Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay
Lungkot ang naramdaman ng Simbahang Katoliko sa Boracay dahil sa magkakasunod na mga kaso ng pang-aabandona ng mga sanggol sa isla.
Ayon kay Fr. Joel Zambrona ng Our Lady of Holy Rosary Parish Church sa isla ng Boracay, nakakalungkot umano ang mga pangyayaring ito lalo na at alam naman ng lahat na ang buhay ay isang mahalaga at sagradong bagay na hindi basta-basta lang sinisira.
Anya, kahit ang mga parokyano ng nasabing parokya ay nagpahayag din ng kani-kanilang mga saloobin, at ang iba umano ay nakaramdam ng inis at galit sa kung sinumang gumawa ng bagay na ito.
Dagdag pa nito, hindi naman kasi umano lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na maging isang magulang at mabiyayaan ng anak, ngunit bakit may mga tao pang nagagawang sayangin ang pagkakataon kapag sa kanila ito ibinibigay.
Dahil dito, sinabi ni Fr. Zambrona na hindi solusyon ang pagpapalaglag, lalo na sa mga kasong pagbubuntis ng wala sa oras o na hindi napapanagutan, dahil hindi kayang maayos ng isa pang problema ang nauna nang kamalian.
Sa kabilang banda, nanawagan din siya sa mga naiinis o nagalit sa gumawa ng bagay na ito na sana ay maawa din umano sa taong ito dahil hindi niya siguro alam ang kanyang ginagawa.
Ipagdasal na lang din sana ang taong gumawa nito na sa susunod na mabigyan siya ulit ng pagkakataon na maging isang magulang ay panindigan na niya ang kanyang responsibilidad.
Ipinaaabot niya rin sa mga indibidwal na may ganitong klaseng problema na sana ay ituloy na lang ang pagbubuntis at ipanganak ng maayos ang bata.
At kung hindi na kaya, naniniwala naman ang pari na may mga tutulong sa mga ito.
Nanawagan din siya sa mga magulang na sana ay gabayan nila ng maayos ang kanilang mga anak dahil responsibilidad nilang turuan ang mga kabataan, at kung magagabayan lang ay hindi naman umano mapapariwara ang mga ito.
Sa mga kabataan naman, sana ay makinig sa mga magulang dahil hindi naman nawawala ang pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Ihinayag niya rin ang kanyang hamon sa bagong henerasyon na magsilbing halimbawa sa kanilang kapwa kabataan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga masasamang gawain, bisyo, at huwag makalimot sa mga “Christian values” para hindi mapariwara.
Ang nasabing mga reaksyon ay may kaugnayan sa natagpuang labi ng fetus na pinag-hihinalaang nasa anim na buwang gulang at itinapon sa loob ng material recovery facility (MRF) ng Brgy. Manoc-manoc, Boracay.
Matatandaang nitong buwan lang din ay may natagpuang bata sa nasabi ding barangay na sa kabutihang palad ay nabuhay at sa kasalukuyan ay nagre-recover na. #pnl052013