YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 30, 2015

Ilang residente sa Boracay nag-petisyon kaugnay sa itinatayong Ocean Park sa Puka Beach

Posted May 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

www.facebook.com
Ilang lokal na residente at turista sa Boracay ang nag-petisyon ngayon kaugnay sa itinatayong commercial development sa Puka Shell Beach.

Ilan sa mga nag-petisyon ay nais na ipahinto ang development sa nasabing area na maaaring makasira sa ecosystem ng northern tip ng isla.

Hiling ng mga nagpetisyon na tulungan sila na protektahan ang natitirang pristine beach, forest at wildlife sa Boracay kung saan natatakot umano silang mawala ito.

Napag-alaman naman nitong March 29 ng kasalukuyang taon ay umabot na sa 8, 417 katao ang pumirma para sa nasabing petisyon.

Base naman sa website ng Seven Seas na siyang developer nito, nakasaad dito na ang Boracay property ay may pinakamalaking bilang ng underwater hotel resort rooms.

Maaari din umanong makita ng mga guest ng malapitan ang spectacular marine life sa banyo ng kanilang hotel room.

Samantala base sa website ng Seven Seas, inaasahan ng nasabing resort na magbubukas sila sa kalagitnaan ng taong 2016.

Nabatid na maraming mga local at international tourist ang dumadayo sa Puka Shell Beach dahil sa tahimik at magandang lugar kung saan walang mga establisyemento ang nakatayo rito. 

Provincial Tourism Office nagsagawa ng “audit” sa potential tourist areas sa Aklan

Posted May 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kasalukuyan ngayong nagsasagawa ng “audit” ang Provincial Tourism Office ng Aklan sa mga tourism sites sa probinsya.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Roselle Ruiz, marami umano sa ibat-ibang bayan sa Aklan ang dini-develop ang kanilang kasalukuyan at may potential na tourist attractions.

Sinabi nito na gusto umano nilang palawakin ang mga benipisyo ng turismo sa iba pang mga lugar sa probinsya ng Aklan para mai-promote.

Gusto din umano nilang malaman kung saan sa mga ito ang may potensyal na atraksyon na maaaring mai-promote sa labas ng probinsya sa buong mundo.

Nabatid na ang audit ay binubuo naman ng mga grupo mula sa Department of Tourism, Aklan Tourism Officers Association, media, marketing personalities at iba pa.

Samantala, kabilang sa may mga potential attractions sa ibang bayan sa Aklan ay ang mga naggagandang falls, rivers, farm mga bundok, historic place, plaza at mga sikat na Piña Weaving.

Seguridad sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo, ikinakasa na ng APPO

Posted May 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral ngayong pagbubukas ng klase ang siyang pangunahing agenda ng mga kapulisan sa probinsya ng Aklan.

Ayon kay Public Information Officer P03 Nida Gregas, nailatag na umano ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang kanilang “Balik Eskwela 2015” para matututukan ang mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo 1.

Maliban dito nakatutok din umano sila sa peace and order sa mga business area kung saan maglalagay din sila ng assistance desks at mobile patrols malapit sa mga paaralan.

Kaugnay nito mamimigay din ng mga crime prevention tips ang mga kapulisan sa mga magulang at estudyante ngayong opening ng klase.

Samantala, may deriktiba rin ang mga kapulisan mula sa kanilang higher headquarters para maiwasan ang bullying sa mga paaralan.

Friday, May 29, 2015

32nd Annual General Membership Assembly ng Akelco, ikakasa ngayong Hunyo

Posted May 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for AKELCOSa darating na araw ng Sabado Hunyo 6 muling ikakasa ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ang 32nd Annual General Membership Assembly (AGMA).

Ito ay may temang “Strengthening the Spirit of Cooperatives through Excellent Services” na gaganapin sa ABL Sports & Cultural Complex, Capitol Site, Kalibo, Aklan sa ala-1 ng hapon.

Dagdag rito ipinapaabot naman sa mga posibleng gustong tumakbo sa paparating na mga District Elections na ang dagdag requirement sa pag-file ng Certificate of Candidacy ay dalawang attendance o partisipasyon sa AGMA.

Ito naman ay tungkol sa Republic ACT (RA) 10531, na may attendance sa nasabing AGMA sa loob ng limang taon bago ang filing ng certificate of candidacy na kailangang ngayon para kumandidato sa Board.

Kaugnay nito hinihikayat ang lahat ng kunsumidor na dumalo sa nasabing assembly para malaman ang tungkol sa nangyayari at mga plataporma ng AKELCO.

Samantala, naitala naman ng AKELCO noong nakaraang taon ang pinakamaraming dumalo sa AGMA na umabot ng halos sampung libong kunsumidor mula sa ibat-ibang distrito sa Aklan at ilang bayan sa Antique na binibigyan ng suplay ng nasabing kooperatiba.

Problema ng Boracay sa septic waste water, sasaklolohan ng DOST

Posted May 29, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Sasaklolohan ng DOST o Department of Science and Technology ang problema sa septic waste water ng Boracay.

Katunayan, nabatid na tumungo na rito sa isla ng Boracay dalawang linggo na ang nakalilipas, ang grupong pinangunahan mismo ni Dr. Merlinda Palencia mula sa Adamson University.

Nagsagawa na pala ang mga ito ng pagsusuri o testing sa mga septic tanks ng ilang hotel sa isla gamit ang kanilang ORGANOMINERALS technology.

Sa pamamagitan ng ORGANOMINERALS, nabatid na iti-treat o lilinisin ang maruming tubig mula sa mga hotel sa isla gamit ang tinatawag portable waste water treatment system.

Base naman sa press release ng DOST, nabatid na unang ginamit ang ganitong teknolohiya sa Tacloban matapos ang trahedyang dala ng nagdaang bagyong Yolanda, kung saan naging positibo umano ang resulta nito.

Ito rin umano ang nagtulak sa DOST upang tulungan ngayon ang isla ng Boracay.

Samantala, nabatid na nagpahayag na rin ngayon ng interes sa nasabing teknolohiya ang LGU Malay, kung kaya’t iminungkahi mismo ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño sa grupo nina Palencia na gumawa na ang mga ito ng proposal at policy recommendations.

DFA may babala sa mga OFW kaugnay sa Human trafficking sa Aklan

Posted May 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagbigay ngayon ng babala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga nais mag-abroad dahil sa nangyaring human trafficking sa Kalibo International Airport nitong nakaraang linggo.

Ayon kay DFA spokesperson Charles Jose, nakakabahala ang ganitong pangyayari kung kayat sa ngayon umano ay patuloy ang kanilang ginagawang pagtutok sa binubuong Inter-Agency Council Against Trafficking upang tuluyang masugpo ang problema sa human trafficking sa bansa.

Sinabi pa nito na ang illegal recruitment ay isang porma ng lumalalang human trafficking sa ngayon kung saan karamihan sa mga biktima ay mga babae.

Kaugnay nito pinayuhan naman ni Jose ang mga mamamayan na gustong makipagsapalaran  sa ibang bansa upang makapagtrabaho na kailangan sa accredited agency ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sila mag-apply.

Nabatid na nitong buwan ng Mayo ilang kababaihan ang nahuli ng immigration authorities sa Kalibo International Airport na balak sanang mag-biyahe patungong Singapore at Kuala Lumpur, Malaysia dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.

Napag-alaman din na ang nasabing paliparan ang ginagamit ng mga biktima ng human trafficking mula pa sa ibat-ibang lugar sa bansa dahil sa ito ay mayroong mga direct flights.

E-Trike ng Tojo Motors, muntik nang masunog sa Cagban

Posted May 29, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Nagmamadaling bumaba mula sa sinasakyang E-Trike ng Tojo Motors ang may anim nitong pasahero.

Kakalabas lamang kasi nito mula sa Cagban Port pasado alas 2:00 kaninang hapon nang pumalya habang nasa paakyat na bahagi na ng kalsada.

Sa labis na pagtataka ng driver, kaagad niyang itinabi ang E-Trike at tiningnan.

Kaagad din itong tumawag ng ‘rescue’ sa kanyang mga kasama matapos makitang umaapoy na ang kable sa likurang upuan ng sasakyan.

Maliban dito, may usok na rin palang lumalabas sa bahagi ng kisame nito na nasaksihan din ng ilang pasahero.

Duda naman ang ilang napadaan sa lugar na faulty electrical wiring ang sanhi ng insidente.

Samantala, nabatid na ikinabahala din mga pasahero ng mga sumunod ditong sasakyan ang pagpalya ng nasabing E-Trike lalo pa’t delikado kapag hindi naka-buwelo ang mga umaakyat doon.

Dump truck sa Sitio Bolabog, binangga ng motorsiklo; driver na lasing, nagpakilala pang pulis

Posted May 29, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Nasira na ang minamanehong dump truck, kinuha pa ang lisensya.

Ito ang sinapit ng driver na si Jaypee Aurelio ng Barangay Balabag matapos mabangga ng isang motorsiklo kagabi sa Sitio Bolabog Boracay.

Base sa report ng Boracay PNP, nangyari ang insidente nang magdi-deliver sana ito ng lupa sa isang resort doon.

Nasa access road na umano ito nang mabangga ng itim at walang plate number na Honda XRM ang kanyang minamanehong dump truck.

Minarapat naman ng driver na ipasok ang truck sa resort upang makaiwas sa traffic sa kabila ng pinsalang tinamo ng bumper nito.

Subali’t tinutukan umano ng baril ng driver ng XRM ang sekyu ng resort upang makapasok ito doon saka kinompronta si Aurelio.

Kinuha din umano nito ang driver’s license ng huli at umalis.

Samantala, base pa sa impormasyon, lasing ang driver ng XRM at nagpakilala pang pulis na ikinadismaya naman ng mga taga Boracay PNP.

Thursday, May 28, 2015

Sea Air plane ng Air Juan, balak na mag-operate sa isla ng Boracay

Posted May 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Sea Air plane Air JuanBalak ngayong pasukin ng kumpanyang Air Juan ang isla ng Boracay para makapag-operate sa pamamagitan ng kanilang Sea Air plane.

Sa ginanap na 18th regular SB Session ng Malay nitong Martes dumalo rito si Jose Rafael Ledesma Presidente ng Air Juan para ipaabot ang kanilang kahilingan.

Ayon kay Ledesma ang Sea Air plane ay puweding makapagsakay ng 9 na pasahero at puwedi din umano itong makalapag sa dagat o sa maliit na paliparan.

Dito tinukoy din ni Ledesma ang kanilang ibat-ibang serbisyo katulad ng mabilisang biyahe para sa mga turista mula sa Boracay o papuntang Palawan at Manila.

Maliban dito, maaari din umano itong gamitin sakaling mayroong emergency na mula sa Boracay na kinakailangang dalhin sa ospital sa mainland.

Kaugnay nito, nais namang tiyakin ng Sangguniang Bayan ng Malay kung ang nasabing Sea Air ay ligtas na gamitin para sa mga pasahero at kung ano ang epekto nito sa isla ng Boracay.

Samantala, sasailalim naman sa Committee Hearing ang Air Juan at SB Malay ngayong darating na Lunes kasama ang ibat-ibang transport groups, Philippine Coastguard, Maritime Police, Boracay Foundation Inc. (BFI) at ilang pang concern agencies upang sumailalim sa ilang deliberasyon.

Provincial Veterinarian Office makikiisa sa “Gobyerno sa Baryo” ng Aklan Government

Posted May 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Makikiisa ang opisina ng Provincial Veterinarian Office sa programang “Gobyerno sa Baryo” ng Aklan Provincial Government.

Ito ay sa pangunguna ni Congressman Teodorico Haresco, Governor Joeben Miraflores at Vice Governor Billie Calizo-Quimpo na gaganapin sa Brgy. Balusbos, Malay, Aklan ngayong araw ng Sabado simula alas-8 ng umaga.

Dahil dito hinihikayat ng Veterinarian Office ang mga may-alagang hayop sa Malay na dalhin ito sa nasabing lugar para makakuha ng libreng gamot at serbisyo ng beterinaryo.

Kabilang naman sa kanilang ibibigay na serbisyo ay ang pagbakuna sa aso at pusa pag-artificial insemination/pregnancy diagnosis sa baka at kalabaw pagpurga, pagbibigay ng bitamina, kunsultasyon o paggamot sa mga manok, baboy, kalabaw at kambing.

Samantala, layunin ng “Gobyerno sa Baryo”ay maidala sa mga kabaranggayan ang ibat-ibang programa ng sa gayon ay mabigyan ng libreng serbisyo ang mga mamamayan na nasa malalayong lugar.

Wednesday, May 27, 2015

Ilang problema sa Kalibo International Airport unti-unti ng nabibigyan ng solusyon

Posted May 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kilala ang Kalibo International Airport (KIA) na isa sa pinaka-abalang paliparan sa bansa dahil sa dami ng International flights na tinatanggap nito araw-araw.

Kung kayat ilang problema na rin ang naranasan ng nasabing paliparan lalo na at medyo may kaliitan ang run way ngunit ngayon Hunyo ay malapit ng matapos ang 300 meters extension nito.

Ayon naman kay CAAP Kalibo airport manager Martin Terre, maganda na ang flow ng traffic sa nasabing paliparan kung saan mayroon din umano silang restriction sa loading area at unloading area matapos ang ilang pagsasaayos.

Nabatid na isa sa mga naging problema ng Kalibo International Airport ay ang tungkol sa loading at unloading area dahil sa nagkakasikip ang mga pasahero rito at walang kaukulang pasilidad.

Samantala, maliban dito sinabi din ni Terre na patuloy nilang inaayos ang mga transportation vehicle sa labas ng paliparan kung saan dumarami ang mga transport groups na may biyaheng Caticlan.

Kaugnay nito maganda namang ibinalita ni Terre na maraming mga International Airline Company ang gustong mag-operate sa Kalibo International Airport at magdala ng maraming turista mula sa ibat-ibang panig ng mundo na gustong magbakasyon sa Boracay.

Day time delivery ng mga truck sa Boracay, balik sa normal bukas matapos ang APEC

Posted May 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for mainroad sa BoracayEpektibo bukas araw ng Huwebes balik na sa normal ang biyahe ng mga delivery truck sa Boracay matapos ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting  nitong Linggo.

Ayon kay Malay Transportation Officer Cesar Oczon, maaari na umanong makapagbiyahe ang mga truck tuwing day-time ngunit magsisimula umano ito ng alas-9 ng umaga hanggang alas-11 ng tanghali at sa hapon naman ay alas-2 hanggang alas-4 ng hapon at tuwing gabi ay alas-8 hanggang alas-12 ng hating gabi.

Bagamat bumalik na sa normal ang biyahe hindi naman umano nila pinapayagan ang pag-deliver ng mga elongated materials tuwing day-time katulad na lamang ng kawayan at kabilya kung saan ang itinakdang oras rito ay alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw base sa traffic code.

Sinabi pa ni Oczon na ang lahat ng mag-dedeliver mula sa Cagban Port papuntang station 2 at Yapak proper ay dadaan sa AKY Tulubhan palabas ng Lying Inn Laketown kasama na ang mga resort service vehicle.

Samantala, itutuloy naman umano nila ang pagpapatupad ng re-routing sa D’mall area para mabawasan ang bigat ng trapiko sa nasabing lugar.

Spaghetti wire ng mga kuryente sa Boracay aaksyonan na ng SB Malay

Posted May 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bibigyan umano ng aksyon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang mga sanga-sanga o spaghetti wire ng kuryente sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na ipatawag sa ika-18th regular SB Session ng Malay nitong Martes ang isang kumpanya ng cable television sa Malay para ipaabot ang kanilang bagong serbisyo ngayon.

Dahil dito sinabi ni Manoc-manoc Brgy. Captain at Liga President Abram Sualog na dapat ang lahat ng mga kable ng kuryente ay naka-underground na para hindi pangit tingnan sa mga mata ng turista.

Kasama umano rito ang linya ng kable ng kuryente ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) at lahat ng telecommunication company sa isla ng Boracay.

Ayon naman kay Vice Mayor Gelito gagawin umano nila ito ng agarang aksyon bagamat dadaan pa sa ilang deliberasyon ng SB Malay.

Nabatid na halos sanga-sanga na ngayon ang mga kable ng kuryente sa Boracay dahil sa sobrang dami ng establisyemento na kalimitan namang nakikita sa mainroad area.