airline Network News & Analysis at isang open website na dedikado sa outstanding airline network planning intelligence na ginawa sa pamamagitan ng multi-disciplinary team. 

Friday, February 28, 2014

DILG Secretary Mar Roxas, pinasalamatan ang mga establisemyentong sumunod sa 25+5 meter set back sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinasalamatan ngayon ni DILG Secretary Mar Roxas ang mga establisemyentong sumunod sa 25+5 meter set back sa Boracay.

Sa ginanap na ocular inspection ng NTWG o National Technical Working Group kaninang umaga, sinabi ni Mar Roxas na magiging mas ligtas ang kinabukasan ng Boracay, dahil hindi mauubos ang puting buhangin ng isla na siyang asset nito.

Iginiit din ni Roxas na ang mga kongkretong istraktura ng mga long beach establishments dito ang dahilan ng beach erosion, kung kaya’t dapat na umano itong ipagbawal.

Samantala, sinabi pa Roxas na sana’y magpatuloy ang kooperasyon ng lahat para sa isla.

Nabatid na ginanap ang inspeksyon ng NTWG kanina bilang bahagi ng Boracay Redevelopment.

DILG Sec. Roxas, pinasaringan ang mga umano’y mang-aagaw lupa sa Boracay Ati Community

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinasaringan ngayon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas ang mga umano’y mang-aagaw lupa sa Boracay Ati Community.

Sa kanyang pagbisita sa mga taga Ati Community kaninang umaga bilang bahagi ng National Technical Working Group (NTWG) ocular inspection.

Sinabi ni Roxas na hindi dapat matakot ang mga Ati sa isla na ipaglaban ang kanilang karapatan sapagkat buong pwersa ng estado ang nakahandang sumuporta sa kanila.

Gayunpaman, pinuri rin ni Roxas ang mga taga Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at lahat ng ahensya ng gobyerno na nakiisa sa pagsasaayos sa buhay ng mga Ati sa Boracay.

Samantala, nilinaw rin ni Roxas sa mga nagtatangkang pumasok at mang-agaw ng mga lupain sa Boracay Ati Community na ang nasabing lupa ay legal na ipinagkaloob ng pamahalaan sa mga katutubo.

Aniya, Enero 21, 2011, ginawaran ng NCIP ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ang Boracay Ati Tribal Organization (BATO) para sa lupain.

Samantala, masaya din umano ito sa pakikipagtulungan ng mga Ati sa isla na ipaglaban ang kanilang karapatang lalo na’t sila ang itinuturing na nauna sa isla ng Boracay.

Ang Boracay Ati Community ay tirahan ngayon ng 40 pamilyang Ati o nasa mahigit dalawang daang  miyembro ang tribo.

Babaeng Korean national, nagreklamo sa Boracay PNP matapos tsansingan ng dalawang lalaking pinoy

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inereklamo ng dalawang Korean national ang dalawang lalaking pinoy matapos na di umano’y hinipo ng mga ito ang kanilang puwit.

Idinulog sa Boracay PNP ng mga biktima na sina Jung You Jin, 29 at Park Eun Mi, 22 ng Seoul South Korea ang nangyari matapos na habang nasa isang restaurant umano ang mga ito ay hinipuan ng dalawang dishwasher.

Nakilala naman sa blotter report ng Boracay PNP ang mga suspek na sina John Salido, 22 ng Agbago Ibajay Aklan at Christopher Baltazar, 24 ng Toledo Nabas Aklan.

Samantala, ayon pa sa mga pulis na habang kinokompronta umano nila ang mga nasabing suspek hinggil sa sinasabing “act of lasciviousness” ng mga Korean nationals, ay sinubukan pang manlaban ng mga ito.

Kaya’t maliban sa nasabing akusasyon, nahaharap rin ang dalawang suspetsado sa Resistance and Disobedience upon an agent of person in authority.

Kasalukuyan naman na nasa kustodiya ng Boracay PNP Station ang dalawang lalaki.

Security guard sa Boracay, patay matapos mahulog sa kanal ang sinasaksang motorsiklo

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dead on arrival sa ospital ang isang security guard matapos na sumalpok sa paso at  nahulog sa kanal ang sinasakyang motorsiklo sa Bgry. Yapak Boracay.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakilala ang biktima kay Rogie Tresballes, 23, ng Venturanza Banga Aklan at security guard ng Sangri-La Boracay.

Base sa salaysay ng mga nakasaksi sa aksidente na sina Garry Bartolome, 35 at Victor Bustamante, 35 ng Brgy. Camaligan, Batan, Aklan.

Palabas na umano sila sa nasabing hotel sakay ng isang motorsiklo nang makarinig ng isang malakas na pagsalpok at nang linungin umano nila ito ay nakita ang biktima at ang motor na nahulog sa kanal.

Sa isinagawa ring follow – up imbestigation, isang stay-in supervisor rin ang nakakita sa biktima na mabilis umano ang takbo na sumusunod sa isa pang motorsiklo na minamaneho nina Bartolome.

Nagtamo ng sugat sa noo ang biktima kung saan may sukat na 14cm, bali ang kanang tuhod gayundin ang kanang braso nito at leeg.

Mga atletang Aklanon na kalahok sa WVRAAM, paparangalan ng SP Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kinilala ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang mga atletang Aklanon na naging kalahok sa taunang WVRAAM ng Department of Education.

Sa resolusyon na iniakda ni SP Member Emmanuel Soviet Dela Cruz.

Ito ay naglalayong bigyan ng pagkilala at parangal ang mga batang manlalaro at trainer ng iba’t-ibang paaralan kung saan nakapagbigay ng karangalan sa probinsya.

Ang West Visayas Regional Athletic Association Meet (WVRAAM) ay ginanap nitong Pebrero sa San Jose Antique.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng DepEd Aklan sa nasabing hakbang ng provincial government at asahan umanong hindi dito nagtatapos ang pamamayagpag ng mga atletang Aklanon dahil hahataw pa ang mga ito sa susunod na mga atletic activities.

Mga taga NTWG, lalarga sa Boracay ngayong araw para sa isang ocular inspection

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Magiging abala na naman ang iba’t-ibang department heads ng LGU Malay ngayong araw.

Sasamahan kasi ng mga ito ang mga taga NTWG o National Technical Working Group para sa isang ocular inspection bilang bahagi ng Boracay Redevelopment.

Tampok sa mga lugar na iinspeksyunin ngayong araw ang establisemyentong binigyan ng compliance certificates for voluntary redevelopment nitong nakaraang buwan ng Oktubre ng nakaraang taon.

Maliban sa mga nasabing establisemyento, iinspeksyunin din ng buong team ang Ati Village, at Cagban Port.

Matatandaang ipinag-utos ni mismong Pangulong Pnoy sa mga taga NTWG na binubuo ng DOT, DENR, DILG at DOJ na i-review ang environmental, commercial, tourism, at law and order ng Boracay kasama na ang Baguio, bilang paghahanda sa mga comprehensive plans at programs para mapangalagaan ang mga nasabing national asset ng bansa.

BFP Boracay, pinaigting ang information at education campaign ngayong Fire prevention Month

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay ang information at education campaign ngayong fire prevention month.

Ayon kay Boracay Fire Inspector Joseph Cadag.

Magsasagawa sila ng Motorcade mula sa Cagban Jetty Port hanggang sa Baranggay Yapak sa darating na araw ng Sabado o unang araw ng Marso para ikampanya ang kahalagahan ng fire prevention safety.

Nabatid na ang malawakang information campaign ng BFP ay isa lang sa sa aktibidad na nakahanay ngayong papasok na buwan ng Marso.

Kabilang din sa kanilang campaign ay ang pag-iikot sa mga paaralan sa isla para ipaalam sa mga mag-aaral hinggil sa mga posibleng pagmulan ng sunog o kung ano ang dapat na hindi gawin sa sandaling magkaroon ng sunog.

Matatandaang sunod-sunod ang nangyaring sunog sa Boracay nitong unang dalawang buwan ng taong 2014 na ikinabahala ng Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay.

Ang pagpapaigting ng kampanya sa pag-iwas sa sunog ay buong taong commitment ng lokal na pamahalaan ng Malay at ng BFP para matiyak na ligtas sa sunog ang mga Malaynon at ang isla ng Boracay.

Thursday, February 27, 2014

Importansya ng “No smoking policy” ipinaabot ng CSC Aklan sa SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“No smoking policy”

Ito ang matagal ng kampanya ng Civil Service Commission o CSC sa mga National at Local Government Unit sa bansa.

Sa SB session ng Malay nitong Martes, isa sa mga naging panauhing pandagal ay si Director II Cynthia Aranas ng Civil Service Commission ng Aklan Field Office.

Dito idinetalye ni Aranas kung gaano kahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo malapit o sa loob mismo ng tanggapan ng opisina ng gobyerno.

Aniya, kinakailangan na may sampung metro ang layo ng mga naninigarilyo mula sa mga opisina o alin mang departamento maging ang mga paaralan lalo na sa Unibersidad.

Ito umano ay bilang bahagi parin ng kanilang kampanya na “Pro Health and Pro Wellness Policy to Anti Tobacco Smoke”.

Ipinabatid naman ni Aranas na mas grabe ang epekto ng mga second hand smoke kaysa sa mga mismong naninigarilyo.

Ayon naman kay Malay Vice Mayor Wilbec Gelito, bagamat ipinapatupad na rin nila ito sa LGU Malay ngunit hindi parin umano ito isang daang porsyentong nasusunod.

Sinabi pa nito na magsasagawa na rin sila ng preperasyon ukol dito at nangakong mas mai-improve nila ito taon-taon.

Sa ngayon lalong tumataas ang bilang ng mga naninigarilyo sa bansa na ikinalulungkot naman ng Civil Service Commission dahil sa maraming mga tao ang naapektuhan ng ibat-ibang sakit na nakukuha sa sigarilyo.

MASBOI, humakot ng parangal sa 2014 Iloilo Paraw Regatta Festival - 42nd Edition

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Laking tuwa ng mga taga Malay Association Sailing Boat Owner's Incorporated (MASBOI) nang makapag-uwi ng karangalan sa bayan ng Malay.

Ito’y matapos na humakot sila ng parangal sa ginanap na 2014 Iloilo Paraw Regatta Festival - 42nd Edition nitong February 23, 2014 sa Villa Beach Shoreline at Villa Festival Grandstand sa Iloilo City.

Ayon kay MASBOI Chairperson Manny Casidsid, ang nasabing patimpalak ay nilahukan ng nasa animnaput tatlong mga sailboat mula sa iba’t-ibang bayan sa Panay.

Kaya’t laking tuwa talaga umano nila na hindi nasayang ang tulong ng Malay Tourism Office at iba pang organisasyon sa kanilang sinalihang kompetisyon.

Aniya, mahigpit na preparasyon ang kanilang ginawa bago sumabak sa kompetisyon.

Tinanghal bilang kampeon ang Jofman B3, 2nd place ang Naknak ni Gad, 12th place ang Transporter ni Ariel Lim, 6th place ang Discovery ni Jeocelen Prado, at 9th place naman Tinyurey.

Ang “Paraw Regatta” ay ang pinakalumang sailing event sa Asya kung saan madalas dinadayo ng mga turista dahil sa makulay nitong mga paraw (sailing boats).

Wednesday, February 26, 2014

MOA para sa Boracay bridge project, nasa calendar na para sa second reading ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa calendar na para sa second reading ng SB Malay ang MOA o Memorandum of Agreement para sa Boracay bridge project.

Ang nasabing MOA ay sa pagitan ng Daewoo Engineering and Construction Co. Ltd na hiniling ni Malay Mayor John P. Yap, kaugnay sa construction ng Boracay Bridge Project na io-operate sa ilalim ng Build-Operate-Transfer o BOT project package.

Sa session ng SB Malay kahapon, sinabi ni SB Member Rowen Aguirre na magkakaroon sila ng committee hearing tungkol dito.

Aniya, dito malalaman kung magpapasa sila ng rekomendasyon para imbitahin ang Daewoo Engineering and Construction Co. Ltd para sa kanilang presentasyon.

Nabatid naman na kung sakaling maimbitahan ang Daewoo ay gusto ng mga konsehales na mai-presinta sa kanila ang kanilang plano para sa Boracay bridge project.

Kaugnay nito masyado pang malabo para sa ilang konsehales ang nasabing proyekto dahil sa marami pa rin silang dapat unahin at pagtuunan ng pansin.

Misis, sumugod sa isang restaurant sa Boracay matapos tuksuhing bading ang mister

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sinugod ng misis ang isang waiter sa isang restaurant sa Boracay matapos na di umano’y tinutukso nitong bading ang kanyang mister.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, inereklamo ni Jonas Sulat, 23, ang mag-asawang sina Irene Aquino, 25 at Judy Aquino, 30 ng Pandan Antique matapos na bugbugin ito sa kanyang tinatrabahuhang restaurant.

Ayon sa salaysay ng biktima sa Boracay PNP, kasama umano nito ang katrabahong si Mark Aliben nang dumating ang mag-asawa, kung saan kinokompronta sya ng misis at pinagsasalitaan ng hindi maganda.

Hindi naman umano ito pinansin ni Sulat subalit napikon ang misis at sinabuyan ito ng buhangin sa mata na naging dahilan kung bakit nagkaroon nang komusyon at pinagtulungan syang bugbugin ng mag-asawa.

Samantala, habang nasa kustodiya ng Boracay PNP Station, naghain naman ang mag-asawa ng counter blotter laban kay Sulat dahil sa mga natamong sugat at pagkagat nito sa daliri ng nasabing misis.

BIR Aklan, nilinaw na hindi exempted ang mga Ita sa pagbabayad ng buwis

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Marami sa mga Ita ngayon sa isla ng Boracay ang nagtatanong kung exempted ang mga indigenous people sa pagbabayad ng buwis.

Kaya naman, binigyang linaw ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Aklan ang nasabing isyu.

Ayon kay BIR Aklan Revenue District Officer Eralen de Aro.

Hanggat mayroong income o kinikita ay hindi exempted ang mga Ita at sa halip, kailangang magbayad ng kaukulang tax sa BIR.

Gayunpaman, sinabi rin nito na wala pa umanong provision kung ang mga indigenous people ay hindi kasama sa mga magbabayad ng buwis.

Samantala, nagpapasalamat naman si De Aro na nabuksan umano ang isyu hinggil sa mga karapatan ng Ita sa pagbabayad ng buwis.

Kaya’t sinabi rin nito na e-rereview ng BIR ang ilan pang mga alituntunin para sa mga itang tax payers at nagtatrabaho.

Mga traysikel driver sa Boracay, tadtad na ng seminar, ngunit pasaway parin ang ilan

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagbabayad naman kami, pero bakit hindi sila nagpapasakay?

Ito ang dismayadong tanong ng isang ginang sa aming himpilan nitong umaga, habang inire-reklamo ang mga traysikel na umano’y hindi nagpapasakay sa kanilang mga anak na estudyante.

Ayon kay Aling Nene, hindi totoong pangalan, mga limang traysikel na ang kanilang pinapara sa loob ng mahigit-kumulang kalahating oras, subali’t namimili umano ang mga ito ng pasahero.

Nag-alala tuloy ito kanina na baka ma-late sa klase ang kanyang mga anak.

Kaya naman hiniling nito sa mga traysikel driver na gawin ang kanilang obligasyon at huwag mamili ng pasahero.

Samantala, aminado naman tungkol dito si BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative General Manager Ryan Tubi.

Sinabi nito sa kanyang text message na tadtad na sa seminar ang kanilang mga drayber pati na ang mga may-ari ng traysikel, subali’t hindi parin nagbabago ang iba.

Ayon naman kay Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo, isasabay nya sa briefing ng mga idi-deploy na pulis sa mainroad ang tungkol sa bagay na ito upang mapaalalahanan ang mga nasabing driver.

Hinimok din nito ang publiko na idulog sa kanilang himpilan ang reklamo tungkol sa mga driver na namimili o hindi nagpapasakay ng pasahero para sa karampatang aksyon.

Sirang kalsadang palabas ng police station sa Boracay, inaksyonan na ng LGU Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaksyonan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay ang sira-sirang kalsada palabas ng police station sa Boracay.

Ito’y makaraang maraming mga turista ang nagrereklamo dahil sa lubak-lubak na daan at kadalasan ay binabaha pa sa tuwing umuulan.

Sa ngayon ay tinanggal na ang mga nasirang mono blocks na mula sa area ng beach front palabas ng main road Manoc-manoc.

Una nang ipinaabot ng Department of Tourism o DOT Boracay ang nasabing problema sa mga kinauukulan dahil na rin sa ilang reklamo ng mga resort at establishment owners sa nasabing lugar.

Ipinabatid naman ni Manoc-manoc Brgy. Captain Abram Sualog nitong mga nakaraang Session ng Malay na gagawa rin sila ng aksyon para maisaayos ang nasabing kalsada.

Sa ngayon patuloy paring inaayos ang sirang kalsada palabas ng police station at papasok ng beach front sa station 3 Boracay.

Mga magbabakasyon sa nalalapit na summer season sa Boracay, pinayuhan ng BTAC

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinayuhan ngayon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang mga bakasyunista sa isla ng Boracay na maging alerto para hindi mabiktima ng kawatan.

Ayon kasi kay Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo.

Ngayon pa lang ay parami na ng parami ang mga bakasyunista sa isla at inaasahan na dadagsa pa ito pagdating ng summer season.

Kaya’t dinagdagan na rin umano ngayon ang mga pulis sa isla para mapaghandaan ang mga nagbabalak na gumawa ng krimen lalo na sa mga may planong magnakaw.

Samantala, sinabi din ni Salvo na magpapakalat ang Boracay PNP ng maraming “secret tourism police” na siyang magbabantay sa mga matataong lugar.

Maliban dito, nakaalerto parin umano ang “Theft and Robbery” section sa BTAC na siyang tututok sa mga kaso ng nakawan.

Samantala, ipinaalala din nito sa mga magnanakaw at may balak magnakaw sa Boracay, na maraming marangal na trabaho na maaaring pasukan, kaysa gumawa pa umano ng krimen.

SB Member Rowen Aguirre, nagpasa ng resolusyon kontra kay Crisostomo Aquino ng Westcove

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpasa kahapon ng resolusyon si SB Member Rowen Aguirre laban kay Crisostomo Aquino ng West Cove Boracay.

Ito’y may kaugnayan sa umano’y ginawang pambabastos o pagsasalita ng hindi maganda ni Aquino kay Baranggay Captain Neneth Graf ng Motag, Malay, Aklan.

Sa naging privileged speech ni Aguirre sa SB session ng Malay kahapon, sinabi nito na nakarating sa kaniya ang nangyari tungkol sa ginawa ni Aquino.

Iginiit nito na hindi maganda ang ginawang pang-iinsulto ni Aquino sa miyembro ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Sa sobrang galit ni Aguirre, tinawag nitong worst violator si Aquino at ipinasa ang resolusyon para ideklara itong persona non-grata.

Sinang-ayunan naman ito ng mga konsehales, dahil ayaw umano nilang ma tolerate ang ganitong klaseng gawain sa mga mamamayan ng Malay.

Nabatid na inireklamo ni Graf si Crisostomo Aquino nitong Linggo, matapos umano itong sigawan, at pinagmumura ng huli. 

Tuesday, February 25, 2014

TREU, aminadong marami parin ang mga illegal na komisyoner sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Marami parin ang mga illegal na komisyoner sa beach front ng Boracay.

Ito’y sa kabila ng kampanya at mga hakbang na ginagawa ng LGU Malay upang masawata ang pangungulit, at pananamantala ng mga ito sa mga turista.

Bagay na aminado naman dito si TREU o Tourism Regulations Enforcement Unit Head Wilson Enriquez.

Sa kanyang text message sa himpilang ito, sinabi ni Enriquez na marami na rin silang reklamong natatanggap tungkol sa mga nasabing komisyoner.

Magkaganon paman, iginiit nito na wala silang otoridad upang hulihin ang mga ito, kung di ang mga MAP o Municipal Auxiliary Police at mga taga BTAC o Boracay Tourist Assistance Center.

Samantala, pinag-iingat naman ng mga taga MTour o Municipal Tourism Office at ang DOT o Department of Tourism Boracay ang mga turista upang hindi maloko ng mga pasaway na komisyoner.

Boracay Solid Waste Action Team, patuloy ang paglinis ng mga kumalat na sea wall debris sa baybayin

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Abala pa rin ang mga taga BSWAT o Boracay Solid Waste Action Team sa paglilinis ng mga kumalat na bato o debris mula sa mga tinibag na seawall sa beach line ng isla.

Pansin ito tuwing low tide kung saan ang mga tipak ng construction waste ay kanilang tinitipon at mano-manong sinasako para matapon ito ng maayos.

Naging sistema ito ng BSWAT alinsunod sa utos ni Boracay Chief Operating Officer Glenn Sacapano pagkatapos na kapansin pansin na tinatangay ng alon ang mga debris tuwing high tide.

Bagamat aminado ang task force na kailangan pa ng angkop na sulosyon para dito,  mas mainam umanong may ginagawang solusyon para malinis ito at hindi na makasagabal pa sa mga turista.

Samantala, inaantay naman sa ngayon ang Replenishment Program ng BRTF para matambakan di-umano ang mga mababang parte ng baybayin lalo na Station 1 gamit ang vacuum na siyang hihigop ng buhangin mula sa gitna ng dagat.

Sa ngayon, inaantay naman ang iba pang rekomendasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources at iba pang ahensya na binigyan ng mandato para ayusin ang Boracay.

Dahil sa nawawalang flag lets, Swedish national sa Boracay nagwala

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Where is my flag lets?”

Ito ang sigaw ng isang Swedish national matapos na mawala ang kanyang mga bitbit na flag lets.

Ayon kasi sa report ng Boracay PNP, pumasok umano ito bandang alas dyes ng gabi sa isang bar sa Boracay dala ang mga nasabing flag lets at ipinatong sa mesa ng ilang mga guest doon.

Makalipas ang ilang sandali ay lumabas umano ito sa nasabing bar at bumalik bandang alas dose ng hating gabi at pinaghahanap ang mga iniwan nyang flag lets.

Subalit dahil sa nawawala na ang mga ito, kumuha ng botelya ang turista at galit na pinaghahampas ang mga umbrella stand ng nasabing bar.

Kaya’t minarapat ng supervisor ng establisyemento na humingi ng tulong sa mga taga Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nagkataon naman na rumoronda ang ilang mga kasapi ng pulisya kaya’t agad na naaresto ang lasing na Swedish national.

NFA Aklan, tiniyak na may sapat na bigas ang probinsya

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inaasahang hindi makakaranas ng gutom ang probinsya ng Aklan.

Ito’y matapos tiniyak ng National Food Authority (NFA) Aklan na hindi kukulangin ang probinsya sa supply ng bigas.

Ayon kay NFA Aklan Provincial Manager Martina Lodero.

Wala umanong dapat ikabahala ang publiko sa lalawigan sapagkat may sapat na suplay ng palay ang probinsya sa mga government warehouse, households, retailers, millers at wholesalers.

Samantala, sinabi rin nito na inaasahan din umano nila ngayon ang pagkakaroon ng kaliwa’t kanang harvest ng mga magsasaka habang papalapit ang harvest season lalo na sa mga bayan sa Western side ng Aklan.

Ipinabatid rin nito sa mga buying stations kung saan nahihirapan mag-deliver ng palay na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para matulungan.

Samantala, kasalukuyan naman umanong mabibili ang mga NFA rice sa halagang mahigit kumulang labing walong piso kada kilo.

Itinuturing ang Aklan na isa sa mga probinsyang may mataas na presyo sa palay dahil sa magandang kalidad na isinusuplay ng mga magsasaka.

Monday, February 24, 2014

Lalaki, nahuling nagnanakaw; Ikinustodiya sa Boracay PNP Station

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ikinustodiya sa Boracay PNP Station ang isang 21 anyos na lalaki matapos na mahuli ng pinsan nitong sya ay pinagnanakawan ng pera at cellphone sa loob ng kanyang kwarto.

Nakilala sa blotter report ng Boracay PNP Station ang suspek na si Jalal Mangondatu ng Manoc-manoc Boracay.

Ayon sa report, nahuli umano ng pinsang si Macmac Mangondatu ang pinsan na hawak hawak ang kanyang Samsung Cellular Phone at nagmamadaling lumalabas sa kanyang kwarto.

Kaya’t agad ring tiningnan ng biktima ang kita galing sa tinitindang sun glasses nito at nalamang nawawala na rin ang kanyang pera na nagkakahalaga ng 37, 000 pesos.

Humingi naman umano ito ng tulong sa kanyang kapitbahay, kung saan isang bata ang nakapagturo sa kinaroroonan ng suspek na nagtago sa bahay ng  nakilalang si Tina.

Kasalukuyan naman sa ngayon na nasa kustodiya ng Boracay PNP Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Mga bagong graduates, maaaring maging dagdag sa unemployed - DOLE Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Marami umanong mga bagong graduate ang medyo nahihiya kung lumampas sa dalawa o higit pang buwan ng kaka-aaply, pero jobless parin.

Ito ang lumalabas ngayon sa pagsisiyasat ng Department of Labor ang Employment (DOLE).

Gayunpaman, pinaghahandaan na rin umano ng ahensya ngayon sa Aklan ang pagtaas ng demand sa trabaho ng mga bagong magtatapos sa kolehiyo.

Ayon kay DOLE Aklan Provincial Director, Bediolo Salvacion.

May nakalaang Public Service Employment Office para sa mga maghahanap ng trabaho sa bawat bayan na tutulong sa mga aplikante.

Payo rin nito sa mga mag-aaply ng trabaho na subukan ang ibang paraan tulad ng paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng internet.

Samantala, sinabi rin ni Bediolo na isa sa mga problema ngayon ng pamahalaan ang mga tinatawag na “job mismatch”, kung saan, maraming trabaho ang naghihintay pero kadalasan ay hindi ito tugma sa gustong trabaho o kakayanan ng aplikante.

Kaya’t sa pamamagitan umano ng kanilang “guidance counseling” hinihikayat nito ang mga kabataan na kunin ang mga kursong in-demand at may pagkakataong makapasok agad sa trabaho.

Suporta sa mga Ati Community sa Boracay, patuloy ayon kay Aklan Gov.Miraflores

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Patuloy na susuportahan ng Aklan Provincial Government ang mga Ati Community sa isla ng Boracay.

Ito ang naging pahayag ni Governor Florencio Miraflores, sa paggunita sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni Ati spokesperson Dexter Condez nitong Sabado.

Ayon kay Miraflores suportado nila ang ginagawang pakikipaglaban ng mga Ati Community sa Boracay at ang mga planong nais mangyari ng mga Ati sa kanilang kuminidad, lalo pa’t nakikita umano nitong may mga hakbang naring ginagawa ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

Samantala, pinasalamatan din ng governador ang mga Architect na gumawa ng magandang plano para sa tahanan ng mga katutubong Ati sa isla.

Aniya, hindi umano ito malayong maging isang tourist destination sa Boracay ngunit dapat pa rin umanong panatilihin ang kultura ng mga Ati.

Sa kabilang banda, dumating din sa unang death anniversary ni Condez ang ibat-ibang ahensya ng gobyenro at mga otoridad na kinabibilangan ng AFP, at PNP Region 6 sa pangunguna ni Chief Supt. Josephus Angan na ginanap sa Ati Village Sitio. Lugutan Manoc-manoc.

Pormal ding nagpaabot ng kaniyang pasasalamat si DILG Undersecretary Austere Panadero sa lahat ng mga gumabay at tumulong makipaglaban sa karapatan ng mga Ati sa Boracay lalong lalo na sa mga daughters of charity na sumusuporta sa mga Eta sa Boracay.

Mga sandcastles at sand lanterns, patok sa mga turista sa Boracay kahit bawal

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Patok sa mga turista sa Boracay ang mga sandcastles at sand lanterns kahit bawal.

Katunayan, tila bitin ang bakasyon ng ilang mga turista kung hindi makapagpalitrato sa tabi ng mga tinatawag din ng ibang tourist attraction sa isla. 

Marami din sa mga ito ang tila ok lang kung magkano man ang singil o hinihinging donasyon ng mga bata o di kaya’y tinedyer na tumatayong may-ari ng sandcastle.

Subali’t ikinabahala na ngayon ng mga otoridad sa isla ang talamak na gawaing ito.

Maliban kasi sa nakakasira umano ito sa natural na terrain ng dalampasigan, nagiging sagabal pa ito sa mga dumadaan.

Ayon naman sa ilang mga turista at bakasyonista, magaganda ang mga sand castles at lanterns na gawa ng mga bata, dahil nagpapakita ito ng pagiging pagkamalikhain.

Para naman sa mga otoridad, may kaukulang penalidad para sa mga mahuling gumagawa ng sandcastles o sand lanterns lalo na kapag walang permit.

JS Prom dapat maging simple at hindi magastos, ayon sa DepEd Aklan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Dapat maging simple at hindi magastos”

Ito ang gustong mangyari ng Department of Education o DepEd Aklan sa pagkakaroon ng JS Prom sa mga eskwelahan sa nasabing probinsya.

Ayon kay Mrs. Floradel Jamera, Sekretarya ni Schools Division Superintendent Dr. Jesse M. Gomez, gusto lang umano ni Gomez na ipagdiwang ito ng simple ngunit makabuluhan para hindi na rin mag-alala ang mga magulang at mga estudyante sa mga gastusin.

Aniya, may memorandum na ipinalabas si Dr. Gomez na kailangang sundin ng lahat ng mga School heads maging ang mga guro.

Dito nakasaad na kung magsasagawa sila ng JS Prom ay dapat sundin nila ang “no-collection policy”.

Nabatid naman na kung magsasagawa sila ng nasabing okasyon ay kinakailangan lamang nilang ipakita kung saan nagmula ang kanilang magagastos katulad ng mga donasyon.

Pabor naman sa DepEd na gawin nalang ito sa loob mismo ng paaralan kaysa sa magarbo at magastos na lugar.

Aniya, kung si Dr. Gomez lang ang tatanungin ay gusto nitong ipagpaliban ang JS para na rin sa kapakanan ng mga magulang ng mga mag-aaral na hanggang ngayon ay hikahos parin sa buhay at hindi pa napapagawa ang mga bahay na sinira ni “Typhoon Yolanda”.

Ang JS Prom ay isang tradisyon na inaabangang ng mga Junior -Senior high school student at karaniwang ginaganap sa buwan ng Pebrero at Marso taon-taon.