YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 21, 2017

Mandatory drug test sa empleyado ng LGU-Malay, dapat isailalim sa random testing- Aguirre

Posted January 21, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for RANDOM TESTING“Random Testing”.

Ito ngayon ang suhestyon ni Executive Assistant IV Rowen Aguirre sa nakatakdang mandatory drug test sa empleyado ng LGU-Malay.

Sa panayam ng himpilang ito, kwenistyon nito kung ano ba ang purpose ng mandatory drug test o baka umano gusto lang natin dito na makisabay sa uso dahil merong kampanya ang Duterte administration sa iligal na droga.

Aniya, ang nakikita niyang dapat gawin dito ay kung may mga aplikante sa munisipyo, pwede itong isailalim sa mandatory drugtest.

Dagdag pa ni Aguirre meron pa umanong tinatawag na Random Testing kung saan ang sasailalim lang dito ay yaong hindi nakapag-handa at pipiliin lang kung sino umano ang mukhang adik.

Kaugnay nito, resulusyon palang umano ito ng Sangguniang Bayan ng Malay at wala siyang ideya kung si Mayor Cawaling ay mag-oorder nito na gawin dahil isa ring katanungan dito ay kung sino ang magbabayad kapag sumailalim na ang mga ito sa drugtest.

Accreditation sa Cagban Jetty Port, sinimulan na

Posted January 21, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for accreditationSinimulan na ngayon ng Cagban Jetty Port ang accreditation para sa mga operators ng Sea Craft at mga sasakyang pumapasok sa nabanggit na pantalan sa Boracay.

Ayon kay Special Operation 3 Jean Pontero ng Cagban Jetty Port, nagsisimula na umano silang tumanggap ng mga magpapa-accredit na mga sasakyan at Sea Craft maliban lang sa motorsiklo.

Aniya, nakatakda umano ang implementasyon nito sa Pebrero a-uno kung saan ang mga hindi umano kukuha ng akreditasyon magmula sa kanila ay hindi nila pahihintulutan na makapasok sa nasabing port.

Nabatid kasi na ipinagbabawal makapasok sa Cagban Jetty Port ang mga sasakyan na walang mga stickers at hindi nakapag-renew.

Ang nasabing accreditation ay para mas masiguro ang seguridad at mas maging organisado ang byahe sa Cagban Jetty Port.

Friday, January 20, 2017

Overcharging ng mga tricycle drivers sa Cagban Jettyport, tinalakay sa SB session

Posted January 20, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Pinag-usapan na sa nakaraang 3rd Regular Session ng SB Malay ang tungkol sa singilan ng traysikel sa loob ng Cagban Jetty Port.


Nag-ugat ang isyu ng singilin si SB Jupiter Gallenero ng P 120 ng drayber para sa chartered trip papuntang Manoc-manoc na ayon sa huli ay dapat P 100 lang kung taripa ang pagbabasehan.

Depensa ng drayber, may binabayaran sila na parking fee at para sa BLTMPC rason na ikinarga niya ito sa pagsingil sa konsehal.

Sa pagharap ni Jetty Port PG- III Alexander Valero, ang pagsingil ng parking fee na P 15 ay base umano sa Provincial Ordinance na ipinapatupad sa jettyport kabilang na ang mga 4-wheel vehicle na pumapasok at pumipila.

Ang ipinagtataka ni Gallenero ay kung bakit sa pasahero ito ikinakarga na ang dapat ay kung ano ang nakasaad sa taripa ay iyon ang dapat na isingil.

Rekomendasyon ng SB na dapat ay i-apela ito ng BLTMPC sa Provincial Government para exempted na ang mga traysikel sa loob ng Jetty Port dahil hindi naman tumatagal sa pagpila ang mga ito sa terminal area na inilaan sa kanila.

Samantala. ayon naman sa BLTMPC ang P 5 naman na kanilang kinokolekta ay para sa general fund ng kooperatiba na siyang pinapasahod sa mga dispatcher at mga workers ng coop.

Sa ngayon, balak ng SB na tulungan ang BLTMPC na mai-dulog ang usapin sa probinsya nang sa ganun ay hindi na ito maging pasanin pa ng drayber at pasahero.


Thursday, January 19, 2017

Popular na Asia’s First Grand Master ng chess, nasa Aklan

Posted January 19, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for National Open Chess TournamentNandito ngayon sa Bayan ng Kalibo ang popular na Asia's first Grand Master na si Eugene Torre sa mundo ng chess.

Nabatid na pinangunahan nito ang opening ng National Open Chess Tournament sa probinsya ng Aklan na isang three- day activities ng National Open Chess Tournament Championship at National Age Group Chess Championship sa isang mall sa Kalibo.

Kaugnay nito, nagpakitang gilas naman ang mga atletang lumahok sa naturang tournament na nanggaling pa sa iba’t- ibang bansa, kasabay din na nagpakitang gilas si Grand Master sa pagsabak niya sa 10-chess board simultaneous exhibition.

increase font sizeSamantala, mananatili naman si Torre hanggang bukas para sa pagtatapos ng nasabing tournament.

SB Pagsuguiron nag-inhibit sa usapin ng Snorkeling Ticket

Posted January 19, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

“I inhibit myself”.

Ito ang naging pahayag ni SB Dante Pagsuguiron sa ginanap na 3rd Regular Session ng SB Malay kaugnay sa pagpapatawag sa committee hearing sa snorkeling activities.

Aniya, napag-usapan na umano ng matagal ang naturang isyu at hanggang ngayon ay wala pa ring nakikinig kaya minabuti nitong i-refer na lamang ang isyu sa Committee on Environment at Committee on Transportation.

Bagamat na hindi na sasali si Pagsuguiron sa naturang isyu, ipagkakatiwala na lamang daw niya ito sa kanyang mga miyembro sa Committee on Tourism kung saan siya ang chairman.

Suhestyon pa nito na magpokus din umano sa lugar ng Yapak at Balabag dahil ang mga nabanggit na lugar ay kasama din umano sa snorkeling activities.

Pahabol din nito na kung maaari ay bigyan umano ng Treasurer’s Office ng impormasyon ang komite kaugnay sa kung ilan ang naging koleksyon sa mga snorkeling activities.

Matatandaan na naging kontrobersyal at maka-ilang ulit ng tinalakay sa Sangguniang Bayan ang usapin sa snorkeling tickets dahil umano sa anolmalya sa pagsingil at pangangasiwa dito.

“No Anchorage Policy” sa mga motorbanca sa Boracay, isusulong

Posted January 19, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Naging laman ng privilege speech ang pag- angkla ng mga motorbancas sa snorkeling area Sitio Tambisaan sa nakaraang 3rd Regular Session ng SB Malay.


Ayon kay SB Jupiter Gallenero, nagiging problema umano ang pag- anchor ng mga motorbancas sa dagat kung saan nasisira ang mga coral reefs na iniingatan para sa snorkelling activities.

Ang usaping ito ay kailangang ma- monitor ng maayos at kung kinakailangan na maglatag ng mga life bouy para doon na lamang ikonekta ang mga mga motorbancas sa halip na mag-angkla.

Pahabol pa ni Gallenero, baka dumating ang araw na wala na ang magtangkilik sa mga snorkeling activities dahil sa pagkasira ng mga corals.

Nagbigay naman ng panig si Vice Mayor Abram Sualog na ipatawag ang atensyon ng Environment Department para sa pagsasagawa ng agarang aksyon.

Ayon naman kay Bautista, kailangan ding gumawa ng mga hakbang ang BIHA katuwang ang Boracay Foundations Inc. (BFI) kung hindi makapag-proprovide ng bouy ang lokal na pamahalaan ng Malay.

Samantala, sa susunod na sesyon ay ipatatawag naman ang komite ng transporstasyon , environment at tourism para pag-usapan ang mga hakbang na gagawin.

Sunog sumiklab sa Hagdan Boracay, imbestigasyon nagpapatuloy

Posted January 19, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Boracay Special Fire Protection Unit (BISFPU) sa nangyaring sunog kagabi sa Sitio Hagdan, Brgy. Yapak, Boracay.

Ayon kay Fire Officer 1 Sandro Fernando, nakatanggap umano sila ng tawag pasado alas-7 ng gabi na meron umanong nasusunog na bahay sa lugar kung saan agad naman nilang ni-respondihan.

Tinupok ang dalawang bahay kung saan ang isa dito ay totally burned na pagmamay-ari ni Jonelyn Delos Reyes habang ang isa naman na partially burned ay sa kapatid nitong si Aniceto Delos Reyes.

Ani Jonelyn, walang tao ang kanilang bahay ng mangyari ang pagsiklab ng apoy kung saan palaisipan din sa kanya kung bakit nagkasunog dahil sa wala silang kuryente sa mga oras na iyon.

Bagamat mabilis ang responde ng mga bombero, ang makipot na daan paakyat at malakas na ihip ng hangin ang nag-pahirap para apulahin ang sunog na umabot ng isang-oras bago i-deneklarang fire-out.

Samantala, umabot sa humigit kumulang kalahating milyon ang iniwang danyos ng naturang sunog sa tatlong kabahayan.

Naging katuwang naman Boracay BFP ang ibang mga responders na tumulong kagaya ng BFRAV, BIWC, KABALIKAT CIVICOM, PCGA, PARDSS, MDRRMO at mga residente na tumulong para maapula ang apoy.

Sa ngayon ay inaalam pa ng Boracay Fire ang sanhi o pinagmulan ng apoy sa nagyaring sunog .

Lalaki sinaksak ng kainuman sa Boracay

Posted January 19, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for stabbing
Di sukat akalain ng biktima na siya umano ay sasaksakin ng kanyang kainuman sa Sitio Lugutan, Brgy. Manoc- Manoc, kahapon.


Sa blotter report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), kinilala ang biktima na si Mark Anthony Royo Riano, 25-anyos, tubong Sibuyan, Romblon at pansamantalang nanunuluyan sa naturang lugar habang ang suspek Naman ay kinilalang si Aniceto Salo Salahid, 54- anyos residente ng naturang ring lugar.

Batay sa report, papauwi na ang biktima sa kanilang bahay ng alokin ito ng kanyang kainuman na bilhin ang isang transistor radio ngunit kanya naman itong tinanggihan.

Dahil dito, agad na nagalit si Salo kung saan agad itong kumuha ng kitchen knife at sinaksak ang biktima sa kanyang kaliwang beywang.

Agad namang tumawag ng police assistance ang biktima at isinugod ito sa isang klinika para sa kanyang agarang medikasyon.

Samantala, inaresto naman ang suspek kung saan nasa kustodiya na ito ng Boracay PNP.

Moratorium sa Single Motorbike sa Boracay, tuloy parin

Posted January 19, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for motorbikeTuloy parin umano ang moratorium sa pagbibigay ng Permit to Transport o (PTT) sa lahat ng sasakyan partikular ang single motorbike ayon kay Executive Assistant IV Rowen Aguirre ng LGU-Malay.

Sinabi nito na eksklusibo lang ang renewal sa meron ng hawak na Permit to Transport.

Nabatid noong Setyembre ng nakaraang taon ay nagbaba ng Memorandum Order No. 2016-42 ang LGU Malay sa pamamagitan ng Transportation Office kung saan nakapaloob dito ang pag-suspendi ng pag-issue ng transport o permit to operate ng mga single motorcycle sa isla.

Ang dumaraming bilang ng motorsiklo at laganap na illegal operation kagaya ng pamamasada ng single-motorbike sa isla ang nakitang dahilan ng nasabing Memorandum.

Payo ng LGU Malay, huwag munang bumili ng bagong motorsiklo at itawid sa Boracay dahil sa ngayon ay hindi pa sila makakapagbigay ng permit.

Kung sakali naman na maaktuhan ang mga driver na nagmamaheho ng motorsiklo na walang permit to transport ay huhulihin ang mga ito ng MAP at bibigyan ng kaukulang penalidad.

Samantala, mahigpit na pina-alalahanan ni Aguirre ang mga may-ari ng motorsiklo na huwag subukan na magpagawa ng pekeng permit to transport dahil ipinagbabawal din ito ng batas.

Wednesday, January 18, 2017

Renewal ng Business Permit, walang pinagbago- Aguirre

Posted January 18, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for malay rowen aguireWala naman umanong pinagbago o dinagdag ang Local Government Unit ng Malay sa mga requirements para sa renewal ng mga Business Permit para sa taong 2017.

Ayon kay Executive Assistant IV Rowen Aguirre, wala naman umanong idinagdag na requirements para sa pag-proseso o pag-renew ng business license.

Nabatid kasi na may idinagdag noon na requirements katulad ng  SSS at PHILHEALTH para sa mga empleyado maliban sa pagkuha ng health card at PESO Certificate na taunang nire-renew.

Kaugnay nito, ang aktwal umano na pag-renew ng Business Permit ay hanggang Enero 20 subalit sa nakasanayan maaring ma-extend ito hanggang 3rd week ng buwan ng Pebrero base na rin sa kahilingan ng SB Malay.

Samantala, sinabi naman ni Aguirre na importante sa kanila na binibilang ang oras sa pag-proseso ng dokumento kung saan paalala nito na dapat kumpletuhin muna ang papeles para  sa pag-renew upang mapadali ang kanilang pagkuha ng permit.

Tuesday, January 17, 2017

“No smoking policy”, ipapatupad sa Bayan ng Kalibo


Posted January 17, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for no smoking policy
Nag-apela ang lokal na pamahalaan ng Kalibo kaugnay sa pagbabawal ng paninigarilyo bilang tugon narin sa kanilang ordinansa.


Nabatid na,nagpasa ng isang ordinansa ang Sangguniang Bayan na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at conveyances kasama na rin dito ang paggamit ng electronic na sigarilyo.

Ayon kay Kalibo Mayor William Lachica ang ordinansa ay magkakabisa sa buwan ng Marso.

Gayunman, ang lokal na pamahalaan ay nagsisimula na sa disiminasyon ng impormasyon ng kampanyang ito kung saan ang target nila ay ang Kalibo Public Market.

Sa ngayon, ay mayroong dalawang mall na ang nagbabawal ng paninigarilyo sa loob ng kanilang lugar.

Dagdag pa rito, naki-isa sa naganap na street dance party sa Bayan ng Kalibo ang mga nagtataguyod ng Lokal smoke-free sa festival area ng Ati-atihan, kasama ang kanilang streamers na humihiling sa publiko na iwasan na ang naturang bisyo.

Samantala, sa 17 bayan sa Probinsya ng Aklan, hindi bababa sa walo ang mayroong anti-smoking ordinances kabilang na dito ang Ibajay at Buruanga.