YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 22, 2015

Kalibo International Airport binatikos ng netizens

Posted August 22, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

credits to the owner
Umani ngayon ng batikos mula sa mga netizens sa social media partikular sa facebook ang Kalibo International Airport (KIA).

Ito’y matapos makuhaan ng litrato ang nasabing paliparan kung saan makikita ang mahigit sampung timba na isinahod sa tulo ng ulan sa loob mismo ng building.

Nabatid na ang tumutulong bahagi sa paliparan ay ang kakagawa pa lamang na terminal building area na bahagi ng pag-upgrade ng KIA.

Maliban sa tumutulong terminal building, isinama rin ng mga netizens ang kakulangan ng pasilidad ng nasabing airport at ang kamahalan ng terminal fee.

Tanong naman ng karamihan kung bakit ganito ang sistema ng Kalibo International Airport sa kabila ng isa ito sa mga nangungunang Airport sa bansa maging sa buong mundo.

Ang Kalibo International Airport ay ang main gateway ng lahat ng paliparan sa Panay Island dahil sa dami nitong tinatanggap na International flights mula sa ibat-ibang panig ng mundo.

Ilang lugar sa Aklan apektado kay Ineng; mga residente binalaan

Posted August 22, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit to Anthony Inostro
Binalaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang mga residente sa Aklan na mag-ingat sa posibleng pagbaha dulot ng bagyong Ineng.

Ito’y matapos na maranasan ang mataas na tubig baha sa Aklan River kahapon kung saan daan-daang residente ang nakatira malapit sa nasabing ilog.

Nabatid na walang tigil ang pagbuhos ng malakas na ulan sa bayan ng Libacao at Madalag sa Aklan dahilan ng pagtaas ng level ng tubig sa ilog.

Maliban dito ilang lugar din sa probinsya ang nakaranas ng pagbaha dulot ng magdamagang ulan simula pa noong nakaraang araw.

Bagamat walang nakataas na storm signal sa probinsya hindi naman isinasantabi ng PDRRMC ang paghahanda lalo na at nararamdaman ngayon ang Habagat Season.

Samantala, naka-antabay naman ang mga rescue team sakaling tumaas pa ang level ng tubig sa Aklan River.

Ang bagyong Ineng ay kasalukuyan ngayong nararanasan sa Northern Luzon kung saan inaasahan itong lalabas sa area of responsibility sa Lunes.

9 na pagkalunod naitala sa Boracay sa loob ng isang araw; mga biktima nailigtas

Posted August 22, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit to Mar Schoenenberger
Makasaysayan ang pagkaligtas sa siyam na muntik ng malunod sa Boracay kahapon sa loob lamang ng isang araw dahil kay bagyong Ineng na nagdala ng malakas na alon sa isla.

Sa tulong ng Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter Lifeguards, nailigtas ang siyam na buhay ng apat na Pinoy na kinabibilangan ng dalawang bata, dalawang matanda na Ilonggo, dalawang Korean National, dalawang Arabs, at isang Chinese National.

Dahil dito tinawag na mga bayani ni PRC Boracay-Malay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger ang mga lifeguard volunteer ng PRC dahil sa mabilis na pagrespondi sa mga biktima na muntik ng malunod kahapon.

Sinabi pa ni Schoenenberger na mabilis ang naging tugon sa pagrespondi sa mga biktima dahil sa mga naka-standby nilang Lifeguards patrol sa Stations 1 Willy's Rock , D'Mall station 2,  Tourist Center at Angol Beach station 3.

Bagamat walang nakataas na storm signal sa Visayas Region ngunit mas pinalakas naman ang Habagat dahil kay Typhoon Ineng na nananalasa ngayon sa Northern Luzon.

Samantala, paalala naman ng PRC sa mga maliligo sa dagat na huwag maligo mag-isa at kailangang nasa Red at Yellow Flags sign lamang sila maligo lalo na ngayong Habagat Season. 

Media, Police at Amy mas-pinalakas ang samahan

Posted August 22, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mas pinalakas pa ngayon ang samahan ng Media, Police at Army sa Aklan matapos ang isinagawang oath-taking ceremony ng Aklan Police and Defense Press Corps (APDP).

Ito ay dahil sa mga bago na namang itinalagang opisyal na nagsisimbolo ng malakas na samahan ng media at ng mga defense groups kagaya ng mga Pulis at Army.

Dahil dito ipinunto naman ni Vice Governor Gabrielle Quimpo na siyang panauhing pandagal sa oath-taking ceremony na kinakailangan ang samahan upang maipapatuloy at masiguro na ang probinsya ng Aklan ay matiwasay na tirahan, pangkabuhayan at mapagpatayuan ng negosyo.

Sinabi pa ni Quimpo na ang media ay isang critical na partner ng defense group dahil ito ang tumutulong sa pagpapalaganap ng mga programa ng Philippine National Police at Philippine Army.

Samantala, ang mga bagong hirang na opisyal ng Defense Press Corps ay kinabibilangan ng mga media sa Aklan mula sa Radyo, TV at Print.

Friday, August 21, 2015

“MS Legend of the Seas” hindi nasilayan sa Boracay dahil kay bagyong Ineng

Posted August 21, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for ms legend of the seasSi Typhoon Ineng ang siyang itinuturong dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagbisita ng barkong “MS Legend of the Seas” sa Boracay kaninang umaga.

Ito ang naging kumpirmasyon ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang ilang oras bago sana dumaong ang barko sa Boracay kaninang alas-8 ng umaga.

Nabatid na ang barko ay magmumula sa Maynila at diretsong Boracay para sana sa tour ng mahigit dalawang libong pasahero nito sa isla.

Sa ngayon hindi pa matiyak ni Maquirang kung kailan matutuloy ang pagbisita ng naturang cruise-ship dahil sa patuloy na sama ng panahon at lakas ng alon dulot ng Habagat.

Napag-alaman na nakalatag na sana ang seguridad sa pagdating ng barko hanggang sa mga sakay nitong pasahero sa pamumuno ng Provincial Government ng Aklan.

Ang “MS Legend of the Seas” ay nauna ng bumisita sa Boracay noong taong 2012 sakay ang halos mahigit dalawang libong turista at pitong daang crew na kinabibilangan din ng mga Pinoy.

Teknolohiyang gagamitin sa 2016 Elections hindi pa kinumpirma ng COMELEC Malay

Posted August 21, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for COMELEC ELECTIONHindi pa umano alam ng Commission on Elections (COMELEC) Malay ang kanilang gagamiting teknolohiya para sa darating na May 2016 Elections.

Ito ay sa kabila ng ginawang pag-deklara ni COMELEC Chairman Andres Bautista nitong Agosto 13, 2015 kung saan ang gagamitin umano sa darating na halalan ay ang bagong teknolohiya na Optical Mark Reader machines o OMR sa halip na Precinct-Count Optical Scanners para sa 2016 Elections.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II, Elma Cahilig, hindi pa umano sila nakakatanggap ng sulat mula sa main Office ng COMELEC tungkol dito ngunit kahit ano man umano ang magiging desisyon sa itaas ay susundin naman umano nila ito.

Nabatid na sa OMR ay kinakailangan lamang ng isang botante na mag fill-up sa balota na may pre-printed name ng kandidato sa pamamagitan ng pagkulay sa bilog kasunod ng pangalan ng piniling kandidato at pagkatapos nito ay ihuhulog ito sa OMR kung saan isa-scan naman nito ang balota.

Organic mineral panlaban sa masangsang na amoy sa mainroad Balabag

Posted August 21, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for organic mineralsOrganic mineral ang panlaban sa halos mag-iisang buwan ng nararanasang masang-sang na amoy sa mainroad ng Balabag, partikular sa harapan ng D’Talipapa Boracay.

Ayon kay Malay EMS Administrative Assistant Adel Lumagod, ikinaalarma rin ng Environmental Management Board ng Malay ang nasabing problema kung saan agad umano silang nagsagawa ng pagsusuri para dito.

Sinabi ni Lumagod na nagmumula ang masangsang na amoy sa mga basura na galing sa ibat-ibang restaurant malapit sa lugar na inilalagay sa isang pick-up area ngunit tumatagas umano ito dahilan para bumaho ang nasabing kalsada.

Dahil dito pinayuhahan rin nila ang mga naglalagay ng basura sa nasabing lugar na kung maaari ay salain muna nila ito bago ilagay sa pick-up area.

Nabatid na naglagay na rin sila ng organic mineral kung saan nagmumula ang masamang amoy para maibsan ang baho nito na nakakatawag pansin sa mga taong dumaraan sa lugar.

Samantala, ang mainroad area sa D’Talipapa ay isa sa mga pinakamataong lugar sa Boracay dahil dito makikita ang ibat-ibang klase ng kainan sa isla, souvenir shops at mga naglalakihang hotel.

Mga miyembro ng BAG sumailalim sa Orientation

Posted August 21, 2015
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Isang orientation at planning session ang isinagawa ng Municipal Tourism Office sa mga miyembro ng Boracay Action Group o BAG kahapon sa Eurotel Boracay.

Ilan sa mga tinalakay ay ang Executive Order No.005 series of  2012, an order creating the Boracay Action Group na ngayon ay binubuo ng mga enforcers at volunteers katulad ng TREU ( Tourism Regulatory Enforcement Unit ), MAP (Malay Auxiliary Police), at Salaam Police .

Ang bawat grupong nabanggit ay nagsagawa ng presentasyon sa harap ng mga stakeholders at mga law enforcement agaency para ilatag ang pangunahing function ng mga ito at mga ordinansang ipinapatupad at kung saan at paano ang deployment nila sa Boracay.

Ayon naman kay BAG Adviser Leonard Tirol, magandang inisyatibo ito lalo na at may bagong chief of police ang BTAC sa katauhan ni PS Danilo Delos Santos kung saan layunin nito na mas mapapaigting ang paglatag ng seguridad sa isla.

Sa ganito din umanong paraan malaman ng bawat grupo kung saan pa sila dapat mag-talaga ng kanilang tao at kung papaano pa nila mapaganda ang kanilang serbisyo.

Samanatala, nagbigay payo naman si Boracay Island Chief Operating Officer Glenn Sacapano na dapat ang mga miyembro ng BAG ang magsilbing huwaran sa pagsunod ng ordinansa para pamarisan ng kumunidad.

Ang Boracay Action Group ay katuwang ng mga organic agencies katulad ng BTAC , Philippine Army, Maritime Group at Philippine Coast Guard.

Thursday, August 20, 2015

Mga botante pinapahabol sa biometrics registration

Posted August 20, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for comelec registrationPinapahabol na ng Commission on Elections (COMELEC) Malay ang mga botante na hindi pa sumailalim sa biometrics registration.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II, Elma Cahilig, nakakda umano silang magsagawa ng satellite registration sa brgy. Argao sa bayan ng Malay ngayong araw ng Sabado para sa mga hindi pa nakuhaan ng litrato, lagda at finger prints kasama na ang validation.

Maliban sa mga taga Argao hinihikayat din nito ang mga kalapit na brgy. na wala pang biometrics na humabol na rin sa kanilang ilalagay na satellite office sa nasabing lugar.

Muli namang paalala ni Cahilig na hanggang Oktobre nalang ngayong taon ang kanilang registration period at kung sino umano ang hindi sumailalim nito ay hindi makakaboto sa 2016 Election dahil sa mahigpit na ipinatupad ng COMELEC na “No Bio-No Boto”.

Samantala, nasa 500 naman ang sumailim sa biometrics registration ng COMELEC Malay sa Brgy. Manoc-manoc sa Boracay matapos silang maglagay ng satellite office nitong nakaraang Sabado.

Wednesday, August 19, 2015

Operasyon ng Boracay hospital pansamantala ng tumigil; mga staff inilipat sa ibang hospital

Posted August 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Lunes ng simulang ipatigil pansamantala ni Aklan Governor Florecio Miraflores ang operasyon ng Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital o Boracay Hospital.

Ito ay para bigyang daan ang construction ng phase 2 hospital na pinondohan ng Department of Public Works and Hi-Ways (DPWH).

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer II Dr. Victor Sta. Maria, sarado na ngayon ang naturang pagamutan na siyang bahagi ng phase 2 construction ng DPWH.

Aniya, ang ilang staff at doktor ng Boracay hospital ay pansamantala munang inilipat sa Malay Municipal Hospital habang ang iba naman ay sa Aklan Provincial Hospital.

Sinabi din nito na sakaling matapos na ang construction ay agad namang pababalikin ang mga  staff para makatugon sa pangangailangan ng mga mamamayan sa isla ng Boracay.

Samantala, ang dating isang palapag na pagamutan ay gagawin ng tatlong palapag kung saan dadagdagan din ito ng mga aparato at personnel para hindi na kailangang dalhin pa ang mga pasyente sa mainland para magpagamot.

Road setback sa Boracay nasa 32 porsyento na ang nag-comply

Posted August 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinatayang nasa 32-35 percent na umano ang nag-comply sa ipinatupad na 6 meters road set back ng Local Government Unit ng Malay sa Boracay.

Ayon kay Head Engineer Azur Gelito ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF), may mga nabigyan na din umano sila ng ultimatum upang sumunod sa nasabing set back kung saan nag-comply naman umano ang mga ito.

Ngunit sinabi ni Azur na may ilang mga establisyemento na kasama sa setback ang hindi nila nabigyan ng ultimatum para mag-comply dahil mayroon pa umanong existing permit ang mga ito.

Dahil dito nagbigay din umano sila ng commitment kung kaylan sila susunod at sakali namang mabigo silang tumupad ay mabibigyan sila ng penalidad.

Samantala, karamihan naman umano sa mga nag-comply ay ang mga nasa Ambulong area papuntang Balabag proper.